2022
Neal A. Maxwell sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig
Disyembre 2022


“Neal A. Maxwell sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig,” Liahona, Dis. 2022.

Mga Kuwento mula sa Mga Banal, Tomo 3

Neal A. Maxwell sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig

Larawan
Si Neal A. Maxwell na naka-uniporme ng sundalo

Mga larawan sa kagandahang-loob ng pamilya Maxwell

Ipinagdiwang ng Allies ang “Araw ng Tagumpay sa Europa” noong ika-8 ng Mayo 1945. Nasiyahan si Neal Maxwell sa balita, tulad ng iba pang mga sundalong Amerikano na nakikipaglaban upang masakop ang islang Hapones ng Okinawa. Ngunit ang kanilang mga pagdiriwang ay nabawasan sa katotohanan ng sarili nilang sitwasyon. Dahil ang mga piloto ng mga eroplanong kamikaze ay sumasalakay sa daungan ng Okinawa at nagpapaulan ng artilerya sa mga burol ng isla, alam ng mga Amerikanong kawal na matagal pa bago magwakas ang kanilang bahagi ng digmaan.

“Ito ay tunay na digmaan,” naisip ni Neal. Ang digmaan ay talagang kalagim-lagim kapag nararanasan kaysa sa mga inilalarawan ng mga pahayagan at pelikula. Napuspos siya ng kapanglawan at kapaitan.

Larawan
ang bata pang si Neal Maxwell kasama ang iba pang mga sundalo

Si Elder Maxwell (kaliwa) ay naglingkod sa militar ng US sa Pacific theater ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Si Neal at ang mga kawal na kasama niya ay inatasan sa isang dibisyon bilang pamalit. Noong Mayo 13, sumulat siya sa Utah. Hindi siya pinahintulutang sabihin sa kanyang mga magulang ang mga detalye ng pagkakatalaga sa kanya, ngunit tiniyak niya sa kanila ang kanyang kapakanan. “Wala akong mga espirituwal na kompanyon, maliban sa Kanya,” isinulat niya. “Alam ko na palagi Siyang nasa tabi ko.”1

Si Neal ay nasa isang iskwad ng mortar na nakatalagang magpaputok ng mga mapaminsalang bomba sa mga lugar ng kaaway na nakatago sa kalupaan. Pumuwesto si Neal sa isang foxhole, at pagkaraan ng ilang araw ng palitan ng putukan, ginawang maputik ng malalakas na ulan ang bitak-bitak na lupa. Puno ng putik ang foxhole ni Neal, kaya halos imposibleng magpahinga habang sinisikap niyang matulog nang nakatayo. Kakaunti lamang ang mga rasyon ng pagkain ng militar para maibsan ang gutom, at ang tubig na natatanggap niya ay inaakyat sa burol sa limang galong tangke at laging lasang krudo. Maraming kawal ang umiinom ng kape upang takpan ang masamang lasa ng tubig, ngunit nais ni Neal na maging masunurin sa Word of Wisdom at tumanggi. Ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya upang makapag-ipon ng tubig-ulan, at tuwing Linggo, nagtatabi siya ng tubig na inipon niya at biskwit mula sa kanyang mga rasyon para sa sakramento.2

Isang gabi sa huling bahagi ng Mayo, tatlong bomba ng kaaway ang sumabog malapit sa posisyon ng maikling kanyon ni Neal. Hanggang sa sandaling iyon, hindi natagpuan ng mga Hapones ang lokasyon ng kanyang iskuwadra. Ngunit ngayon ay tila natunton na ng mga kalaban ang kanyang posisyon at papalapit na sa kanya. Nang sumabog ang isa pang bomba ilang metro lang ang layo, natakot si Neal na ang susunod ay matatagpuan na ang target nito.

Pagkalundag mula sa foxhole, nagtago siya sa isang maliit na burol. Pagkatapos, nang matanto na nasa panganib pa rin siya, nagmamadali siyang bumalik sa butas upang hintayin ang anumang maaring sumunod na mangyayari.

Larawan
kawal na nakaluhod

Larawang-guhit ni Greg Newbold

Sa putik at kadiliman, lumuhod si Neal at nagsimulang manalangin. Batid niya na hindi siya karapat-dapat sa anumang espesyal na pabor mula sa Diyos, at maraming mabubuting tao ang pumanaw matapos manalangin nang taimtim sa panahon ng digmaan. Gayunpaman, nakiusap siya sa Panginoon na iligtas ang kanyang buhay, nangangakong ilalaan ang kanyang sarili sa paglilingkod sa Diyos kung siya ay makakaligtas. Mayroon siyang kopya ng kanyang patriarchal blessing sa kanyang bulsa, at naisip niya ang isang pangakong nilalaman nito.

“Pangangalagaan kita laban sa kapangyarihan ng mangwawasak upang ang iyong buhay ay hindi mapaikli,” nakasaad sa basbas, “at upang hindi ka mapagkaitan ng pagtupad sa lahat ng tungkulin na ibinigay sa iyo sa premortal na kalagayan.”

Natapos ni Neal ang kanyang panalangin at tumingala sa kalangitan sa gabi. Tumigil na ang matitinding pagsabog, at lahat ay tahimik. Nang hindi nagpatuloy ang mga pagsabog, nadama niya sa kanyang kaluluwa na pinangalagaan ng Panginoon ang kanyang buhay.3

Hindi nagtagal, sumulat si Neal ng ilang liham sa kanyang pamilya. “Nalulungkot ako para sa inyo, kung minsan ay tila gusto kong umiyak,” sabi niya. “Ang kailangan ko lamang gawin ay maging karapat-dapat sa aking patriarchal blessing, sa inyong mga panalangin, at sa aking relihiyon. Ngunit ang panahon at maraming labanan ay mabigat na pasanin sa kaluluwa ng isang tao.”

“Masasabi ko na sa ilang pagkakataon ay Diyos lamang ang humadlang sa aking kamatayan,” isinulat niya. “Ako ay may patotoo na hindi masisira ninuman.”4

Mga Tala

  1. Maxwell, Personal History,box 1, folder 3, 10; Hafen, Disciple’s Life, 102, 105.

  2. Maxwell, Oral History Interview [1976–77], 117; Maxwell, Personal History, box 1, folder 3, 11–12; Hafen, Disciple’s Life, 107–9, 112; Freeman and Wright, Saints at War, 358.

  3. Hafen, Disciple’s Life, 109–10; Maxwell, Personal History, box 1, folder 3, 10, 12; Maxwell, Dictation, 3.

  4. Hafen, Disciple’s Life, 112; Neal A. Maxwell to Clarence Maxwell and Emma Ash Maxwell, June 1, [1945], Neal A. Maxwell World War II Correspondence, CHL.