2022
Ang Itinuro sa Akin ng Isang Proyekto sa Paggantsilyo tungkol sa Pagpapanumbalik ng Aking Patotoo
Disyembre 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Ang Itinuro sa Akin ng Isang Proyekto sa Paggantsilyo tungkol sa Pagpapanumbalik ng Aking Patotoo

Ipinaunawa sa akin ng isang libangan ko noong pandemya ang proseso ng paglago at pagpapalakas ng aking pananampalataya.

Larawan
ginantsilyong materyal na tinatastas

Naghalungkat ako sa luma at maalikabok na lalagyan, hawak ang ginatsilyong anghel. Nagantsilyo ko na ang ulo at katawan ng anghel, pero kinailangan ko ng dilaw na sinulid para makumpleto ang sinag sa ulo at mga pakpak, at hindi ako sigurado kung mayroon ako nito.

Natuto akong maggantsilyo noong 11 taong gulang ako, pero lumipas ang mga isang dekada nang hindi ako nakahawak ng gantsilyo. Noong panahon lang ng pandemya muli kong nakalibangan ang paggantsilyo, at naging ambisyosa ako; sinikap kong kumpletuhin ang isang buong set ng mga tauhan sa Nativity bago sumapit ang Pasko.

Nang malapit na akong sumuko, nakakita ako ng isang dilaw na piraso ng tela. Hinila ko ito, at nakakita ako ng isang kumot na malaki at iba’t iba ang lapad ng stripes. Mayroon iyong malalaki at malalapad na stripes na may mga kulay na hindi magkakabagay: orange, pink, navy blue, at dilaw na sama-samang ginantsilyo sa isang masagwang padron ng mga kulay.

Magkakaiba ang lapad ng stripes. Maluluwag at hindi pare-pareho ang mga tahi. Pero napangiti pa rin ako sa kumot nang mapansin ko na iyon ang ginawa ko noong mga unang taon ko ng paggantsilyo. Nawala na ang tuon at motibasyon ko bago pa natapos ang proyekto, at nakatambak na iyon sa salansan ng mga proyektong hindi natapos sa loob ng maraming taon, hindi nagamit at walang nakakita.

Dinampot ko ang maluwag at hindi nakataling dulo ng kumot at hinila ko. Hindi naitali sa dulo ang kumot kahit kailan, kaya puwede kong tastasin ang ilang tahi sa isang minsanang mabilis na paghila lang.

Nag-atubili ako bago ko iyon lalong tinastas. Wala na sa uso ang kumot at napakatingkad ng kulay, pero medyo nalungkot akong isipin na tinatastas ko ang lahat ng pinagsikapang gantsilyuhin ng maliliit kong daliri noon. Pero, natanto ko, ang paggantsilyo sa kumot na ito sa nakalipas na mga taong iyon ay naitago ang materyal kung saan ko iyon kailangan, na ngayo’y nariyan at handa nang gamitin para sa mas magandang layuning ito.

Kaya tinastas ko iyon. Hinila ko nang hinila ang sinulid hanggang sa kumumpol ito sa isang buhul-buhol na bunton sa kandungan ko, at pagkatapos ay nagsimula akong maggantsilyo. Ginawang napakadetalyadong mga pakpak ng anghel ng mas sanay kong mga kamay ang dating kahiya-hiyang kumot ko na parang tinahi ng bata.

Habang nagtatrabaho ako, may kakaibang ideyang pumasok sa isip ko:

Ang aking patotoo ay katulad ng munting anghel na ito.

Pagpapanumbalik ng Aking Pananampalataya

Bagamat napangiti ako sa ideyang iyon noong una, nang lalo kong pag-isipan iyon, lalo kong natanto na totoo iyon. Ang aking patotoo, tulad ng aking maliit na kumot, ay simple at gawang-bata noong una. Pagkatapos ay sumapit ang pagtatastas, nang masubukan ng ilang bagay ang aking pananampalataya. Parang tinatastas ang maluwag at pangit na mga tahing nagbuo sa batayan ng aking patotoo.

At sa huli, nanumbalik ang aking patotoo. Nang tumigil ako sa pagtutol na baguhin ang buhay ko, nagsimulang magtiwala sa Tagapagligtas, at tulutang lumago ang aking patotoo at magbago, mas gumanda pa iyon, naging isang bagay na mas malalim at makabuluhan kaysa sa nagawa ko noong bata pa ako.

Ipinaliwanag ni Emeritus General Authority Seventy Elder Bruce C. Hafen ang konseptong ito nang ilarawan niya ang tinawag niyang “gawing simple sa halip na gawing magulo”1—ang mismong ideya na kung sisikapin nating masagot ang mahihirap na tanong natin sa buhay, tatanggap tayo ng bago at mas matatag na uri ng kasimplihan. Ipinaliwanag niya na “ang mga panahon ng ating pagdududa ay nariyan para turuan tayo, hindi para pahirapan tayo. … Sa pamamagitan ng pananampalataya, sadya nating pinipiling lumago sa gitna ng kaguluhan na siyang nagmumulat sa ating mga mata at nagbubukas sa ating puso.”2

Nang mas pag-isipan ko iyon, mas natanto ko na hindi lamang ang aking patotoo, kundi ang buhay ko mismo ay nakabatay sa huwarang ito. Hindi ito nangyari nang biglaan, kundi dahan-dahan, unti-unti, nagbago ako. Sa pamamagitan ni Cristo, nagbago na ako. Sa pamamagitan ni Cristo, nalampasan ko na ang matinding paghihirap at nagbago na ako.

Kilalanin si Cristo Bilang Ating Manunubos

Nagsimula ang proyektong ito sa paggantsilyo bilang isang libangan noong panahon ng quarantine ngunit sa huli ay naging perpektong paalala ng impluwensya ni Cristo at ng pagdiriwang ng bagong buhay. Dahil iyan ang inaalok sa atin ni Cristo: isang pagkakataong ganap na mabago. Ipinagdiriwang natin ang sanggol sa Betlehem dahil alam natin na lumaki ang sanggol na iyon para maging isang tao na puwedeng magbigay sa atin ng pagkakataong lumago at magbago at maging buo.

Tulad ng sabi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Kapag sinundan natin ang landas na tinahak ni Jesus, matutuklasan natin na Siya ay hindi lamang sanggol sa Betlehem, hindi lamang anak ng anluwagi, at hindi lamang pinakadakilang guro na nabuhay sa mundo. Makikilala natin Siya bilang Anak ng Diyos, ating Tagapagligtas at ating Manunubos.”3

Bagama’t ang pagsilang ni Cristo ay isang mahimala at kamangha-manghang kaganapan, ang pagdiriwang ko ng Pasko ay napapalalim at napagyayaman sa pag-alala sa mismong dahilan kaya naghatid ng “malaking kagalakan” ang balita ng anghel (Lucas 2:10). Tulad din ng ipinropesiya ng anghel, “[Si Maria ay] manganganak ng isang lalaki; at ang pangalang itatawag mo sa kanya ay Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan” (Mateo 1:20–21).

Habang ipinagdiriwang natin ang pagsilang ni Cristo, maaalala rin natin ang pag-asa para sa bagong buhay at mga pangalawang pagkakataong inihahatid Niya sa atin. Ang Pasko ay isang magandang panahon ng mga tradisyon at pagbibigay, at maaari din itong maging panahon para mapalakas, o maipanumbalik pa nga, ang ating patotoo. Matutulutan natin ang Panginoon, sa Kanyang kahusayan at karunungan, na gawin tayong mas mabuti kaysa inakala natin.