Institute
Lesson 1 Materyal ng Titser: Pagtanggap sa Paanyaya ng Tagapagligtas na Matuto sa Kanya


“Lesson 1 Materyal ng Titser: Pagtanggap sa Paanyaya ng Tagapagligtas na Matuto sa Kanya,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo (2023)

“Lesson 1 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Kanyang Walang Hanggang Ebanghelyo

Lesson 1 Materyal ng Titser

Pagtanggap sa Paanyaya ng Tagapagligtas na Matuto sa Kanya

Ang kursong ito ay nagbibigay ng magandang pagkakataon sa iyo at sa iyong mga estudyante na mapalakas ang inyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang walang hanggang ebanghelyo. Sa lesson na ito, pag-iisipan ng mga estudyante kung ano ang maaari nilang gawin upang mas lubos na matanggap ang paanyaya ng Tagapagligtas na matuto sa Kanya. Pag-iisipan din nila ang kahalagahan ng matutuhan ang espirituwal na katotohanan sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Gamitin nang epektibo ang materyal sa paghahanda para pagyamanin ang pag-aaral. Ang materyal sa paghahanda ay naglalayong tulungan kapwa ang mga titser at mga estudyante na maghandang magkaroon ng magagandang karanasan sa pag-aaral nang magkakasama. Isaalang-alang ang mga sumusunod na tip:

  • Kung maaari, kontakin ang mga estudyante na nagrehistro para sa kursong ito bago ang kanilang unang araw ng klase, at sabihin sa kanila na basahin ang materyal sa paghahanda bago pumasok sa klase.

  • Dahil may mga estudyante na hindi pa makatatanggap ng materyal nang maaga, ipakita sa kanila kung paano maa-access ang digital copy o bigyan sila ng naka-print na kopya ng materyal bago mo simulan ang talakayan sa klase. Ibigay ang tulong ding ito sa bawat estudyante na dadalo sa iyong klase kalaunan.

  • Sa mga talakayan sa klase, gamitin ang mga karanasan at natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral ng materyal sa paghahanda. Maghanap din ng mga paraan na magamit ang materyal sa paghahanda sa oras ng klase para sa mga hindi naghanda nang maaga.

  • Paminsan-minsan anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano sila napagpala sa pamamagitan ng pag-aaral ng materyal sa paghahanda.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Inaanyayahan ni Jesucristo ang lahat ng tao na matuto sa Kanya.

Paalala: Ang pinakamahalaga sa misyon ng institute ay ang pagkakaroon ng isang kapaligiran kung saan nadarama ng lahat na sila ay ligtas, sinusuportahan, at pinahahalagahan. Upang makatulong na maipadama ang pagiging kabilang, mag-ukol ng ilang oras sa simula ng klase para makilala ang isa’t isa. Maaari mong alamin ang mga paraan sa buong kurso para matulungan ang lahat ng estudyante na madama na tanggap sila at minamahal sa iyong klase.

Para masimulan ang klase, magpakita ng larawan ni Jesucristo at maikling ibahagi ang iyong nadarama tungkol sa Kanya. Maaari mo ring anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang nadarama nila tungkol sa Tagapagligtas.

Basahin ang Mateo 11:28–30 at Doktrina at mga Tipan 19:23 sa klase, at itanong sa mga estudyante kung ano ang pinakanapansin nila tungkol sa mga paanyayang ito at mga ipinangakong pagpapala. Maaari mong bigyang-diin na personal at puno ng pagmamahal ang mga paanyayang ito habang tinutukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Inaanyayahan ni Jesucristo ang bawat isa sa atin na matuto sa Kanya at maranasan ang Kanyang kapayapaan.

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng matuto kay Cristo? (Kung kinakailangan, sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang pahayag ni Elder Kim B. Clark sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

  • Sa inyong palagay, bakit ang mga pangako ng kapayapaan, kapahingahan, at pinagaan na mga pasanin ay may kaugnayan sa pagkatuto kay Jesucristo? Sa paanong mga paraan ninyo naranasan ang mga uring ito ng mga pagpapala?

Maaari mong isulat ang pariralang Ebanghelyo = Mabuting Balita sa pisara. Pagkatapos ay ipabasa sa mga estudyante ang 3 Nephi 27:13–16, 20–21 at talakayin ang mga sumusunod na tanong kasama ang isang kapartner o sa maliliit na grupo.

  • Ayon sa Tagapagligtas, ano ang mahahalagang katotohanan ng Kanyang ebanghelyo? Bakit mabuting balita ang mga katotohanang ito? (Maaari mong rebyuhin ang pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

  • Sa paanong paraan nakatulong sa inyo ang pag-aaral at pamumuhay ng ebanghelyo para matuto sa Tagapagligtas at maging higit na katulad Niya?

Itinuro sa atin ng Panginoon kung paano matutuhan ang espirituwal na katotohanan.

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan ang kahalagahan ng paraan kung paano natin matututuhan ang espirituwal na katotohanan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, maaari mong ilahad ang sumusunod na sitwasyon:

Si Chloe, na kaibigan mo, ay mapag-isip at tinatanggap lamang ang mga ideyang batay sa lohika at siyensya. Tila kinakailangan niya munang patunayan ang mga bagay-bagay bago niya paniwalaan ang mga ito. Dahil alam niya na naniniwala ka kay Jesucristo, itinanong niya kung paano niya malalaman na Siya ay totoo. Ano ang isasagot mo?

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang sagot sa kapartner at pagkatapos ay tatalakayin ng buong klase ang mga limitasyon ng mga siyentipikong pamamaraan sa pag-aaral ng tungkol sa Tagapagligtas. (Maaari mong ibahagi ang pahayag ni Elder Paul V. Johnson sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.) Para mapalalim ang inyong talakayan, maaari mong itanong ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod:

  • Ano ang pamamaraan ng Panginoon para matutuhan ang espirituwal na katotohanan? (Basahin ang Doktrina at mga Tipan 88:118.)

  • Ano ang ibig sabihin ng matuto sa pamamagitan ng pananampalataya? (Maaaring makatulong na rebyuhin ang pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Maaari mo ring tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanang tulad nito: Kapag hinangad nating matutuhan ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagkilos nang may pananampalataya, madaragdagan ang ating pananampalataya kay Jesucristo.)

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga tao sa mga banal na kasulatan o ng mga taong kilala ninyo na natuto sa pamamagitan ng pagkilos nang may pananampalataya? Mag-ukol ng ilang minuto at isipin ang isang pagkakataon na may natutuhan kayong isang bagay tungkol kay Jesucristo dahil kumilos kayo nang may pananampalataya. Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Kanya?

Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para pagnilayan at isulat kung ano ang pinakagusto nilang matutuhan tungkol sa Tagapagligtas sa kursong ito at kung paano nila mapagbubuti ang kanilang kakayahan na matuto sa Kanya. Hikayatin sila na isulat ang kanilang mga mithiin. Maghanap ng mga pagkakataon na marebyu ng mga estudyante ang kanilang mga mithiin sa darating na mga linggo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Makipag-ugnayan sa mga estudyante sa labas ng klase. Para malaman ang mga pangangailangan ng mga estudyante at mahikayat silang pag-aralan ang materyal sa paghahanda, maaari kang makahanap ng mga paraan para makipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mensahe. Maaari mong gamitin ang mga mungkahi sa bahaging “Para sa Susunod” o gumawa ng sarili mong mensahe.

Para sa Susunod

Hikayatin ang mga estudyante na sa pag-aaral nila para sa susunod na klase na alamin ang itinuturo sa atin ng iba’t ibang pangalan at titulo ni Jesucristo tungkol sa Kanya. O maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung bakit tinutukoy natin ang Tagapagligtas bilang “buhay na Cristo.”