Institute
Lesson 7 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Nagpapasalamat sa Katarungan, Awa, at Pagmamahal ng Diyos


“Lesson 7 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Nagpapasalamat sa Katarungan, Awa, at Pagmamahal ng Diyos,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 7 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Larawan
His Hand Is Stretched Out Still [Nakaunat Pa Rin ang Kanyang Kamay], ni Elizabeth Thayer

Lesson 7 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Nagpapasalamat sa Katarungan, Awa, at Pagmamahal ng Diyos

Itinuro ni Moises na si Jehova ay “matuwid at banal” (Deuteronomio 32:4). Sinabi rin niya na ang Panginoon ay “puspos ng kahabagan at mapagpala” (tingnan sa Exodo 34:6). Naisip mo na ba kung paano maaaring maging kapwa makatarungan at maawain ang Ama sa Langit at si Jesucristo? Ang mga banal na katangiang ito ay hindi lamang nagtuturo ng pagmamahal ng Diyos sa iyo kundi nagbibigay rin ito ng halimbawa kung paano ka makapagpapakita ng pagmamahal sa iba.

Paalala: Sa mga banal na kasulatan, ang titulong Diyos ay maaaring tumukoy sa Ama sa Langit o kay Jesucristo. Sila ay perpekto at taglay ang lahat ng mga banal na katangian. Anuman ang matutuhan natin tungkol kay Jesucristo ay totoo rin tungkol sa Ama sa Langit (tingnan sa Juan 14:9; 17:21).

Bahagi 1

Ano ang maituturo sa akin ng katarungan ng Diyos tungkol sa Kanyang pagmamahal?

Iniisip ng ilang tao na ang “Diyos ng Lumang Tipan” ay may katangiang iba mula sa “Diyos ng Bagong Tipan.” Nakikita nila ang Diyos ng Lumang Tipan, si Jehova, bilang mapaghiganti, mapilit, at malupit. At nakikita nila ang Diyos ng Bagong Tipan, si Jesucristo, bilang mabait, mapagpatawad, at maawain. Ngunit tulad ng natutuhan mo sa nakaraang lesson, “[Si Jesucristo] ang Dakilang Jehova ng Lumang Tipan, at ang Mesiyas ng Bago” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” SimbahanniJesucristo.org). Paanong ang Diyos ding iyon ay maaaring maging kapwa mahigpit at mabait, galit at mapagtiis, makatarungan at maawain?

Ang tila magkakasalungat na mga katangiang ito ay mga halimbawa ng lalim at lawak ng pagkatao ng Diyos. Ang pag-unawa kung paano Niya tinataglay ang lahat ng katangiang ito ay nagtutulot sa atin na mas magtiwala sa Kanya. Isipin ang mga problemang maaaring maranasan natin sa ating buhay kapag inisip natin na kung isa lang ang katangian ng Diyos, wala na Siyang iba pang mga katangian—na Siya ay makatarungan at mahigpit o kaya’y mahabagin at mapagpatawad. Habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, pag-isipan kung paano nauugnay ang lahat ng katangian ng Diyos sa Kanyang perpektong pagmamahal.

Magsimula tayo sa katarungan. Ano ang naiisip mo sa salitang ito? Kung minsan sa mga banal na kasulatan, ang katarungan ng Diyos ay tila malupit. Ang ilang tala sa Lumang Tipan ay gumagamit ng mga salitang gaya ng poot at galit upang ilarawan ang katarungan ng Diyos sa mga suwail at masasama (tingnan sa Isaias 1:4; Jeremias 32:30). Halimbawa, dahil sa pagsuway ng mga tao, ang Sodoma at Gomorra ay winasak ng apoy mula sa langit (tingnan sa Genesis 19:15–25), ang sambahayan ni Israel ay ikinalat ng Asiria (tingnan sa 2 Mga Hari 15:27–31), at ang bansa ng Juda ay dinalang bihag ng mga taga-Babilonia (tingnan sa 2 Mga Hari 24:10–16). Sa madaling salita, madalas maranasan ng masasama ang bigat ng katarungan ng Diyos.

Larawan
Destruction of Jerusalem [Pagkawasak ng Jerusalem], ni Gary L. Kapp

Kapag nababasa natin ang tungkol sa galit ng Diyos, hindi natin dapat isipin na ang damdamin at pagpapakita natin ng galit, bilang mga taong makasalanan, ay katulad ng matwid na galit ng Diyos. Tulad ng ipinaalala sa atin ng propetang si Isaias, “Ang aking mga pag-iisip ay hindi ninyo mga pag-iisip, ni ang inyong mga pamamaraan ay aking mga pamamaraan, sabi ng Panginoon” (Isaias 55:8).

Ipinahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang sumusunod na pananaw:

Larawan
Pangulong Dallin H. Oaks

Paulit-ulit nating nababasa sa Biblia at sa makabagong mga banal na kasulatan ang tungkol sa galit ng Diyos sa masasama at ang pagkilos Niya sa Kanyang pagkapoot sa mga taong lumalabag sa Kanyang mga batas. Paanong ang galit at poot ay ebidensya ng Kanyang pagmamahal? … Ang pag-ibig ng Diyos ay napakaperpekto kaya’t buong pagmamahal Niyang hinihiling na sundin natin ang Kanyang mga utos dahil alam Niyang sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa Kanyang mga batas tayo magiging perpekto, tulad Niya. Dahil dito, ang galit at poot ng Diyos ay hindi kasalungat ng Kanyang pag-ibig kundi ebidensya ng Kanyang pagmamahal. (“Pag-ibig at Batas,” Liahona, Nob. 2009, 27)

Ang panahon ng pagpapakita ng katarungan ng Diyos ay tanda rin ng Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga anak. Halimbawa, isipin ang kuwento tungkol kay Noe at ang Baha. Noong panahon ni Noe, ang “mundo ay tiwali sa harapan ng Diyos” (Moises 8:28). Laganap ang karahasan at patuloy sa paggawa ng kasamaan ang mga tao. Sa loob ng mga 120 taon nagbabala si Noe sa mga tao na kung hindi sila magsisisi, sila ay malilipol sa pamamagitan ng baha (tingnan sa Moises 8:17–30). Hindi nila pinansin ang mapagmahal na pakiusap ng Diyos, at lahat ay nasawi sa Baha maliban kay Noe at sa kanyang pamilya (tingnan sa Genesis 8:15–21).

Larawan
arka sa gitna ng karagatan

Sa una iisipin mong ang pangyayaring ito ay tila pagpapataw lamang ng matindi at matwid na hatol. Ngunit mula sa pangitain na natanggap ng propetang si Enoc tungkol sa panahon ni Noe, nagkaroon tayo ng pambihirang kaalaman tungkol sa kaugnayan ng katarungan ng Diyos at ng Kanyang pagmamahal.

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Moises 7:28–29, 32–33, 37, at hanapin ang katibayan ng malalim na pagmamahal ng Diyos maging sa mga taong ayaw makinig sa Kanyang mga kautusan.

Tungkol sa nakaaantig na pangyayaring ito, sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

Mas malaki ang nagawa ng kaisa-isang nakaaantig na tagpong iyon sa pagtuturo ng tunay na katangian ng Diyos kaysa sa anumang naisulat sa relihiyon. …

Di malilimutan ang paglalarawang ito ng pagmamalasakit ng Diyos sa ating buhay! … Kay daling mahalin ang taong lubos na nagmamahal sa atin! (“Ang Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Nob. 2003, 72)

Habang iniisip mo kung ano ang kahulugan sa iyo ng pagmamahal ng Diyos, isipin ang pinakamainam na paraan para ilarawan ito sa iba. Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

Maraming paraan ng paglalarawan at pagtalakay sa banal na pag-ibig. Ang isa sa mga katagang madalas nating marinig ngayon ay “walang kundisyon” ang pag-ibig ng Diyos. Bagama’t sa isang banda ay totoo iyan, ang katagang walang kundisyon ay hindi makikita sa banal na kasulatan. Bagkus, ang Kanyang pag-ibig ay inilarawan sa banal na kasulatan bilang “dakila at kahanga-hangang pag-ibig” [Doktrina at mga Tipan 138:3], “ganap na pag-ibig” [1 Juan 4:18; Moroni 8:16], “mapagtubos na pag-ibig” [Alma 5:26], at “walang hanggang pag-ibig” [Jeremias 31:3]. Mas mabubuting kataga ang mga ito dahil ang salitang walang kundisyon ay maaaring maghatid ng mga maling ideya tungkol sa banal na pag-ibig, tulad ng, pinalalampas at binibigyang-katwiran ng Diyos ang anumang ginagawa natin dahil ang Kanyang pag-ibig ay walang kundisyon, o hindi tayo pagagawin ng Diyos ng anuman dahil ang Kanyang pag-ibig ay walang kundisyon, o lahat ay maliligtas sa kaharian ng Diyos sa langit dahil ang pag-ibig ng Diyos ay walang kundisyon. Ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan at mananatili magpakailanman, ngunit ang kahulugan nito para sa bawat isa sa atin ay depende sa kung paano tayo tumutugon sa Kanyang pag-ibig. (“Magsipanahan sa Aking Pag-ibig,” Liahona, Nob. 2016, 48)

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Paano mo ipaliliwanag ang kaugnayan ng katarungan ng Diyos at ng Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga anak?

Bahagi 2

Ano ang maituturo sa akin ng awa ng Panginoon tungkol sa Kanyang pagmamahal?

Masaya sa pakiramdam na pinagpapala tayo ng Diyos kapag sumusunod tayo. Ngunit mahirap maranasan ang mga bunga ng ating mga maling pagpili. At kapag matindi ang mga bunga nito, nakakatakot ito. Sa gayong mga pagkakataon, maaari tayong magsumamo sa Panginoon na kaawaan tayo.

Gayunman, sa maraming pagkakataon, hindi nauunawaan ng mga nagkasala na kinakailangan nila ang awa ng Diyos. Isipin ang sitwasyon ni Corianton, ang anak ni Nakababatang Alma. Matapos talikuran ang kanyang misyon at makagawa ng ilang mabibigat na kasalanan, nadama ni Corianton na ito ay isang “kawalang-katarungan” para maparusahan at makaranas ng kalungkutan ang isang makasalanan (tingnan sa Alma 42:1).

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Alma 42:15, 22, 24–25, at alamin ang itinuro ni Alma tungkol sa katarungan, awa, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo. (Paalala: Ang taong nagsisisi ay “isang taong nagsisisi ng kasalanan; isang taong nalulungkot dahil sa kanyang mga paglabag” [Webster‘s Dictionary (1828), “Penitent”].)

Larawan
Christ in Gethsemane [Si Cristo sa Getsemani], ni Harry Anderson

Si Jesucristo, na may malalim na personal na pagmamahal para sa iyo at sa lahat, ay nasa pagitan natin at ng katarungan na naghihintay sa atin (tingnan sa Mosias 15:9). Binayaran na Niya ang napakasakit na kabayaran para sa ating mga kasalanan. At nais Niyang kaawaan ang mga nagsisisi (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:16–18). Sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, dating tagapayo sa Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Hindi tayo makakapasok sa langit; ang mga hinihingi ng katarungan ang hadlang, at wala tayong kapangyarihan na daigin itong mag-isa.

Ngunit may pag-asa pa. …

Ang ating mga kasalanan, bagama’t mapula, ay maaaring maging simputi ng niebe. Dahil ang ating pinakamamahal na Tagapagligtas ay “ibinigay ang kaniyang sarili na pangtubos sa lahat” [I Kay Timoteo 2:6], naglaan siya ng pasukan sa atin tungo sa Kanyang walang-hanggang kaharian. (“Ang Kaloob na Biyaya,” Liahona, Mayo 2015, 108)

Isiping muli ang pangitain ni Enoc tungkol sa Baha. Nalaman ni Enoc na sa daigdig ng mga espiritu, maging ang mga suwail na namatay sa Baha ay magsisibangon kalaunan at tatayo “sa kanang kamay ng Diyos” kung mananampalataya sila kay Jesucristo at magsisisi ng kanilang mga kasalanan (Moises 7:57; tingnan din sa Moises 7:38, 55–56; Doktrina at mga Tipan 138:6–8, 28–37).

Itinuro ni Elder Lynn G. Robbins ng Pitumpu kung paano tayo binibigyan ng biyaya ng Panginoon ng maraming pagkakataong magbago:

Larawan
Elder Lynn G. Robbins

Namamangha tayong lahat sa biyaya ng Tagapagligtas na nagbibigay sa atin ng ikalawang pagkakataong madaig ang kasalanan, o mga kabiguan sa ating mga pasiya.

Wala nang higit na panig sa atin kaysa sa Tagapagligtas. …

Batid na nagkalat ang mga pagsubok sa makitid at makipot na landas at na magkakaroon tayo ng mga kabiguan araw-araw, nagbayad ng walang-hanggang halaga ang Tagapagligtas para mabigyan tayo ng maraming pagkakataong kailangan upang matagumpay na makapasa sa ating pagsubok sa buhay. …

Dahil ayaw nating maging tapos hanggang sa maging katulad tayo ng ating Tagapagligtas, kailangan nating patuloy na magbangon tuwing madadapa tayo, na may hangaring patuloy na lumago at umunlad sa kabila ng ating mga kahinaan. (“Hanggang sa Makapitongpung Pito,” Liahona, Mayo 2018, 22, 23)

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang naiisip o nadarama mo para kay Jesucristo, batid na tinugunan Niya ang mga hinihingi ng katarungan upang makapagsisi ka at makatanggap ng awa? Ano ang magagawa mo para maipakita ang iyong pasasalamat para sa nagbabayad-salang sakripisyong ginawa Niya para sa iyo?