2022
Magkaroon ng Lakas-ng-Loob na Tumulong
Hulyo 2022


“Magkaroon ng Lakas-ng-Loob na Tumulong,” Liahona, Hulyo 2022.

Mga Alituntunin ng Ministering

Magkaroon ng Lakas-ng-Loob na Tumulong

Gagamitin tayo ng Diyos para makagawa ng kaibhan kung madaraig natin ang takot.

Larawan
dalawang lalaking nag-uusap at nakangiti

Bilang mga mananampalataya, kailangan natin ng lakas-ng-loob sa mga panahong ito, maging sa ating mga karanasan sa ministering. Si John (binago ang mga pangalan) ay inatasang mag-minister kay Peter, isang miyembro na hindi pa nakadalo sa mga pulong ng ward. Nag-alala si John sa paglapit kay Peter, dahil hindi pa niya kilala si John at hindi niya alam ang kanyang kuwento. Ngunit sa pag-alaala sa payo na “magmahal, magbahagi, at mag-anyaya,” nanalangin si John para sa patnubay at pagkatapos ay kumilos para makipagkaibigan nang tapat kay Peter. Nag-ukol siya ng panahon para makilala si Peter, sa madalas na pagbisita, tawag sa telepono, at paminsan-minsang paglabas para mag-almusal. Nakilalang mabuti ni John si Peter, at nagkaroon ng tiwala si Peter sa kanilang pagkakaibigan. Nang mangailangan siya ng tulong, natural lang sa kanya na lumapit kay John, na masaya namang tumugon.

Isang araw, nadama ni John na marahil ay handa na si Peter para anyayahang magbalik sa simbahan. Sa isa sa kanilang mga pag-uusap, binanggit niya ang ideya sa natural na paraan. Saglit na huminto si Peter. “17 taon na pala akong hindi nakakapagsimba,” sabi niya. “Pero alam mo, sa palagay ko magsisimba na ako.” Pagdating ni Peter sa ward, naroon si John para salubungin siya at umupo sa tabi niya. Nagpasalamat si John na nakayanan niya ang kanyang unang takot. Sa pamamagitan ng mga pagsisikap na ito, kapwa sila nagkaroon ng tunay na pagkakaibigan na nagpala sa kanilang buhay.

Panibagong Lakas-ng-Loob

Larawan
Si Esther sa harap ng hari

Si Esther sa Harap ng Hari, ni Minerva Teichert

Ang kuwento sa Lumang Tipan tungkol kay Esther (tingnan sa Esther 1–10) ay nagtuturo ng maraming alituntunin ngunit marahil ay kilalang-kilala bilang kuwento ng katapangan. Si Esther ay isang napakabatang babaeng Judio nang mapili siya bilang reyna at nagpakita ng malaking katapangan nang ipagsapalaran niya ang kanyang buhay para iligtas ang kanyang mga tao.

Sa pamamagitan ng panlilinlang, nalinlang ang hari na magbigay ng isang utos na lahat ng Judio ng kaharian ay dapat patayin. Naisip ni Esther ang isang plano na nangailangan ng malaking pananampalataya at maaaring iyon lang ang maaaring magpabago sa isipan ng hari.

Sa tradisyon ng kanyang kultura, ang paglapit sa hari nang hindi inaanyayahan ay maaaring magresulta sa kamatayan. Pero buong tapang niyang itinuloy ang kanyang plano at hiniling sa kanyang mga tao na samahan siyang mag-ayuno (tingnan sa Esther 4:16). Sa kanyang matapang na pagkilos at sa pagkilos ng iba, nakumbinsi niya ang hari na baguhin ang kanyang utos. Sinagot ang mga panalangin ni Esther at ng kanyang mga tao.

Maaari nating ituring si Esther na halimbawa ng katapangan, maging sa ministering, habang isinasantabi natin ang ating takot na makilala ang isang tao at tulungan siya sa kanyang mga hamon.

Mga Alituntuning Dapat Isaalang-alang

Ano ang magagawa natin kung matatagpuan natin ang ating sarili sa labas ng ating comfort zone kapag nagmi-minister?

  • Nanalangin si John para sa patnubay ng Diyos. Sa tulong ng Diyos, madaraig natin ang takot (tingnan sa Mga Awit 34:4).

  • Maaari din nating ipagdasal na madama ang pagmamahal ng Panginoon para sa ibang tao. “Ang sakdal na pagibig ay nagpapalayas ng takot” (I Juan 4:18).

  • Tulad ni Esther, maaari nating gamitin ang pag-aayuno at panalangin upang mapalakas ang ating pananampalataya na kumilos (tingnan sa Esther 4:3).

  • Maaari tayong magtiwala na may kapangyarihan sa pagtupad ng ating mga tipan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:9). Sa pamumuhay ng ating mga tipan ay matatanggap natin ang Kanyang tulong.

  • Mapapalakas natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aayuno at pagsasapuso sa mga pangako ng Panginoon sa atin. Isaalang-alang ang mga pangako sa mga talatang ito: Deuteronomio 31:6; Isaias 41:10; 2 Timoteo 1:7; Doktrina at mga Tipan 6:33.

Ano ang Magagawa Natin?

Magkaroon ng lakas-ng-loob na tumulong. Ito man ay pagkilala sa isang tao o pag-anyaya sa kanilang gawin ang isang bagay na magpapala sa kanilang buhay, tutulungan kayo ng Diyos.