2022
Pagiging mga Tagatupad ng Salita
Disyembre 2022


“Pagiging Mga Tagatupad ng Salita,” Liahona, Dis. 2022.

Pagiging Mga Tagatupad ng Salita

Larawan
Sunday School General Presidency

Bakit napakahalagang ipamuhay ang natututuhan natin?

Brother Milton Camargo, Unang Tagapayo: Sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang malaman na si Jesus ang Cristo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay mahalaga at kailangan. Ngunit ang masigasig na paglapit sa Kanya at pag-aalay ng ating buong kaluluwa bilang handog ay nangangailangan nang higit pa sa kaalaman. Kailangan sa pagbabalik-loob ang ating buong puso, kakayahan, at pag-iisip at lakas.”1

Sa madaling salita, maaari at dapat nating pag-aralan ang mga banal na kasulatan, mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, at mga materyal ng Simbahan, at madalas na pag-aralan ang mga ito. Ngunit maliban kung ipamumuhay natin ang itinuro ng Tagapagligtas, hindi magpapabago sa atin ang malaman lamang ang itinuro Niya.

Larawan
babaeng tumatanggap ng sakramento

Ano ang makatutulong sa atin na kumilos ayon sa natutuhan natin?

Pangulong Mark L. Pace: Ang Espiritu ay naghihikayat sa atin na kumilos, kaya ang pinakamainam na paraan para maging tagatupad tayo ng salita ay ang mapasaatin ang Espiritu.2 Isa iyan sa mga dahilan kung bakit tumatanggap tayo ng sakramento linggu-linggo. Nangangako tayo na ating tataglayin ang pangalan ni Jesucristo at lagi Siyang aalalahanin at susundin ang Kanyang mga kautusan. Ang mga iyon ay ngangailangan ng pagkilos. Pagkatapos kapag ginawa natin ang mga bagay na iyon, ang pagpapalang natatanggap natin ay palaging mapapasaatin ang Kanyang Espiritu.3

Tinutulungan tayo ng sakramento na ipamuhay ang doktrina ni Cristo. Tinutulungan tayo nito na dagdagan ang ating pananampalataya sa Kanya. Ipinahihiwatig nito sa atin na magsisi, na isang panawagang kumilos. Ipinahihiwatig nito sa atin na magsikap na magpakabuti sa pamamagitan ng pag-alaala sa Kanya sa buong linggo. At isa sa mga tungkulin ng Espiritu Santo ay “ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin.”4

Kapag nakikibahagi tayo sa pagsamba at pag-aaral tuwing Linggo, paano tayo makakasulong mula sa pakikinig sa salita ng propeta tungo sa paggawa ng ipinahihiwatig sa atin ng Espiritu?

Brother Camargo: Mahalagang dumating ang mga tao sa araw ng Linggo na handang talakayin ang itinuro sa kanila ng Espiritu Santo sa buong linggo. Napakagandang paraan iyan ng pakikibahagi sa mga talakayan sa Sunday School, mga korum ng priesthood, at Relief Society.

Pangulong Pace: Maaaring itanong ng mga nagtuturo sa araw ng Linggo sa kanilang sarili, “Ano ang magagawa ko sa aking pagtuturo para mahikayat ang mga makikinig na hindi lamang maging mag-aaral kundi tagatupad din ng salita? Paano ko maaanyayahan ang mga tao sa aking klase o korum na maging mas masigasig sa kanilang pag-aaral na nakasentro sa tahanan, upang mas epektibo silang makabahagi sa pag-aaral ng ebanghelyo na sinusuportahan ng Simbahan?” Bahagi iyan ng paggawa—para balikatin ng mga indibiduwal ang sarili nilang pagbabalik-loob at sikapin nilang matamo ang sarili nilang kaligtasan.

Larawan
mga kabataan sa klase sa Simbahan

Brother Jan E. Newman, Pangalawang Tagapayo: At maaaring makabubuting tapusin ng mga guro ang mga talakayan sa pagsasabing, “Gusto kong makarinig ng 10 segundong pahayag tungkol sa natutuhan ninyo o kung ano ang nais ng Panginoon na gawin ninyo sa pinag-usapan natin ngayong linggo.” Mapagtitibay nito ang paanyayang kumilos: “Ano ang inaanyayahan ng Panginoon na gawin ninyo sa linggong ito, batay sa karanasan natin sa magkasamang pag-aaral ng mga banal na kasulatan?”

Pangulong Pace: Isa sa mga dahilan kung bakit sama-sama tayong sumasamba tuwing Linggo ay para mapalakas natin ang isa’t isa. Hindi ako magaling kumanta. Kapag kumakanta ako sa koro, umuupo ako sa tabi ng isang taong nakakaalam kung paano kumanta, at nakakatulong iyon sa akin na kumanta nang mas mahusay. Pareho lang ito sa pamumuhay ng ebanghelyo. Ang pagsama sa mga taong maayos na ipinamumuhay ang ebanghelyo ay tumutulong sa atin na maipamuhay din nang mas maayos ang ebanghelyo.

Sa buong linggo, paano natin maipamumuhay ang natututuhan natin mula sa pag-aaral natin ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin?

Brother Camargo: Kadalasan matapos tayong magbasa o makinig, nangangako tayong gawin ang isang bagay. Ngunit pagkaraan ng isa o dalawang araw, nakakalimot tayo. Kaya nga mahalagang isulat ang mga pahiwatig na nadarama at ipinangako natin, para maalala natin ang mga ito sa buong linggo. Labis na makapangyarihan ang mga salitang, “Tandaan, tandaan.”5

Brother Newman: Tulad ng Tagapagligtas, maaari tayong maglibot na gumagawa ng mabuti. Kapag tinularan ninyo ang Kanyang halimbawa ng paglilingkod, magiging bahagi ito ng kung sino kayo. Nagkaroon ako ng perpektong halimbawa niyon sa simbahan isang araw ng Linggo. Mag-isa lang ako roon dahil maysakit ang aking asawa. Habang nakaupo ako, sinabi ng taong nasa likuran ko, “Nasaan ang asawa mo?” Sabi ko, “Hindi gaanong maganda ang pakiramdam niya.” Sabi niya, “Puwede ba namin kayong dalhan ng hapunan ngayong gabi?” Sabi ko, “Huwag na kayong mag-alala. May pagkain na kami.” Sabi niya, “Bukas na lang kami magdadala.” At dinalhan nila kami ng hapunan.

Kahit walang anumang pahiwatig, gumawa ng mabuti ang mga kapitbahay na ito, dahil iyon ang pagkatao nila. Kapag tayo ay mga disipulo ni Cristo at nakakakita tayo ng isang taong nangangailangan, hindi natin sinasabing, “Malamang natugunan na ang pangangailangan nila.” Ginagawa natin ang makakaya natin para makatulong.

Pangulong Pace: Saanman tayo naroon—halimbawa, nagmamaneho papunta sa trabaho o sa paaralan—maaari nating isipin ang tungkol sa Tagapagligtas. Ngunit ang pagiging tagatupad ng salita ay nangangahulugan na kailangan nating gawin ang higit pa sa pag-iisip tungkol sa Kanya. Narito ang ilang partikular na bagay na magagawa ninyo para maipamuhay ang natutuhan ninyo nang personal, nang kasama ang pamilya, at sa araw ng Linggo:

  1. Hayaang mahikayat kayong kumilos ng mga pangako sa mga panalangin sa sakramento.

  2. Sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral, at pagsunod, anyayahan ang Espiritu na gabayan kayo.

  3. Ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa sarili ninyo.6 Sa inyong pag-aaral bilang indibiduwal o pamilya, itanong sa inyong sarili, “Mayroon bang isang bagay sa banal na kasulatang ito na makatutulong sa akin na malaman kung ano ang gagawin?”

  4. Habang nakikinig kayo sa mga propeta at apostol, itanong, “Ano ang dapat kong gawin sa natutuhan ko?” Bigyang-pansin lalo na ang anumang tawag na kumilos sa nadarama o naririnig ninyo.

  5. Magtala tungkol sa inyong mga nadarama at impresyon para ma-follow-up ninyo ang mga ito.

  6. Isagawa ang itinuro sa inyo. Manalangin na mapatnubayan. Pagkatapos, tulad ng sabi ni Nephi, “[Humayo] at [gumawa].”7

  7. Mahalin ang inyong kapwa. Ang inyong kapwa ay sinuman sa paligid ninyo na nangangailangan ng tulong.

Brother Camargo: May iba pang bagay sa banal na kasulatan tungkol sa pagiging tagatupad at hindi mga tagapakinig. Sabi pa rito:

“Sapagkat kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad, siya ay katulad ng isang tao na tinitingnan ang kanyang likas na mukha sa salamin:

“Sapagkat minamasdan niya ang kanyang sarili at umaalis, at agad niyang nalilimutan kung ano ang kanyang katulad.

“Ngunit ang tumitingin sa sakdal na kautusan, ang kautusan ng kalayaan, at nananatili na hindi tagapakinig na malilimutin, kundi tagatupad na gumagawa, siya ay pagpapalain sa kanyang gawain.”8

Pangulong Pace: Napakagandang paalala na kung magiging tagatupad tayo, pagpapalain tayo sa pamumuhay ng ebanghelyo!