2017
Pagpapaangkas at Pagbabahagi ng Ebanghelyo
July 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Pagpapaangkas at Pagbabahagi ng Ebanghelyo

Larawan
drive through English countryside

Paglalarawan ni Allan Davey

Ang pagdaan sa kabukiran ng England ay tahimik at payapa habang nagmamaneho ako papuntang simbahan isang Linggo ng umaga. Habang daan nakita ko ang isang matandang babae sa tabi ng kalsada. Kinailangan kong magpasiya kaagad kung hihinto ako para tingnan kung gusto niyang makiangkas.

Nadama ko na dapat akong huminto. Sinabi niya sa akin na siya si Mary at kadarating lang niya sa lugar na iyon. Napagtanto ko na kung nahuli siya nang ilang segundo o napaaga ako nang ilang segundo, baka hindi kami nagkita. Tiyempo talaga iyon!

Sinabi niya sa akin kung saan siya patungo, at malapit iyon sa chapel. Binanggit ko na papunta ako sa simbahan at itinanong ko kung nakabalita na siya tungkol sa Simbahan. Sumasampalataya raw siya sa Tagapagligtas pero kakaunti lang ang alam niya tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw. Sa daan ibinahagi ko ang ebanghelyo sa kanya.

Nang bumaba na si Mary, sinabi ko na puwede ko siyang isabay ulit pagkagaling ko sa simbahan. Pumayag siya, at nagkasundo kaming magkita sa chapel. Pagpasok ko sa simbahan, hinanap ko ang mga missionary at humingi ako ng kopya ng Aklat ni Mormon para ibigay sa bago kong kaibigan. Kalaunan, nang dumating siya sa chapel, kinaibigan siya ng mga miyembro at ibinahagi sa kanya ang kanilang patotoo.

Sa biyahe pabalik sinabi ko kay Mary na maaari niyang malaman ang iba pa tungkol kay Jesucristo sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon. Sinabi ko rin sa kanya kung saan matatagpuan ang kuwento tungkol sa pagpapakita ng Tagapagligtas sa mga Nephita. Bagama’t sandali lang niya nakausap ang mga Banal sa mga Huling Araw, alam ko na may nadama siya. Inihatid ko si Mary kung saan kami unang nagkita. Hindi ko inasahang makita siyang muli.

Habang nagmamaneho ako pauwi mula sa trabaho kinabukasan, nakakita ako ng detour sa daanan kaya napilitan akong dumaan sa isang kalsadang hindi ko karaniwang dinaraanan. Nagulat ako nang makita kong muli si Mary! Nang makita niya ako, ngumiti siya. Masaya ako na mapaangkas siyang muli.

Hindi ko pa nakikitang muli si Mary simula noon, ngunit tuwing maaalala ko ang karanasang ito, nagpapasalamat ako sa Panginoon na binigyan Niya ako ng pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo. Alam ko na binibiyayaan tayo ng Panginoon sa Kanyang perpektong takdang panahon.