Institute
Lesson 20 Materyal ng Titser: Ang Pagkakaroon Ko ng Lugar sa Kawan ng Mabuting Pastol


“Lesson 20 Materyal ng Titser: Ang Pagkakaroon Ko ng Lugar sa Kawan ng Mabuting Pastol,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 20 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Lesson 20 Materyal ng Titser

Ang Pagkakaroon Ko ng Lugar sa Kawan ng Mabuting Pastol

Itinuro ni Elder Gerrit W. Gong na ang Mabuting Pastol ay “hinahanap at tinitipon tayo” at “tinuturuan Niya tayo kung paano maglingkod nang may pagmamahal” (“Mabuting Pastol, Kordero ng Diyos,” Liahona, Mayo 2019, 97). Sa lesson na ito, tatalakayin ng mga estudyante ang kahalagahan ng kaalaman na pinangangalagaan ng Mabuting Pastol ang lahat ng tao. Malalaman din ng mga estudyante ang kahalagahan ng pagkakaroon ng puso ng isang pastol upang mahanap at matulungan nila na maibalik ang mga nawawalang tupa ng Panginoon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Si Jesucristo ang Mabuting Pastol.

Maaari mong simulan ang klase sa pagpapakita ng kalakip na mga larawan ng mga pastol at tupa.

Larawan
isang pastol na inaakay ang kanyang kawan
Larawan
pastol na kasama ang isang tupa
Larawan
pastol sa tabi ng kulungan

Talakayin nang maikli ang pagkakaiba ng pastol at ng upahan (tingnan sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda).

Maaaring makatulong na ipakita rin ang larawan ni Jesucristo na inilarawan bilang Mabuting Pastol mula sa simula ng materyal sa paghahanda para sa klase at isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Ang Mabuting Pastol …

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin nang may kapartner o sa maliliit na grupo ang Juan 10:11, 14–16; Mga Awit 23:1–4; 3 Nephi 18:28–31 at maghanap ng mga paraan para makumpleto ang pahayag sa pisara. Matapos bigyan ng oras ang mga talakayan sa maliliit na grupo, maaari mong ipasulat sa ilang estudyante ang kumpleto nilang mga pahayag sa pisara. Maaaring kabilang sa mga pahayag nila ang mga katotohanang katulad ng sumusunod: Iniaalay ng Mabuting Pastol ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga tupa. Kilala at bilang ng Mabuting Pastol ang Kanyang mga tupa. Ang Mabuting Pastol ay nangangalaga, gumagabay, at nagpoprotekta sa Kanyang mga tupa.

Kapag natukoy ng mga estudyante ang mga katotohanan tungkol sa Mabuting Pastol, isipin kung alin sa mga sumusunod ang maaari mong itanong na makatutulong para mapalalim ang kanilang pagmamahal at pagpapahalaga sa Kanya:

  • Bakit kaya mahalagang maunawaan na kilala at bilang ng Tagapagligtas ang Kanyang mga tagasunod? Ano ang naisip at nadama ninyo nang mapagnilayan ninyo na inialay ng Mabuting Pastol ang Kanyang buhay para sa bawat isa sa atin?

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga parirala sa Mga Awit 23:1–4 (tulad ng “luntiang pastulan,” “mga tubig na pahingahan,” “pinanunumbalik niya ang aking kaluluwa,” mga landas ng katuwiran,” o “ang iyong pamalo at ang iyong tungkod, inaaliw ako”) at anyayahan silang ibahagi kung ano ang maaaring ituro sa atin ng mga pariralang ito tungkol sa Mabuting Pastol.

  • Ano ang ilang paraan na nadama ninyo ang pagmamahal at pagmamalasakit ng Mabuting Pastol para sa inyo? Paano Niya kayo tinulungan sa mahirap na panahon?

Maaari ninyong basahin, kantahin, o pakinggan ang isang bersiyon ng himnong “Ang Panginoon Ay Pastol Kong Tunay” (Mga Himno, blg. 62). (Maaari mong ipakita ang mga salita.) Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na binabantayan sila ng Panginoon.

Inaanyayahan ng Mabuting Pastol ang lahat ng tao sa Kanyang kawan.

Maaari kang magdispley ng larawan ni Pedro at ng Tagapagligtas (tingnan sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda) sa dalampasigan ng Dagat ng Galilea at anyayahan ang isang estudyante na ipaliwanag kung ano ang nangyayari. Maaaring makatulong na basahin ang Juan 21:15–17 at talakayin ang sumusunod na tanong:

  • Ano ang nakikita ninyong mahalaga tungkol sa mensahe ng Tagapagligtas kay Pedro? (Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagpapakain ng Kanyang mga tupa.)

Maaari mong rebyuhin sa mga estudyante ang pahayag ni Pangulong Bonnie H. Cordon sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng magkaroon ng “puso ng isang pastol”?

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Hangaring isama ang lahat ng estudyante. Upang maging katulad ng Tagapagligtas kailangan nating tulungan ang lahat ng estudyante, gaano man sila kaaktibo o hindi sa Simbahan, anuman ang antas ng kanilang pananampalataya, mga pagpili sa buhay, anyo, o pagkaunawa sa ebanghelyo. Habang pinamumunuan mo ang mga talakayan, sikaping lumikha ng kapaligirang may pagmamahal at tiwala para madama ng bawat estudyante na kailangan sila at maibabahagi nila ang kanilang mga iniisip, nadarama, at natatanging mga ideya.

Ibahagi ang sumusunod na sitwasyon o sarili mong ideya para makapagsimula ng talakayan sa klase:

Hinilingan kang mag-minister kay Jake. Kinontak mo siya sa social media para itanong kung puwede mo siyang puntahan. Isinagot niya ang sumusunod na mensahe: “Hindi na ako kailangang bisitahin. Sinikap kong magpunta sa ward noong nakaraang taon at hindi ako komportable. Hindi ako nababagay roon o nakadarama na kabilang ako sa simbahan. Hindi mo kailangang sayangin ang oras mo sa akin.”

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano sila tutugon kay Jake. Bilang bahagi ng talakayan, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod:

  • Ano kaya ang ibig sabihin ng magkaroon ng puso ng isang pastol sa sitwasyong ito?

  • Paano maiuugnay ang talinghaga tungkol sa nawawalang tupa sa sitwasyong ito? (Maaari ninyong rebyuhin ang Lucas 15:4–7 at ang pahayag ni Elder Gary E. Stevenson sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

  • Sa paanong paraan tayo nagiging “nawawalang tupa”? Kung nadama ninyong nawala kayo, ano ang ginawa ng iba para tulungan kayong bumalik? Kung nadarama ninyong naliligaw kayo ngayon, ano ang pinakagusto ninyong tulong mula sa iba pang mga miyembro ng Simbahan? (Kung makatutulong ito sa iyong mga estudyante, maaari mong hilingin sa kanila na bumuo ng maliliit na grupo at sabihin sa kanila na maghanap sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda ng mga alituntunin na makatutulong sa isang tao na mas madama na kabilang sila sa kanilang ward o branch.)

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Tagapagligtas nang tulungan ninyo ang mga taong nawawala o nadaramang hindi sila kabilang?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para pag-isipang mabuti kung ano ang magagawa nila upang matulungan ang isang tao na madama na siya ay pinahahalagahan, kailangan, at kasama sa kawan ng Panginoon. Hikayatin ang mga estudyante na isulat ang kanilang mga impresyon at kumilos ayon dito.

Sa pagtatapos ng klase, maaari mong ibahagi ang nadarama mo para sa Mabuting Pastol o anyayahan ang isang estudyante na ibahagi ang kanyang nadarama para sa Kanya.

Para sa Susunod

Sa linggong ito maaari mong ipadala ang sumusunod na mensahe, o ang sarili mong mensahe, sa mga estudyante. Habang pinag-aaralan ninyo ang lesson 21, isipin kung ano ang ginagawa o magagawa ninyo bawat araw para marinig ang tinig ng Panginoon.