2022
Tinupad ng Panginoon ang Kanyang Pangako
Hulyo 2022


“Tinupad ng Panginoon ang Kanyang Pangako,” Liahona, Hulyo 2022.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Tinupad ng Panginoon ang Kanyang Pangako

Para sa amin ng aking pamilya, dumating ang mga pagpapala ng Panginoon matapos akong sumunod.

Larawan
mga patak ng langis na bumabagsak sa isang mangkok

Dalawang buwan matapos akong tawagin bilang tagapayo sa aming stake presidency, nawalan ako ng trabaho. Nag-alala ako kung paano ko tutustusan ang pangangailangan ng asawa ko at ng dalawa naming anak.

Habang naghahanap ng bagong trabaho, inilaan ko ang sarili ko sa aking tungkulin, na nagbigay sa akin ng maraming pagkakataong maglingkod sa aking mga kapatid. Sa katunayan, naging abalang-abala ako sa aking tungkulin kaya naisip ng asawa ko na baka may iba pang tao sa stake na makagagawa ng ilan sa mga gawain ko.

Isang maulang gabi bago mag-family home evening, tumunog ang telepono. Kinailangan ng basbas ng isang lalaki sa stake na may malubhang sakit, at hinilingan akong puntahan siya. Kaagad kong kinausap ang isang kaibigan para samahan ako.

Pagdating namin, agad kong nakilala ang maysakit na kapatid at nagpasalamat ako sa tawag sa telepono. Ilang araw bago iyon, nainterbyu na siya para sa isang tungkulin sa stake. Matapos namin siyang pahiran ng langis at basbasan, sinabi namin sa kanya na babalik kami kalaunan para kumustahin siya.

Gabi na akong nakauwi at basa, pero may oras pa rin kami para sa maikling lesson sa home evening. Nagpasiya kaming panoorin ang video tungkol kay Elijah at sa balo ng Sarepta.

Habang naghahanda ang balo para magluto ng huling kaunting pagkain para sa kanya at sa kanyang anak, sinabi sa kanya ni Elijah, “Igawa mo muna ako ng munting tinapay, [at] dalhin mo rito sa akin, at saka ka gumawa para sa iyo at sa iyong anak.” Dahil sa kanyang pagsunod, “ang tapayan ng harina ay hindi magkukulang, o ang banga ng langis man ay mauubusan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa” (1 Mga Hari 17:13–14).

Ang mga salita ni Elijah na “igawa mo muna … ako” ay tumimo sa puso ko. May luha sa aking mga mata, sinabi ko sa asawa ko, “Sige! Una, dapat nating gawin ang lahat ng iniuutos ng Panginoon, at pagkatapos ay darating ang mga pagpapala.”

Tulad ng katuparan ng pangako ni Elijah sa balo, ang aming pagkain at langis ay “hindi nagkulang” habang wala akong trabaho. Alam ng Panginoon na hirap kami noon sa pera, at pinagpala Niya kami. Kinaumagahan pagkatapos ng family home evening namin, inalok ako ng trabaho.

Alam kong tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako. Dahil sa karanasang ito, malaki ang pananalig ko, gayundin ang pasasalamat ko sa Kanya.