2022
Ikapu—Isang Pagpapala, Hindi Isang Pasanin
Disyembre 2022


“Ikapu—Isang Pagpapala, Hindi Isang Pasanin,” Liahona, Dis. 2022.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Malakias 3:8–12

Ikapu—Isang Pagpapala, Hindi Isang Pasanin

Binigyan tayo ng Diyos ng batas ng ikapu upang pagpalain tayo kapwa sa temporal at espirituwal.

Larawan
isang nakabukas na bintana

Ako ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Noong 10 taong gulang ako, kumatok ang mga missionary sa pintuan ng bahay namin at pinatuloy sila ng aking ina. Nabinyagan siya mahigit isang dekada na ang nakalipas ngunit inilayo ang kanyang sarili sa Simbahan sa loob ng maraming taon. Tinuruan kami ng mga missionary. Naging aktibong muli ang aking ina, at apat sa aking mga kapatid at ako ay nabinyagan.

Sa mga panahong iyon, napakahirap ng kalagayan ng aming buhay. Ang nanay ko, na hiwalay sa aking tatay, ay nagtrabaho para matustusan kami. Kahit tatlu-tatlo ang trabaho, halos hindi sumasapat ang kanyang kita para matustusan ang aming mga pangangailangan. Gayunman, bilang aktibong miyembro ng Simbahan, handa ang aking nanay na tuparin ang kanyang mga tipan sa binyag at sundin ang mga kautusang ibinigay sa atin ng Diyos, at kabilang doon ang batas ng ikapu. Kaya kahit mahirap para sa kanya at sa buong pamilya, nagbayad siya ng ikapu.

Gustung-gusto din ng aking nanay na anyayahan ang mga missionary na kumain sa bahay namin. Kung minsan ay nag-aanyaya siya ng mahigit 10 missionary. At isang himala ang nangyari sa aming tahanan na katulad ng himala sa Bagong Tipan nang pakainin ng Panginoon ang 5,000 katao gamit ang limang tinapay at dalawang isda lamang, at marami pang natira matapos silang mapakain. Iyan ang nangyari sa aming pamilya nang kumain ang mga missionary sa aming tahanan. Nang magtiwala kami sa Panginoon, ano’t anuman ay may sumasapat.

Tinuruan ako ng aking ina sa pamamagitan ng tuntunin at halimbawa na binigyan tayo ng Diyos ng batas ng ikapu upang pagpalain tayo kapwa sa temporal at sa espirituwal.

Ang Batas ng Ikapu

Naniniwala ako sa batas ng ikapu. Ang batas na ito ay umiiral na simula noong unang panahon at kinapapalooban ng pagbibigay ng 10 porsiyento ng ating kita sa Simbahan para pagpalain ang mga anak ng ating Ama sa Langit. Bukod sa iba pang mga bagay, nakatutulong ang ikapu sa:

  • Pagpondo ng pagtatayo at pagpapanatili ng mga chapel at templo.

  • Pagsuporta sa pangangaral ng ebanghelyo ni Jesucristo.

  • Papapalimbag ng mga banal na kasulatan sa iba’t ibang wika.

  • Pagpondo sa mga paaralang pag-aari ng Simbahan, gayundin sa edukasyong pangrelihiyon sa pamamagitan ng seminary at institute.

  • Pagtustos sa pagtitipon, digitalisasyon, at pagpapanatili ng mga talaan ng family history.

Isang Pagpapala, Hindi Isang Pasanin

Para sa akin, ang batas ng ikapu ay isang pagpapala at hindi isang pasanin. Sa Malakias 3:10, sinabi ng Panginoon, “Subukin ninyo ako ngayon … kung hindi ko bubuksan para sa inyo ang mga bintana ng langit.” Gustung-gusto ko ang direktang paanyayang ito. Para sa akin, tila sinasabi sa akin ng Panginoon, “Kung hindi ka naniniwala sa akin, gawin mo lang ito, at makikita mo.”

Ang sumunod Niyang sinabi ay pumuno sa akin ng tiwala at pag-asa: “At ibubuhos ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan.” (Malakias 3:10). Nagpapatotoo ako na tinutupad ng Panginoon ang kanyang mga pangako.

“Sino ako, wika ng Panginoon, na nangako at hindi tumupad?

“Ako ay nag-uutos at ang mga tao ay hindi sumusunod; ako ay nagpapawalang-bisa at hindi nila natatanggap ang pagpapala.

“Pagkatapos kanilang sasabihin sa kanilang mga puso: Hindi ito ang gawain ng Panginoon, dahil ang kanyang mga pangako ay hindi natupad” (Doktrina at mga Tipan 58:31-33).

“Bakit Hindi Ako Pinagpala?”

Minsan, sa pagtatapos ng isang sacrament service, isang sister ang lumapit sa akin at tinanong kung anong payo ang maibibigay ko sa kanya. Sinabi niya na nawawala ang kanyang pananampalataya sa batas ng ikapu. Ipinaliwanag niya na sa loob ng ilang panahon ay naghahangad siya ng promosyon sa trabaho. Kahit matapat siyang nagbabayad ng kanyang ikapu at hiniling sa Diyos na biyayaan siya ng promosyong ito, hindi niya natanggap ang pinakaaasam na pagpapalang ito. Ang payo ko para sa sister na ito ay siya ring ibinabahagi ko ngayon sa inyo.

Natutunan ko na kapag nangako ang Panginoon sa atin ng napakaraming pagpapala na walang sapat na silid para matanggap ang mga ito, kung minsan iniisip natin na ang ibig sabihin ay kaagad tayong tatanggap ng mga kayamanan, tulad ng pagtaas ng sweldo o promosyon sa trabaho. Gayunman, sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na “kapag sinunod natin ang batas ng ikapu, madalas tayong nakakatanggap ng mahahalaga ngunit hindi napapansing mga pagpapala na palaging hindi natin inaaasahan at hindi agad nakikita.”1

Pagtukoy sa mga Pagpapala

Mahalagang banggitin na ang mga pagpapalang ito ay mas madaling matutukoy sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Para sa akin, nadarama ko na nabiyayaan ako ng matatag na trabaho sa loob ng maraming taon. Nadarama kong pinagpala ako dahil tinulutan ng Panginoon na magtamasa kami ng mabuting kalusugan ng aking asawa at mga anak. Pinagpala Niya ako na matutong pangasiwaan ang aking oras at resources at magtamo ng karagdagang edukasyon. Tinulungan Niya akong matutong pamahalaan ang aking temporal na resources para mas madagdagan ang ibinigay Niya sa akin.

Itinuro sa akin ng Espiritu Santo na dapat akong magpasalamat para sa lahat ng bagay na ito. Iyan, para sa akin, ang ibig sabihin ng mabuksan ang mga bintana ng langit at tumanggap ng mga pagpapala nang sagana.

Hindi Ligtas sa mga Pagsubok

Ang pagbabayad ng ikapu ay hindi nagliligtas sa atin mula sa mga pagsubok, ngunit natanto ko na biniyayaan ako ng Panginoon ng lakas at karunungan at naghanda ng daan para madaig ko ang mahihirap na panahon.

Noong sanggol pa ang panganay kong anak, nakatanggap ako ng tawag habang nasa opisina. May pumasok na magnanakaw sa bahay ko. Ang pinakamalaking inalala ko ay ang kapakanan ng aking mag-ina. Marami sa aming mga ari-arian ang kinuha, kabilang na ang aming mga pasaporte at visa, na kapoproseso lang namin para dumalo sa isang kurso sa ibang bansa. Sa kabila ng nawawalang mga ari-arian, labis akong napagpala dahil wala sa bahay ang aking mag-ina nang maganap ang pagnanakaw. Iyon ay totoong isang pagpapala.

Binuksan ng Panginoon ang mga bintana ng langit at inilagay ang mga tamang tao sa aming landas na nakatulong sa amin na maprosesong muli ang mga dokumentong kailangan namin para makadalo sa kurso. At sa kabila ng kaguluhang dulot ng pagnanakaw, natanggap namin ng pamilya ko ang pagpapala ng espirituwal na katiyakan na magiging maayos ang lahat.

Kalaunan, ang negosyong pinagtatrabahuhan ko ay malubhang naapektuhan ng hidwaan sa lipunan at pulitika sa aking lungsod. Nag-alala ako na baka lahat ng pagpupunyagi at pagsasakripisyo ko ay mawala. Gayunpaman, muling bumukas ang mga binata ng langit. Sa tulong ng pananampalataya, pagtitiyaga, at kasipagan, nakabangon ang negosyo.

Larawan
babaeng balo na may hawak na isang bata

“Ang dukhang balong ito ay naghulog ng higit kaysa lahat nang naghuhulog sa kabang-yaman:

“Sapagkat silang lahat ay naghulog mula sa kanilang kasaganaan, ngunit siya sa kanyang kasalatan ay inihulog ang lahat ng nasa kanya, ang kanyang buong kabuhayan.”

The Widow’s Mite [Ang Kusing ng Balo], ni James Tissot

May Tunay na Layunin

Sa Simbahan ni Jesucristo, lubos nating pinahahalagahan ang kasagraduhan ng mga ikapu at mga handog. Ang batas ng ikapu ay sumusubok kapwa sa mayayaman at maralita. Maaaring sabihin ng mga maralita, “Kailangan ko ang sampung porsiyento na ito para makaraos.” O maaaring sabihin ng mayayaman, “Napakalaki ng sampung porsiyento.” Ngunit mahirap man tayo o mayaman, iniuutos sa atin ng Panginoon na ibigay ang ating mga handog nang buong puso, nang may tunay na layunin. Anuman ang halaga ng ating handog, dapat itong maging buong ikapu. Alalahanin ang kuwento tungkol sa kusing ng balo:

“Umupo [si Jesus] sa tapat ng kabang-yaman at minasdan ang mga taong naghuhulog ng salapi sa kabang-yaman. Maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga.

“Dumating ang isang babaing balo at siya’y naghulog ng dalawang kusing na ang halaga’y halos isang pera.

“Pinalapit niya sa kanya ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang dukhang balong ito ay naghulog ng higit kaysa lahat nang naghuhulog sa kabang-yaman:

“Sapagkat silang lahat ay naghulog mula sa kanilang kasaganaan, ngunit siya sa kanyang kasalatan ay inihulog ang lahat ng nasa kanya, ang kanyang buong kabuhayan” (Maros 12:41–44).

Pinatototohanan ko na ang batas ng ikapu ay pagpapala sa buhay ko noon pa man. Totoong binubuksan ng Panginoon ang mga bintana sa langit at nagbubuhos ng mga pagpapala nang sagana. Ang mga pagpapalang ito ay hindi palaging dumarating kung kailan natin gusto, ngunit kailangan nating hangarin ang patnubay ng Espiritu upang matukoy natin kung ano ang saganang ibinibigay sa atin ng ating Ama sa Langit. Dalangin ko na pagpalain kayo ng Panginoon upang malaman ninyo sa sarili ninyong buhay ang mga pagpapala ng batas ng ikapu.