2017
Pagmamahal at Chocolate Cake: Ano ang Ibibigay Mo Para Maibalik Sila?
Setyembre 2017


Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Pagmamahal at Chocolate Cake: Ano ang Ibibigay Mo Para Maibalik Sila?

Larawan
chocolate cake

Si Sister Babata Sonnenberg ay pinanghinaan ng loob. Bilang isang bata pang ina na may limang anak na babae na wala pang walong taong gulang, nagulat siya nang tawagin siya sa kanyang ward para magturo sa klase ng mga 16- hanggang 17-taong gulang sa Sunday School. Nang mga ilang buwan na siya sa kanyang tungkulin, natuklasan niya na paiba-iba ang bilang ng dumadalo sa klase at karaniwan ay iilan lang ang naroon. Isang araw ng Linggo isang binatilyo lang ang dumalo sa klase. Sa halip na isang estudyante lang ang turuan, isinama niya ang klase niya sa iba. Handa na sana siyang sumuko. Ngunit nang pag-isipan at ipagdasal niya ang kanyang nakalulungkot na sitwasyon, dumating ang inspirasyon, at nagbago ang kanyang saloobin.

Ang Pagsisikap ng Team

Ang asawa niyang si Ken, ang ward mission leader noon. Nahikayat silang dalawa na pagsamahin ang kanilang mga pagsisikap para matulungan ang mga kabataan ng ward. Gagawa siya ng chocolate cake, at aanyayahan ni Ken ang mga kabataan sa ward na pumunta sa bahay nila tuwing Linggo ng gabi para kumain ng cake at talakayin ang mga paghahanda sa misyon. Habang kinakain ng mga tinedyer ang kanyang cake, inaanyayahan sila ni Sister Sonnenberg sa kanyang klase sa Sunday School.

Dahil sa “matamis” na paanyayang ito, dumami ang mga dumadalo sa klase ng Sunday School. Ngunit ang isang binatilyo, si Nate, ay hindi nahikayat ng paulit-ulit na imbitasyon. Naramdaman ni Sister Sonnenberg na naliligaw ang isa sa kanyang mga tupa. Ang kanyang tugon sa damdaming iyon ay “hahanapin ang nawala, hanggang sa ito’y [matagpuan]” (Lucas 15:4). Kaya sa halip na pabayaan na lang si Nate, nakaisip si Sister Sonnenberg ng plano.

Mga Pagbisita sa Tahanan

Isang Linggo ng gabi nagpunta siya sa bahay ni Nate. Dinatnan niya si Nate na kasama ang isa pang miyembro ng kanyang klase, na hindi rin dumalo nang araw na iyon. Sinabi niya sa dalawa na nangungulila siya sa kanila sa klase at itinuro sa kanila ang lesson nang oras ding iyon. Naantig ang ama ni Nate, na kare-release lang bilang bishop ng ward, sa pagtitiyaga ng gurong ito. Nagpadala siya ng text message sa asawa nito na nagsasabing: “Ken, pakisabi sa asawa mo salamat, galing sa akin. Ang pagpunta rito at pagtuturo kina Nate at McKay ay inspirado.”

Gayunman, nang sumunod na Linggo pinili ulit ni Nate na hindi dumalo sa Sunday School. Kaya muling nagpunta si Sister Sonnenberg sa kanyang tahanan para magtalakayan sila tungkol sa ebanghelyo. Naisip ni Nate na maaaring mangyari iyon, at nagpunta siya sa bahay ng kaibigan para magtago. Natagpuan siya ni Sister Sonnenberg mga ilang bahay mula sa kanyang tahanan at doon ibinahagi ang lesson.

Sa huli, nagpasiya si Nate na bumalik sa kanyang klase sa Sunday School.

Ano ang Nakapagpabalik sa Kanya?

Larawan
friends eating cake

Bakit bumalik si Nate?

Ang chocolate cake ba na inihahain ni Sister Sonnenberg sa kanyang tahanan?

Ang pagbisita ba niya sa tahanan ni Nate (at sa bahay ng kapitbahay) para hanapin siya?

Ang panghihikayat ba ng mga kaibigan at pamilya na magsimba?

O ang pagmamahal na nadama niya mula kay Sister Sonnenberg, na kanyang guro sa Sunday School?

Ang sagot ay malamang na ang lahat ng ito. Para sa mga kadahilanang ito at higit pa, nagsimulang palagiang dumalo si Nate sa Sunday School, kasama ang kanyang mga kaibigan.

Ang Natitirang Bahagi ng Kuwento

Kaya hayaang tapusin ko ang kuwento. Dahil sa nadama ni Nate tungkol sa kanyang guro sa Sunday School, hindi niya pinalampas ang pagkakataong bilhan siya ng mga tsokolate nang makita niya ito kalaunan sa mall. Si Sister Sonnenberg, na nagpakita sa kanya ng labis na pagmamahal, ay tumanggap ng pagmamahal mula kay Nate.

Hindi naglaon, noong Setyembre 2015, natapos ni Nate ang kanyang aplikasyon sa misyon at ngayon ay naglilingkod sa Mississippi Jackson Mission.

Ang iba pang mga miyembro ng klase na hirap noong dumalo sa Sunday School ay nagpasiya rin na magsipagmisyon. Limang kabataang lalaki at tatlong kabataang babae na dumalo sa klase ni Sister Sonnenberg sa Sunday School na mga 16- hanggang 17-taong gulang noong siya pa ang guro ang nakapagmisyon, o nasa misyon ngayon, at may ilan pa na maaaring magmisyon din.

Tulungan ang mga Hindi Dumadalo sa Klase

Kasama sa “Mahalin ang mga Tinuturuan Mo,” bahagi 1 ng Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, ang paksa ng talakayan na may pamagat na “Tulungan ang mga Hindi Dumadalo sa Klase.” Mababasa sa paksa na: “Ang pagtulong sa mga di-gaanong aktibong miyembro ay hindi lamang tungkulin ng isang home teacher, visiting teacher, o priesthood o auxiliary leader—makakatulong din ang mga guro sa gawaing ito. Ang pagtuturo ay higit pa sa paglalahad ng lesson tuwing Linggo. Kabilang dito ang paglilingkod nang may pagmamahal at pagtulong sa iba na matanggap ang mga pagpapala ng ebanghelyo, at ang tulong na ito ang kadalasang kailangan mismo ng di-gaanong aktibong miyembro. Kailangang magtulungan tayong lahat para matulungan ang mga nahihirapan, at bilang guro, maaaring nasa kakaibang kalagayan ka para tumulong.”1

Kinilala ni Sister Sonnenberg ang kakaibang posisyon niya para matulungan ang mga miyembro ng kanyang klase. Siya ay biniyayaan ng lingguhang pagkakataon para maantig ang kanilang puso, at determinado siyang gawin ito—sa kanyang klase man o sa kanilang mga tahanan. Malinaw na ang lahat ng guro ay maaaring wala sa posisyon para bisitahin ang mga tahanan ng mga taong hindi dumadalo sa klase sa bawat linggo, ni hindi ito laging posible, ngunit lahat tayo ay may magagawa, kahit maliit lang na bagay, para maipakita ang pagmamahal sa mga taong ipinagkatiwala sa atin. Alalahanin ang mga salita ni propetang Alma: “Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).

Mag-anyaya nang May Pagmamahal

Larawan
Jesus teaching

Kasama sa bahaging “Mag-anyaya nang May Pagmamahal” ng parehong paksa ng talakayan ang pananaw na ito: “Ang mga taos-pusong pagpapahayag ng pagmamahal na katulad ng kay Cristo ay may malaking kapangyarihang palambutin ang puso ng mga miyembro ng klase na nahihirapan sa ebanghelyo. Kadalasan ay kailangan lang malaman ng mga taong ito na sila ay kailangan at minamahal.”2

Bunga ng mga pagsisikap ni Sister Sonnenberg na tulungan si Nate, nadama ni Nate na siya ay kailangan at minamahal. Bilang mga full-time missionary, si Nate at ang kanyang mga kaklase ngayon ay may pagkakataong tulungan ang iba na madama ang gayunding pagmamahal ni Cristo. Napakalaking pagpapala na maaalala at matutularan nila ang halimbawa ng kanilang guro sa Sunday School.

Hanggang sa Masumpungan ang Nawawala

Bilang General Sunday School Presidency, nagpapasalamat kami sa mga Sunday School teacher sa buong mundo na, sa iba’t ibang paraan, ay inaanyayahan ang mga miyembro ng kanilang klase na lumapit kay Cristo. Dalangin namin na pagpalain kayo ng Panginoon sa inyong pagsisikap na mahalin ang mga tinuturuan ninyo, at dahil sa pagmamahal na iyon, ay “hahanapin ang nawawala, hanggang sa masumpungan [ninyo] sila”—tulad ng ginawa Niya noong Kanyang mortal na ministeryo.

Mga Tala

  1. Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas (2016), 9, teaching.lds.org.

  2. Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 9.