2022
Ang Ipinangakong Mesiyas
Disyembre 2022


“Ang Ipinangakong Mesiyas,” Liahona, Dis. 2022.

Ang Ipinangakong Mesiyas

Mula sa panahon ni Adan, tinawag ng Diyos ang Kanyang mga tagapaglingkod upang patotohanan ang pagdating ng isang Mesiyas na magbibigay ng pagmamahal, pag-asa, at kagalakan.

Larawan
Sina Maria at Jose kasama ang sanggol na si Jesus

Behold the Lamb of God [Narito ang Kordero ng Diyos], ni Walter Rane

Hindi nakagugulat na sa pagsilang ni Jesus sa Betlehem, nagpakita ang mga anghel at nagsabing, “Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan” (Lucas2:14). Nagalak silang malaman na ang munting sanggol na ito ang magbubukas ng pintuan tungo sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan. Ganap na nararapat na isang bituin ang lilitaw upang magbigay-liwanag sa kalangitan upang parangalan ang pagpasok sa mortal na buhay ng Bugtong na Anak ng Pinakamakapangyarihang Diyos.

Ang mga propeta ay nagpatotoo sa loob ng napakaraming taon tungkol sa pagsilang ng isang ipinangakong Mesiyas, isang taong “[tu]tubusin ang lahat ng yaong maniniwala sa kanyang pangalan” (Helaman 14:2).

Ipinropesiya ni Isaias, “Kaya’t ang Panginoon mismo ang magbibigay sa inyo ng tanda. Narito, isang birhen ang maglilihi, at manganganak ng isang lalaki, at kanyang tatawagin ang kanyang pangalan na Emmanuel” (Isaias 7:14).

Ipinahayag ni Mikas: “Ngunit ikaw, Bethlehem sa Efrata, na maliit upang mapabilang sa mga angkan ng Juda, mula sa iyo ay lalabas para sa akin ang isa na magiging pinuno sa Israel; na ang pinagmulan ay mula nang una mula nang walang hanggan” (Mikas 5:2).

Nakita ni Nephi ang isang birhen na “may dalang isang bata sa kanyang mga bisig” at sinabihan ng isang anghel na ito ay “Kordero ng Diyos, oo, maging ang Anak ng Walang Hanggang Ama!” (1 Nephi 11:22, 21).

Kapag binabasa ko ang mga pangako ng propeta tungkol sa Kanyang pagsilang—lalo na sa Kapaskuhan—nadarama ko na muling pinatototohanan ng Espiritu Santo na si Jesucristo ang Mesiyas. Habang pinag-aaralan ko ang mga salita ng Tagapagligtas at ang Kanyang buhay, nakikilala ko Siya at minamahal ko Siya dahil sa nagawa Niya para sa bawat isa sa atin. Ang diwa ng pagmamahal ay ang diwa ng Pasko.

“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16).

Ang kaloob na Anak ng Diyos ay walang katumbas na kaloob. Siya ang kaloob na gumagabay sa ating daan at tumutulong sa atin. Siya ang kaloob na sumusuporta sa atin sa mahihirap na araw ng ating paglalakbay sa buhay na ito. Siya ang kaloob na nagbibigay ng banal na pagmamahal, walang hanggang pag-asa, at tunay na kagalakan.

Banal na Pag-ibig

Kapag inisip natin ang lawak ng paglikha na ginawa ni Jehova sa ilalim ng pamamahala ng Kanyang Ama, likas tayong namamangha sa Kanyang kapangyarihan at nakadarama ng pagnanais na sambahin Siya. Siya ay nakahihigit sa atin. Gayunman, ang mga pangyayaring nakapalibot sa Kanyang abang mortal na pagsilang ay nagpapadama ng matinding pagmamahal.

Si Jesus ay maaaring isilang sa anumang kalagayang piliin ng Ama. Bilang katuparan ng propesiya ni Mikas (tingnan sa Mikas 5:2), si Jesus ay isinilang sa isang maliit na nayon sa maburol na lalawigan ng Judea. Malugod Siyang tinanggap ng mga abang pastol. Sinundan ng mga pantas ang isang bituin upang sambahin Siya. Kinatakutan Siya ng mga namumuno sa pulitika. Kinailangang tumakas ng kanyang mga magulang patungo sa ibang bansa upang iligtas Siya.

Noong ligtas nang bumalik, sina Maria at Jose ay pinapunta sa isang hindi kapansin-pansing nayon sa mga burol ng Galilea. Gumugol si Jesus nang halos 30 taon doon bago sinimulan sa mga tao ang Kanyang ministeryo ng pagmamahal.

Piniling manaog ni Jesucristo mula sa Kanyang luklukan sa kanang kamay ng Ama upang Siya ay maging mortal. Ginawa Niya ito dahil sa pagmamahal sa bawat anak ng Kanyang Ama na isisilang sa mundo, at kabilang kayo at ako rito.

Sa Kanyang ministeryo, hindi itinuring ni Jesus na may kaibahan ang mayayaman at mahirap, lalaki at babae, bata at matanda, malusog at mahina. Hindi niya iniwasan ang mga taong kabilang sa iba’t ibang relihiyon o kultura. Minahal Niya ang lahat. Minamahal Niya ang lahat.

“Tayo’y umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin” (1 Juan 4:19). Sabi Niya, “Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa’t isa.” (Juan 15:12).

Pag-asa ng Sanlibutan

Isang popular na Awiting Pamasko ang nagsusumamo, “O halika, O halika, Emmanuel, at tubusin ang bihag na Israel.”1

Maaaring hindi tayo bihag sa Egipto o Babilonia, tulad ng mga sinaunang Israelita, ngunit tayo ay mga bihag din—bihag ng kasalanan at kamatayan. At tulad ng Israel noong sinauna, umaasa tayong maliligtas tayo. Ang pagsilang ng “isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo, ang Panginoon” (Lucas 2:11) ay nagpabatid ng katuparan ng pag-asang iyon. Kaya nga kinakanta natin patungkol sa Betlehem, “Ang pag-asa at pangamba ngayo’y makakamtan.”2

Ang pagsilang, buhay, Pagpapako sa Krus, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ang bumubuo ng “magandang balita” (Lucas 2:10) ng pagpapagaling, kalayaan, at kaligtasan.

Nagsasalita patungkol sa Mesiyas, sinabi ni Isaias, “Ang Espiritu ng Panginoong Diyos ay sumasaakin; sapagkat hinirang ako ng Panginoon upang ipangaral ang mabuting balita sa inaapi, kanyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang magpahayag ng kalayaan sa mga bihag, at buksan ang bilangguan sa mga bilanggo” (Isaias 61:1; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Naaalala ninyo na nang simulan Niya ang Kanyang ministeryo sa lupa, binasa ni Jesucristo ang mga salitang iyon sa sinagoga sa Nazaret. Pagkatapos ay ipinahayag Niya, “Ngayo’y naganap ang kasulatang ito sa inyong pandinig” (Lucas 4:21).

Dahil ang batang Cristo ay naging Mesiyas na nagpalawak sa Kanyang ministeryo at misyon sa pamamagitan ng paggawa ng kalooban ng Ama, inililigtas Niya tayo mula sa espirituwal at pisikal na kamatayan.

“Siya ang dakilang Haring Emmanuel, na ngayon ay nakatayo sa kanang kamay ng Kanyang Ama. Siya ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo. Siya ang daan na naghahatid ng kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”3

Larawan
Si Cristo sa Getsemani

Christ in Gethsemane [Si Cristo sa Getsemani], ni Harry Anderson

Kagalakan sa Panginoon

Ang sanggol na nasa sabsaban ay ang Anak ng Diyos, na isinugo ng Ama para maging ating Tagapagligtas. Sa pamamagitan ng kagalakang nadarama natin dahil sa Kanyang pagparito, ang ating mga pasanin ay mapapagaan (tingnan sa Alma 33:23). Iyan ay dahil ang sanggol sa Betlehem na nagliligtas sa atin mula sa kasalanan at kamatayan ay makapagliligtas din sa atin mula sa kalungkutan, pag-aalinlangan, takot, at pasakit.

Naaalala ninyo ang mga salitang itinuro ni Jacob tungkol sa pagparito ng Banal ng Israel:

“O kaydakila ng kabanalan ng ating Diyos! Sapagkat nalalaman niya ang lahat ng bagay, at walang anumang bagay na hindi niya alam.

“At siya ay paparito sa daigdig upang kanyang mailigtas ang lahat ng tao kung sila ay makikinig sa kanyang tinig; sapagkat masdan, kanyang titiisin ang sakit ng lahat ng tao, oo, ang sakit ng bawat nilalang, kapwa lalaki, babae, at mga bata, na kabilang sa mag-anak ni Adan.

“At titiisin niya ito upang ang pagkabuhay na mag-uli ay maganap sa lahat ng tao, upang ang lahat ay tumayo sa harapan niya sa dakila at araw ng paghuhukom” (2 Nephi 9:20–22).

Para mapasaatin ang diwa ng Pasko, hindi lamang natin binabasa ang Kanyang mga salita at pinag-aaralan ang Kanyang buhay kundi kumikilos din ayon sa natututunan natin. Kabilang diyan ang pagpapakain sa mga tupa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagtitipon sa kanila sa Kanyang kawan. Nagtitipon tayo kapag ibinabahagi natin ang kagalakang nadarama natin dahil sa Kanyang pagsilang at dahil sa Panunumbalik ng Kanyang ebanghelyo. Kung tayo ay nasa landas na nilayon ng Panginoon para sa atin, mapapasaatin ang Kanyang liwanag upang maipakita sa iba ang daan patungo sa Kanya.

Maaaring mahirap ang buhay, at ang mapaghamong panahon ay maaaring sumubok sa ating pananampalataya. Kapag naharap tayo sa pagsubok at trahedya, maaaring isipin natin kung ang ating pananampalataya sa Anak ng Diyos ay walang kabuluhang pag-asa. Ngunit ang mga pagsubok ay nilayon upang ilapit tayo sa Tagapagligtas upang matulungan Niya tayo na mas mailapit ang iba sa Kanya. Kapag ibinabahagi natin ang “[kagalakan]” (3 Nephi 1:13) ng Kanyang pagparito, tayo ay tumutulong at nagpapalambot ng mga puso. Ipinapangako ko na darating ang araw na iyon, kung hindi pa man dumarating, kung kailan ang inyong pananampalataya sa Kanyang pagparito ay pagtitibayin. Iyan ay magiging isang masayang araw.

Ang Pasko ay panahon ng pagmamahal, pag-asa, at kagalakan. Panahon din ito ng pasasalamat at pagninilay. Sa Kapaskuhan gumagawa tayo ng mga bagong alaala at pinapanariwa ang mga dating alaala. Nangungulila tayo sa pamilya at mga kaibigan na pumanaw na. Iniisip natin ang lumipas na mga taon at ano ang idudulot ng bagong taon. At sa gitna ng ating paggunita, nagpapasalamat tayo sa Diyos para sa maluwalhating kaloob na “[tinawag na] Kamanghamanghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan” (Isaias 9:6).

Nawa’y puspusin ng diwa ng kaloob na iyon ng Pasko ang inyong puso sa panahong ito at sa darating na taon.

Mga Tala

  1. “O Come, O Come, Emmanuel,” sa An Annotated Anthology of Hymns, pat. J. R. Watson (2002), 34.

  2. “Munting Bayan ng Betlehem,” Mga Himno,, blg. 127.

  3. Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” SimbahanniJesucristo.org.