2022
Nakikita ang Pinakahihintay na mga Pagpapala ng Templo
Hulyo 2022


“Nakikita ang Pinakahihintay na mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Hulyo 2022.

Nakikita ang Pinakahihintay na mga Pagpapala ng Templo

Ibinahagi ng mga miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga pagpapalang nakita nila nang magkaroon ng mga templo sa kanilang lugar.

Larawan
Brigham City Utah Temple

Retrato ng Brigham City Utah Temple

Ang mga templo ang pinakabanal na lugar ng pagsamba sa lupa. Doon, ang mga miyembro ng Simbahan ay mas napapalapit sa Diyos sa pakikibahagi nila sa mahahalagang ordenansa at sa paggawa ng mga tipan para sa kanilang sarili at para sa yumao nilang mga kamag-anak. Ito ang bahay ng Panginoon, at kapayapaan, kapanatagan, at paghahayag ang maaaring dumaloy sa mga pumapasok doon.

Gayunman, sa paglaganap ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo sa pinakamalayong sulok ng mundo, ang pagpunta sa templo ay naging hamon sa marami. At nitong mga nakaraang taon, ang pagpunta sa mga templo ay limitado na sa marami dahil sa pandemyang COVID-19.

Sa pangkalahatang kumperensya ring iyon kung saan sinang-ayunan siya bilang Pangulo ng Simbahan, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Nais namin na dalhin ang mga templo nang mas malapit sa lumalaking bilang ng mga miyembro ng Simbahan” (“Magpatuloy Tayo,” Liahona, Mayo 2018, 119).

Mula noon, sa bawat pangkalahatang kumperensya, inaasahan ng mga miyembro ng Simbahan ang pagbabalita tungkol sa mga bagong templo sa iba’t ibang panig ng mundo, na namamangha sa palatandaang ito ng mas mabilis na pag-unlad at umaasang ibabalita ang isang templo na mas malapit sa kanilang mga tahanan.

Brussels Belgium Temple

Ibinalita noong Abril 2021

Larawan
Johan at Linda Buysse

Nagulat kami talaga nang marinig naming ibinalita ni Pangulong Nelson na magkakaroon ng templo sa Brussels, Belgium. Kaming mag-asawa ay namuno sa Belgium/Netherlands Mission, at madalas kaming maglingkod sa The Hague Netherlands Temple, na dalawang oras mula sa aming tahanan sa Belgium. Ngayo’y isang oras na lang ang kailangang biyahe o baka wala pang isang oras, para makapunta sa templo sa Brussels.

Nang marinig namin ang anunsiyo, napuno ng luha ang aming mga mata dahil sa matinding pasasalamat na nadama namin. Ang aming pamilya at mga miyembro ng stake ay nagkaroon ng lumalagong pag-unawa ng paglalaan at pagmamahal sa templo dahil sa isang anunsiyo. Ang pahayag na ito sa templo ay nagpapatotoo sa atin na alam ng Panginoon ang aming maliit na bansa at alam Niya ang gawain at mga sakripisyo ng mga nauna at kasalukuyang mga pioneer sa lugar na ito.

Johan Buysse at Linda Buysse-Vergauwen, St Niklaas Ward, Antwerp Belgium Stake

Antofagasta Chile Temple

Groundbreaking ng Nobyembre 2020

Larawan
Claudio González

Nakatutuwang makita kung paano pinabibilis ng Tagapagligtas ang Kanyang gawain sa puso at isipan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nais naming maging handa sa lahat ng aspeto upang magawa namin ang iniuutos sa amin ng Panginoon kapag inilaan at gumagana na ang Antofagasta Chile Temple.

Nahihikayat kami sa sigasig at kagalakan ng aming mga anak at kabataan na maglingkod sa templo. Nakikita na nila na nagpupunta sila doon. Natututuhan nila kung ano ang ibig sabihin ng pagtitipon ng Israel, na sila ay mahalagang bahagi ng pagtitipon na ito, at kung gaano kahalaga na magkaroon ng bahay ng Panginoon na napakalapit sa kanilang sariling tahanan.

Larawan
disenyo ng Antofagasta Chile Temple

disenyo ng Antofagasta Chile Temple

Maraming Banal sa hilagang Chile ang isinasaayos ang kanilang buhay, na nauunawaan na hihintayin sila ng Manunubos, na nakabukas ang mga bisig, sa Kanyang banal na bahay. Gusto nilang maging bahagi ng malaking pagpapala ng pagkakaroon ng templo sa Antofagasta. Kasama ang asawa kong si Patyta, naghahanda rin kami upang makaasa ang Panginoon na maglilingkod kami sa mahal naming layuning ito ng pagtitipon.

Claudio González, Angamos Ward, Antofagasta Chile Stake

Singapore, Republic of Singapore Temple

Ibinalita noong Abril 2021

Larawan
Richard Kok Leong Ho at Chan Min Lian

Disyembre 2018 nang huli naming nabisita ang Taipei Taiwan Temple bilang pamilya. Ito ay bago nagpatupad ng restriksiyon sa pagbiyahe dahil sa pandemyang COVID-19 na humantong sa pagsasara ng mga templo. Sabik na sabik na kaming makabalik kaagad sa pagsamba sa bahay ng Panginoon.

Noong ibinalita ang templo sa Singapore, tuwang-tuwa kaming lahat. Alam ng Ama sa Langit ang tungkol sa mga Banal sa Malaysia. Sa loob ng maraming taon, sinikap ng mga Banal sa Kuala Lumpur District na maging stake. Maraming beses, tila napakalayo ng mithiing ito, ngunit hindi kami tumigil sa pag-uusap tungkol sa pagiging stake. Ipinapakita sa amin ng pagbabalita tungkol sa templo sa Singapore na kinikilala ng Panginoon ang mga pagsisikap ng mga Banal sa Malaysia.

Richard Kok Leong Ho at Chan Min Lian, Petaling Jaya Branch, Kuala Lumpur Malaysia District

Durban South Africa Temple

Inilaan noong Pebrero 2020

Larawan
Si Mandy Swinburne at ang anak na babae

Mayroon kaming magandang bagong templo sa Durban, South Africa, na nagbibigay sa amin ng pagkakataong “tumayo sa mga banal na lugar, at … hindi natitinag” (Doktrina at mga Tipan 45:32). Doon, maaari tayong malayo sa mga paghihirap at ingay ng mundo upang makinig at marinig ang marahan at banayad na tinig ng Banal na Espiritu.

Larawan
Durban South Africa Temple

Durban South Africa Temple

Ang templo ay isang lugar kung saan regular tayong makapagdaragdag ng mga patak ng langis sa ating mga ilawan upang mas magliwanag ang mga ito, na nagtutulot sa atin na maging mas handa para sa araw ng Panginoon.

Mandy Swinburne (kasama ang kanyang anak na babae), Hillcrest Ward, Hillcrest South Africa Stake

Port Vila Vanuatu Temple

Ibinalita noong Oktubre 2020

Larawan
Yvon at Madeline Basil

Bilang stake president, talagang napakasaya ko noong ibinalita ni Pangulong Russell M. Nelson ang tungkol sa templo. Nakadama ako ng kapayapaan, kagalakan, at pag-asa para sa aking pamilya, mga kaibigan, at kapwa miyembro ng stake, gayundin sa marami pang iba na makatatanggap din ng mga pagpapala mula sa pagkakaroon ng bahay ng Panginoon sa rehiyon ng aming isla.

Sa balita na magkakaroon ng templo sa isa sa aming mga isla, dumaranas kami ng mga pagbabago ng puso. Ang mga miyembro ay nagsisikap na sundin ang mga kautusan at kausapin nang regular ang mga lider ng Simbahan upang ihanda ang kanilang sarili para sa mga ordenansa at pagpapala sa templo. Mas maraming miyembro ang nangangakong gagawin nila ang gawain sa family history.

Ito ay tunay na pagpapala hindi lamang para sa mga miyembro ng Simbahan kundi para sa buong bansa.

Yvon Basil, Port Vila 2nd Ward, Port Vila Vanuatu Stake

Mesa Arizona Temple

Muling inilaan noong Disyembre 2021

Larawan
Anaclea Whiting

Ang muling pagpasok sa Mesa Arizona Temple matapos ang mahabang pagsasaayos nito ay isang sandali na hindi ko malilimutan. Ipinaalala sa akin ng open house na ang pagpunta sa templo ay isang kasiyahan. Nauunawaan ko ng mas malinaw ang buhay; ang stress at pressure na pasan ko ay saglit na gumaan. Nakakabawi ako at nadarama ang kapayapaan at pananaw na inaalok ng ating Ama sa Langit.

Kasama ang limang anak na babae, nadarama ko na kailangan kong ituro sa kanila ang tungkol sa kapahingahan na matatagpuan sa matapat na paglilingkod sa templo. Ang pagdadala sa kanila sa sagradong lugar na ito sa open house ay nagbigay sa kanila ng pagkakataong masulyapan ang inilalaan ng templo para sa kanila. Nagpasimula ito ng maraming makabuluhang pag-uusap tungkol sa paghahandang pumasok sa templo, mga temple recommend, mga pamantayan, pananampalataya, gawain sa family history, mga tipan, ordenansa, kabaitan, paghahayag, at iba pa.

Napagpala ang aming buhay at lumakas ang aming patotoo dahil sa pagkakataong makapasok sa bahay ng Panginoon. Nang ang mga appointment ay ginawang available, sabik akong nag-log on para maiskedyul ang unang appointment ko pagkatapos ng paglalaan. Hawak ang mga pangalan ng aking mga ninuno, handa na ako!

Anaclea Whiting, Lindsay Ward, Mesa Arizona Hermosa Vista Stake

Campinas Brazil Temple

Inilaan noong Mayo 2002

Larawan
Si Isabel Bueno de Almeida at asawa niya

Masayang-masaya kami sa muling pagbubukas ng Campinas Temple, na sarado dahil sa pandemyang COVID-19. Tiyempo ang muling pagbubukas ng templo para maipagdiwang namin ang aming ika-20 anibersaryo. Mahal namin ang espesyal na kaloob na ito mula sa Panginoon.

Larawan
Campinas Brazil Temple

Campinas Brazil Temple

Pinatototohanan ko na ang templo ay bahay ng Panginoon—isang lugar na puno ng pagmamahal, mga himala, kapayapaan, at paggaling. Ang Diyos ay literal na ating Ama sa Langit at naghihintay sa atin nang may kagalakan sa Kanyang banal na bahay upang madama natin ang Kanyang presensya at magkaroon ng lakas na madaig ang sanlibutan.

Isabel Bueno de Almeida, Sumaré Ward, Sumaré Brazil Stake