2022
Ang Itinuro sa Akin ng Isang Buto ng Kalabasa tungkol sa Pag-ibig ng Diyos
Hulyo 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Ang Itinuro sa Akin ng Isang Buto ng Kalabasa tungkol sa Pag-ibig ng Diyos

Natutuhan ko na kapag nililinang natin ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng kabaitan, kagandahang-loob, habag, at pagsasali sa iba, lalo itong lalago.

Larawan
Malaking kalabasang lumalago sa baging

Ang tahanan ko noong bata pa ako ay napapaligiran ng mga taniman ng alfalfa. Noong siyam na taong gulang ako, hinawan ko ang isang maliit na bahagi ng lupa sa gilid ng kaparangan para gumawa ng isang halamanan. Maaga pa noong tagsibol, nagtanim ako ng isang buto ng kalabasa at inalagaan ito bawat araw, sabik na makita itong umusbong. Sa loob ng ilang araw, sa labis na tuwa ko, nag-usbungan ang maliliit na berdeng dahon mula sa lupa. Sa loob ng sumunod na mga araw at linggo, namangha ako sa mabilis na paglago ng aking maliit at nag-iisang buto ng kalabasa. Dahil sa banal na mga sangkap ng buto, lupa, sikat ng araw, at tubig, mahimalang naging maraming baging ang aking munting buto na gumagapang sa lahat ng direksyon.

Hindi nagtagal pagkaraan niyon, nagsulputan ang mga berdeng buko kung saan namukadkad ang kulay-orange at dilaw na mga bulaklak. At sa paglipas ng tag-init, naging malalaking kalabasang kulay-orange ang mga buko. Nang sumapit ang anihan, hiniwa ko ang aking mga kalabasa. Nagulat ako! Bawat kalabasa ay may daan-daang buto.

Maaaring iniisip mo sa sarili mo na, “Maganda iyan, pero ano naman ang kinalaman nitong buto ng kalabasa sa akin bilang young adult?” Sa pagmamasid sa tila walang-katapusang suplay ng mga buto mula sa aking ani, bigla kong naunawaan kung paanong ang (isang buto) na may katapusan, sa tulong ng Diyos, ay maaaring maging walang katapusan at walang hanggan. Nakita ko na “sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari” (Lucas 1:37). Naranasan ko na totoo ang mga salita sa banal na kasulatan na “sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).

Nilikha ng Diyos ang aking maliit na buto ng kalabasa upang lumikha ng walang katapusan, maging ng walang-hanggang henerasyon ng mga buto sa walang-katapusang paulit-ulit na paglago at pag-unlad. At totoo rin ito sa maraming iba pang bagay sa ating buhay, kabilang na ang kakayahang madama at maibahagi ang Kanyang banal na pag-ibig.

Paglilinang ng Pag-ibig ng Diyos

Sa paglipas ng panahon, naunawaan ko na itinanim ng ating mapagmahal na Ama sa Langit sa bawat isa sa atin ang buto ng Kanyang walang-hanggang pag-ibig. Mahal tayo ng Diyos nang sapat para itanim ang Kanyang pag-ibig sa ating kaluluwa sa layunin na linangin at palaguin natin ito sa pamamagitan ng paglilingkod, pananampalataya, pagsisisi, at pagtupad ng tipan.

Kaya paano naman ang mga panahon sa buhay na nadarama natin na malayo tayo sa pag-ibig ng Diyos? Kung minsa’y nadarama natin na malayo tayo sa Kanya dahil nakagawa tayo ng mga pagkakamali o nagkasala at hindi tayo nagkaroon ng lakas o tapang na gawin ang mga unang hakbang tungo sa pagsisisi. Kung minsa’y masyado tayong abala at nagagambala ng lahat ng iba pang bagay na nangyayari sa ating buhay kaya nalilimutan o ipinagpapaliban nating gawin ang maliliit na bagay araw-araw na nagpapadama sa atin na mas malapit tayo sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang pag-ibig. Maaari din nating madama na parang napakarami nating panalanging hindi nasasagot o napakaraming taong nakasakit sa atin o mga pagkakataong hindi tayo tinulungan ng Diyos.

Maaaring hindi natin madama ang pag-ibig ng Diyos sa sarili nating buhay kaya ni hindi natin maisip kung paano natin maibabahagi ang pagmamahal na iyon sa iba.

Ngunit anuman ang katayuan o kalagayan ng ating buhay, anumang pagdurusa o kawalang-katarungan ang natiis natin, maaaring lumago ang pag-ibig ng ating Ama sa Langit sa gitna ng mga paghihirap sa ating buhay. Madaraig nito ang lahat ng sakit, galit, at inis. Kung nililinang natin ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng kabaitan, kagandahang-loob, habag, at pagsasali sa iba, lalo itong lalago. Ang kakayahan nating mahalin at paglingkuran ang iba ay magiging walang katapusan, walang-hanggan, at mas maganda kaysa inakala nating posible.

Habang nililinang natin ang buto ng pag-ibig ng Diyos sa ating kalooban, maaari nating anihin ang dalisay na pag-ibig ni Cristo—ang pag-ibig sa kapwa-tao (tingnan sa Moroni 7:47). Ang mga naglilinang ng buto ng pag-ibig ng Diyos ay umaani rin ng maraming kaibigan, pakikisama, at dagdag na pananampalataya—tatlong bagay na magagamit ng lahat ng young adult! Kapag maingat nating nililinang ang buto ng pag-ibig ng Diyos, daranas tayo ng walang-katapusang pag-ani ng walang-hanggang pagmamahal sa ating mga relasyon sa pamilya, sa paglilingkod natin sa Simbahan, at sa ating personal na buhay.

Pagbabahagi ng Pag-ibig ng Diyos

Itinuturo sa mga banal na kasulatan na “Ang Diyos ay pagibig” (1 Juan 4:8). Napansin ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na “ang pinakamahalagang katangian ng Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na dapat nating naisin at hangaring taglayin sa ating buhay ay ang kaloob na pag-ibig sa kapwa, ‘ang dalisay na pag-ibig ni Cristo’ (Moroni 7:47).”1

Ang dalisay na pag-ibig na ito ni Cristo ay nagbibigay sa atin ng kakayahan na mahalin at paglingkuran ang iba tulad ng ginawa ng Tagapagligtas. Kapag tinutularan natin ang halimbawa ng paglilingkod ni Cristo, natutuklasan natin ang pag-ibig ng Diyos sa ating kalooban at natututo tayong ibahagi ang pag-ibig na iyon.

Alam ng mga nakakakilala sa akin na madalas pa rin akong magdala ng isang buto ng kalabasa sa aking bulsa para maalala ko ang mahalagang aral na natutuhan ko sa buhay: Maaaring kunin ng Ama sa Langit ang isang bagay na kasinliit ng isang buto ng pagmamahal sa ating buhay at gawin itong makapangyarihan, walang-katapusan, at walang-hanggang pagmamahal at paglilingkod sa Diyos, sa mga kapitbahay, at sa sarili.