Institute
Lesson 17 Materyal ng Titser: Pagkakaroon ng Pag-asa sa Tagumpay ni Jesucristo Laban sa Kamatayan


“Lesson 17 Materyal ng Titser: Pagkakaroon ng Pag-asa sa Tagumpay ni Jesucristo Laban sa Kamatayan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 17 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Lesson 17 Materyal ng Titser

Pagkakaroon ng Pag-asa sa Tagumpay ni Jesucristo Laban sa Kamatayan

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan: “Ang Pagkabuhay na Mag-uli mula sa mga patay ay nakapapanatag na personal na haligi ng ating pananampalataya. Ito ang nagdaragdag ng kahulugan sa ating doktrina, dahilan sa ating mga pagkilos, at pag-asa sa ating kinabukasan” (“Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?,” Liahona, Mayo 2021, 75). Sa lesson na ito, tatalakayin ng mga estudyante ang katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoon at ibabahagi kung paano ito nagbibigay sa kanila ng pag-asa sa harap ng mga hamon na kaakibat ng mortal na katawan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Maraming saksi ang nagpapatotoo sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.

Maaari mong simulan ang klase sa pag-anyaya sa mga estudyante na sumulat ng ilang pangungusap kung bakit personal na mahalaga sa kanila ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Pagkatapos ay bigyan ng oras ang ilan na magbahagi sa maliliit na grupo o sa klase. Maaari mong itanong ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong para malaman kung ano ang maaaring kailanganing talakayin ng mga estudyante nang mas detalyado sa lesson:

Maaari kang magdispley ng larawan ng nabuhay na mag-uling Cristo na nagpakita kay Maria sa puntod. Basahin nang sabay-sabay ang Juan 20:14–18 , at sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang pakiramdam ni Maria na makita ang nagbangong Panginoon. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang mga naisip, nadama, o impresyon nila.

Ipaalala sa mga estudyante na sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda inanyayahan silang pumili ng salaysay ng isang saksi tungkol sa nabuhay na mag-uling Cristo at itala ang kanilang mga naisip at nadama tungkol sa pangyayaring ito. Bigyan ng oras ang mga estudyante na rebyuhin ang kanilang scripture passage o pumili ng isa kung kinakailangan. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na bumuo ng maliliit na grupo at anyayahan silang ibahagi ang natutuhan nila mula sa mga tala na pinag-aralan nila. Pagkatapos ay maaari mong itanong:

  • Paano maaaring makaimpluwensya sa pananampalataya ng isang tao kay Jesucristo ang mga tala na ito tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli?

Maaari mong ipakita ang sumusunod na sitwasyon: Isipin kung paano kayo tutugon sa isang kaibigan na nagsabing, “Naniniwala ako na si Jesucristo ay isang dakilang guro at pinuno ng relihiyon. Tinatanggap ko ang Kanyang mabubuting turo, pero hindi ako naniniwala na talagang nangyari ang Pagkabuhay na Mag-uli.”

Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari mong itanong ang ilan sa mga sumusunod:

  • Paano kaya tumugon si Apostol Pablo sa pahayag na ito? (Maaari ninyong rebyuhin ang 1 Corinto 15:14, 17–22. Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay mahalaga sa ebanghelyo ng Panginoon. Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli.)

  • Bakit mahalaga ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo sa Kanyang ebanghelyo? Anong mga katotohanan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ang pinagtibay dahil Siya ay nabuhay na mag-uli? (Maaari ninyong rebyuhin ang pahayag ni Elder D. Todd Christofferson sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

  • Ano ang naiisip at nadarama ninyo nang malaman ninyo na dahil kay Jesucristo ang lahat ng tao—pati na kayo—ay mabubuhay na mag-uli? (Kung gusto mo, maaari mo ring ibahagi ang nadarama mo tungkol sa tanong na ito.)

Itinuro ni Pablo na maaari tayong magalak dahil sa tagumpay ni Jesucristo laban sa kamatayan.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Talakayin ang mga personal na paksa nang may malasakit at habag. Habang pinag-uusapan ninyo ang mga paksang maaaring maging sanhi ng matitinding damdamin, maging sensitibo sa mga sitwasyon at damdamin ng iyong mga estudyante. Alamin ang tungkol sa buhay ng iyong mga estudyante upang malaman mo kung paano pinakamainam na matatalakay ang sensitibong mga paksa. Sa oras ng klase, masdan ang mga ekspresyon ng mga estudyante at isaalang-alang kung paano maaaring makaapekto sa mga estudyante ang talakayan sa klase.

Ibahagi ang sumusunod na kuwento tungkol kay Alisa, anak ni Elder Paul V. Johnson ng Pitumpu:

Larawan
Elder Paul V. Johnson

Halos isang taon na ang nakalipas, pumanaw ang aming anak na si Alisa. Siya ay nakipaglaban sa kanser nang halos walong taon, at dumaan sa ilang operasyon, maraming iba’t ibang panggagamot, kapana-panabik na mga himala, at matinding kabiguan. Nakita namin ang unti-unting paglubha ng kundisyon ng kanyang pisikal na katawan habang nalalapit ang pagwawakas ng kanyang buhay. Napakasakit na makita na nangyayari iyon sa iyong pinakamamahal na anak—ang munting anak namin na iyon na may maningning na mga mata na lumaking matalino, mabuting babae, asawa, at ina. Pakiramdam ko’y madudurog ang puso ko. (“At Hindi na Magkakaroon ng Kamatayan,” Liahona, Mayo 2016, 121)

  • Nakaranas na ba kayo o ang isang taong kilala ninyo ng gayunding mga pakiramdam? Kung gayon, ano ang mga sitwasyong iyon?

Anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang pahayag ni Elder Johnson sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda at ang 1 Corinto 15:52–55. Maaari mong imungkahi na maghanap sila ng mga turo na magdudulot ng kapanatagan at pag-asa. Pagkatapos ay maaari mong itanong:

  • Paano nagdudulot ng kapanatagan at pag-asa ang doktrina ng Pagkabuhay na Mag-uli sa mga taong nahihirapan dahil sa nakapanghihinang sakit, mga pinsala na nagpabago ng buhay, mga kapansanan mula pagkasilang, o pagkamatay ng isang mahal sa buhay? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Tayo ay mabubuhay na mag-uli nang may katawang hindi masisira at imortal.)

  • Kailan nakatulong sa iyo o sa isang kakilala mo ang pagkaunawa sa katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli?

Maaari mong ibahagi ang iba pa tungkol sa karanasan ni Alisa:

Larawan
Elder Paul V. Johnson

Sinaliksik ni Alisa ang bilang ng mga taong nakaligtas sa uri ng kanser na nasuri sa kanya, at nakapanglulumo ang estatistika nito. Isinulat niya: “Ngunit may lunas, kaya hindi ako natatakot. Pinagaling na ni Jesus ang aking kanser, at ang sa inyo. … Ako ay magiging maayos. Masaya ako na alam ko ito.”

Mapapalitan natin ang salitang kanser sa alinman sa iba pang pisikal, mental o emosyonal na karamdaman na maaari nating maranasan. Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli, ang mga ito ay pinagaling na. (“At Hindi na Magkakaroon ng Kamatayan,” Liahona, Mayo 2016, 122)

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga karanasan nina Alisa at Elder Johnson?

Maaari ninyong kantahin ang himnong “Siya’y Nagbangon!” (Mga Himno, blg. 119) o panoorin ang video na “Siya ay Buhay—Ipagdiwang ang Pasko ng Pagkabuhay Dahil si Jesucristo ay Buhay” (2:26).

Pagkatapos ay idispley ang mga sumusunod na tanong, o ang ilan na sa palagay mo ay mas nauugnay sa iyong mga estudyante, at anyayahan ang mga estudyante na magnilay at isulat ang kanilang mga iniisip, nadarama, at impresyon.

  • Paano nagdulot sa iyo ng kapayapaan at pag-asa ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas nang maharap ka sa mga hamon ng mortalidad, o paano ito magdudulot ng kapayapaan at pag-asa?

  • Paano mo magagamit ang natutuhan mo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli para mapalakas ang iyong patotoo o ang patotoo ng ibang tao?

Pagkatapos ng sapat na oras para sa pagsusulat at pagninilay, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila.

Para sa Susunod

Upang mahikayat ang mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase, maaari mong ipadala sa kanila ang sumusunod na mensahe: Habang pinag-aaralan ninyo ang materyal sa paghahanda para sa lesson 18, isipin ang papel na ginagampanan ng biyaya sa inyong buhay.