2017
Matatag Buong Linggo
July 2017


Matatag Buong Linggo

Ibinahagi ng mga kabataang ito kung paano sila pinagpapala ng Panginoon sa pagtanggap ng sakramento at pag-alala sa kanilang mga tipan sa buong linggo.

Larawan
young woman taking the sacrament

Linggo ng gabi. Ibig sabihin niyan ay Lunes bukas—balik sa homework mo, sa trabaho mo, sa pagsasanay ng football, sa piano lessons, at iba pa. Talagang maraming gagawin sa linggong ito! Pero kaya mong gawing lahat iyan. Matatapos mo ang lahat ng nasa listahan ng mga gagawin mo sa linggong ito.

Gusto mong malaman kung paano?

Tutulungan ka ng iyong espirituwal na lakas. Tuwing Linggo, maaari kang tumanggap ng sakramento at magpanibago ng mga tipang nagawa mo. Kapag ginawa mo ito, may pangako sa iyo na kung tataglayin mo ang pangalan ni Jesucristo, aalalahanin Siya, at susundin ang Kanyang mga kautusan, sa tuwina ay mapapasaiyo ang Kanyang Espiritu upang makasama mo (tingnan sa D at T 20:77, 79). Ibig sabihin ay madarama mo na malakas ka sa espirituwal anuman ang maranasan mo sa linggong ito.

Hiniling namin sa ilang kabataan na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa sakramento at kung paano sila napalakas nito habang inaalala nila ang kanilang mga tipan sa buong linggo. Basahin natin ang ilan sa kanilang mga kuwento. Siguro naranasan na rin ninyo ang mga ito!

Tinutulungan ako ng pag-alaala sa Tagapagligtas sa tuwina na magkaroon ng tapang sa kabila ng mahihirap na pagsubok. Sa kalagitnaan ng huling taon ko sa hayskul, bumalik ang pamilya ko sa Estados Unidos, pero nanatili akong mag-isa sa Australia para tapusin ang school year. Matapos ko silang bisitahin noong bakasyon namin sa klase, lumipad ako pabalik ng Australia, at lungkot na lungkot ako. Gayunman, bigla kong natanto na hindi ako nag-iisa; hindi ako nag-isa noon at hindi ako mag-iisa kailanman dahil papatnubayan ako ng Espiritu ng Tagapagligtas sa tuwina kapag sinikap kong tularan Siya. Iyon ang pinakamalaking kapanatagang nadama ko sa sandaling iyon.

Shannon S., 19, ng Sydney, Australia

Kapag naririnig ko ang mga panalangin sa sakramento, ipinapaalala ko sa sarili ko na kung tutuparin ko ang bahagi ko sa aking tipan sa binyag, lalagi sa akin ang Espiritu. Mas madali ang buong linggo ko kapag palaging malapit ang Espiritu. Halimbawa, marami sa mga estudyante sa paaralan ko ang gumagamit ng masamang pananalita at nangungusap sa di-angkop na mga paraan. Tinutulungan ako ng pag-alaala sa aking mga tipan na balewalain ang naririnig ko at impluwensyahan pa ang ilan sa mga kasama ko na tumigil sa pagsasalita nang gayon.

Jacob B., 14, Colorado, USA

Sa paaralan may isang batang babae na may kapansanan. Ginamit itong dahilan ng karamihan sa mga tao para pagtawanan siya. Kami lang ng kaibigan ko ang nagsikap na tulungan siya. May mga araw na tila pinagtutulungan siya ng buong klase. Mahirap malaman kung paano tutugon. Gusto kong lumayo na lang, pero pinili kong alalahanin na siya ay anak ng Diyos at isipin kung paano siya tatratuhin ni Jesus. Nadama ko ang kapanatagang dulot ng Espiritu Santo. Naalala ko na makakagawa ako ng kaibhan. Malaking tulong sa akin ang pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas, at nalaman ko na magiging maayos ang lahat.

Sa mga tipan ko sa binyag pinangakuan ako na laging mapapasaakin ang Espiritu Santo kung kikilos ako na tulad ng Tagapagligtas. Nagpapasalamat akong madama ang kapanatagan at lakas na iyan mula sa Espiritu Santo.

Alexis L., 13, Kansas, USA

Batid na nakipagtipan akong taglayin sa aking sarili ang pangalan ni Cristo, naisip ko na tungkulin kong sumunod sa Kanya, pero hindi iyon palaging madali. Minsan sa isang aktibidad ng grupo, nakita ko ang isang bata na walang makausap. Nadama ko na dapat ko siyang lapitan at kausapin. Noong una, ayaw ko sana. Hindi ako gaanong magaling sa pakikipagkaibigan. Pero nang maalala ko ang gagawin ni Cristo, nagkaroon ako ng lakas na kaibiganin siya. Habang kausap ko siya, nadama ko na hinihikayat ako ng Espiritu na magtanong at magkatuwaan kami.

Evan A., 16, Utah, USA

Sa oras ng sakramento, madalas kong isipin ang mga bagay na kailangan kong gawin sa buong linggong darating, mga gagawin ko sa paaralan, o gagawin namin ng mga kaibigan ko. Pero sa pamamagitan ng mga klase sa Sunday School at mga mensahe ng ating mga propeta, naunawaan ko na ang kahulugan ng sakramento. Iniisip ko na ngayon ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa atin, pinagbayaran ang ating mga kasalanan, at pinagdusahan ang lahat ng bagay. Ito ang gumaganyak sa akin araw-araw na sabihin na, mapagsisikapan kong tularan Siya at ipadama ang pagmamahal na ipinakita Niya sa iba. Maibabahagi ko ang ebanghelyo sa iba. May magagawa ako para maging mas karapat-dapat na pumasok sa templo at tumanggap ng sakramento.

Alessandra B., 17, Santiago, Chile

Ang sakramento ay espirituwal na pampalakas sa buong linggo. Ipinapaalala nito sa akin ang mga tipang ginawa ko sa aking Ama sa Langit, at ginagabayan ako nito sa buong linggo. Naiisip ko ang sakripisyo ni Jesucristo para sa atin, at inihahanda ako nito sa espirituwal na paraan para sa darating na linggo.

Minsan ay may problema ako at nayayamot ako, pero nang tumanggap ako ng sakramento at basahin ko ang himno ng sakramento, napuspos ako ng Espiritu. Nalimutan ko ang mga problema ko at nagtuon ako sa Tagapagligtas.

Brett B., 17, Colorado, USA

Para sa akin, ang pagtataglay ng pangalan ni Jesucristo sa aking sarili ay pag-alaala na ang Kanyang Espiritu ay maaaring mapasaatin sa tuwina at na kailangan nating piliing gawin ang tama. Minsan sa isang birthday party, nag-iinuman ang mga kaibigan ko, at inalok nila ako ng isang inuming nakalalasing. Tumanggi ako. Pagkatapos ay lumapit ang isa sa mga kaibigan ko sa Simbahan at sinabi sa kanila na hindi kami umiinom ng alak dahil sa aming relihiyon. Ang pag-alaala sa Tagapagligtas ay inilalapit ako sa Espiritu sa tuwina at inilalayo ako sa masasamang bagay.

Miguel C., 16, Paraná, Brazil

Pinapayapa ng pagtanggap ng sakramento ang aking puso’t isipan na kumukumbinsi sa akin na kakayanin ko ang anumang mangyari sa buhay ko. Noong nakaraang Hunyo, nahirapan ako sa buhay ko. Lumipat ng tirahan ang isa sa pinakamatatalik kong kaibigan, nahirapan akong labanan ang depresyon, at nagkaroon ako ng di-makatotohanang mga ideya tungkol sa katawan. Isang araw ng Linggo, nang tumanggap ako ng sakramento, nilukob ako ng kapayapaan. Ang saya ko talaga.

Olivia T., 14, Virginia, USA