2022
Makikita Ko bang Muli ang Aking Ina?
Disyembre 2022


“Makikita Ko bang Muli ang Aking Ina?,” Liahona, Dis. 2022.

Digital Lamang: Mga Larawan ng Pananampalataya

Makikita Ko bang Muli ang Aking Ina?

Nalinis ng karanasan ko sa templo ang puso ko. Sa sandaling iyon, naglaho ang lahat ng sakit at galit na nadama ko.

Larawan
babaeng nakatanaw sa labas ng bintana

Mga larawang kuha ni Christina Smith

Matapos maghiwalay ang mga magulang ko, tumira ang aking ina at kapatid na lalaki sa lola ko. Hindi nagtagal, isinilang ako sa Matagalpa, Nicaragua. Dalawang taon matapos akong isilang, habang unti-unting namamatay sa sakit na kanser ang aking ina, hiniling niya sa aking ama na kupkupin kami. Tumanggi ito.

Labis akong nasaktan niyon. Gayunman, nang pumanaw ang aking ina, nagsimulang magbago at bumisita sa amin ang aking ama. Pero wala akong nadamang pagmamahal para sa kanya. Kinamuhian ko siya. Anim na taon matapos pumanaw ang aking ina, namatay ang aking ama nang mabangga ang kanyang sinasakyan.

Dahil naging masama ang aking ama sa aking ina, naging masama ang palagay ko tungkol sa pag-aasawa. Noong 15 taong gulang ako, seryoso kong naisip na magmadre para hindi ko na kailanganing mag-asawa. Pero sabi sa akin ng isang babaeng katrabaho ko: “Marami pang ibang paraan para makapaglingkod sa Diyos. Maaari kang magpakasal sa isang mabuting asawa, at pareho kayong maaaring maglingkod sa Diyos nang magkasama. Hilingin mo sa Kanya na sabihin sa iyo kung aling landas ang dapat mong tahakin.”

Pinag-isipan ko ang sinabi niya noong gabing iyon sa panggabing trabaho ko sa ospital. Tuwing may mga problema ako o hamon, nangungulila ako sa aking ina. Habang nirerepaso ko ang mga talaan ng ospital, nakatulog ako at napanaginipan ko siya.

Sa panaginip ko, pumasok ako sa isang lumang simbahan at umupo sa bangko sa unahan. Nang lumingon ako, nakita ko ang aking ina. Wala siyang sinabi, pero malungkot siya at sinenyasan niya akong umalis. Naunawaan ko na ayaw niya akong magmadre.

Pagkatapos ng panaginip ko, sinimulan namin ng tiyahin ko na maghanap ng bagong simbahang madadaluhan. Marami kaming binisita. Gusto ko silang lahat, pero hindi ko nadama na tama ang mga iyon. Gusto namin ng isang simbahan kung saan madarama namin ang presensya ng Diyos.

Nang bisitahin namin ang iba’t ibang simbahan, itinanong ko sa kanilang mga lider ang “malalaking katanungan ng kaluluwa.”1 Ang tanong ko, “Makikita ko bang muli ang aking ina? Makikilala ba niya ako bilang kanyang anak? Makikilala ko ba siya bilang aking ina?” Sinabi sa akin ng karamihan sa kanila na makikilala ko lamang siya bilang kapatid ko, hindi bilang aking ina. Naisip ko na hindi makatarungan iyon.

Kailangan Mong Gawin ang Iyong Bahagi

Nang makilala ko ang mga missionary mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, natagpuan ko na sa wakas ang mga sagot na hinahanap ko.

“Makikilala ba ako ng aking ina bilang ang dalawang-taong-gulang na sanggol na nawala sa kanya nang mamatay siya?” tanong ko sa kanila.

“Oo,” sagot nila, “at makikilala mo siya bilang iyong ina.”

“Magagawa ko ba siyang yakaping muli?”

“Oo,” sabi nila, “pero para mangyari iyan, kailangan mong gawin ang iyong bahagi.”

“Ano ang kailangan kong gawin?”

“Hayaan mong turuan ka namin,” sabi nila. “Pagkatapos ay kailangan mong ipagdasal ang matutuhan mo. At kung madama mo na totoo ang itinuturo namin sa iyo, kailangan mong magpabinyag.”

Sa araw ding iyon tinuruan din nila ako tungkol sa templo. Nagkaroon kami ng napakaespesyal na talakayan. Nalaman ko na ang itinuro nila sa akin ay totoo. Ang tita ko, dalawa sa kanyang mga anak, at ako ay nabinyagan at nakumpirma makalipas ang dalawang buwan.

Matapos kaming mabinyagan, nasabik akong maisagawa ang gawain sa templo para sa aking ina pero hindi ang para sa aking ama. Gayunman, hinikayat ako ng mga missionary.

“Bahagi iyon ng paggawa ng iyong bahagi,” sabi nila. “Hinihintay ka rin ng iyong ama na isagawa ang gawain para sa kanya.”

Sinabi ko sa kanila na wala akong pakialam. Masama pa rin ang loob ko sa kanya.

“Natagpuan na natin ang ebanghelyo,” sabi ng tita ko sa akin. “Kailangan mo siyang patawarin at isagawa ang gawain para sa kanya.”

Atubili kong tinanggap ang kanilang payo. Isang taon matapos akong binyagan, dinala ko ang pangalan ng mga magulang ko sa Guatemala City Guatemala Temple. Iyon ay isang makapangyarihan at madamdaming karanasan. Nabinyagan ako para sa aking ina at para sa marami pang ibang tao. Pagkatapos ay naghandang magpabinyag ang aming branch president para sa aking ama. Ayaw kong manood, kaya nagsimula akong umalis.

Nang makalusong ang branch president sa bautismuhan, narinig ko ang pangalan ng aking ama habang isinasagawa ang ordenansa. Pagkatapos niyon, agad kong nadama ang presensya ng aking ama. Nahiya ako sa karanasang iyon dahil ayaw kong isagawa ang gawain para sa kanya.

“Patawarin po Ninyo ako, Ama sa Langit,” pagdarasal ko habang umiiyak. “Naging makasarili ako.”

Pagbalik ko sa Nicaragua, nagpunta ako sa sementeryo kung saan nakalibing ang aking ama. Sa unang pagkakataon, binisita ko ang kanyang libingan at naglagay ako ng mga bulaklak doon. Humingi ako ng tawad sa kanya, at sinabi ko sa kanya na mahal ko siya. Pagkatapos ay muli akong umiyak.

Matagal na naghintay ang aking ama, tulad ng aking ina, na dalhin ko ang kanyang pangalan sa templo, kung saan pinahintulutan ako ng Ama sa Langit na magkaroon ng magandang karanasan. Nalinis ng karanasang iyon ang puso ko. Sa sandaling iyon, lahat ng sakit at galit na nadama ko sa kanya noon ay naglaho.

Dahil doon, walang hanggan ang pasasalamat ko.

Larawan
isang ina at kanyang mga anak na naglalaba

si Magdalena na nagtutupi ng mga nilabhan kasama ang kanyang mga anak

Larawan
mag-asawang nagdarasal

si Magdalena at ang kanyang asawa na magkasamang nakaluhod sa panalangin

Tala

  1. Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2019), 117.