2022
Nang Wala Akong Madamang Kagalakan sa Buhay Ko, Bumaling Ako sa Ebanghelyo
Hulyo 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Nang Wala Akong Madamang Kagalakan sa Buhay Ko, Bumaling Ako sa Ebanghelyo

Pakiramdam ko may kulang sa puso ko—hanggang sa natuklasan ko ang tunay at walang-hanggang kagalakang nagmumula sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Larawan
Batang Pilipinang nakasandal sa rehas

Iyon ay isa pang mapanglaw, walang buhay, at nakababagot na araw. Sa huling sandali, walang ipinagbago ang lahat, at kahit sinikap kong maging masaya, lalo akong nabagot at nabalisa. Sa gitna iyon ng pandemyang COVID-19 at naka-lockdown ang bansa ko, kaya hinikayat kaming lahat na manatili sa bahay hanggang sa magkaroon ng panibagong pabatid.

Araw-araw kapag tumitingin ako sa salamin, nakikita ko ang kawalan doon. Siguro’y dahil iyon sa hindi ko nakikita ang mga kaibigan ko o dahil hindi ako makapagtrabaho o makasuporta sa pamilya ko sa panahong iyon. Katatapos ko lang sa kolehiyo at gusto kong maging guro, pero kailangan akong pumasa sa isang eksamen na ipinagpaliban dahil sa pandemya.

Nalungkot ako, na para bang may kulang sa puso ko, pero hindi ko lubos na maisip kung ano iyon o kung paano ko iyon matatagpuan.

Pakikipagkita sa mga Missionary

Isang gabi, binubuklat-buklat ng pinsan ko ang isang aklat. Matingkad na asul ang kulay niyon at pinamagatang “Ang Aklat ni Mormon.” Kamakailan ay sumama siya sa kanyang kaibigan sa tinatawag na “family home evening” at nakipag-usap sa mga missionary sa cell phone nang ilang gabi sa isang linggo mula noon. Sa partikular na gabing ito, may kausap siya sa cell phone habang binubuklat ang aklat nang bigla niya akong tanungin kung puwede ko siyang tulungang sagutin ang isang tanong ng isa sa mga missionary.

“Seryoso ka?” naisip ko. “Ikaw ang tinatanong, kaya bakit ko kailangang tumulong?”

Pero pinagbigyan ko siya at tinanong ko kung ano ang tanong. At sabi niya, “Ano daw ang layunin mo sa buhay?” (“Ano sa palagay mo ang layunin mo sa buhay?”)

Nagsimulang bumilis ang tibok ng puso ko nang marinig ko ang tanong.

“Ito na ‘yon! Ito ang matagal ko nang hinahanap. Ito ang kulang sa puso ko,” naisip ko.

Tumitig ako sa pinsan ko, nang nakangiti, at hiniram ko ang cell phone para sagutin ang tanong ng missionary. Sinabi ko sa kanya na naniniwala ako na ang layunin ng buhay ay maging maligaya, masiyahan sa buhay, at maglingkod sa iba at maging mabait sa kanila. At sumang-ayon siya!

Itinanong din nila ng kanyang kompanyon kung puwede nilang ituro sa aming magpinsan ang iba pa tungkol sa ebanghelyo, at pumayag kami. Tinuruan ng mga missionary ang pamilya ko noong bata pa ako. Miyembro ang nanay ko pero naging di-gaanong aktibo nang halos buong buhay ko, pero pagkatapos ng pag-uusap sa cell phone, ginusto kong malaman ang iba pa.

Tuwing magbabahagi ang mga missionary ng isang bagay tungkol sa ebanghelyo, nagagalak ang puso ko, lalo na sa pag-aaral tungkol sa plano ng kaligtasan at sa mga pangako ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas. Kalaunan ay nagsimba kami, at masaya kaming tinanggap at tinulungan ng mga miyembro.

Nadama ko sa puso ko na tumatahak ako sa tamang landas. At makalipas ang ilang buwan, nabinyagan ako ng isang malapit na kaibigan na nakatulong sa akin na sumulong sa ebanghelyo.

Ang Pinagmumulan ng Tunay na Kaligayahan

Mahirap gumawa ng maraming pagbabago sa buhay ko matapos akong sumapi sa Simbahan. At ang buhay ko ay hindi madali o masaya sa lahat ng oras. Pero dahil nagkaroon ako ng mga bagong oportunidad na maglingkod at mapalalim ang aking patotoo, nalaman ko nang may katiyakan na ang walang-hanggang kagalakan ay talagang matatagpuan sa ebanghelyong ito.

Nagagalak ang puso ko tuwing nagbabasa ako ng mga banal na kasulatan, nakakarinig ng banal na inspirasyon mula sa ating mga propeta at apostol, at nakakasaksi sa mga patotoo ng mga miyembro sa aking paligid. Natagpuan ko ang sagot sa tanong ng mga missionary na iyon sa cell phone: ang layunin ng buhay ay ang maging mas mabuting tao para sa Diyos, para sa sarili ko, at para sa pamilya ko, habang sinisikap kong makabalik sa Kanya. At ang kaalamang ito ang nagdulot sa akin ng mismong kaligayahang matagal ko nang hinahanap. Ang patuloy na paglilingkod sa mga tao at pagdadala ng pamilya ko sa simbahan ang una ko nang prayoridad ngayon, dahil gusto kong makaranas sila ng tunay na kagalakan.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay.”1

Pinatototohanan ko rin na ang tunay na kaligayahan ay matatagpuan lamang sa pagsunod kay Jesucristo. Bawat oportunidad ko sa ebanghelyo ni Jesucristo ay nakapuspos ng kagalakan sa aking kaluluwa, lalo na nang tulutan ko ang mga karanasang ito na tulungan akong mas mapalapit sa Kanya.

Bago nagkaroon ng pandemyang COVID-19, naging masaya ako sa buhay ko. Pero ang tunay na kagalakang hatid ng ebanghelyo ay naiiba sa kaligayahan. Maging sa pandemya, ang ebanghelyo ay naghahatid sa akin ng kapayapaan at nagpapakita sa akin ng layunin ng buhay, na tumutulong sa akin na patuloy na sumulong nang may pananampalataya at pag-asa.

Sa wakas ay natagpuan ko na ang aking nawawalang piraso. Kinailangan ko ang kagalakang hatid ng pagsunod kay Jesucristo sa aking puso at buhay, tulad nating lahat.