2017
Higit pa ang Magagawa Natin: Pagtanggap sa Iba sa Kawan
Setyembre 2017


Higit pa ang Magagawa Natin: Pagtanggap sa Iba sa Kawan

Narito ang apat na paraan para matulungan ninyo ang mga bagong binyag at nagbabalik-loob na mga miyembro na madamang kabilang sila.

Larawan
women at church

Sa loob ng isang buwan matapos ang binyag ni Melissa (pinalitan ang lahat ng pangalan) sa Gitnang-Kanluran ng Estados Unidos, siya ang nag-alay ng pambungad na panalangin sa sacrament meeting. Kinakabahan siya sa pananalangin sa publiko pero “nakadama ako ng pagtitiwala sa kakayahan kong makipag-usap sa aking Ama sa Langit,” paggunita niya. “Tutal, maraming taon na akong nagdarasal, lalo na noong nag-iimbistiga pa lang ako sa Simbahan, at nadarama ko ang tulong sa akin ng Espiritu Santo.”

Kaya nakagugulat na nakatanggap siya ng email mula sa isang miyembro ng ward na sinasabi “nang detalyado” ang lahat ng mali sa kanyang panalangin. Pagkapahiya at matinding pag-aalinlangan ang nadama ni Melissa hanggang sa madama niya na dapat niyang tawagan ang returned missionary na nagturo sa kanya. “Agad niyang tiniyak sa akin na hindi talaga tama na pintasan ako nang gayon ng miyembrong ito,” sabi niya. “Sinabi rin niya di kailanman hihilingan ng bishopric ang isang miyembro, gaya ng inakala ko, para magbigay sa akin ng ganitong uri ng feedback.”

Sa nadamang katiyakan, si Melissa ay nanatiling aktibo sa ward, tumanggap ng mga calling, at patuloy na pinalago ang kanyang pananampalataya. Pero inabot din ng ilang buwan bago nawala ang sakit at pagkawala ng tiwala dahil sa pagkatanggap ng email na iyon na nakapanghihina ng loob.

Sa kasamaang palad, ang kuwento ni Melissa ay hindi naiiba. Maraming bago at nagbabalik-loob na mga miyembro ang nahaharap sa malalaki ngunit kadalasan ay maiiwasan, na mga hamon dahil nadarama nila na parang hindi sila kabilang. Kung minsan kahit ang may malalakas na patotoo ay nahihirapang manatiling tapat kapag nadarama nila na hindi sila kabilang. Sa mga bagong video series kamakailan na pinamagatang Unity in Diversity, nagsalita ang mga lider ng Simbahan tungkol sa isyung ito, hinihikayat ang mga miyembro na maging mas sensitibo, isali ang iba, at maging magiliw sa ating mga pakikipag-ugnayan.

Makatutulong ang sumusunod na mga kuwento para ipakita kung paano natin maipamumuhay ang mga alituntuning ito bilang mga miyembro at maging tunay na mga kaibigan at magbigay ng emosyonal na suporta sa mga sabik sa taos-pusong pagtanggap sa Simbahan ng Panginoon.

Maging Kaibigan sa Pananampalataya

Larawan
fellowshipping of the Saints

“Kapag may pumasok na sinuman sa pintuan ng isang kapilya, dapat na madama nila kaagad ang yakap at pagmamahal at pagpapasigla at pagbibigay-inspirasyon …para humayo sila at magpakabuti dahil alam nilang mahal sila ng Panginoon at may mga kaibigan sila sa kanilang pananampalataya.”

—Carol F. McConkie, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency

Kailangan ni Melissa ng mga tunay na kaibigan, lalo na sa kanyang ward, na malalapitan niya kapag kailangan niya ng payo o tulong. Ang kanyang asawa at anak na babae ay hindi sumapi sa Simbahan na kasama niya.

“Ang pagpunta sa Simbahan at makita ang lahat ng pamilyang naroon ay talagang nagpapalungkot sa akin,” sabi niya. Lahat ng tao ay palakaibigan, ngunit kahit ang kaligayahan nila ay nagbigay sa kanya ng damdamin na parang “Hindi ko kailanman matatamasa ang saya ng pagiging Mormon dahil ako lang ang may mga problema.”

Bukod sa returned missionary na nagturo sa kanya, mapalad si Melissa na nariyan si Cindy, isang kaibigan online na unang nagpakilala sa kanya sa Simbahan. “Mahirap panoorin si Melissa na nahihirapan sa kanyang lugar habang nakatingin lang ako at walang magawa,” paliwanag ni Cindy. “Kaya bumuo ako ng isang pribadong grupo sa Facebook na may ilang matatag, mapagmahal, at iba’t ibang miyembro na tumulong at nakipagkaibigan sa kanya sa paraan na hinding-hindi ko magagawa nang mag-isa.”

Hindi lamang ipinadama ng grupo kay Melissa na kabilang siya habang nakikibagay siya sa kanyang ward kundi sinagot din nito ang mga tanong tungkol sa klase ng pamumuhay at mga alalahanin ukol sa kultura. “Lumaki ako na nagsusuot ng maiikling pang-itaas at maiikling shorts,” sabi ni Melissa. Pinasalamatan niya ang mga kaibigan online na nagpadala ng mga larawan ng mga damit na maaari niyang tingnan sa mga lokal na tindahan. Ito ang naghikayat sa kanya para humingi sa kababaihan sa kanyang ward ng rekomendasyon ukol sa panonoorin matapos maging hindi komportable sa ilan sa kanyang mga koleksyon.

Sinabi ni Melissa na ang isang mahalagang aspeto ng pakikipagkaibigan ay ang paghingi niya ng payo. Ang pagbibigay ng payo na hindi naman hiningi ay parang panghihimasok sa halip na pakikisali sa grupo, isang pakikialam sa pribadong buhay na maaaring makasakit sa mga taong hindi handa para rito.

Sa huli, si Melissa ay tinawag na magturo sa Relief Society. Dahil sa kanyang tungkulin ay nagkaroon siya ng mga pagkakataong makaugnayan ang iba pa sa ward. Ikinuwento ni Melissa sa kababaihan ang hirap na dinanas niya hindi lang ang pag-adjust niya bilang bagong miyembro kundi pati na ang pag-asikaso niya sa autistic na anak, ilang problema sa kalusugan, at “Ah, naghihingalo na ang aso ko.” Ang karanasan ng pagkakaroon ng iba pang kababaihan na nakikinig at tumutugon sa sarili nilang mga problema sa klase at sa mga pribadong usapan ay talagang nakapagpagaling. Ang mga koneksyong ito ay nakatulong para madama ni Melissa na sa wakas ay mayroon siyang mga tapat na kaibigan sa pananampalataya.

Isali ang Lahat

Larawan
members of the Church

“Iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga tagasunod na ‘mangagibigan sa isa’t isa; na kung paanong iniibig ko kayo’ (Juan 13:34; idinagdag ang pagbibigay-diin). Kaya tingnan natin kung paano Niya tayo minamahal. … Kung gagawin natin Siyang huwaran, dapat palagi nating sikaping tumulong para isali ang bawat isa.”

—Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol

Si Robert, isang investigator sa Canada, ay nakadalo sa iba’t ibang miting at aktibidad ng LDS. Sinaliksik na niya ang iba’t ibang relihiyon ngunit patuloy niyang pinag-aaralan ang Simbahan dahil sa inspirasyong natagpuan niya sa doktrina nito at sa Aklat ni Mormon. Dumadalo siya sa institute para matuto pa at dama niya na ang kapaligiran doon ay “kaaya-ayang damhin, palakaibigan ang mga tao, at maganda talaga ang vibe,” sabi niya. “Ang mga Mormon ang pinakamabait na mga tao sa mundo.”

Inilalarawan ang sarili na mahiyain, gusto sana ni Robert na makihalubilo pero sinasabi niyang, “Madalas nasa tabi o gilid lang ako, hindi sigurado kung paano maging bahagi ng mga grupo, ang ilan sa kanila ay matagal nang magkakaibigan na mga LDS na para bang hindi na nila kailangan ang iba pa.” Pero hindi naman mahirap labanan ang damdaming ito ng pagkahiwalay sa iba. Sa isang aktibidad, paggunita niya, “may lumapit sa akin pagkatapos ng hapunan at hinikayat akong lumagi para manood ng pelikula; kung hindi dahil doon, aalis na sana ako, pero sa halip ay naging masaya ako. Kailangan ko lang malaman na may gustong naroon ako.”

Tulad ni Melissa, pinasasalamatan niya ang mga kaibigang LDS na nagpapaliwanag ng doktrina ngunit hindi masyadong partikular kung paano ipamuhay ito. Ang mga kaibigan na mas nakikinig kaysa nagpapayo ay tulad ng “isang taong kasabay mo sa paglakad, at hindi isang taong nasa likuran mo at itinutulak ka para mas bumilis ka. Kadalasan, natitisod ka lang at nadadapa.”

Nahirapan si Robert na talikuran ang paninigarilyo. Ang hindi niya pagkapanatag ay nagpapakita kung gaano ang kamalayan ng mga bagong miyembro sa pagkakaiba nila. “Wala ni isang miyembro na nagsabi sa akin na ako ay amoy usok ng sigarilyo,” sabi niya. “Gayunman kung hindi bagong laba ang damit ko, sa bahay lang ako at hindi na dumadalo sa institute o sa simbahan.”

Maaari nating mas maipadama sa iba na kabilang sila sa muling pagbibigay ng katiyakan at ibilang ang mga bagong miyembro sa Simbahan. Sabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Nalulungkot ako kapag lumapit ang isang tao na lubhang mahina ang kalooban at sasabihing … , ‘Gusto ko na narito ako,’ at pagkatapos ay hindi siya papansinin o babale-walain lang siya. Napakalungkot niyan. … Kailangang mas mabuti pa roon ang magawa natin” (“Is There a Place for Me?” [video], lds.org/media-library).

Makisalamuha Kayo

“Kapag pinili ninyong makisalamuha, pinagpapala ninyo ang buhay ng iba. … Puwede ba ninyong hanapin ang taong nakaupo sa labas, na nag-iisa at walang kasama? … Kapag binuksan ninyo ang inyong puso sa ibang tao, makikita ninyong lahat tayo ay kabilang.”

—Jean B. Bingham, Relief Society General President

Matapos sumapi si Elsa sa Simbahan sa Netherlands, nakaranas siya ng tunay na kaugnayan sa mapagmahal na Ama sa Langit. Ngunit bilang young single adult, nakikibaka rin siya sa kalungkutan kapag ang mga kapamilya at kaibigan ay hindi komportable sa kanyang bagong paniniwala sa relihiyon at mga gawi. “Ang pinakamainam na nagawa ng mga miyembro para sa akin,” sabi niya, “ay handa silang kaibiganin ako sa labas ng simbahan. Ang ilan ay pumupunta sa templo para magsagawa ng mga binyag na kasama ako kahit natanggap na nila ang kanilang endowment. Kailangan kong makasalamuha ang mga miyembro hindi lang sa araw ng Linggo para makahugot ng lakas at manatiling tapat hanggang wakas.”

Pakiramdam ni Elsa ang pinakamalaking hamon sa kanya bilang bagong binyag ay “ang ekspektasyon na maunawaan niya kaagad ang lahat,” sabi niya. “Lahat ng pangalan o kataga, kaganapan, mga tungkulin. Bahagya itong nakakatuliro, at kung minsan ay nag-aalala ako na baka hinahatulan ako ng mga tao dahil sa hindi ako mabilis matuto.” Bukod pa riyan, tulad ng marami pang iba, dumaranas siya ng pagkabalisa kapag kasalamuha ang mga tao kaya “mas komportable akong umuupo sa bandang likod ng kapilya, at bihirang makihalubilo.” Nakakatakot ang malalaking grupo, at iniisip niya na baka hinahatulan siya ng iba sa kawalan niya ng partisipasyon. “Hindi naman sa ayaw kong makilahok sa mga aralin o kumanta ng mga himno nang hayagan o manalangin sa publiko,” paliwanag niya. “Takot lang talaga ako na baka maiyak lang ako sa harapan ng mga tao na hindi ko pa naman talaga kakilala.”

Sabi ni Sister McConkie: “May kilala akong mga tao na nagsisimba tuwing Linggo para mabigyang-inspirasyon sila at masiyahan at basta na lang lalakad palayo na nadaramang hinahatulan sila at walang nagmamahal—hindi sila kailangan, na para bang walang lugar para sa kanila sa simbahan. Kailangan nating ibahin ang pakikitungo natin.”

Ang mga miyembrong hindi mapanghusga, sabi ni Elsa, ang nakakatulong nang malaki sa kanya. “Nakikinig sila sa aking mga problema at hindi nakikialam sa personal kong buhay. Kumikilos sila nang may katapatan at tiyaga habang natututuhan ko sa sarili ko kung paano maging miyembro.” Sa kabila ng kanyang pag-aalala, sumasama siya sa mga missionary at nag-aasikaso sa mga bagong miyembro at investigator. “Alam ko kung ano ang pakiramdam ng maging bagong miyembro,” paliwanag niya, “at gusto kong tiyakin na walang sinumang tatalikod sa mga kaloob ng ebanghelyo na nagligtas sa akin mula sa kawalan ng pag-asa.”

Ipamuhay ang Ebanghelyo, Maging mga Disipulo

Larawan
members of the Church

“Ang mga tao ay maaaring may taglay ng iba’t ibang kaloob at pananaw. Ang malawak na karanasan at mga pinagmulan o kinagisnan at mga hamon na kinakaharap ng mga tao ay magpapakita sa atin kung ano talaga ang mahalaga sa ebanghelyo ni Jesucristo. At marami sa maaaring nakuha sa paglipas ng panahon at mas ukol sa kultura kaysa doktrina ay maaaring mawala, at maaari talaga tayong matutong maging mga disipulo.”

—Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol

Sa kabila ng pagiging dating mapamintas sa Simbahan, sumapi si Jim dahil tumanggap siya ng “di-mapagdududahang espirituwal na patotoo mula sa Espiritu Santo na siyang nagpapatotoo sa katotohanan ng ebanghelyo at sa doktrina nito.” Isa sa pinakamalaking hamon niya, gayunman, ay ang pakikibagay sa kulturang LDS.

Matapos ang binyag, natuklasan niya na marami sa karaniwang tinatanggap na mga pag-uugali ng mga miyembro ay mas ayon sa kultura sa halip na ukol sa doktrina. “Bagaman nangyayari ito sa alinmang organisadong relihiyon,” paliwanag niya, “nadama ko na kung hindi ako susunod sa ilang kagawian, maaakusahan ako na hindi ganap na tinatanggap ang ebanghelyo. Hindi ako nahirapan sa ebanghelyo o sa doktrina kundi sa pakikibagay na ukol lamang sa kultura.”

Tulad ng paliwanag ni Elder Christofferson, kailangan natin ang ating mga bagong miyembro, investigator, at iba pa para tulungan tayong supilin kung ano ang mga gawing hindi ukol sa doktrina na naipon sa paglipas ng panahon at maging tunay na mga disipulo.

Sa pagbanggit sa mga benepisyong dulot ng pakikisalamuha sa mga tao na iba’t iba ang pinagmulan, hinihikayat ni Elder Oaks ang mga Banal sa mga Huling Araw na iwasang magtuon ng pansin sa mga pagkakaiba at, sa halip, simulan sa pagtatanong ng, “Saan kayo nagmumula? Anu-ano ang pangunahing pinahahalagahan ninyo? Ano ang gusto ninyong maisakatuparan?” Ang ganitong uri ng pagbubukas ng isipan at pagtanggap, sa kabilang banda, ay tumutulong para madama ng mga bago nating miyembro na sila ay kabilang, pinasisigla, minamahal, at handang tanggapin ang kaligtasan sa loob ng kalipunan ni Cristo.

Tulad ng mga lider ng Simbahan ngayon, si Apostol Pablo ay nag-alala noon tungkol sa pagkakahati-hati sa sinaunang Simbahan ni Cristo. Hinikayat niya ang mga miyembro na may malakas na opinyon na iwasang saktan ang kalooban ng kapwa mga Banal tungkol sa mga gawain na, sa huli, ay talagang hindi mahalaga, ipinaliliwanag na bagama’t “ang kaalaman ay nagpapalalo, … ang pag-ibig ay nagpapatibay” (1 Mga Taga Corinto 8:1). Nanawagan siya na “huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi” at magtuon kay “Jesucristo, at siya na ipinako sa krus” sa halip na sa pagkakaiba-iba ng mga miyembro (1 Mga Taga Corinto 1:10; 2:2).

Ngayon, hinihikayat tayo ng mga makabagong apostol at propeta na magkaisa sa pagkakaiba-iba, hinihimok tayo na bigyan ng puwang ang bawat miyembro ng Simbahan ni Cristo bilang mahalagang bahagi ng ating layunin na “pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios … hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo” (Mga Taga Efeso 4:13).