2022
Mga Service Missionary: Pagtatayo ng Kaharian sa Pamamagitan ng Paglilingkod at Pagmamahal
Hulyo 2022


“Mga Service Missionary: Pagtatayo ng Kaharian sa Pamamagitan ng Paglilingkod at Pagmamahal,” Liahona, Hulyo 2022.

Mga Young Adult

Mga Service Missionary: Pagtatayo ng Kaharian sa Pamamagitan ng Paglilingkod at Pagmamahal

Inisip ko kung ang ibig sabihin ng paglilingkod sa isang service mission ay hindi ako “sapat na mabuti.”

Larawan
kababaihang young adult na nagpipipintura

Nang una akong tanungin ng aking stake president kung handa akong maglingkod sa isang service mission, naisip ko na, “Opo!”

Nagtiwala ako na may ipagagawa sa akin ang Panginoon, at naniwala ako na anuman ang nais Niyang ipagawa sa akin ay magdudulot sa akin ng pag-unlad at kaligayahan dahil mahal Niya ako at nais ang pinakamabuti para sa akin.

Ang pangalawang naisip ko ay, “Ano ang service mission?”

Ipinaliwanag ng aking stake president kung ano ang service mission nang magkausap kami sa kanyang opisina noong Linggong iyon, pero hindi ko talaga naunawaan ito o ang kahalagahan nito hanggang sa makalipas ang maraming araw. Noong panahong iyon naisip ko kung ang tungkuling ito ay nangangahulugan na may mali sa akin, dahil hindi ko pa nauunawaan ang mas malaking layunin ng mga service mission.

Kailangan Ba Ako?

Natanggap ko ang tawag na maglingkod isang buwan bago talaga nagsimula ang aking misyon. Ibig sabihin nito ay nakilala ko ang aking mga service mission leader, dumalo sa isang service mission conference sa aking lugar, at hinilingan pa akong manguna sa pag-aaral ng magkompanyon para sa dalawa pang sister sa aking area bago ako na-set apart.

Ginamit ko ang buwan sa pagitan ng pagkatanggap ko ng tawag at pagbibigay ng aking mensahe ng “pamamaalam” (kahit hindi naman talaga ako aalis) para malaman ang tungkol sa mga service mission at mga service missionary sa paligid ko.

Sa service mission conference na dinaluhan ko, nalaman ko na nadama ng maraming service missionary, noong una silang tawagin, na parang hindi sapat ang kakayahan nila para maglingkod sa isang proselyting mission. Nahihiya akong maalala ang una kong reaksyon nang tinawag ako.

Sa huli, natanto ko na hindi ako tinawag na maglingkod sa service mission dahil may kulang sa akin, kundi dahil ito ang nais ng Ama sa Langit para sa akin. Hindi ako “mas mababa” kaysa sa mga proselyting missionary; sa halip, kailangan Niya akong tumulong sa pagtatayo ng Kanyang kaharian sa pamamagitan ng iba pang paraan ng paglilingkod. Nakatanggap ako ng malakas na patotoo na lahat ng misyon ay mahalaga sa Ama sa Langit at mahalaga sa Kanyang gawain, dahil hangad ng lahat ng missionary na paglingkuran Siya at paglingkuran ang Kanyang mga anak.

Matapos malaman ang tungkol sa iba pang mga service missionary sa aking lugar, makilala sila, at marinig ang kanilang mga kuwento, alam ko na sila ay kahanga-hanga at mabubuting lingkod ng Panginoon. Natanto ko na bagama’t ang ilan sa amin ay medyo nalungkot para sa aming sarili sa simula ng aming misyon, pareho kami ng naging konklusyon: mahal ng Panginoon ang mga service missionary at na kami ay nasa lugar kung saan Niya nais, natututo at umuunlad habang naglilingkod sa Kanya bilang Kanyang mga kamay sa lupa.

Paano Itinatatag ng mga Service Missionary ang Sion

Napakahalaga ng mga missionary sa bawat kakayahan nilang maglingkod. Kailangan natin ng mga missionary na handang lisanin ang kanilang pamilya at kanilang mga tahanan nang hanggang dalawang taon upang ituro at ipangaral ang ebanghelyo sa buong mundo. Ngunit kailangan din nating itayo ang mga komunidad ng Sion na puno ng pagmamahal sa iba at ng hangaring paglingkuran at iangat ang pinakahamak sa kanila. Ito ang ginagawa ng mga service missionary. Itinatatag namin ang Sion sa pamamagitan ng pagbuo ng kultura ng pagmamahal at paglilingkod. Lumilikha ito ng isang malugod, matwid, at nagpapasiglang komunidad para sa lahat ng miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—habambuhay na mga miyembro, bagong binyag, lahat.

Ang aking service mission sa mga magasin ng Simbahan ay nakatulong sa akin na makita kung gaano talaga ako pinagpala. Nagamit ko ang natutuhan ko tungkol sa aking mga pagsubok sa buong buhay ko para matulungan ang iba na nahihirapan. Sinikap kong ibahagi ang aking mga karanasan sa iba at sa paggawa nito ay hinihikayat ang iba na ibahagi ang kanilang mga kuwento. Lahat ng mga anak ng Diyos ay mahalaga. Natulungan ako ng aking service mission na maging mas mapagpasensya sa kahinaan nila at mahalin sila habang sama-sama kaming nagsisikap na lumapit kay Cristo.

Ang mga service missionary ay gumugugol ng kanilang oras at lakas sa paglikha ng Sion sa maraming iba’t iba ngunit kapaki-pakinabang na paraan. Ang ilan ay tumutulong sa pisikal na paglilingkod sa mga lugar tulad ng Welfare Square o lokal na mga food pantry. May mga service missionary na nagpapaganda sa mga bakuran ng templo at naglilingkod bilang mga ordinance worker sa templo. Ang ilan ay tumutulong sa pamamahagi ng pagkain sa mga batang walang makain kapag walang pasok sa eskuwela at pinaglilingkuran sila sa pamamagitan ng pagpapatatag sa kanila. Ang iba naman ay tumutulong na maipalaganap ang ebanghelyo at palakasin ang mga miyembrong mayroon na nito. Mayroon pa ngang mga missionary na tumutulong sa pagkumpuni ng iba’t ibang mga sasakyan ng workforce ng Simbahan.

Larawan
lalaking nagkukumpuni ng kotse

Ang mga service missionary ay naglilingkod din sa iba pang mga paraan tulad ng paggawa ng mga karatula para sa mga bishop sa mga gusali ng Simbahan, pagtatrabaho sa motion picture studio ng Simbahan, at paglilinis ng maraming bagay upang mapanatiling ligtas ang lahat sa gitna ng COVID-19. Anuman ang ating iba’t ibang tungkulin, tumutulong tayo sa pagtatayo ng Sion sa pamamagitan ng pagbuo ng kapaligiran ng pagmamahal at di-makasariling paglilingkod.

Lahat tayong mga missionary ay nakikibahagi sa araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, nagtuturo ng mga lesson, dumadalo sa mga lesson at district council, at pinalalakas at pinasisigla ang isa’t isa at ang lahat ng nasa paligid natin, bahagi man ito o hindi ng ating pormal na mga tungkulin.

Ang isa sa mga pinakamahalagang ginagawa ko ay hindi gaanong nauugnay sa opisyal na assignment ko sa young adult content team para sa mga magasin ng Simbahan at mas may kaugnayan sa paglilingkod sa iba pang mga missionary sa aking grupo sa Temple Square campus. Naglilingkod ako sa pamamagitan ng pagtiyak na dama nila na sila ay nakikita at naririnig, na may malasakit ako sa kanila at sila ay kabilang.

Hindi ba’t iyan ang dapat na ginagawa ng mga missionary? Hindi ba tinitiyak ng lahat ng missionary sa lahat ng tao sa buong mundo na dito, sa kaharian ng Diyos, ay may mahalaga at kani-kanyang lugar para sa lahat ng Kanyang mga anak? Ang mga proselyting missionary ay tumutulong sa pagtuturo sa mundo na ang kaharian ng Diyos ay nasa lupa, at ang mga service missionary ay tumutulong para makita ng iba kung ano ang dapat na hitsura ng kahariang iyon habang naghahanda tayo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas—isang lugar kung saan bumabaling ang ating puso sa iba, kung saan tayo naglilingkod nang walang pag-aalinlangan, at kung saan tinutulungan natin ang iba na malaman na kabilang sila.

Paglilingkod na Tulad ng Gagawin ng Tagapagligtas—sa Pamamagitan ng Pagtulong sa Isang Tao

Paano man tayo naglilingkod at saanman tayo naglilingkod, may isang bagay na ginagawa ang lahat ng missionary—naglilingkod na tulad ng ginawa ni Jesucristo, sa pamamagitan ng pag-minister sa isang tao.

Higit pa sa pagganap sa ating kani-kanyang assignment, “ang ating layunin ay tulungan ang iba na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanila na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Tayo ay boluntaryong naglilingkod sa mga organisasyong pangkawanggawa, sa mga gawain sa Simbahan, at sa komunidad. Maglilingkod tayo sa Kanyang pangalan sa taong nangangailangan, tulad ng Kanyang ginawa, na ipinapahayag ang Kanyang mapagmahal na kabaitan.”1

Pinahahalagahan naming mga service missionary ang mga salita sa aming layunin dahil alam namin na naglilingkod sa atin ang Tagapagligtas bilang mga indibiduwal at nadama namin ang Kanyang mapagmahal na kabaitan. Nadama ko ang mapagmahal na kabaitan ng Tagapagligtas sa aking misyon nang mas makilala ko Siya, dahil pinagaan ang aking mga pagsubok, dahil lumakas ang aking patotoo, at habang minamahal at pinasisigla ako ng mga missionary sa paligid ko.

Hangad ng mga service missionary na ibahagi ang magiliw na kabaitan ni Cristo sa lahat ng nakapaligid sa kanila, at inilalaan namin ang aming buhay sa paggawa lamang nito sa buong misyon namin—at sa buong buhay natin.