2022
Magtiwala sa Diyos at Hayaan Siyang Manaig
Agosto 2022


“Magtiwala sa Diyos at Hayaan Siyang Manaig,” Liahona, Ago. 2022.

Magtiwala sa Diyos at Hayaan Siyang Manaig

Ang pinakadakilang aral ng aklat ni Job ay na bawat isa sa atin ay maaaring piliing mamuhay na nagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang plano, anuman ang mangyari.

Larawan
ang Tagapagligtas sa Getsemani

Anumang pagdurusa ay “maitatama sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”

Si Cristo sa Getsemani, ni Heinrich Hofmann

Bakit nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao? Palagay ko maging sina Adan at Eva ay naitanong ito sa kanilang sarili. Talagang itinanong ito ni Job. Maraming mga iskolar, pilosopo, at teologo ang nagtangkang magbigay ng mga sagot.

Sinasagot ng aklat ni Job ang tanong ngunit hindi kailanman sinasagot ang dahilan. Nalaman ni Job na ang pagtitiwala sa Diyos at hindi pag-asa sa kanyang sariling pang-unawa ang paraan sa pagharap sa mga paghihirap sa buhay. Hinihikayat tayo ng mga turong ito na hayaang manaig ang Diyos upang manatili ang ating magandang pananaw at pag-asa sa kabila ng mga hamon.

Kasalanan at Pagdurusa

Ang pag-unawa sa aklat ni Job ay nagiging madali kapag iniisip natin ang kasabihang ito: “Lahat ng kasalanan ay nagdudulot ng pagdurusa, ngunit hindi lahat ng pagdurusa ay sanhi ng kasalanan.” Dahil ang lahat ng makasalanang gawa ay hindi kaagad nagkakaroon ng negatibong bunga sa taong nakagawa ng mali (tingnan sa Malakias 3:13–18), maaari tayong maloko at magkamali sa paniniwala na maaari nating sadyaing magkasala at maaaring maiwasan ang mga bunga nito. Hindi ito maiiwasan.

Bagama’t ikinagagalak natin ang pagsisisi at naghahatid ito ng kagalakan sa Tagapagligtas at sa ating Ama sa Langit, ang ating mga kasalanan ay naging dahilan para magdusa ang Tagapagligtas nang walang kasalanan. Binayaran Niya ang halaga upang hindi natin kailangang tiisin ang kinakailangang pagdurusa bilang kaparusahan kung tayo ay magsisisi. Ngunit huwag magkamali: lahat ng kasalanan ay nagdudulot ng pagdurusa.

Inakala ni Job at ng kanyang mga kaibigan na lahat ng pagdurusa ay dulot ng kasalanan. Mali rin naman iyan. Si Job ay mabuting tao na nawalan ng lahat ng bagay at lubhang nagdusa. Nang “aliwin” siya ng kanyang mga kaibigan, ipinalagay nila na si Job ay nakagawa ng mabigat na kasalanan para magdusa nang gayon.

Naniniwala rin si Job na ang kasalanan lamang ang nagdudulot ng pagdurusa at nagnais na patunayan sa kanyang mga kaibigan at sa Diyos na ang “kaparusahan” sa kanya ay sobra-sobra kumpara sa mga kasalanang nagawa niya. Ang gayong patunay, ipinaliwanag niya, ay magbubunga sa pagwawakas ng kanyang mga pagdurusa.

Kalaunan, nangusap ang Diyos kay Job mula sa isang buhawi. Hindi ipinagtanggol ng Diyos ang Kanyang sarili, ipinaliwanag ang pagdurusa ni Job, o tumugon sa sinabi ni Job na wala siyang kasalanan. Sa halip, pinuna ng Diyos ang mahahabang talakayan ni Job at ng kanyang mga kaibigan, na nagsasabing, “Sino ba itong nagpapadilim ng payo sa pamamagitan ng mga salitang walang kaalaman?” (Job 38:2). Upang mabigyang-diin ang kanilang kamangmangan, nagbigay ang Diyos ng hindi bababa sa 66 na mga tanong, iniuutos na sagutin ni Job ang mga ito. Hindi ito masagot ni Job. (Tingnan sa Job 38–42.)

Para bang matiyaga at magiliw na sinabi ng Diyos kay Job, “Kung hindi ninyo masasagot ang kahit isa sa mga tanong ko tungkol sa mundong aking nilikha, posible ba na may mga walang-hanggang batas na hindi ninyo nauunawaan? May mga palagay ba kayo na hindi balido? Nauunawaan ba ninyo ang mga motibo ko at paano gumagana ang aking plano ng kaligtasan at kadakilaan? At nakikita ba ninyo ang inyong magiging tadhana?”

Alam ng Diyos sa Kanyang karunungan na mahalagang bahagi ng ating mortal na karanasan ang hindi malaman ang lahat ng bagay. May isang bagay tungkol sa pagtitiwala sa Kanya na nagtutulot sa atin na umunlad upang maging katulad Niya.

Noong una ay hindi naunawaan ni Job ang mga bagay na ito. Ngunit hindi siya nag-iisa. Ipinapaalala sa atin ng Diyos:

“Sapagkat ang aking mga pag-iisip ay hindi ninyo mga pag-iisip, ni ang inyong mga pamamaraan ay aking mga pamamaraan, sabi ng Panginoon.

“Sapagkat kung paanong ang langit ay higit na mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga pamamaraan ay higit na mataas kaysa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip” (Isaias 55:8–9).

Naunawaan ni Job ang mensahe ng Diyos. Mapagpakumbaba niyang kinilala na hindi niya naunawaan, at pinagsisihan niya ang pag-uugnay sa kanyang pagdurusa sa kasalanan (tingnan sa Job 42:3, 6). Natanto ni Job na ang lahat ng pagdurusa ay hindi kaparusahan ng langit. Dahil ang kanyang pagdurusa ay hindi sanhi ng kasalanan, ang dapat gawin ni Job ay magtiwala sa Diyos. Anuman ang mangyari, kailangang alalahanin ni Job na “minamahal ng Diyos ang kanyang mga anak” kahit “hindi nalalaman ni Job ang ibig sabihin ng lahat ng bagay” (1 Nephi 11:17).

Manatiling Tapat

Tulad ni Job, kailangan nating magtiwala sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo at manatiling tapat sa lahat ng sitwasyon. Kapag mas totoo Sila sa ating buhay, mas pinagkakatiwalaan natin Sila. Kapag lalo nating ginagawa ito, lalo tayong nagtutuon sa plano ng kaligtasan at kadakilaan ng Ama sa Langit. Kapag mas nakatuon sa walang-hanggang pananaw, mas madaling hayaang manaig ang Diyos at hindi gaanong mahalaga ang mga sitwasyon sa ating buhay.1 Tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa selestiyal na pananaw, ang mga pagsubok na imposibleng mabago ay nagiging posibleng mapagtiisan.”2

Taglay ang pang-unawa sa mga alituntuning ito, hinikayat tayo ni Haring Benjamin na “maniwala sa Diyos; maniwala na siya nga, at na siya ang lumikha ng lahat ng bagay, kapwa sa langit at sa lupa; maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan, at lahat ng kapangyarihan, kapwa sa langit at sa lupa; maniwalang hindi nauunawaan ng tao ang lahat ng bagay na nauunawaan ng Panginoon” (Mosiah 4:9).

Maganda ang itinuro ni Pangulong Brigham Young (1801–77) na ang mga sitwasyon o pangyayari sa ating buhay ay hindi kumokontrol sa ating pananaw. Sabi niya: “Ikulong mo ang isang tao sa bilangguan at igapos siya ng mga tanikala at pagkatapos ay hayaang mapuspos siya ng aliw at ng kaluwalhatian ng kawalang-hanggan, at ang bilangguang iyon ay isang palasyo sa kanya. Muli, hayaan ang isang tao na maupo sa trono nang may kapangyarihan at kapamahalaan sa daigdig na ito, pinamumunuan ang kanyang milyun-milyon, at kung wala ang kapayapaang iyan na nagmumula sa Panginoon ng mga Hukbo, kung wala ang kasiyahan at kagalakang iyan na nagmumula sa langit, ang kanyang palasyo ay isang bilangguan, ang kanyang buhay ay isang pasanin sa kanya; nabubuhay siya sa pangamba, takot, at kalungkutan. Ngunit kapag ang isang tao ay puspos ng kapayapaan at kapangyarihan ng Diyos, lahat ay matwid sa kanya.”3

Dahil sa kanyang tiwala sa Diyos, nalaman ni Job na “kapag ako’y nasubok [ng Diyos], lalabas akong parang ginto” (Job 23:10). Si Job ay madadalisay ng mga naging karanasan niya. Batid na hindi lahat ng pagdurusa ay sanhi ng kasalanan at na mapagkakatiwalaan ang Diyos, sinabi ni Lehi:

“At ngayon, Jacob, … sa iyong kamusmusan ikaw ay nagdanas ng mga kahirapan at maraming kalungkutan. …

“Gayunman, … nalalaman mo ang kadakilaan ng Diyos; at kanyang ilalaan ang iyong mga paghihirap para sa iyong kapakinabangan” (2 Nephi 2:1–2).

Larawan
tunaw na metal na ibinubuhos sa isang lalagyan

“Kapag ako’y nasubok [ng Diyos], ay lalabas akong parang ginto.”

Huwag Kayong Matakot

Kahit nagdurusa tayo, matutulungan tayo ng Diyos sa ating mga paghihirap. Sinabi Niya sa atin: “Huwag kang matakot; sapagka’t ako’y kasama mo; huwag kang mabalisa, sapagka’t ako’y Diyos mo; aking palalakasin ka; oo, ikaw ay aking tutulungan; oo, ikaw ay aking aalalayan ng kanang kamay ng aking katuwiran” (Isaias 41:10). Hindi Niya tayo pababayaan kahit sa harap ng matitinding hamon. Sinabi niya:

“Kapag ikaw ay dumaraan sa tubig, ako’y makakasama mo; at sa pagtawid sa mga ilog ay hindi ka nila aapawan, kapag ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog; at hindi ka tutupukin ng apoy.

“Sapagka’t ako ang Panginoon mong Diyos” (Isaias 43:2–3).

Kapag kinilala natin ang mga pagpapalang ito, mag-iibayo ang ating tiwala sa Diyos. Matatanto natin na anumang pagdurusa ay “maiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”4 Sa kabilang banda, kapag tayo ay “nanghina sa kawalang-paniniwala, at lumihis sa tamang landas, at hindi nakikilala ang Diyos na siyang nararapat [nating] pagkatiwalaan” (Mormon 9:20), lalong dumidilim ang ating buhay. Kapag tumigil tayo sa pagtitiwala sa Diyos, tayo ay nababalisa at sumusuko sa pagkabigo at kawalan ng pag-asa.

Nadaig ni Jesucristo ang sanlibutan. Dahil sa Kanya, maaari tayong magkaroon ng kapayapaan sa mundong ito at “magalak” (Juan 16:33). Ang patotoo ni Job tungkol sa Tagapagligtas ay nagbibigay-inspirasyon sa libu-libong taon matapos niya itong bigkasin. Sinabi niya:

“Sapagkat nalalaman ko na ang aking Manunubos ay nabubuhay, at sa wakas siya’y tatayo sa lupa:

“At pagkatapos na masira nang ganito ang aking balat, gayunma’y makikita ko ang Diyos sa aking laman” (Job 19:25–26).

Gustung-gusto ni Jesucristo na ipanumbalik ang hindi natin kayang ipanumbalik, pagalingin ang mga sugat na hindi natin kayang pagalingin, ayusin ang hindi na kayang ayusin,5 at bayaran ang anumang hindi makatarungang tiniis natin. Sa katunayan, kung hahayaan natin Siya, ilalaan Niya ang ating pagdurusa para sa ating kapakinabangan at pababanalin tayo sa ating pinakamatinding kapighatian.6 Hindi Lamang Niya tayo aaluin at ipanunumbalik ang nawala (tingnan sa Job 42:10, 12–13), kundi gagamitin Niya ang ating mga pagsubok para sa ating kapakinabangan.

Ang Tagapagligtas ay may kapangyarihang gawing tama ang lahat at nais Niyang gawin ito. Gustung-gusto niyang tuluyang pagalingin ang mga pusong wasak (tingnan sa Mga Awit 147:3). Ang pinakadakilang aral ng aklat ni Job ay na bawat isa sa atin ay maaaring piliing mamuhay na nagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang plano, anuman ang mangyari.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 82.

  2. Russell M. Nelson, “With God Nothing Shall Be Impossible,” Ensign, Mayo 1988, 35.

  3. Brigham Young, “Remarks,” Deseret News, Hulyo 15, 1857, 148.

  4. Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 57; tingnan din sa Isaias 61:2–3; Apocalipsis 21:4.

  5. Tingnan sa Boyd K. Packer, “The Brilliant Morning of Forgiveness,” Ensign, Nob. 1995, 19–20.

  6. Tingnan sa “Saligang Kaytibay,” Mga Himno, blg. 47.