2017
Sila sa Huling Bagon
July 2017


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Sila sa Huling Bagon

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1947, “To Them of the Last Wagon.”

Sa huling bagon na iyon may debosyon at katapatan at integridad at, higit sa lahat, pananampalataya sa mga Kapatid at sa kapangyarihan ng Diyos.

Larawan
covered wagon

Larawang kuha mula sa Getty Images

Nais kong magsalita tungkol sa huling bagon sa bawat isa sa mahahabang tren ng mga bagon na dahan-dahang naglakbay sa kapatagan. …

… Sa huling bagon sa likuran, hindi nila laging nakikita ang mga Kapatid na nasa harapan, at hindi nila madalas makita ang asul na langit dahil natatakpan ito ng makakapal na ulap ng alikabok sa daan. Subalit araw-araw, sila na nasa huling bagon ay patuloy na naglakbay, pagal at pagod, sugat-sugat ang mga paa, kung minsan ay halos mawalan na ng pag-asa, pinalakas ng kanilang pananampalataya na mahal sila ng Diyos, na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay totoo, at na pinamumunuan at ginagabayan ng Panginoon ang mga Kapatid na nasa harapan. Kung minsan, sila na nasa huling bagon ay nasulyapan, nang isang saglit, kapag napakalakas ng kanilang pananampalataya, ang mga kaluwalhatian ng selestiyal na daigdig, ngunit tila napakalayo nito, at agad napawi ang pangitain dahil sa kasalatan at kapaguran at sakit ng kalooban at kung minsan ay lagi silang pinanghihinaan ng loob.

Nang maglaho ang pangitain, labis silang nalungkot. Ngunit muli silang nanalangin at nagpatuloy, nang walang pumupuri, na walang gaanong nanghihikayat, at walang humahanga. … Ngunit sa huling bagon na iyon may debosyon at katapatan at integridad at, higit sa lahat, pananampalataya sa mga Kapatid at sa kapangyarihan ng Diyos at kabutihan. …

Kaya’t sa gitna ng alikabok at dumi, … dahan-dahan silang sumulong hanggang sa, pagdaan nila sa mga bangin patungo sa lambak, nagkaroon sila ng kapahingahan at tahanan. …

Ngunit daan-daan sa magigiting na kaluluwang ito na may matatag na pananampalataya at malaking kakayahan ang hindi pa nakatapos sa kanilang paglalakbay.

Muli silang tinawag ni Brother Brigham [Young] na maglingkod sa kaharian ng Diyos at pinatira sila sa mga lambak, sa malapit at sa malayo, sa malalawak na kabundukan kung saan sila nakahanap ng kanlungan. Kaya muli nilang nilagyan ng pamatok ang kanilang mga baka at itinali ang mga ito sa bagon, at … dahan-dahan silang naglakbay patungo sa mga bagong lambak, na muling nagtitiwala nang may lubos na pananampalataya sa karunungan at banal na patnubay ng kanilang Moises. …

At libu-libo sa sampu-sampung libong ito, mula noong una hanggang ngayon, na pawang hinirang ng Diyos, ang tumupad nang lubos sa kanilang abang tungkulin at sa kanilang tadhana na katulad ni Brother Brigham at ng iba pa, at gagantimpalaan sila ng Diyos. Sila ay ang mga pioneer sa salita at pag-iisip at gawa at pananampalataya, kahit na sila man ay nasa mas pinagpipitagang kalagayan. Ang pagtatatag ng mga pamayanang ito sa Salt Lake Valley at sa paligid nito ay hindi ginawa nang lihim ng iilang taong pinili kundi ng di-mabilang na mga tao na nagmula sa maraming bansa, na dumating at nagtrabaho at nagtayo, na tapat na tumalima sa kanilang mga pinuno na tinawag ng Diyos. …

Kaya sa mapagpakumbaba ngunit kahanga-hangang mga kaluluwa, … mapagpakumbaba kong ipinapahayag ang aking pagmamahal, paggalang, at mapitagang parangal.