2017
Ang Gantimpala ng Pagtitiis na Mabuti
July 2017


Mensahe ng Unang Panguluhan

Ang Gantimpala ng Pagtitiis na Mabuti

Larawan
family praying together

Noong binata pa ako, naglingkod ako sa Simbahan bilang tagapayo sa isang matalinong district president. Sinikap niya palagi na turuan ako. Naaalala ko ang payo na minsa’y ibinigay niya sa akin: “Kapag may nakilala ka, tratuhin sila na para bang may mabigat silang problema, at mas madalas na magiging tama ka.” Naisip ko noon na negatibo siya. Ngayon, mahigit 50 taon kalaunan, nakikita ko kung gaano niya naunawaan ang mundo at buhay.

May haharapin tayong lahat na mga pagsubok—kung minsan, napakahihirap na pagsubok. Alam natin na tinutulutan ng Panginoon na magdaan tayo sa mga pagsubok para maging makinang at sakdal tayo upang makapiling natin Siya magpakailanman.

Itinuro ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith sa Liberty Jail na ang gantimpala sa pagtitiis na mabuti sa kanyang mga pagsubok ay tutulungan siyang maging karapat-dapat para sa buhay na walang hanggan:

“Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang;

“At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas; ikaw ay magtatagumpay sa lahat ng iyong mga kaaway” (D at T 121:7–8).

Marami tayong nararanasang paghihirap at pagsubok sa buhay na ito na parang mahirap na magtiis na mabuti. Magmumukha nga itong gayon sa isang pamilyang nakaasa sa mga pananim samantalang walang ulan. Maaari nilang isipin, “Hanggang kailan tayo magtitiis?” Magmumukha itong gayon sa isang kabataang nilalabanan ang lumalalang kasamaan at tukso. Magmumukha itong gayon sa isang binatilyong nagsisikap na makapag-aral o makakuha ng training na kailangan niya para makapagtrabaho at masuportahan ang kanyang asawa at pamilya. Magmumukha itong gayon sa isang taong hindi makakita ng trabaho o ilang beses nang nawalan ng trabaho nang malugi at magsara ang mga kumpanya. Magmumukha itong gayon sa mga taong bumagsak ang kalusugan at katawan, na maaaring dumating habang bata pa o kapag matanda na sila o ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ngunit hindi tayo binigyan ng mapagmahal na Diyos ng gayong mga pagsubok para lamang makita kung matitiis natin ang hirap kundi para makita kung matitiis nating mabuti ang mga ito at nang sa gayon ay magiging makinang tayo.

Itinuro ng Unang Panguluhan kay Elder Parley P. Pratt (1807–57) noong bagong tawag siyang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nakabilang ka sa isang gawain na nangangailangan ng iyong buong pansin; … maging makinang na pana. … Kailangan mong magtiis ng maraming paghihirap, maraming gawain, at maraming pagsubok para maging lubos na makinang. … Kailangan ito ng iyong Ama sa Langit; ang bukid ay Kanya; ang gawain ay Kanya; at Kanyang … pasasayahin ka … at susuportahan ka.”1

Sa aklat na Mga Hebreo, binanggit ni Pablo ang bunga ng pagtitiis na mabuti: “Lahat ng parusa sa ngayon ay tila man din hindi ikaliligaya kundi ikalulungkot; gayon ma’y pagkatapos ay namumunga ng bungang mapayapa ng katuwiran sa mga nagsipagsanay sa pamamagitan nito” (Mga Hebreo 12:11).

Ang ating mga pagsubok at ating mga paghihirap ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong matuto at lumago, at maaari pa nitong baguhin ang pagkatao natin mismo. Kung makakabaling tayo sa Tagapagligtas sa ating kagipitan, ang ating kaluluwa ay maaaring maging makinang kapag nagtiis tayo.

Kaya nga, ang unang dapat tandaan ay manalangin tuwina (tingnan sa D at T 10:5; Alma 34:19–29).

Ang pangalawa ay patuloy na magsikap na sundin ang mga kautusan—anuman ang oposisyon, tukso, o kaguluhan sa paligid natin (tingnan sa Mosias 4:30).

Ang pangatlong mahalagang bagay na dapat gawin ay maglingkod sa Panginoon (tingnan sa D at T 4:2; 20:31).

Sa paglilingkod sa Panginoon, nakikilala natin Siya at natututo tayong mahalin Siya. Kung masigasig tayong manalangin at tapat tayong naglilingkod, masisimulan nating kilalanin ang kamay ng Tagapagligtas at ang impluwensya ng Espiritu Santo sa ating buhay. Marami sa atin ang nakapagbigay ng gayong paglilingkod sa loob ng ilang panahon at nadama natin ang patnubay na iyon. Kung gugunitain ninyo ang panahong iyon, maaalala ninyo na may mga pagbabago sa inyo. Ang tuksong gumawa ng masama ay tila nabawasan. Ang hangaring gumawa ng mabuti ay naragdagan. Maaaring sinabi na ng mga tao na kilalang-kilala kayo at mahal kayo: “Naging mas mabait at mapagpasensya ka. Parang nagbago ka na.”

Hindi ka na katulad ng dati. Nabago kayo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo dahil umasa kayo sa Kanya sa oras ng inyong pagsubok.

Ipinapangako ko na tutulungan kayo ng Panginoon sa inyong mga pagsubok kung hahanapin at paglilingkuran ninyo Siya at kikinang ang inyong kaluluwa dahil dito. Hinahamon ko kayo na magtiwala sa Kanya sa lahat ng inyong paghihirap.

Alam ko na ang Diyos Ama ay buhay at dinirinig at sinasagot Niya ang ating mga dalangin. Alam ko na ang Kanyang Anak na si Jesucristo ang nagbayad ng lahat ng ating kasalanan at nais Niya tayong lumapit sa Kanya. Alam ko na binabantayan tayo ng Ama at ng Anak at naghanda Sila ng paraan para makapagtiis tayong mabuti at makauwing muli.

Tala

  1. Autobiography of Parley P. Pratt, inedit ni Parley P. Pratt Jr. (1979), 120.