2022
Puwang para Umunlad
Hulyo 2022


“Puwang para Umunlad,” Liahona, Hulyo 2022.

Pagtanda nang May Katapatan

Puwang para Umunlad

Alam ng Panginoon na muli akong uusbong at mamumulaklak.

Larawan
mga bulaklak sa paso

Ilang taon na ang lumipas mula nang pumanaw ang asawa kong si Jerold. Mabilis at agresibo ang pagdating ng kanser, at sa loob ng tatlong buwan ay pumanaw na siya. Ngayon iniisip ko siya habang nagtatrabaho ako sa bakuran ko.

Habang inililipat ko ng paso ang isang halaman, may naisip ako. Bago ko ginalaw ang halaman, OK naman ito. Kuntento na ito sa paso na kinatataniman nito, pero hindi ito lumalago. Alam ko na kung hindi ko ito inilipat sa ibang paso, malamang na titigil ito sa pamumulaklak at baka tumigil pa sa paglaki. Talagang hindi nito magagawa ang lahat ng makakaya nito.

Kaya, nagpasiya akong bigyan ang halaman ng puwang para lumago kaya inilipat ko ito sa mas malaking paso. Hindi naman napakalaking paso—mas malaki lang ng dalawang pulgada ang diameter nito. Kung masyadong malaki ang espasyo nito, maaaring masobrahan ito sa dilig baka mamatay dahil sa mabubulok ang ugat nito.

Larawan
lagadera o pandilig

Inasahan kong mahihirapan ang halaman habang nakikibagay ito sa bagong kapaligiran. Medyo komportable ito, sakto lang sa maliit na espasyo sa paso na nakasanayan na nito. Hindi nito alam na makatutulong ang pagbabago para patuloy itong lumago. Kinailangan ko itong pangalagaan, bigyan ito ng sapat na liwanag, tubig, at iba pang mga nutrisyon na kailangan sa pakikibagay nito sa bagong kapaligiran. Alam ko na kalaunan, ito ay uusbong at muling mamumulaklak.

Habang iniisip ko ang buhay ko bilang isang balo, natanto ko na katulad ako ng halamang iyon. Naging komportable ako. Maayos ang takbo ng buhay ko. Pero nang pumanaw ang asawa ko, narinig kong ibinulong ng Espiritu na pumapasok ako sa isang bagong yugto ng pag-unlad. Mayroon pa rin akong mga bagay na kailangan kong matutuhan at gawin sa buhay na ito.

Nang sumunod na dalawang taon, pito pang kalalakihan sa aming ward ang pumanaw. Sinimulan kong hilingin sa mga bagong biyudang kaibigan ko na magsama-sama kami, mag-usap-usap, bumisita, maglingkod sa iba—para mabawasan ang aming kalungkutan. Wala ni isa sa amin ang pipiliing “mailipat ng paso.” Pero nang mamuhay na ako na wala ang asawa ko, nalaman ko na kaya kong suportahan ang iba pa na nakakaranas ng gayon ding hamon. Nalaman ko rin na maraming pagkakataong makasama ang mga anak at apo at tiyakin sa kanila na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang aming pamilya ay maaaring magkasama-samang muli sa kabilang-buhay.

Hindi ko inasahan kailanman ang pag-unlad na darating sa akin dahil sa pagkawala ng aking asawa. Ngunit pumasok ang Ama sa Langit at “inilipat ako sa ibang paso,” at binigyan ako ng silid para lumago sa pamamagitan ng paglalagay sa akin sa mas malaking paso—isang bagong hamon na nagbigay ng pagkakataon para umunlad.

Nangungulila pa rin ako kay Jerold araw-araw. Makalipas ang ilang taon, nahihirapan pa rin ako habang sinisikap kong umangkop sa pagbabago ng pagkawala niya. Pero alam kong pangangalagaan ako ng Panginoon habang daan. Sa paglipas ng panahon, at sa pagtitiwala sa Kanya, muli akong uusbong at mamumulaklak.

Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.