Institute
Lesson 16 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtanggap sa Dakilang Nagbabayad-salang Sakripisyo ng Tagapagligtas


“Lesson 16 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtanggap sa Dakilang Nagbabayad-salang Sakripisyo ng Tagapagligtas,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 16 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Larawan
Christ Praying in the Garden of Gethsemane [Si Cristo na Nagdarasal sa Halamanan ng Getsemani], ni Hermann Clementz

Lesson 16 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagtanggap sa Dakilang Nagbabayad-salang Sakripisyo ng Tagapagligtas

Pinatotohanan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na “Ang pinakadakilang pangyayari at ang pinakamahalagang tagumpay sa buong kasaysayan ng sangkatauhan ay ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoong Jesucristo” (“Testify of the Restoration,” New Era, Abr. 2017, 3). Sa iyong pag-aaral, isipin kung ano ang dinanas ng Panginoon para makumpleto ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Isipin din kung paano ka makapagpapakita ng pasasalamat sa nagawa Niya para sa iyo.

Bahagi 1

Bakit kailangan ko ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

Ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay isang mahalagang hakbang pasulong sa plano ng Ama sa Langit para sa ating walang hanggang pag-unlad. Binigyan tayo nito ng pagkakataong pumarito sa lupa, gumamit ng kalayaan, bumuo ng mga pamilya, makadama ng kagalakan, at matuto at umunlad (tingnan sa 2 Nephi 2:19–25).

Larawan
Leaving the Garden of Eden [Paglisan sa Halamanan ng Eden], ni Joseph Brickey

Ngunit ang hakbang na ito na pasulong ay nagdulot din ng hakbang pababa. Dahil sa Pagkahulog, bawat isa sa atin ay nagmana ng nahulog na kalagayan at daranas ng espirituwal at pisikal na kamatayan (tingnan sa Alma 42:5–9, 14). Hindi natin madaraig ang mga kundisyong ito sa pamamagitan ng sarili nating pagsisikap o kabutihan (tingnan sa 2 Nephi 2:5, 8). Itinuro ng propetang si Jacob na kung wala ang “walang hanggang pagbabayad-sala” ng Panginoon tayo ay “hindi na [babangon] pang muli” at itatakwil mula sa harapan ng Diyos (tingnan sa 2 Nephi 9:7–9).

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 2 Nephi 9:10, 21, at alamin kung paano tayo iniligtas ni Jesucristo mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan.

Pinatotohanan ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tayo tinutulungan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na madaig ang mga bunga ng Pagkahulog:

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

Ang Pagtubos ng Tagapagligtas ay may dalawang bahagi. Una, nagbayad-sala ito para sa mga paglabag ni Adan at ang ibinunga na Pagkahulog ng tao sa pagdaig sa matatawag na tuwirang ibinunga ng Pagkahulog—pisikal na kamatayan at espirituwal na kamatayan. Malinaw na nauunawaan ang pisikal na kamatayan; ang espirituwal na kamatayan ay ang paghiwalay ng tao mula sa Diyos. … Ang pagtubos na ito mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan ay para sa lahat at walang kundisyon.

Ang pangalawang aspeto ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay pagtubos mula sa matatawag nating hindi tuwirang bunga ng Pagkahulog—ang sarili nating mga kasalanan at hindi ang paglabag ni Adan. …

Dahil tayo ang nananagot at tayo ang pumipili, ang pagtubos sa ating sariling kasalanan ay may kundisyon—dapat nating aminin at talikdan ang kasalanan at mamuhay nang mabuti, o sa madaling salita, dapat tayong magsisi [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:43]. (“Pagtubos,” Liahona, Mayo 2013, 109–10)

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang naiisip at nadarama mo para kay Jesucristo, batid na Siya lamang ang paraan para maligtas ka mula sa espirituwal na kamatayan, pisikal na kamatayan, at sa mga epekto ng sarili mong mga kasalanan? (Tingnan sa Mosias 3:17.)

Bahagi 2

Paano nakapagdaragdag ng pasasalamat ko sa Tagapagligtas ang pagninilay ko sa pagdurusa Niya sa Getsemani at sa krus?

Pagkatapos ng pagkain ng Huling Hapunan kasama ang Kanyang mga Apostol at pasimulan ang sakramento sa kanila, dinala sila ni Jesus sa Halamanan ng Getsemani. Doon nanalangin at nagdusa ang Tagapagligtas para sa ating mga kasalanan.

Larawan
Christ in Gethsemane [Si Cristo sa Getsemani], ni Heinrich Hofmann
Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Marcos 14:33–36, Lucas 22:43–44, at Doktrina at mga Tipan 19:18 nang dahan-dahan at masusi. Sikaping ilarawan sa isipan ang halagang ibinayad ni Jesucristo upang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan.

Matapos dumanas ng di-mailarawang sakit sa Getsemani, si Jesus ay ipinagkanulo. “Dinakip Siya at tinuligsa batay sa mga maling paratang” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” SimbahanniJesucristo.org). Habang nasa kustodiya ng mga pinunong Judio sa relihiyon, ang Tagapagligtas ay nilait, dinuraan, sinampal, at pinaratangan nang mali (tingnan sa Mateo 26:47–68).

Larawan
Si Jesus ay nilitis ng Sanhedrin

Dahil wala silang awtoridad na patayin si Jesus, dinala Siya ng mga pinunong Judio kay Pilato, ang Romanong gobernador. Sa takot sa mga tao, hinatulan ni Pilato si Jesus ng kamatayan sa pamamagitan ng pagpapako sa krus. Bilang paghahanda sa pagpapako sa krus, si Cristo ay hinagupit, pagkatapos ay malupit na nilibak ng mga kawal na Romano. Ipinako nila ang Kanyang mga kamay at paa at itinaas Siya sa krus sa pagitan ng dalawang tulisan (tingnan sa Mateo 27:11–38).

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na habang nakapako si Jesus sa krus, “lahat ng pinakamatinding pagdurusa at walang-awang pasakit ng Getsemani ay naulit” (“Ang Nagpapadalisay na Kapangyarihan ng Getsemani,” Liahona, Abr. 2011, 58). Pagkaraan ng mga anim na oras, “sumigaw si Jesus nang may malakas na tinig, “Eloi, Eloi, lama sabacthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Marcos 15:34).

Larawan
The Crucifixion [Ang Pagpapako sa Krus], ni Harry Anderson

Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa pagdadalamhating ito:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

Para maging ganap ang pinakadakilang sakripisyong iyon ng Kanyang Anak yamang ginawa iyon nang kusang-loob at mag-isa, saglit na binawi ng Ama kay Jesus ang pag-alo ng Kanyang Espiritu, na suporta ng Kanyang presensya. … Para maging walang katapusan at walang hanggan ang Kanyang Pagbabayad-sala, kinailangan malaman [ni Jesucristo] kung ano ang pakiramdam nang mamatay hindi lamang sa pisikal kundi maging sa espirituwal, ang madama kahit paano ang pakiramdam kapag nawala ang banal na Espiritu, at maiwang kahabag-habag, walang pag-asa, at nag-iisa. …

… Dahil sa nilakad ni Jesus ang napakalayo, at malungkot na daan nang nag-iisa, hindi na natin kailangang gawin iyon. (“Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Liahona, Mayo 2009, 87–88)

Larawan
icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Pag-isipan ang halagang ibinayad ng Tagapagligtas sa Getsemani at sa krus upang tubusin ka, at itala ang iyong mga naisip at nadama. Isiping manalangin para maipahayag ang iyong pasasalamat sa Ama sa Langit para sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo para sa iyo.

Bahagi 3

Ano ang magagawa ko para matanggap ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoon?

Mahalagang maunawaan at pasalamatan ang pagdurusa ng Panginoon alang-alang sa iyo. Ngunit mas marami ka pang magagawa para maipakita ang iyong pananampalataya sa katotohanan ng Kanyang Pagbabayad-sala kapag pinili mong pagsisihan ang iyong mga kasalanan. (Makakakita ka ng halimbawa nito sa 3 Nephi 9:12–13, 21–22, kung saan inanyayahan ng Panginoon ang mga Nephita at mga Lamanita na magsisi bago Niya sila dalawin.)

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:10–14, at alamin ang kaugnayan ng kahalagahan ng bawat isa sa atin, ng Pagbabayad-sala ng Panginoon, at ng pagsisisi.

Patungkol sa kaloob na pagsisisi ng Panginoon, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson:

Larawan
Pangulong Russell M. Nelson

Itinuturing ng maraming tao na parusa ang pagsisisi—isang bagay na dapat iwasan maliban sa pinakamatitinding sitwasyon. Ngunit ang pakiramdan na pinaparusahan tayo ay galing kay Satanas. …

Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. (“Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67)

Larawan
isang masayang tao
Larawan
icon, kumilos

Kumilos

Ano ang saloobin mo tungkol sa pagsisisi? Ano ang magagawa mo para gawing mas nakasentro kay Cristo at masayang karanasan sa buhay mo ang pagsisisi? Isiping magtakda at magtala ng isang mithiin, at rebyuhin ito nang madalas.