2017
Pagtatanggol sa Pananampalataya
Setyembre 2017


Pagtatanggol sa Pananampalataya

Kailangan ng Panginoon ang mga taong handa at may kakayahang ipagtanggol sa mapagpakumbabang paraan ngunit nang buong katatagan si Cristo at ang kaharian ng Diyos.

Larawan
men talking with speech bubbles

Mga paglalarawan mula sa Getty Images

Bago tayo isinilang mayroon tayong kalayaan, kakayahang mangatwiran, at katalinuhan. Doon tayo ay “tinawag at inihanda … alinsunod sa kaalaman ng Diyos sa mula’t mula pa” at noon ay “nasa gayon ding kalagayan” na tulad ng ating mga kapatid (Alma 13:3, 5). Napakaraming pagkakataon para sa pag-unlad at pagkatuto.

Gayunman, ang pantay na pagkakataong malaman ang mga turo ng mapagmahal na tahanan sa langit ay hindi lumikha ng magkakatulad na hangarin sa atin—na mga espiritung anak ng Ama sa Langit—para makinig, matuto, at sumunod. Sa paggamit ng ating kalayaan, tulad ng ginagawa natin ngayon, nakinig tayo na may iba’t ibang antas ng interes at layunin. Sabik na hinangad ng ilan sa atin na matuto at sumunod. Sa napipintong digmaan noon sa langit, naghanda na tayo para sa pagtatapos ng ating pananatili sa ating tahanan noon sa langit. Ang katotohanan ay itinuro at hinamon; nagpahayag ng mga patotoo at pinagtawanan, bawat premortal na espiritu ay gumagawa ng pagpili kung ipagtatanggol ba o tatalikuran ang plano ng Ama.

Kailangang may Panigan

Sa huli, ang hindi pagpili o pagpanig ay hindi na naging opsiyon sa hidwaang ito. Ni hindi ito opsiyon ngayon. Tayo na mga nasasandatahan noon ng pananampalataya sa gagawing Pagbabayad-sala ni Jesucristo, tayong mga napalakas ng patotoo ng Kanyang banal na papel na gagampanan, tayo na nagtataglay ng espirituwal na kaalaman at ng lakas-ng-loob na gamitin ito sa pagtatanggol ng Kanyang banal na pangalan ay nakipaglaban sa unang hanay ng digmaang ito ng mga salita. Itinuro ni Juan na ang magigiting na espiritu, at ang iba pa, ay nadaig si Lucifer “dahil sa dugo ng Cordero, at dahil sa salita ng kanilang patotoo (Apocalipsis 12:11; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Oo, ang pangako na magkakaroon ng Tagapagligtas at ng pagbuhos ng dugo sa Getsemani at Calvario ay nanalo sa premortal na digmaan. Ngunit ang ating premortal na lakas-ng-loob at patotoo, ang kahandaan nating magpaliwanag, mangatwiran, at hikayatin ang iba pang mga espiritu ay nakatulong para pigilan ang paglaganap ng kasinungalingan nang walang sumasalungat!

Sa matagumpay nating pakikipaglaban sa premortal na daigdig para ipagtanggol Siya, tayo ay naging mga saksi ng Kanyang banal na pangalan. Tunay na, matapos tayong mapatunayan sa digmaan at binigyang-katiyakan sa ating mga puso at lakas-ng-loob, kalaunan ay sinabi ng Panginoon sa atin—mga miyembro ng sambahayan ni Israel—“Kayo’y aking mga saksi” (Isaias 43:10). Itanong natin sa ating sarili: Totoo pa rin ba ang pahayag na ito sa atin ngayon?

Ang Kasalukuyan Nating Pakikibaka

Ang labanan para hikayatin ang isip, puso, at kaluluwa ng mga anak ng ating Ama ay patuloy pa rin ngayon sa pag-asam sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Bagaman marami sa daigdig ang tapat na nag-uusisa tungkol sa mga turo ng Simbahan, ang lalo pang lumalawak na bangin sa pagitan ng masasama at ng mabubuti ay naglalayo sa mundong mabilis na bumabagsak sa kawalan ng kabutihang asal mula sa ipinanumbalik na katotohanan ng ebanghelyo. Kapag ang hindi perpekto ngunit nagsisikap na mga Banal na naghahangad ng liwanag ay pinararatangan na sumusunod sa kadiliman, kapag ang matamis nilang mga layunin at mga gawa ay sinasabing mapait (tingnan sa Isaias 5:20), magtataka pa ba tayo na ang mapanlait na mga daliri ay nakaturo sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon at sa Kanyang matatapat na tagapaglingkod? (tingnan sa 1 Nephi 8:27).

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson na: “Nabubuhay tayo sa panahong naliligiran tayo ng maraming bagay na umaakit sa atin patungo sa mga landas na wawasak sa atin. Upang maiwasan ang mga landas na iyon, kailangan natin ng determinayon at tapang.”

Ang hindi pagkibo, pagiging karaniwang miyembro ay hindi sapat sa hidwaang ito sa mga huling araw! Pagpapatuloy pa ni Pangulong Monson: “Sa buhay natin sa araw-araw, halos walang pagsalang susubukin ang ating pananampalataya. … May tapang ba tayong manindigan sa ating mga paniniwala, kahit sa paggawa nito ay kailanganin nating manindigang mag-isa?”1

Sa kabila ng permanenteng ingay sa paligid na nagmumula sa malaki at maluwang na gusali (tingnan sa 1 Nephi 8:26–27), determinado ba tayong lumakad nang matatag sa kalsadang iyon na di gaanong nadaraanan?2 Tayo ba ay handa at kaya ba nating makipagtalakayan sa magalang na paraan sa mga taong tapat na nagtatanong? Nang hindi nakikipagtalo, kaya at handa ba tayong linawin at ipagtanggol ang mga turo ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo?

Sa pagpapayo sa atin na magagawa nating makipagtalo nang hindi nagiging di-kalugud-lugod, itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Kahit hangad nating magpakumbaba … , hindi natin dapat ikompromiso o pag-alinlanganan ang ating katapatan sa mga katotohanang nauunawaan natin.”3

Maging Magiting

Pag-isipan nating mabuti ang paanyaya ni Pangulong Monson: “Kapag may patotoo na tayo, tungkulin nating ibahagi sa iba ang patotoong ito. … Nawa ay maging matapang tayo at handang manindigan sa paniniwala natin, at kung kailangan nating manindigang mag-isa, nawa ay magawa natin ito nang buong tapang, pinalalakas ng kaalaman na totoong hindi tayo nag-iisa kapag naninindigan tayo sa panig ng ating Ama sa Langit.”4

Ang pagiging miyembro lamang ng Simbahan ay hindi awtomatikong ginagawa tayong magiting na saksi ni Cristo at ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Itinuro sa atin ng Panginoon na hayaang magliwanag ang ating ilaw sa pamamagitan ng pamumuhay ng ebanghelyo, gayon pa man inililihim ng ilang miyembro ang pagiging miyembro nila sa pamamagitan ng pagtatago ng kanilang mga ilawan. Paminsan-misan ay sinasagot ng ilan ang mga tanong tungkol sa ebanghelyo ngunit nag-aalangang magpatotoo at mag-anyaya. Gayunman naghahanap naman ang iba ng mga pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo at ginagawa ito nang kusa. Ilan sa atin ang masigasig at magigiting na tagapagtanggol ng pananampalataya?

Larawan
speaking with love vs speaking with a megaphone

Para manatiling matatag sa labanan ngayon ng mga salita, kailangan ng Panginoon ang mga taong handa at kayang ipagtanggol sa mapagpakumbabang paraan ngunit nang buong katatagan, si Cristo, ang Kanyang mga buhay na propeta, si Propetang Joseph Smith, ang Aklat ni Mormon, at ang mga pamantayan ng Simbahan. Kailangan Niya ng mga taong “[laging] handa [sa] pagsagot sa bawa’t tao na humihingi … ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa [inyo]” (1 Ni Pedro 3:15). Kailangan Niya ng mga totoong Banal sa mga Huling Araw na kusang-loob, sa diwa ng kaamuan at pagmamahal, na magpapatotoo sa katotohanan kapag ang anumang aspeto ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay hinahamon!

Ang Halimbawa ni Kapitan Moroni

Kung dama ninyong hindi kayo sapat na magiting na tagapagtanggol ng katotohanan sa ating panahon, hindi kayo nag-iisa. Karamihan sa atin ay ganito ang nadarama kahit paano. Gayunman may mga simpleng bagay tayong magagawa para magkaroon kapwa ng kakayahan at tiwala sa sarili.

Sa Aklat ni Mormon, nalaman natin na si Kapitan Moroni ay “[ini]handa ang mga pag-iisip ng mga tao na maging matapat sa Panginoon nilang Diyos” (Alma 48:7). Natanto niya na ang unang hanay ng depensa ay ang buhay na nakasalig sa pundasyon ng personal na pagsunod. Bukod pa rito, siya ay “[nag]tayo ng maliliit na muog, … [nag]taas ng mga pampang ng lupa … , at nagtayo rin ng mga pader na bato upang ipalibot sa kanila” (talata 8). Hindi lamang niya ginawa ang lahat ng depensibong pag-iingat, kundi madiskarte rin niyang napalakas ang “kanilang pinakamahinang tanggulan” (talata 9). Ang kanyang maingat na mga estratehiya ay labis na nagtagumpay kaya ang kanyang mga kaaway ay “nanggilalas nang labis” (Alma 49:5) at hindi naisagawa ang kanilang masasamang balak.

Maitatanong ninyo, “Ang isa bang tulad kong mahina ay maaaring maging magiting na tagapagtanggol ni Cristo at ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo?” Ang iniisip ninyong kahinaan ay maaaring mapalakas kapag tinanggap ninyo na ang tanging hinihingi ng Panginoon una ay “[iyong] puso at may pagkukusang isipan” (D at T 64:34). Pinagkalooban ng magiting na espiritu, ang “maliliit at mga karaniwang” bagay ng daigdig ang Kanyang paboritong kalapin. Tandaan na sa “napakaliit na pamamaraan,” ay Kanyang “nililito ang marurunong” (tingnan sa Alma 37:6, 7). Kung handa kayong ibahagi at ipagtanggol ang ipinanumbalik na ebanghelyo at ang mga pinuno at doktrina nito, maaari ninyong isaalang-alang ang mga sumusunod na mungkahi.

Larawan
pointing out someone elses words

1. Alamin kung sino at ano ang ipagtatanggol. Ang solidong depensibong pamamaraan ang pundasyon para sa solidong pagsalakay. Bagaman hindi ninyo epektibong maipagtatanggol ang bagay na hindi ninyo alam o kaunti lang ang nalalaman ninyo, hindi ninyo ito ipagtatanggol kung wala kayong malalim na malasakit dito. Tulad ng isang upahan, isang taong binabayaran para pangalagaan ang mga tupa, ay uurong o tatakas sa unang palatandaan ng problema, kaya hindi ninyo maipagtatanggol ang hanay nang matagal maliban kung kayo ay may espirituwal na pananalig na ang inyong layon ay makatwiran at totoo. Para mapatotohanan at maipagtanggol si Cristo at ang Kanyang Simbahan, dapat alam ninyo na Siya ay buhay at ito ang Kanyang ipinanumbalik na Simbahan!

Ang mga taong alam at ipinamumuhay ang ebanghelyo ay puno kapwa ng pang-unawa at nag-aapoy na pananalig na pinag-aalab ng pagiging karapat-dapat at ng personal na karanasan. Sila ay mas handang sumaksi sa katotohanan kaysa sa mga nag-ukol ng pansin para matuto lamang kung paano magbigay ng mga sagot.

2. Suriin ang iyong mga muog. Sundan ang halimbawa ni Kapitan Moroni. Matapat na suriin ang mga kalakasan at kahinaan ng inyong pang-unawa sa ebanghelyo. Nagpapakita ba kayo ng magandang halimbawa ng pamumuhay na katulad ni Cristo? Nakahahanap ba kayo ng mga sagot sa mga tanong sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan? Komportable ba kayo sa pagbibigay ng inyong patotoo? Masasagot ba ninyo ang mga tanong tungkol sa mga doktrina at turo ng Simbahan, kahit ang ilan na mas mahirap ipaliwanag, sa pamamagitan ng pagsusumamo sa mga banal na kasulatan? Handa ba kayong sabihing, “Hindi ko alam, pero aalamin ko,” o ituro sa mga tao kung saan sila makahahanap ng mga sagot? Makatutulong kaya ang masigasig na pag-aaral para magkaroon kayo ng tiwala at lakas-ng-loob na hinahangad ninyo?5

3. Palakasin ang iyong mga muog. Sa pagsusuri ng inyong “muog” na may kinalaman sa doktrina, simulan ang isang nakapokus, at matagalang pag-aaral na layuning gawing malakas ang mahihinang bagay sa inyo (tingnan sa Eter 12:27). Sagutin ang mga daing ni Moises, “Ibigin nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na isakanila ng Panginoon ang kaniyang Espiritu!” (Mga Bilang 11:29). Pagurin ang Panginoon sa paghiling na para sa bawat kutsara ng pang-araw-araw na gawain, Siya ay magbubunton ng mga libra ng lupa sa inyong mga pader na tanggulan.

Mapanalanging basahin ang mga banal na kasulatan, nang paulit-ulit. Huwag lamang tumikim ng pamilyar na kuwento sa pamamagitan ng straw. Magpakabusog sa mga ito. Pag-isipang mag-ingat ng tala sa pag-aaral ng doktrina at patuloy na dagdagan ang mga ito. Para sa bawat paksa, pag-isipang tukuyin at pagkatapos ay isaulo sa lohikal na pagkakasunud-sunod ang ilang talata ng mga banal na kasulatan upang suportahan ang sarili ninyong kaisipan at mga turo. Tulad ng itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “kapag ginamit ang mga banal na kasulatan ayon sa nilayon ng Panginoon na pagkatala ng mga ito, may likas na kapangyarihan ang mga ito na hindi naipahahayag kapag isinasaad sa ibang paraan ng pananalita.”6

Pag-isipang isaulo ang ilang siping binigkas ng mga propeta at apostol. Ang Espiritu Santo ay “[maipaaalala]” lang ang bagay na inilagay ninyo doon (tingnan sa Juan 14:26). Ang pinagsamang kaalaman ng tunay na doktrina na nakasentro kay Cristo at ng “espada ng [Kanyang] Espiritu” (D at T 27:18) ang pinakamalakas na pagpapatibay at panlabang sandata na taglay ninyo.

4. Magsanay! Ang mga full-time missionary ng Simbahan ay hinihikayat na magsadula upang makapaghanda para sa mga sitwasyon na maaaring kasangkutan nila. Dahil maaaring hilingin sa inyo na ipagtanggol ang Simbahan o ipaliwanag ang doktrina nito sa hindi inaasahang mga pagkakataon o lugar, pag-isipang sundan ang halimbawa ng mga missionary sa pamamagitan ng espirituwal na paghahanda ng inyong sarili bago kayo magkaroon ng natural na usapan (tingnan sa Moises 3:5, 7). Magsadula bago kayo malagay sa sitwasyon kung saan itinuturo o ipinagtatanggol ninyo ang mga pamantayan ng ebanghelyo. Nag-iisa man o kasama ang pamilya o mga kaibigan, magtanong ng batay sa inaasahan at sagutin ang mga ito! Kapag kayo ay naging lalong handa, kayo ay “[tatatag] nang [tatatag]” sa inyong pagtitiwala bilang saksi ni Cristo (tingnan sa Helaman 3:35). Magsimula sa maiikli at simpleng sagot. Magiging sapat ang mga ito sa karamihan ng mga sitwasyon. Ngunit mapalalakas din ninyo ang inyong panlaban lalo na sa pag-aaral ng kaugnay na mga talata at pagkonekta sa iba’t ibang doktrina.

Larawan
speaking puzzle pieces

5. Maghanap ng mga oportunidad. Sa ganitong kahandaan, ipagdasal na magkaroon ng mga pagkakataon na mapagpakumbaba ngunit buong tiwalang ibahagi at, kung kinakailangan, ipagtanggol ang ebanghelyo. Tandaan, ang “paghinang loob ay hindi ang kawalan ng kakulangan kundi ang kawalan ng lakas-ng-loob.”7 Ipagdasal na magawa ninyong mahalin ang mga anak ng Ama sa Langit sa loob at labas ng Simbahan nang sapat para ibahagi at ipagtanggol ang mga pamantayan ng ebanghelyo. Manalangin na hindi ninyo kailanman maranasan ang pagwawalang-bahala o basta pagtanggap lang sa doktrina kahit hindi ito nauunawaan, kundi may pananampalataya kay Cristo na sikaping malampasan ito.

Tandaan na kahit ang isang bata ay maaaring maging tagapagtanggol ni Cristo sa palaruan sa pamamagitan ng pagbibigay ng simpleng patotoo; na hindi ninyo kailangang maging iskolar sa ebanghelyo upang maging saksi ng katotohanan; na hindi kailangang alam ninyo ang lahat ng sagot; na OK lang kung minsan na sabihing, “Ewan ko” o “ang mga hiwagang ito ay hindi pa ganap na ipinaalam sa akin; kaya nga, ako ay magpipigil” (Alma 37:11). Ang hindi “ikinahihiya ang ebanghelyo ni Cristo” (Mga Taga Roma 1:16) ay hindi lamang simpleng pagwawalang-bahala o pagtitiis sa mga katotohanang may halong kasinungalingan at kabulaanan; ibig sabihin nito ay pag-alam at pagtatanggol sa mga doktrina! Samakatuwid, kung mananatili tayong tahimik, sana hindi ito dahil sa takot kundi dahil sa sinusunod natin ang isang pahiwatig (tingnan, halimbawa, ang Alma 30:29).

Aktibong Manindigan Bilang Saksi

Sa patuloy ninyong pagtatanggol sa ebanghelyo ni Jesucristo, “pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal, na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, ang kinakailangan upang maging karapat-dapat [kayo] sa gawain” (D at T 4:5). Tandaan natin na si Cristo ay maamo ngunit hindi kailan man mahina—na nag-anyaya Siya pero nagsansala rin, at sinabi rin Niya na “Siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin” (3 Nephi 11:29).

Habang patuloy na nilalabag ng masamang mundo ang mga pamantayan ng Diyos ukol sa moralidad at doktrina, umaasa si Cristo na kahit ang pinakamaliit sa mga Banal ay maging buhay na mga saksi ng Kanyang pangalan.

Pinaalalahanan tayo ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na “hindi sapat ang maging mabuti. Kailangan kayong maging mabuti para sa isang bagay. Kailangan kayong mag-ambag ng kabutihan sa mundo. Ang mundo ay dapat maging mas mainam na lugar dahil sa inyong presensya. … Sa daigdig na ito na punung-puno ng mga problema, na palaging may nakaambang madidilim at masasamang hamon, maaari at dapat ninyong mapangibabawan ang pangkaraniwan, mapangibabawan ang pagwawalang-bahala. Maaari kayong makilahok at magsalita sa malakas na tinig para sa tama.”8

Kung gusto ninyong maging saksi ng ipinanumbalik na ebanghelyo, sumapi sa hanay ng hukbo ng mga saksi sa pagpapaliwanag ng inyong ilaw! Nawa ang inyong pamumuhay ng ebanghelyo at pagtatanggol sa ebanghelyong iyon ay kakitaan ng lalim ng iyong pananalig kay Jesucristo.

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Tapang na Manindigang Mag-isa,” Liahona, Nob. 2011, 60.

  2. Tingnan sa “The Road Not Taken,” The Poetry of Robert Frost, ed. Edward Connery Lathem (1969), 105.

  3. Dallin H. Oaks, “Pagmamahal at Pakikisalamuha sa mga Taong Naiiba,” Liahona, Nob. 2014, 26.

  4. Thomas S. Monson, “Tapang na Manindigang Mag-isa,” 67.

  5. Ang mga sanaysay sa Gospel Topics sa topics.lds.org ay makatutulong lalo sa pagsagot sa mga tanong tungkol sa kasaysayan at doktrina ng Simbahan.

  6. Richard G. Scott, “He Lives,” Liahona, Nob. 1999, 88.

  7. Neal A. Maxwell, “Notwithstanding My Weakness,” Ensign, Nob. 1976, 14.

  8. Gordon B. Hinckley, “Stand Up for Truth” (Brigham Young University devotional, Set. 17, 1996), 2; idinagdag ang pagbibigay-diin.