2022
Isang Kasangkapan sa mga Kamay ng Panginoon
Hulyo 2022


“Isang Kasangkapan sa mga Kamay ng Panginoon,” Liahona, Hulyo 2022.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Esther

Isang Kasangkapan sa mga Kamay ng Panginoon

Kung susundin natin ang Espiritu at tayo ay may mapagbigay na puso, gagabayan tayo ng Panginoon na gawin ang kailangan Niyang ipagawa sa atin.

Larawan
Esther

Larawang-guhit ni Dilleen Marsh

Ang maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon ay talagang napakadali. Kailangan lang na maging handa tayo na gabayan ng Espiritu at magkaroon ng lakas-ng-loob na sundin ang Kanyang mga pahiwatig. Ganito ang nangyari nang sumapi sa Simbahan noong 1968 ang mga magulang ng aking asawa. Isang bata pang missionary na gustong maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon ang tumulong para madala ang kanilang pamilya sa Simbahan.

Minsan ay nakipagkita ang mga biyenan ko sa mga missionary, pero pagkatapos niyon, ayaw nang magpatuloy ng biyenan kong lalaki. Pagkatapos ay isang bagong missionary, si Elder Fetzer, ang nalipat sa lugar, at nadama ng bata pang missionary na ito at ng kanyang kompanyon na dapat nilang bisitahin at paglingkuran ang pamilya. Naantig ni Elder Fetzer ang puso ng mga miyembro ng pamilya sa paraang hindi nagawa ng iba pang mga missionary.

Nang sumunod na anim na buwan naglingkod ang mga missionary sa mga pangangailangan ng pamilya. Sa huli, naantig ng Espiritu ang mga magulang ng aking asawa at sumapi sila sa Simbahan. Natanggap nila ang mga pagpapalang dumarating kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan. Sa pamamagitan nila, mas marami pang mga pamilya ang sumapi sa Simbahan at tumanggap ng mga pagpapala ng ebanghelyo.

Nangyari ito, kahit paano, dahil ang isang binatang taga-Utah ay handang “hayaang manaig ang Diyos” sa kanyang buhay. Nagkaroon siya ng lakas-ng-loob na lisanin ang maginhawa niyang tahanan, matuto ng bagong wika, at maglingkod sa Panginoon sa Brazil.

Isang Simpleng Pag-uusap

Mga isang taon na ang nakalipas, nakatanggap ng text message ang asawa kong si Alessandra mula sa isang sister sa aming home ward sa Brazil. Mahigit dalawang taon na mula nang huli silang nagkita. Isinulat ng sister na ito: “Sa isa sa mga pinakapangit na araw sa buhay ko, hindi ko alam kung paano ako nakapunta sa simbahan. Nang magpunta ako, nakita mo ako. Hinawakan mo ang kamay ko at sinabi sa aking maupo sa tabi mo. Kinausap kita. Nakinig ka at pinayuhan ako.”

Parang simpleng pag-uusap lang iyon noon. Pero naging pagkakataon iyon para maging kasangkapan ang asawa ko sa mga kamay ng Panginoon. Naglingkod siya sa mahal na sister na iyon na dumaranas ng mahirap na panahon. Hindi talaga ito naisip ni Alessandra. Nadama lang niya na dapat siyang makinig at mag-alo, at kumilos siya ayon sa pahiwatig. Ngayon, makalipas ang mahigit dalawang taon, natanggap niya ang text message na ito mula sa sister na iyon, na nagpapasalamat.

Sa mga pangyayaring ito natutuhan ko na hindi natin kailangan ng tungkulin para maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon. Kailangan lang nating magkaroon ng hangarin. “Samakatwid, kung ikaw ay may mga naising maglingkod sa Diyos ikaw ay tinatawag sa gawain” (Doktrina at mga Tipan 4:3).

“Dahil sa Pagkakataong Ganito” 

Sa Lumang Tipan mababasa natin ang tungkol sa isa pang tao na naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos. Si Esther ay isang dalagita na naulila sa murang edad. Si Esther ay pinalaki ng kanyang pinsang si Mordecai.

Matapos idiborsyo ni Haring Ahasuerus si Reyna Vashti, pinili niya si Esther na maging kanyang bagong reyna. “At minahal ng hari si Esther nang higit kaysa lahat ng mga babae, at siya’y nakatagpo ng biyaya at paglingap” (Esther 2:17). Si Esther ay Judio, pero hindi ito alam ng hari.

Si Haman, na isa sa mga tagapayo ng hari, ay binigyan ng katungkulang mataas kaysa lahat ng mga pinuno na kasama niya (tingnan sa Esther 3:1). At nagbalak siyang “wasakin, patayin at lipulin ang lahat ng Judio, bata at matanda” (Esther 3:13).

Nang malaman ni Esther ang tungkol sa balak ni Haman, hinikayat ni Mordecai si Esther na magsalita sa hari. Malaking panganib para sa kanya kapag ginawa niya ito, pero nagkaroon siya ng lakas-ng-loob dahil sa mga salita ni Mordecai. Sabi niya, “At sinong nakakaalam na kung kaya ka pinasapit sa kaharian ay dahil sa pagkakataong ganito?” (Esther 4:14).

“Kung ako’y mamamatay, ay mamatay,” sabi niya (Esther 4:16) at nagpunta siya sa hari kahit hindi siya ipinapatawag nito. Ito ay kasalanan na may parusahang kamatayan. Dahil sa kanyang katapangan, nagawang maimpluwensyahan ni Esther ang hari. Dahil dito, nagpalabas siya ng utos na huwag patayin ang mga Judio. Dito ay “pinahihintulutan ng hari ang mga Judio na nasa bawat lunsod, na magtipun-tipon at ipagsanggalang ang kanilang buhay” (Esther 8:11).

Bawat Papel na Ginagampanan ay Mahalaga

Handa si Esther na maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon. Ang kanyang buhay ng pagsunod at katapatan ang naghanda sa kanya. Kapag iniisip ko ang pagpunta niya sa loob ng korte ng hari nang walang paanyaya, namamangha ako sa kanyang tapang. Ipinapaalala nito sa akin ang paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson sa ating lahat na hayaang manaig ang Diyos sa ating buhay.1 Handa si Esther na hayaang manaig ang Diyos.

Ang pinsan ni Esther na si Mordecai ay kasangkapan din sa mga kamay ng Panginoon. Pinalaki niyang mabuti si Esther. Ibinigay niya ang kanyang suporta, tapang, at inspirasyon. Lahat tayo ay may papel na gagampanan, at bawat papel ay mahalaga at kailangan.

Inilagay ng Panginoon si Esther sa bahay ng hari para sa isang layunin—upang iligtas ang mga Judio. Tulad ng ginawa Niya kay Esther, inilalagay tayo ng Panginoon kung saan tayo makatutulong sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga layunin. Dahil dito, dapat tayong maging handa at karapat-dapat kapag nahaharap sa mga oportunidad na inilalahad Niya.

Mga Pagkakataon sa Buong Paligid

Ang mga pagkakataong maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon ay nasa paligid natin. Ang ating responsibilidad ay maging handang kumilos. Kadalasa’y hindi natin alam kung kailan o paano darating ang mga pagkakataong iyon. Kailangan tayong mamuhay nang karapat-dapat sa patnubay ng Espiritu Santo at maging handa ang ating puso. Pagkatapos ay gagabayan tayo ng Panginoon na gawin ang kailangan Niyang ipagawa sa atin.

Sa Doktrina at mga Tipan 35:3, sinabi ng Panginoon kay Sidney Rigdon, “Pinagmasdan kita at ang iyong mga gawa. Narinig ko ang iyong mga panalangin, at inihanda kita sa isang mas mahalagang gawain.”

Kilala tayo ng Panginoon at may gawain Siyang ipagagawa sa bawat isa sa atin. Kung minsan ito ay isang gawain na tayo lang ang makagagawa. Ang gawaing ito ay maaaring nasa tahanan bilang mga magulang na tumutulong sa anak na nahihirapan. O maaaring ito ay sakop ng ating mga responsibilidad sa Simbahan. Sa katunayan, maaaring ito ay anumang oras, kahit saan, at kahit kanino.

Sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ibinigay sa inyo ng Panginoon ang inyong mga responsibilidad sa isang dahilan. Maaaring may mga tao at pusong kayo lamang ang makaaantig. Marahil wala nang ibang makagagawa nito sa gayon ding paraan.”2

Sinabi rin ni Pangulong Uchtdorf, “Kapag tinularan natin ang perpektong halimbawa [ng Tagapagligtas], ang ating mga kamay ay maaaring maging Kanyang mga kamay; ang ating mga mata ay Kanyang mga mata; ang ating puso ay Kanyang puso.”3

Tulad nina Esther, Mordecai, Elder Fetzer, asawa ko, at marami pang iba, maaari tayong maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon.