Mga Tulong sa Pag-aaral
24. Capernaum


24. Capernaum

Ang Capernaum, matatagpuan sa hilagang dalampasigan ng Dagat ng Galilea, ang sentro ng pagmiministeryo ni Jesus sa Galilea (Mat. 9:1–2; Marcos 2:1–5). Isang mahalaga at matagumpay na pangisdaan at sentro ng kalakalan, ito ay naging tahanan ng mga Gentil at gayon din ng mga Judio. Marahil ang dami ng tao rito noong unang siglo ay hindi aabot sa 1,000. Ang Capernaum ay matatagpuan sa krus na landas ng mahahalagang kalakalan, may matatabang lupaing nakapaligid dito. Nagtayo rito ang mga sundalong Romano ng mga bahay paliguan at imbakan, nakatulong sa maayos na kalagayang panlipunan na may mahuhusay na pagkakayaring pampublikong gusali. Sa kabila ng maraming himalang ginawa rito, kalimitang tinatanggihan ng mga tao ang pagmiministeryo ng Tagapagligtas. Kaya nga isinumpa ni Jesus ang lunsod (Mat. 11:20, 23–24). Sa paglipas ng panahon, ang Capernaum ay gumuho at nanatiling walang naninirahan.

Mahahalagang Pangyayari: Ang Capernaum ay nakilala bilang “sariling lunsod” ng Tagapagligtas (Mat. 9:1–2; Marcos 2:1–5). Marami siyang ginawang himala sa pook na ito. Halimbawa, pinagaling niya ang maraming tao (Marcos 1:32–34), kabilang na ang alipin ng senturion (Lucas 7:1–10), ang biyanang babae ni Pedro (Marcos 1:21, 29–31), ang lumpo na ang higaan ay ibinaba at idinaan sa bubong (Marcos 2:1–12), at ang lalaki na may tuyong kamay (Mat. 12:9–13). Dito si Jesus ay nagpalayas din ng maraming masasamang espiritu (Marcos 1:21–28, 32–34), pinabangon ang anak na babae ni Jairo mula sa mga patay (Marcos 5:22–24, 35–43), at binigkas ang pangaral tungkol sa tinapay ng buhay sa sinagoga sa Capernaum (Juan 6:24–59). Inatasan ng Tagapagligtas si Pedro na humuli ng isda mula sa Dagat ng Galilea, ibuka ang bibig nito, at makikita ang isang siklo na pambayad sa buwis (Mat. 17:24–27).

Larawan
Larawan 24

24. Capernaum Iilan lamang ang mga guhong natitira upang makilala ang kinaroroonan ng lunsod na ito kung saan ginawa ng Tagapagligtas ang marami sa kanyang mga himala.