2022
Mga Banal na Kasulatan: Ang Salita ng Diyos
Hulyo 2022


“Mga Banal na Kasulatan: Ang Salita ng Diyos,” Liahona, Hulyo 2022.

Mahahalagang Aral ng Ebanghelyo

Mga Banal na Kasulatan: Ang Salita ng Diyos

Larawan
isang propeta sa Lumang Tipan na nagsusulat

Propeta sa Lumang Tipan, ni Judith A. Mehr

Ang mga banal na kasulatan ay mga banal na aklat na isinulat ng mga propeta. Ang mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo kay Jesucristo at nagtuturo tungkol sa Kanyang ebanghelyo. Ang opisyal na mga banal na kasulatan ng Simbahan ay ang Biblia (na kinabibilangan ng Lumang Tipan at Bagong Tipan), ang Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas.

Lumang Tipan

Ang Lumang Tipan ay talaan ng mga pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga pinagtipanang tao noong unang panahon. Kasama rito ang mga turo ng mga propetang tulad nina Moises, Josue, Isaias, Jeremias, at Daniel. Bagama’t isinulat ito daan-daang taon bago isinilang si Jesucristo, maraming propeta sa Lumang Tipan ang nagsulat tungkol sa Kanya.

Bagong Tipan

Nakatala sa Bagong Tipan ang pagsilang, mortal na buhay, mga turo, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kabilang din dito ang mga turo ng mga Apostol ni Cristo at ng iba pang mga disipulo. Ang Bagong Tipan ay tumutulong sa atin na maunawaan kung paano ipamumuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo ngayon.

Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo

Ang Aklat ni Mormon ay talaan ng ilan sa mga taong nanirahan sa sinaunang Amerika. Kabilang dito ang mga turo mula sa mga propeta, at ang pangunahing layunin nito ay kumbinsihin ang lahat ng tao na si Jesus ang Cristo. Isinalin ito ni Propetang Joseph Smith mula sa mga laminang ginto sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.

Ang Doktrina at mga Tipan

Ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng mga paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith at sa iba pang mga propeta sa mga huling araw. Inilalarawan ng mga paghahayag kung paano inorganisa ang Simbahan ni Cristo. Naglalaman din ang mga ito ng mahahalagang turo ng ebanghelyo tungkol sa priesthood, mga ordenansa ng ebanghelyo, at kung ano ang mangyayari pagkatapos ng buhay na ito.

Mahalagang Perlas

Kabilang sa Mahalagang Perlas ang mga aklat nina Moises at Abraham, ang patotoo ni Joseph Smith, at ang Mga Saligan ng Pananampalataya ng Simbahan. Kabilang din dito ang Joseph Smith—Mateo, bahagi ng pagsasalin ni Joseph Smith ng Bagong Tipan.

Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Itinuro sa atin ng mga propeta na pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw. Ang paggawa nito ay tumutulong sa atin na mapalakas ang ating pananampalataya at mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Habang mapanalangin nating pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan, tutulungan tayo ng Espiritu Santo na mahanap ang mga sagot sa ating mga tanong.

Mga Makabagong Propeta

Kapag nagsasalita ngayon ang mga propeta at apostol sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kanilang mga salita ay tulad ng banal na kasulatan. Ang isang halimbawa nito ay ang pangkalahatang kumperensya. Maaari nating pag-aralan ang mga turo mula sa kumperensya sa mga isyu ng Liahona sa Mayo at Nobyembre.