2022
Alam Ko ang Awiting Iyan
Disyembre 2022


“Alam Ko ang Awiting Iyan,” Liahona, Dis. 2022.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Alam Ko ang Awiting Iyan

Nalimutan ko si Brother Tingey, ngunit naalala siya ng Diyos.

Larawan
kababaihang kumakanta

Para sa isang lingguhang aktibidad, ang mga lider ng Young Women namin sa ward ay nagplano na bumisita sa isang lokal na nursing home. Kakanta kami ng mga awiting Pamasko, magbabahagi ng mga ngiti at babalik sa simbahan para sa mainit na cocoa at cookies.

Ayoko talagang pumasok sa gayong di-komportableng mga silid sa ospital, na may amoy ng antiseptiko, kakaunting dekorasyon, at damdamin ng kalungkutan. Inaamin ko na mas interesado ako sa cocoa at sa saya na makasama ang mga kaibigan ko kaysa kumanta sa matatanda.

Dumating kami roon at nadaanan ang nakasabit na iilang Christmas light papunta sa mga silid. Habang kumakanta kami ng ilang paboritong awiting pamasko, may ilang residente na naluluha, may ilang sinubukang kumanta, at may ilan naman na tila hindi interesado. Pinasalamatan nila kaming lahat nang lisanin namin ang kanilang mga silid, ngunit hindi ko nadama ang kagalakang kadalasang kasama sa paglilingkod. Nalungkot ako, iniisip kung gaano karaming tao ang bumisita sa nursing home kapag Kapaskuhan lamang.

“Pupunta tayo sa silid ni Brother Tingey ngayon,” sabi ng isa sa mga lider namin. “May sakit siya na Alzheimer, kaya wala siyang gaanong naaalala. Alam ninyo naman na pumanaw na si Sister Tingey.”

Parang biglang kinurot ang puso ko. Nalimutan ko na ang lahat tungkol sa mga Tingey. Si Brother Tingey at ang kanyang mabait na asawa ay ang mga anghel na puti ang buhok ng aming kongregasyon. Naalala ko ang nakangiti nilang mga mukha, mapagmahal na haplos ni Sister Tingey, at ang magiliw na pagbati ni Brother Tingey. Hindi ko napansin nang tumigil sila sa pagsisimba. Ni hindi ko naalala na pumanaw na si Sister Tingey.

Pumasok kami sa silid ni Brother Tingey at nagtipon sa paligid ng kanyang wheelchair. Napuno ng pagkanta namin ang silid, ngunit tahimik pa rin siyang nakaupo at nakayuko. Matapos ang dalawang awitin, iminungkahi ng isa sa aming mga lider na kantahin namin ang “Ako ay Anak ng Diyos.”1

Nang magsimula kaming kumanta, biglang iniangat ni Brother Tingey ang kanyang ulo, iminulat ang kanyang mga mata, at tumingin sa amin. Ngumiti siya at sa mahinang tinig ay nagsabing, “Alam ko ang awiting iyon.”

Nagsimulang dumaloy ang mga luha sa kanyang mga pisngi. Nang matapos kaming kumanta, umiiyak kaming lahat. Pagkatapos ay niyakap namin si Brother Tingey at nagpaalam.

Sa kasimplehan ng isang awitin at mga di-perpektong tinig ng isang grupo ng mga kabataang babae, ipinaalala kay Brother Tingey na siya ay anak pa rin ng Diyos at hindi siya kinalimutan ng Diyos. Simula noong pagbisitang iyon, hindi ko na rin siya kinalimutan.