2017
Huwag Maglaro ng Apoy!
Setyembre 2017


Huwag Maglaro ng Apoy!

“Ang mga utos sa t’wina’y sundin! Dito ay ligtas tayo at payapa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 68).

Larawan
dont play with fire

Habang lumalaki ako, isa sa mga naging trabaho ko ang magsunog ng basura. Tinitipon ko ang mga basura sa bahay. Inilalagay ko ito sa malaking bariles na bakal sa likod-bahay. Pagkatapos ay nagsisindi ako ng posporo at inilalaglag ko ito sa bariles.

Isang araw talagang mahangin, at laging namamatay ang sindi ng posporo. Nagpasiya akong gumawa ng sulo na yari sa diyaryo. Inisip ko na tatagal ang apoy nang sapat para magningas ang mga basura. Naalala ko na hindi tamang maglaro ng apoy, pero binalewala ko ang nadama kong babala. Nagrolyo ako ng ilang diyaryo, sinindihan ko ito ng posporo, at inilaglag ito sa bariles.

Whoosh! Pinag-apoy nang husto ng malakas na hangin ang diyaryo, at agad nag-apoy ang mga basura. Dinaanan ng malalaking apoy ang mukha ko. Mabuti na lang at nakatali ang halos lahat ng buhok ko. Pero kumulot nang husto ang bangs ko! Nasunog ang mga pilikmata ko, at pati mga kilay ko. Napakabilis ng pangyayari!

Nagbigay iyan ng aral sa akin: kung lalaruin mo ang isang mapanganib na bagay, masasaktan ka! Binalaan tayo ng ating mga magulang at ng Espiritu Santo na iwasan ang mga mapanganib na bagay na gaya ng pornograpiya at mga droga. Kung pipiliin nating balewalain ang mga babala, may ibubunga iyan na hindi maganda.

Nagpapasalamat ako na muling tumubo ang buhok ko sa paglipas ng panahon. Parang pagsisisi iyan. Kapag mali ang ating mga pasiya, mapipili nating magbago. Mapapatawad tayo dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Gaano man tayo kabata o katanda, laging nariyan ang ating Tagapagligtas para tulungan tayo. Madarama nating muli ang kapayapaan, gaya noong araw na bininyagan tayo.

Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng mga kautusan dahil mahal Niya tayo. Nais Niya tayong protektahan at tulungan. Kayganda ng mga kaloob na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit at ng Kanyang anak na si Jesucristo!