2017
Paano Magkaroon ng Patotoo
July 2017


Mga Sagot mula sa mga Pinuno ng Simbahan

Paano Magkaroon ng Patotoo

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2008.

Larawan
young woman

Ang unang hakbang sa pagkakaroon ng anumang uri ng kaalaman ay tunay na hangaring malaman ito. Para sa espirituwal na kaalaman, ang susunod na hakbang ay magtanong sa Diyos sa pamamagitan ng taimtim na panalangin. Tulad ng nababasa natin sa makabagong paghahayag, “Kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, upang inyong malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang hanggan” (D at T 42:61).

Narito ang isinulat ni Alma ukol sa ginawa niya: “Masdan, ako ay nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw upang aking malaman ang mga bagay na ito sa aking sarili. At ngayon nalalaman ko sa aking sarili na ang mga yaon ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbigay-alam nito sa akin sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu” (Alma 5:46).

Habang tayo ay naghahangad at naghahanap, nararapat nating tandaan na ang pagkakaroon ng patotoo ay hindi isang bagay na wala tayong gagawin kundi isang proseso kung saan inaasahan tayong gawin ang isang bagay. Itinuro ng Tagapagligtas, “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili” (Juan 7:17).

Ang isa pang paraan ng pagtatamo ng patotoo ay tila kagila-gilalas kapag inihambing sa mga pamamaraan ng pagtatamo ng iba pang karunungan. Nagtatamo o nagpapalakas tayo ng patotoo sa pamamagitan ng pagbabahagi nito. May nagmungkahi pa nga na mas madaling natatamo ang ilang patotoo habang nakatayo at nagbabahagi nito kaysa nakaluhod at humihiling na magkaroon nito.

Ang personal na patotoo ay mahalaga sa ating pananampalataya. Dahil dito, ang mga bagay na kailangan nating gawin para magtamo, magpalakas, at magpanatili ng patotoo ay mahalaga sa ating espirituwal na buhay. Bukod pa sa mga isinaad na, kailangan nating makibahagi ng sakramento bawat linggo (tingnan sa D at T 59:9) para maging marapat sa mahalagang pangako na “sa tuwina ay mapasa[atin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin]” (D at T 20:77). Mangyari pa, ang Espiritu ang pinagmumulan ng ating patotoo.