2016
Paano Magpakita ng Pasasalamat
September 2016


Mga Sagot mula sa mga Lider ng Simbahan

Paano Magpakita ng Pasasalamat

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1992.

Larawan
young woman

Lubos kong pinasasalamatan ang nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang Pagbabayad-sala ang pundasyong pinagsasaligan ng lahat ng katotohanan ng ebanghelyo. …

Ang pasasalamat ay pagpapakita ng pagpapahalaga, na tumutulong sa atin na magpakumbaba, dahil kinikilala natin ang pagpapakita ng kabaitan, paglilingkod, o pagmamalasakit ng iba na nagpapasigla at nagpapalakas sa atin.

Ang kawalan ng pasasalamat ay ang hindi pagkakaroon ng kamalayan o hindi pagkilala sa tulong na ibinibigay ng iba sa atin, o ang mas malala pa, kapag alam natin na natulungan tayo ngunit hindi tayo nagpapahayag ng pasasalamat.

Sa tahimik na paraan, ang pagpapahayag at damdamin ng pasasalamat ay nakalilinis at nakagagaling. Ang pasasalamat ay naghahatid ng sigla kapwa sa mga nagbibigay at tumatanggap nito.

Ang pasasalamat sa ating Ama sa Langit na ipinahahayag sa panalangin ay nakapagdadala ng kapayapaan—kapayapaang poprotekta sa ating kaluluwa mula sa pagkasira na sanhi ng mga bagay na wala tayo. Ang pasasalamat ay naghahatid ng kapayapaan na tumutulong sa atin na madaig ang sakit ng paghihirap at kabiguan. Ang araw-araw na pasasalamat ay pagpapakita ng pagpapahalaga sa kung anong mayroon tayo ngayon, anuman ang mayroon tayo noon o anuman ang nais nating makamtan sa hinaharap. Ang pagkilala at pagpapahalaga sa mga kaloob at talentong ibinigay sa atin ay tinutulutan din tayong kilalanin na kailangan din natin ng tulong mula sa mga kakayahan at talento ng ibang tao.

Ang pasasalamat ay isang banal na alituntunin:

“Pasalamatan ninyo ang Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng bagay” (D at T 59:7).

Ang ibig sabihin ng banal na kasulatang ito ay dapat tayong magpasalamat sa mga nangyayari sa atin, hindi lamang para sa mabubuting bagay sa buhay kundi maging sa mga oposisyon at pagsubok na nagdaragdag sa ating karanasan at pananampalataya. Inilalagay natin ang ating buhay sa Kanyang mga kamay, na nauunawaan na ang lahat ng mangyayari ay para sa ating karanasan.

Kapag sinasabi natin ang “Inyong kalooban ang masusunod” sa ating panalangin, ipinapahayag natin ang ating pananampalataya at pasasalamat at tinatanggap natin ang anumang mangyayari sa ating buhay.

Nawa’y makadama tayo ng tunay na pasasalamat sa kabaitan ng Diyos at sa lahat ng mga pagpapalang ipinagkaloob Niya sa atin at nawa’y ipahayag natin ang pasasalamat na ito sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin.