2022
Paano Nakatulong ang Pagkatuto mula sa mga Taong Iba ang Pananampalataya upang Mas Maipamuhay Ko ang Sarili Kong Pananampalataya
Agosto 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paano Nakatulong ang Pagkatuto mula sa mga Taong Iba ang Pananampalataya upang Mas Maipamuhay Ko ang Sarili Kong Pananampalataya

Ang pagkatuto tungkol sa iba pang mga relihiyon ay hindi lamang nagmulat sa aking mga mata kundi nagpaibayo rin ng sarili kong pananampalataya at nagbigay-inspirasyon sa akin na magkaroon ng mas matinding debosyon sa aking relihiyon.

Larawan
loob ng isang sinagoga

Mainit at maalinsangan ang araw na iyon ng Hunyo sa Brooklyn, New York, USA. Nililibot ko ang isang komunidad ng mga Judiong Hasidic kasama ang ilan pang mga communications student ng Brigham Young University. Sa kabila ng panahon, ang lalaking naglilibot sa amin ay nababalot ng maitim na damit mula ulo hanggang paa—mula sa kanyang itim na sumbrero hanggang sa kanyang maitim na amerikana at pormal na sapatos. Habang naglalakad-lakad kami sa komunidad, nadaanan namin ang iba pang mga miyembro ng komunidad, na magkakatulad ng pananamit. Pagkatapos ay nagpunta kami sa tindahan ng mga peluka, kung saan nalaman namin na ang mga babaeng Judiong Hasidic ay nagsusuot ng mga peluka at mahahabang damit.

Naiisip ko kung gaano kainit at hindi komportable ang lahat ng iyon, lalo na sa isang maalinsangang tag-init sa New York. Gayunpaman, ganito ang kanilang mga buhay—araw-araw. Ganito sila manamit bilang bahagi ng kanilang relihiyon upang maipakita ang kanilang debosyon sa Diyos.

Sa isang banda, nauunawaan ko ang kanilang debosyon. Mayroon sa aming mga na-endow na sa templo at nakasuot ng temple garment sa ilalim ng kanilang damit. Lahat kami ay nakipagtipan na sa Diyos sa pamamagitan ng binyag at regular na gumagawa ng mga bagay na nagpapakita ng aming debosyon sa Diyos at sa aming mga paniniwala. Ngunit nakakatuwang makita ang debosyon na ipinakita sa paraang naiiba sa nakagawian ko.

At talagang napaisip ako kung gaano kalaki ang matututuhan ko mula sa mga gawi ng ibang mga tao sa kanilang relihiyon—at kung paano ako matutulungan niyon na mas magkaroon ng pagkukusa sa aking pagsamba at pagpapakita ng aking debosyon sa Diyos.

Paghugot ng Inspirasyon mula sa Paghahanda

Pumasok kami sa bahay ng aming tour guide at nakita namin ang kosher na kusina ng kanyang pamilya, na may dalawang oven, dalawang kalan, at dalawang lababo. Ito ay upang mapanatiling magkahiwalay ang karne at dairy habang nagluluto, dahil ang dalawang grupong ito ng pagkain ay hindi pinapayagang magkadikit.

Isang Biyernes ng gabi, sumama kami sa isang pamilyang Judio para sa isang Shabbat na hapunan, na idinaraos bilang tanda ng pagsisimula ng kanilang Sabbath, na araw ng Sabado. Nagmasid ako habang nag-aalay sila ng tradisyonal na panalangin ng mga Judio at pagkatapos ay nakibahagi ako sa isang magarbong kainan, na kinabibilangan ng alak, na tinanggihan namin. Namangha ang ilan sa mga naroon na kami, bilang mga miyembro ng Simbahan, ay may sinusunod na sariling patakaran sa kalusugan at hindi umiinom ng alak, kape, o tsaa.

Pagkatapos ng aming karanasan sa Shabbat na hapunang iyon, pinagnilayan ko ang iba pang mga bagay na nagpakita ng dedikasyon at debosyon ng aming mga kaibigang Judio sa kanilang relihiyon. Naisip ko kung gaano kalaking sakripisyo na ialay ang aking mga Biyernes ng gabi. Ngunit nabigyang-inspirasyon din ako ng kanilang paghahanda para sa Sabbath. Ano kaya kung maggugol ako ng mas maraming oras tuwing Sabado sa paghahanda para sa Sabbath? Paano ko mas mapag-iisipan at mapagsisikapan ang aking paggalang sa araw ng Sabbath?

Mga Halimbawa ng Debosyon at Dedikasyon

Marami pa akong ibang karanasan noong nasa New York ako kung saan nabigyang-inspirasyon ako ng debosyon at dedikasyon ng mga taong iba ang pananampalataya. Dahil sa kanilang mga halimbawa, pinagnilayan ko ang aking dedikasyon sa sarili kong relihiyon.

Kinausap ko ang isang lalaking Sikh na, sa kabila ng pagiging biktima ng mga hate crime pagkatapos ng 9/11 dahil sa kanyang hitsura, ay nanatiling tapat sa kanyang mga paniniwala. Binisita ko ang isang mosque at nasaksihan ko ang ilang sumasambang Muslim na nag-uukol ng oras sa kalagitnaan ng kanilang araw upang makibahagi sa mga panalangin. Pumasok ako sa isang napakagandang katedral at mas naunawaan ko kung paanong ang lahat, kabilang na ang mga kontratista at arkitekto, ay maaaring maglaan ng kanilang panahon at mga talento sa Diyos.

At sinimulan kong tanungin ang sarili ko, Gaano kasigasig ko bang ipagtatanggol ang sarili kong pananampalataya? Gaano kadalas ba akong mag-ukol ng oras sa aking araw upang sumamba at magpasalamat sa Ama sa Langit? Ano bang mga talento ang maaari kong ilaan upang mapagpala ang iba?

Madalas akong magnilay-nilay tungkol sa mainit at maalinsangang araw na iyon sa New York. Labis akong nabigyang-inspirasyon ng debosyon ng aming tour guide na Judio na ipamuhay ang kanyang relihiyon hindi lamang sa araw ng Sabbath kundi araw-araw. Ang karanasang iyon, at ang iba pa, ay napag-isip ako kung paano ko mas maipapakita sa Diyos ang aking debosyon sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ng mga ginagawa ko araw-araw.

Sa pagmamasid sa mga taong iba ang pananampalataya, natutuhan ko kung paano maging mas madasalin, paano mas igalang ang mga tipang ginawa ko sa Diyos, paano mas magiting na ipagtanggol ang aking pananampalataya, at paano igalang ang mga taong iba ang paniniwala kaysa sa akin. Lahat tayo ay mas may pagkakatulad kaysa sa inaakala natin.