2022
Paano Kung Tila Hindi Nasasagot ang Aking mga Dalangin?
Hulyo 2022


Digital Lamang

Paano Kung Tila Hindi Nasasagot ang Aking mga Dalangin?

Isipin ang pitong ideyang ito para malaman ang iba pa kung paano sinasagot ng Ama sa Langit ang bawat matwid na panalangin.

Larawan
lalaking nakaluhod at nagdarasal sa tabi ng kanyang kama

Paglalarawan ni Paul Mann

Paulit-ulit nating nababasa sa buong banal na kasulatan ang pangakong, “Humingi sa Diyos; humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo’y pagbubuksan” (Joseph Smith Translation, Matthew 7:12 [sa Mateo 7:7, footnote a]). Sa pangakong iyan, paano tayo magpapatuloy kapag nadarama natin na hindi nasasagot ang ating mga dalangin, pagsamo, at hangarin?

Ang isang natural na sagot ay maaaring kung minsa’y iniisip natin kung talagang naririnig o sinasagot ng Diyos ang ating mga dalangin, o siguro’y maaaring isipin natin na, “Sinasagot Niya ang mga dalangin ng lahat ng tao maliban ang sa akin.” Pero may iba pang mga sagot na maaaring makatulong sa atin na makasumpong ng lakas o pag-asang sumulong nang may pananampalataya o mapansin ang maraming paraan na maaaring sinasagot na ng Ama sa Langit ang ating mga dalangin.

Bawat sagot ay maaaring magsimula sa pagsampalataya sa Diyos, na “[isang] Diyos ng katotohanan, at hindi maaaring magsinungaling” (Eter 3:12; tingnan din sa Tito 1:2). Kapag naaalala natin ang doktrinang iyon, hindi natin kailangang isipin kung sasagutin ng Diyos ang ating mga dalangin at sa halip ay maaari nating ituon ang ating lakas sa paghahanap sa Kanyang tulong at patnubay sa ating buhay, batid na sinasagot nga Niya ang bawat dalangin. Ang pitong paraang ito ay nagbabahagi ng ilan sa maraming alituntuning maaaring makatulong sa atin na makita kung paano natin matatanggap at mapapansin ang mga pagpapala at sagot mula sa Ama sa Langit sa ating buhay.

1. Magtiwala na nais ng Diyos ang pinakamainam para sa inyo.

Ang ating kakayahang sumulong nang may pananampalataya ay madaragdagan nang husto kapag naaalala natin na laging iniisip ng Ama sa Langit ang ating kapakanan. Tulad ng itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, sa halip na sagutin ang bawat dalangin sa paraang gusto natin, sa Kanyang awa, “laging sasagutin [Niya] ang inyong mga panalangin sa paraan at oras na pinakamainam para sa walang hanggang ikabubuti [ninyo].”1

Habang natututo tayong magtiwala na talagang sasagot ang Ama sa Langit sa paraang pinakamainam para sa atin, makasusumpong tayo ng kapayapaan at pasasalamat sa halip na kabiguan kapag hindi sinasagot ang mga dalangin sa paraang maaaring inaasahan natin. Magagawa natin “nang masaya ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya,” sa pag-asang “ang kanyang bisig ay maihahayag” (Doktrina at mga Tipan 123:17) sa mas nakalulugod na mga pagpapalang darating.

2. Pag-aralan ito at humingi ng partikular na patnubay.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “nais ng Panginoon na may pagsisikap.”2 Hindi natin maaasahan ang mga sagot kung hindi tayo handang magsikap. Nang hindi natanggap ni Oliver Cowdery ang isang pagpapalang hinangad niya, ipinaalala ng Panginoon sa kanya (at sa atin):

“Masdan, hindi mo naunawaan; inakala mo na aking ibibigay ito sa iyo, gayong wala kang inisip maliban sa ito ay itanong sa akin.

“Subalit, masdan, sinasabi ko sa iyo, na kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan, pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab; samakatwid, madarama mo na ito ay tama” (Doktrina at mga Tipan 9:7–8).

Kung naghihintay tayo ng partikular na sagot sa isang pangkalahatang tanong, baka gusto nating baguhin ito at sa halip ay gawin itong partikular na tanong na pinag-aralan, at pagkatapos ay humingi ng kumpirmasyon. Halimbawa, kung ipinagdarasal nating malaman kung “Ano ang susunod kong gagawin?” na walang gaanong ginagawa kundi puro pagdarasal lang na humihingi ng patnubay, sa halip ay maaari nating kailanganing tiyakin na napag-aralan na natin ang mga posibilidad, natimbang na nang husto ang mga iyon, at sinunod natin ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa pagpili ng pinakamagandang opsiyon, at pagkatapos ay ilahad ang opsiyon na iyon sa Panginoon para pagtibayin na iyon ang tamang piliin.

3. Maging bukas sa maraming posibilidad.

Ang pag-alaala na ang “mga pamamaraan [ng Diyos] ay higit na mataas kaysa [ating] mga pamamaraan” (Isaias 55:9; tingnan din sa talata 8) ay maaaring makatulong sa atin na maging bukas sa iba’t ibang paraan na maaaring sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga dalangin. Halimbawa, itinuro ni Elder Scott kung paano masasagot sa maraming paraan ang mga dalanging mapagaling: “Mahalagang maunawaan na ang Kanyang kapangyarihang magpagaling ay maaaring mangahulugan ng mapagaling, o mapagaan ang inyong mga pasanin, o matanto pa na sulit ang magtiis hanggang wakas nang may pagtitiyaga, sapagkat kailangan ng Diyos ang matatapang na anak na handang malinis kapag ayon sa Kanyang karunungan ay iyon ang Kanyang kalooban.”3

Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ng mga turo ng propeta na nauugnay sa paksang ipinagdarasal natin ay maaaring makatulong sa atin na mapansin ang mga sagot—sa maraming anyo—na maaaring ipadala sa atin ng Ama sa Langit. Ang paggawa nito ay tumutulong sa atin na maiwasang maging myopic4 at sa halip ay maging bukas sa kalooban at kaalaman ng Diyos.

4. Mapagpakumbabang tumanggap ng “hindi.”

Kung minsan ang “para sa [ating] pinakamainam na kapakanan” ay ang tanggapin ang sagot na “hindi.” Kapag nangyari iyan, makasusumpong tayo ng lakas sa payong ito ni Pangulong Nelson, na makakatulong sa atin na mapansin ang pag-ibig at awa ng Diyos:

“Hindi lahat ng dalangin natin ay sasagutin ayon sa gusto natin. Paminsan-minsan ang sagot ay hindi. [Hin]di tayo dapat magulat. Ang mapagmahal na mortal na mga magulang ay hindi pumapayag sa bawat kahilingan ng kanilang mga anak. …

“Dapat tayong manalangin ayon sa kalooban ng ating Ama sa Langit. Nais Niya tayong subukan, patatagin, at tulungang maabot ang ating potensyal. Nang ikinulong si Propetang Joseph Smith sa Piitan ng Liberty, humingi siya ng tulong. Ang mga dalangin niya’y sinagot nang may paliwanag: ‘Ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti’ [Doktrina at mga Tipan 122:7].”5

Kapag tumanggap tayo ng “hindi,” makasusumpong tayo ng kakaibang lakas sa paghahanap sa lahat ng paglago, karanasan, at kabutihang nagmumula sa ating mga sitwasyon.

5. Tandaan na iginagalang ng Diyos ang kalayaang pumili.

Ang ilang sagot na ipinagdarasal natin ay maaaring mangailangan muna ng paggamit ng ating kalayaang pumili at pagkilos nang may pananampalataya bago tumanggap ng sagot. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na nang kailanganin ng mga anak ni Israel na tawirin ang ilog ng Jordan, hindi nila nakita ang bahaging tubig hanggang sa matapos silang makatapak dito (tingnan sa Josue 3:15–16). Tulad ng itinuro niya, “Ang tunay na pananampalataya ay nakatuon sa Panginoong Jesucristo at palaging humahantong sa pagkilos.”6

Handa ba tayong kumilos nang may pananampalataya nang walang sagot at magtiwala sa mga pangako at turo ng Diyos? Kung magkagayon, maaaring matuklasan natin na naghihintay ang Ama sa Langit na tumugon sa atin hanggang sa “matapos ang pagsubok sa [ating] pananampalataya” (Eter 12:6). Kung minsa’y maaaring hindi tuwirang nauugnay ang pagkilos na kailangan nating gawin sa naising hinahangad natin kundi sa isang pagbabago ng puso para ihanda tayo sa pagtanggap ng sagot.

Halimbawa, pansinin ang papel ng pagpapakumbaba kaugnay ng mga pagpapalang ipinangako sa Doktrina at mga Tipan 112:10: “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin.” Maaari nating isipin kung paano maaaring makatulong sa atin ang pagpapakumbaba na gamitin ang ating kalayaang pumili sa paghahanap at pagtanggap ng mga pagpapalang nais ibigay ng Ama sa Langit sa atin.7 Maaari din nating pag-aralan ang salita ng Diyos para makahanap ng iba pang mga katangiang maaari nating taglayin para maging karapat-dapat tayong tumanggap ng ilang pagpapalang hinahangad natin.

Sa kabilang dako, ang ilang sagot na ipinagdarasal natin ay maaaring kailanganin ang iba na gamitin ang kanilang kalayaang pumili para kumilos. Halimbawa, maaari nating ipagdasal na bumalik ang isang tao sa lubos na pagiging aktibo sa Simbahan, magbago ng ugali, o bigyan tayo ng oportunidad na gusto natin. Sa bawat sitwasyon, kailangan diyan ang kalayaang pumili ng ibang tao. At dahil napakahalaga ng kalayaang pumili sa Ama sa Langit—mismong ang Digmaan sa Langit ay nangyari upang ipagtanggol ang ating [moral na] kalayaang pumili”8—mahalagang alalahanin na hindi Niya aalisin ang kalayaan ng iba na pumili kahit sa pagsagot sa ating mga dalangin.

Kung tila hindi natin mahanap ang mga sagot sa isang panalangin na nakadepende sa mga kilos ng iba, sa halip na ipagdasal lamang na magbago ang ibang tao, maaari din nating ipagdasal na malaman kung ano ang ating magagawa para maragdagan ang pagmamahal o pagpapasensya sa ating mga relasyon, madaig ang sarili nating mga kahinaan (tingnan sa Mateo 7:3–5), o pag-igihin ang ating mga kasanayan para tulungan tayong maging marapat sa isang bagong oportunidad.

6. Maging “karapat-dapat na tumanggap ng paghahayag.”9

Kung nahihirapan tayong tumanggap ng mga sagot sa panalangin, maaari nating tiyakin na karapat-dapat tayong makasama palagi ang Espiritu Santo. Itinuro ni Pangulong Nelson: “Kung may bagay na nakakapigil sa atin sa pagbubukas ng pintuan para matanggap ang patnubay mula sa langit, maaaring kinakailangan nating magsisi. Ang pagsisisi ay nagtutulot sa atin na mabuksan ang pintuan para marinig natin ang tinig ng Panginoon nang mas madalas at mas malinaw.”10

Kabilang dito ang pagpipigil sa ating damdamin. Itinuro ni Elder Scott: “Ang nagbibigay-inspirasyong impluwensya ng Banal na Espiritu ay mapapangibabawan o matatakpan ng matitinding damdamin tulad ng galit, poot, silakbo ng damdamin, takot, o kayabangan. Kapag may gayong mga impluwensya, para itong pagtikim sa masarap na lasa ng ubas habang kumakain ng siling jalapeño. Pareho itong malalasahan, pero mas matapang ang lasa ng isa. Sa gayon ding paraan, nangingibabaw ang matitinding damdamin sa maseselang paramdam ng Banal na Espiritu.”11

Basahin kung paano natin mas lubos na mapapadalisay ang ating buhay para makatanggap ng patnubay mula sa Ama sa Langit sa “Umunlad sa Alituntunin ng Paghahayag,” ni Pangulong Nelson, at sa “Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” ni Elder Scott.

7. Patuloy na manalangin at manampalataya.

Anuman ang gawin ninyo, huwag tumigil sa pagdarasal. “Manalangin kahit wala kayong hangaring manalangin,” pagtuturo ni Elder Scott.12 Gamitin ang sandaling ito para matiyak, nang higit kailanman, ang inyong espirituwal na pundasyon.

Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit napakahalaga nito: “Kapag naharap sa pagsubok sa pananampalataya—anuman ang gawin ninyo, huwag kayong lumayo sa Simbahan! Ang paglayo ninyo sa kaharian ng Diyos sa oras ng pagsubok sa pananampalataya ay parang pag-alis sa ligtas na kanlungan nang matanaw ninyo ang buhawi.”13

Tulad ng ipinaalala sa atin ni Elder James B. Martino ng Pitumpu: “Kung inyo nang ‘nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?’ [Alma 5:26]. Kung hindi ninyo ito nadarama ngayon, madarama ninyo itong muli, ngunit isipin ang payo ni Nephi [sa 1 Nephi 15:10–11]. Maging masunurin, alalahanin ang mga pagkakataon na nadama ninyo ang Espiritu noong araw, at manalangin nang may pananampalataya. Darating ang sagot sa inyo, at madarama ninyo ang pagmamahal at kapayapaan ng Tagapagligtas. Maaaring hindi ito dumating nang kasimbilis o sa paraang gusto ninyo, ngunit darating ang sagot. Huwag sumuko! Huwag sumuko kailanman!”14

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na kapag ang “mga panalangin ay tila patuloy na hindi nasasagot, … kailangan ninyong manampalataya.” Ang pananampalatayang iyon, wika niya, ay kailangang maging “malakas na pananampalataya, pananampalatayang sumusuporta sa atin dito at ngayon, hindi lamang sa araw ng paghuhukom o saanman sa kaluwalhatiang selestiyal.”15