2016
Bakit Natin Kailangan ang Aklat ni Mormon?
September 2016


Paano Ko Nalaman

Bakit Natin Kailangan ang Aklat ni Mormon?

Ang awtor ay naninirahan sa Pilipinas.

Palagi akong umaasa sa iba para sa patotoo sa Aklat ni Mormon, pero nagpasiya akong panahon na para magkaroon ako nito sa aking sarili.

Larawan
Book of Mormon timeline

Bakit natin kailangan ang Aklat ni Mormon samantalang mayroon na tayong Biblia? Pinag-isipan ko nang husto ang tanong na ito. Noong tinedyer ako, gusto kong malaman ang tungkol sa Aklat ni Mormon, pero hindi ako nahikayat na basahin ito. Una, wala namang humikayat sa akin na basahin ito sa bahay dahil ako lang ang miyembro ng Simbahan sa pamilya ko, maliban sa lolo ko na sumakabilang-buhay na.

Isang araw ng Linggo sa isang testimony meeting, maraming miyembro ang nagpatotoo tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon, na kailan lamang ay sinimulan kong pag-alinlanganan. Hinamon nila ang mga hindi pa nakakabasa nito na magkaroon ng sariling patotoo na ang Aklat ni Mormon ay totoo, na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Diyos sa lupa.

Inisip ko kung ang aking patotoo tungkol sa Simbahan at kay Joseph Smith ay matatag na para mapaglabanan ang tukso at pang-aakit ni Satanas. Natanto ko na hindi. Ang aking patotoo ay mahina dahil umaasa lamang ako sa mga patotoo ng mga lider at miyembro. Nangako ako sa aking sarili na simula sa araw na iyon, ako ay maghahangad ng sarili kong patotoo.

Nagpasiya akong basahin ang Aklat ni Mormon. Sa pambungad ay nabasa ko, “Inaanyayahan namin ang lahat ng tao sa lahat ng dako na basahin ang Aklat ni Mormon, pagbulay-bulayin sa kanilang mga puso ang mensaheng nilalaman nito, at itanong sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo kung ang aklat ay totoo. Yaong mga magpapatuloy sa paraang ito at magtatanong nang may pananampalataya ay magtatamo ng patotoo ng katotohanan at kabanalan nito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. (Tingnan sa Moroni 10:3–5.)” Alam ko na ako mismo ay inaanyayahang basahin ang Aklat ni Mormon. Habang patuloy akong nagbabasa, nadama ko ang payapang damdamin mula sa Espiritu Santo na nagpapatotoo sa kabanalan at katotohanan ng aklat.

Larawan
Book of Mormon timeline 2

Nalaman ko na ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo tungkol kay Cristo, at nahihiya ako sa pag-aalinlangan sa katotohanan nito. Sa paaralan ay nalaman ko kung paano pinag-aaralang mabuti ng mga hukom ang katibayan ng kaso bago sila maghusga. Kabaligtaran ang ginawa ko sa Aklat ni Mormon: hinatulan ko ito bago basahin.

Natapos ko ang pagbabasa nang may mapagpakumbabang puso at tapang na ipagtanggol ang aking pinaniniwalaan. Gayundin, masaya ako dahil mayroon akong kasama habang binabasa kong muli ang Aklat ni Mormon. Nabinyagan ang lola ko bago ko natapos basahin ang Aklat ni Mormon sa unang pagkakataon.

May matibay akong patotoo na si Jesucristo ang aking Tagapagligtas, na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos, at na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tunay at buhay na Simbahan ng Diyos dito sa lupa.