2017
Nailigtas matapos ang pagpapakamatay ng aking anak
Setyembre 2017


Nailigtas matapos ang pagpapakamatay ng aking anak

Ang may akda ay naninirahan sa Utah, USA.

Pagkatapos magpakamatay ng aking anak, wala akong mga kapamilya para tulungan akong malagpasan ang pagsubok na ito—maliban sa aking kinabibilangang ward.

Larawan
woman sitting at church

Mga paglalarawan ni David Stoker, na ginamitan ng mga modelo

Isang kaibigan ko ang nagtanong sa akin kamakailan na ikinagulat ko. Sa lahat ng tanong na naiiwan matapos magpakamatay ang isang mahal sa buhay, isa lang ang nasa isip niya. Ang kanyang tanong ay, “Paano ka tinulungan ng Simbahan matapos magpakamatay ang iyong 15-taong-gulang na anak na babae?”

Ang unang naisip ko ay, “Hindi ito nakatulong. Itinulak ko palayo ang lahat, nagkulong ako sa bahay namin, at mag-isang nagdusa.”

Ngunit makalipas ang ilang araw ng pagmumuni-muni, natanto ko na mali ang kaisipang iyon. Walang duda na pinadilim ng nakahihindik na naranasan ko ang aking pananaw.

Sa ospital kung saan nila dinala ang aking anak na si Natalie (na yumao na), ako ay nakatulala. Talagang namanhid ako, sa katawan at isipan. Nakikita kong nangyayari ang mga bagay sa paligid ko pero wala akong madama: mga pulis na nagtatanong, mga kaibigang umiiyak, mga kawani ng ospital na nagbibigay-alam. Malabo ang lahat pero napakalinaw rin.

Naaalala ko na nakita ko ang dating bishop ko at ang kanyang asawa. Tinawagan sila ng isang kasamahan ko. Ako at ang anak kong si Natalie ay umalis sa kanilang ward para lumipat sa iba ilang buwan pa lang bago nangyari iyon. Ang bishop ko at ang kanyang asawa ay pinakamamahal na mga kaibigan namin.

Sinabi ng asawa ng bishop, na Natalie rin ang pangalan, na titira ako sa kanila. Ang sumunod na namalayan ko, nakasakay ako sa kanilang sasakyan pabalik sa dating lugar namin. Hindi ko napansin ang paglipas ng oras, pero alam ko na halos kinabukasan na nang makatanggap ako ng basbas ng priesthood mula sa bishop at sa isang kaibigan.

Alam kong tiyak na ipinaalam sa akin ang lahat ng detalye ng libing, pero wala akong kamalayan sa nangyayari. Nagbibihis ako kapag sinabihang magbihis ako. Sumasakay ako sa kotse kapag sinasabihan akong may pupuntahan kami. Pakiramdam ko ay isa akong robot na sumusunod sa mga simpleng utos. Iyon lang ang kaya kong gawin noon. Nakagugulat na ni hindi ako lumuha.

Maganda ang libing ng anak ko. Puno ng tawanan na may halong luha, at damang-dama roon ang Espiritu. Ang panganay kong anak na si Victoria ay bumalik sa Utah mula sa isa pang estado. Sumulat siya ng isang awitin at kinanta niya ito sa libing.

Hindi ako kinausap tungkol sa gastusin ng burol at libing maliban sa ipinaalam sa akin na may nag-aasikaso na nito. Sa loob ng ilang linggo nabayaran nang lubusan ang mga nagastos sa pagpapalibing sa pamamagitan ng mga donasyon mula sa mga miyembro ng Simbahan.

Noong panahong iyon, nakikitira pa ako sa pamilya ng dating bishop ko. Ang mga miyembro ng dati kong ward ay naghahanap ng bagong lugar na matitirhan ko. Isang cute na basement apartment ang nabakante, at ang sumunod na nalaman ko, pumipirma na ako sa isang kasunduan ng pagpapaupa. Hindi ito nangyari sa sariling sikap ko lamang. Ito ang pagkilos ng maraming miyembro ng Simbahan, kabilang na ang mahal kong kaibigang si Natalie, ang asawa ng bishop.

Tumulong ang ilang miyembro ng ward para ilipat ang personal kong mga kagamitan at naisaayos ang tirahan namin ng isa ko pang anak na babae. Nauna nang nabayaran ang unang 2 buwang renta sa bahay—muli, sa pamamagitan ng mga donasyon ng mga miyembro ng Simbahan. Wala pa rin akong kamalayan sa paglipas ng panahon, at bahagyang manhid pa rin ang damdamin ko noon, ngunit nagsisimula na akong makadamang muli.

Mga isang buwan pagkamatay ng anak ko, nagsimula kong maunawaan at madama ang matinding nangyari. Para itong maitim at makapal na usok sa una, na sinundan ng makakapal pang usok hanggang sa parang napaliligiran na ako ng kadiliman. Ang pagdadalamhati sa pinakasariwang anyo nito ay maaaring makabulag.

Namatay si Natalie sa Thanksgiving Day. Pasko na ngayon. Lalo lamang tumindi ang pangungulila ko dahil panahon ng Pasko. Ilang araw na walang patid ang pagdaloy ng mga luha, at parang walang katapusan ang pagdadalamhati noong panahong iyon. Lumipas ang mga minuto na parang mga oras. Lumipas ang mga oras na parang mga araw. Lumipas ang mga araw na parang mga taon.

Bilang diborsyada, wala akong asawang puwedeng magtrabaho para kumita ng pera. Kung magagawa ko lang ito noon, namaluktot na lang sana akong tulad ng isang bola, nagkulong sa isang silid, at lumagi na lang doon. Pero wala ako sa ganoong sitwasyon. Kinailangan ko kahit paanong magtipon ng lakas para makagalaw. Kinailangan kong maghanap ng trabaho. Nagtatrabaho ako nang mangyari iyon sa Thanksgiving Day, pero dahil sa gitna ng lahat ng kaguluhan, nalimutan ko ang tungkol sa trabaho ko. Puwede sana akong bumalik sa trabaho ko doon, pero gustung-gustong nagpupunta noon doon ang anak kong si Natalie, at hindi ko makayanan na isiping bumalik doon nang wala na siya.

Sa unang linggo ng Enero, nagkaroon ako ng trabaho na mababa ang kita. Pinilit kong kumilos na parang normal ako. Kumikilos ang katawan ko, pero pakiramdam ko namatay ang kaluluwa ko. Walang nakaaalam na kahit buhay ako ay tila wala akong pakiramdam. Sa pagbiyahe lang papunta at pauwi mula sa trabaho ako nakakaiyak.

Unti-unti kong sinimulang dumalo sa bago kong ward. Ang alam ko lang ay kung may mangungumusta sa akin, tiyak na mapapaiyak ako. Gustung-gusto kong magsimba, pero ayaw kong makipag-usap sa kahit sino, lalo na ang tumingin sa mata ng ibang tao. Kung puwede lang sana na hindi nila ako nakikita. Higit sa lahat, gusto ko lang tanggalin ang lahat ng bigat ng ito sa aking dibdib!

Wala akong ideya kung ano ang iniisip sa akin ng kababaihan ng Relief Society, at wala akong pakialam noon. Sa pagsisikap pa lamang huminga ay abala na ako! Natitiyak kong nagbigay ako ng impresyon na gusto kong mapag-isa, dahil wala ni isa sa kanila ang umabala sa akin. Gayunman, paminsan-minsan ay nginingitian nila ako na medyo nakakaaliw—sapat lamang para hindi ako tumakbo palabas sa pinakamalapit na exit, na palagi kong naiisip noon.

Ang panahon ay nakapagpapahilom. Hindi nito nabubura ang mga pangyayari, pero dahan-dahan nitong naisasara ang nakabukang mga sugat.

Ang napakalungkot na Thanksgiving Day na iyon ay noong 2011, at inabot ng ilang taon para matanto ko kung gaano kalaki ang naitulong sa akin ng mga kapatid sa Simbahan. Para akong binuhat mula sa larangan ng digmaan matapos malubhang masugatan. Inalagaan ako hanggang sa manumbalik ang aking kalusugan at makatayo sa sarili kong mga paa.

Napakaraming pagpapala ang dumating sa aking buhay, sa maraming paraan. Napakalaki ng inilakas ng patotoo ko. Alam ko na ngayon kung ano ang pakiramdam ng mayakap ng mapagmahal na mga bisig ng ating Tagapagligtas.

Kaya para sagutin ang tanong ng kaibigan ko, “Paano ka tinulungan ng Simbahan sa matinding pagsubok na ito?” Sinasabi ko, “Hindi nila ako tinulungan. Iniligtas nila ako.”