Institute
Lesson 1 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtanggap sa Paanyaya ng Tagapagligtas na Matuto sa Kanya


“Lesson 1 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtanggap sa Paanyaya ng Tagapagligtas na Matuto sa Kanya,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 1 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Larawan
ang Tagapagligtas ay nakangiti sa isang babae sa maraming tao

Lesson 1 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagtanggap sa Paanyaya ng Tagapagligtas na Matuto sa Kanya

Malugod na pagbati mula sa kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (Religion 250). Sinabi ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa Tagapagligtas, “Walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensiya sa lahat ng nabuhay na at sa lahat ng mabubuhay pa sa mundo” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” SimbahanniJesucristo.org). Ang kursong ito ay magbibigay sa iyo ng sagradong pagkakataon na matuto pa kay Jesucristo upang lalo Siyang magkaroon ng impluwensya sa iyong buhay.

Ang materyal sa paghahanda sa kursong ito ay naglalayong tulungan kang mas mapalapit sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagpapahusay ng iyong personal na pag-aaral at paghahanda sa iyo na magkaroon ng makabuluhang pakikipagtalakayan sa iba. Kabilang dito ang kaugnay na mga banal na kasulatan, sumusuportang mga pahayag mula sa mga lider ng Simbahan, kaugnay na mga video, at paanyaya na pagnilayan at ipamuhay ang natutuhan mo. Bawat lesson ay may opsiyonal na bahaging “Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?” na kinabibilangan ng karagdagang resources na makatutulong sa iyo na mas matutuhan pa ang tungkol kay Jesucristo at mas mapalakas ang iyong pananampalataya sa Kanya.

Bahagi 1

Paano mababago ng natutuhan ko kay Jesucristo at sa Kanyang walang hanggang ebanghelyo ang aking buhay?

Kunwari ay nakatira ka sa Palestina noong panahon ng ministeryo ng Panginoon. Narinig mo ang maraming kamangha-manghang bagay tungkol sa isang guro na tinatawag na Jesus na taga-Nazaret at nagkaroon ka ng matinding hangaring pumunta roon at pakinggan Siya mismo. Sa araw na nakita mo Siya, si Jesus ay nagtuturo sa isang malaking grupo ng mga tao. Ipinahahayag Niya ang kadakilaan ni Juan na Tagapagbautismo at pinagsasabihan ang mga tao dahil sa kanilang kawalang-paniniwala (tingnan sa Mateo 11:7–24). Pagkatapos ay nagbigay siya ng isang paanyaya na talagang makapagpapabago ng buhay.

Larawan
si Jesucristo na nagtuturo sa Kanyang mga disipulo
Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Mateo 11:28–30, at pag-isipan kung paano nabago o mababago ng pagtanggap sa paanyayang ito ang iyong buhay.

Si Jesucristo ay nagbigay ng gayon ding paanyaya sa ating panahon. Matapos patotohanan ang hindi matutumbasang halaga na ibinayad Niya para sa ating mga kasalanan upang tayo ay makapagsisi, sinabi ng Tagapagligtas, “Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin” (Doktrina at mga Tipan 19:23).

Larawan
Come unto Me [Lumapit Kayo sa Akin], ni Eva Timothy

Sa pagtukoy sa paanyayang ito, itinuro ni Elder Kim B. Clark ng Pitumpu:

Larawan
Elder Kim B. Clark

Ang paanyaya ng Tagapagligtas na “matuto sa akin” ay may dalawang magkaugnay na kahulugan na sa magandang paraan ay tugma sa paraan ng Panginoon upang matutong mabuti.

Ang unang kahulugan ng “matuto sa akin” ay: Matutong kilalanin ako.

… Ang makilala Siya ay espirituwal na maisilang sa Kanya, dumaranas ng malaking pagbabago ng puso, nagiging Kanyang mga anak. …

Ang pangalawang kahulugan ng “matuto sa akin” ay: Matuto mula sa akin.

… Habang subsob tayo sa [pag-aaral ng] mga banal na kasulatan, natututo tayo mula sa Kanyang perpektong halimbawa. … Kailangan tayong kumilos nang may pananampalataya kay Jesucristo para gawin ang ating bahagi, [at] sa paggawa natin nito … nangangako Siya [na] pag-iigihin ang ating kakayahang kumilos nang matwid at tutulungan tayong maging lalong katulad Niya. (“Matuto sa Akin” [mensaheng ibinigay sa mga CES religious educator, Ene. 26, 2018], https://www.churchofjesuschrist.org/broadcasts/article/evening-with-a-general-authority/2018/01/learn-of-me?lang=tgl; idinagdag ang pagbibigay-diin)

Ang isang mahalagang paraan para matuto sa Tagapagligtas ay ang pag-aralan at ipamuhay ang Kanyang walang hanggang ebanghelyo. “Ang ibig sabihin ng salitang ebanghelyo ay ‘mabuting balita’” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ebanghelyo, Mga”). Kaya ano ang mabuting balita ng ebanghelyo?

Sa nalalapit na pagwawakas ng Kanyang ministeryo sa mga Lamanita at mga Nephita sa lupaing Masagana, ipinaliwanag ng Tagapagligtas sa simple at malinaw na mga kataga ang kahulugan at layunin ng Kanyang ebanghelyo.

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 3 Nephi 27:13–16, 20–21, at alamin ang mga dahilan kung bakit mabuting balita ang ebanghelyo.

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

Ang “mabuting balita” ay matatakasan ang kamatayan at impiyerno, madaraig ang mga pagkakamali at kasalanan, may pag-asa, may tulong, nalutas ang hindi malutas, at nagapi ang kaaway. Ang mabuting balita ay lahat ng libingan ay mawawalan ng laman balang-araw, na lahat ng kaluluwa ay magiging dalisay muli, na lahat ng anak ng Diyos ay muling makababalik sa Ama na nagbigay sa kanila ng buhay. (“Missionary Work and the Atonement,” Ensign, Mar. 2001, 8–10)

Larawan
icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Isipin ang iyong nauunawaan at patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo sa kasalukuyan. Anong mga mithiin ang gusto mong itakda para mas matuto pa sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo? Ano ang gagawin mo upang lalo pa Siyang magkaroon ng impluwensya sa iyong buhay? Maaari mong isulat ang iyong mga mithiin at regular na rebyuhin ang mga ito sa darating na mga linggo.

Bahagi 2

Paano ko mapagbubuti ang kakayahan kong matuto sa Tagapagligtas at sa Kanyang walang hanggang ebanghelyo?

Nabubuhay tayo sa mundo na naiimpluwensyahan nang malaki ng sekular na kaalaman. Ang sekular na kaalaman ay nakatuon sa mga makamundong bagay na hindi itinuturing na panrelihiyon o espirituwal. Halimbawa, ang pag-aaral ng mga bagay na ukol sa agham o siyensya ay nagbubunga ng sekular na kaalaman. Ang kaalamang ito ay mahalaga at humantong sa pambihirang pag-unlad sa teknolohiya, medisina, agrikultura, transportasyon, at komunikasyon. Kasabay ng sekular na pag-aaral na ito ay ang mas malalim at espirituwal na paraan para matutuhan ang katotohanan.

Inilahad ni Elder Paul V. Johnson ng Pitumpu ang pagkakaiba ng pag-aaral ng mga bagay na ukol sa agham at ng pag-aaral ng mga bagay na espirituwal sa ganitong paraan:

Larawan
Elder Paul V. Johnson

Ang pag-aaral ng mga bagay na espirituwal … ay nangangailangan ng naiibang pamamaraan kaysa pag-aaral ng mga bagay na ukol sa agham. Ang siyentipikong pamamaraan at katalinuhan ay malaking tulong, ngunit hindi ito magdudulot kailanman ng espirituwal na kaalaman. Ang matutuhan ang mga bagay na espirituwal ay nangangailangan ng katalinuhan, ngunit hindi ito sapat. Natututuhan lamang natin ang mga bagay na espirituwal sa pamamagitan ng Espiritu. (“A Pattern for Learning Spiritual Things” [Seminaries and Institutes of Religion satellite broadcast, Ago. 7, 2012], ChurchofJesusChrist.org)

Larawan
babaeng nagbabasa

Tungkol sa espirituwal na pagkatuto, ipinahayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na “yayamang lahat ay walang pananampalataya, masigasig na maghanap at turuan ang bawat isa ng mga salita ng karunungan; oo, maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118).

Alam ng karamihan sa atin kung paano matututo sa pamamagitan ng pag-aaral. Ngunit paano tayo matututo sa pamamagitan ng pananampalataya? Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Larawan
Pangulong Russell M. Nelson

Pinalalakas natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo kapag sinisikap nating sundin ang Kanyang mga kautusan at “lagi siyang [inaalala]” [Moroni 4:3]. Bukod pa rito, lumalakas din ang ating pananampalataya sa tuwing ginagamit natin ito. Ito ang ibig sabihin ng pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya.

Halimbawa, kapag nanampalataya tayo at sumunod sa mga batas ng Diyos—maliitin man tayo ng maraming tao—o sa bawat pagkakataon na tinatanggihan natin ang mga kasiyahan o ideolohiya na tahasang lumalabag sa ating mga tipan, ginagamit natin ang ating pananampalataya, at lalo itong lumalakas.

Maliban diyan, kaunti lamang ang mga bagay na nakapagpapalakas ng pananampalataya tulad ng regular na pagbabasa ng Aklat ni Mormon. Wala nang iba pang aklat ang makapagpapatotoo kay Jesucristo nang may kapangyarihan at kalinawan. …

Mangyari pa, nakasalalay ang kaligtasan natin sa pagiging isa natin sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo! Ang buhay na walang Diyos ay buhay na puno ng pagkatakot. Ang buhay na may Diyos ay buhay na puno ng kapayapaan. Ito ay sa dahilang ang espirituwal na mga pagpapala ay mula sa pagiging matapat. Ang pagtanggap ng personal na paghahayag ay isa sa mga pinakadakila sa mga pagpapalang iyon. (“Yakapin ang Bukas nang may Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2020, 75)

Larawan
icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Mag-isip ng mga tao sa mga banal na kasulatan o mga taong kilala mo na halimbawa ng alituntunin ng pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya. Maglista ng ilang halimbawa para maging handa kang magbahagi sa klase. Maaari mo ring itala ang natutuhan mo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo.