2022
Ano ang Home Evening?
Agosto 2022


“Ano ang Home Evening?” Liahona, Ago. 2022.

Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo

Ano ang Home Evening?

Larawan
ina, ama, at batang babae na nakaupo sa labas

Ang home evening ay isang oras na isinasantabi sa buong linggo para magtipon ang inyong pamilya. Sa panahong ito, maaari mong “matutuhan ang ebanghelyo, mapalakas ang mga patotoo, magkaroon ng pagkakaisa, at masiyahan sa isa’t isa” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 2.2.4, ChurchofJesusChrist.org). Ang home evening ay medyo naiiba para sa bawat pamilya. Ngunit ang mithiin ay gamitin ang panahong ito para mas magkalapit-lapit at mapalapit sa Tagapagligtas.

Paghahanda

Mag-isip ng isang aktibidad na nasisiyahang gawin ng inyong pamilya at isang paksa ng ebanghelyo na gusto ninyong talakayin at pag-aralan nang sama-sama. Pumili rin ng isang araw at oras bawat linggo kung kailan maaaring magtipon ang karamihan o lahat ng miyembro ng pamilya. Hinihikayat ng Simbahan ang mga miyembro na magdaos ng home evening tuwing Lunes ng gabi. Ngunit maaaring magtipon ang mga pamilya sa oras na pinakamainam para sa kanila.

Panalangin

Larawan
pamilyang nananalangin

Maraming pamilya ang nagsisimula at nagtatapos ng home evening sa panalangin. Inaanyayahan nito ang Espiritu Santo sa kanilang tahanan. Ang home evening ay napakagandang panahon para matuto ang mga bata at matatanda na magdasal kasama ang isang maliit na grupo.

Musika

Maraming pamilya rin ang may pambungad at pangwakas na awitin. Sila ay karaniwang pumipili ng isang awitin mula sa himnaryo o sa Primary songbook. Ang Simbahan ay may mga piano recording ng mga himno sa music.ChurchofJesusChrist.org. Maaari mo ring panoorin ang mga video ng Tabernacle Choir at Temple Square. Ang pagkanta sa home evening ay tumutulong sa mga miyembro na matutuhan ang mga himnong kinakanta sa simbahan.

Lesson

Ang Simbahan ay maraming resource na makakatulong sa home evening. Maaari kang mag-ukol ng ilang minuto para basahin at talakayin ang isang artikulo mula sa Liahona, sa Kaibigan, o Para sa Lakas ng mga Kabataan. Maaari din itong maging panahon para panoorin at talakayin ang mga video ng Simbahan. O maaari mong basahin ang isang mensahe mula sa pangkalahatang kumperensya, basahin ang mga banal na kasulatan, o talakayin ang babasahin sa linggong iyon sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.

Pakikibahagi ng Pamilya

Larawan
mga batang gumagawa ng cookies

Larawan ng mga batang gumagawa ng cookies na kuha ni Michelle Loynes

Maaaring makibahagi ang mga bata sa home evening. Makakatulong sila sa pagpaplano ng mga aktibidad, manalangin, o pagpili at mamuno sa mga awitin. Maaari pa nga silang magturo ng mga lesson. Bago mag-home evening, maaari mong tulungan ang iyong anak na basahin ang isang kuwento sa magasin na Kaibigan o ang paborito nilang kuwento sa banal na kasulatan. Pagkatapos ay maikukuwento iyon ng bata sa pamilya bilang lesson. Maraming bata rin ang gustong isadula ang mga kuwento sa banal na kasulatan para sa home evening. Hayaang planuhin ng nakatatandang mga bata ang lesson o pumili ng isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na gusto nilang basahin. Pagkatapos ay hayaang pamunuan nila ang talakayan.

Mga Aktibidad

Maraming pamilya ang nasisiyahan sa paggawa ng mga aktibidad bilang bahagi ng home evening. Maaaring kabilang sa mga aktibidad sa loob ng bahay ang paglalaro, paggawa ng mga craft, o pagluluto nang magkakasama.

Para sa mga aktibidad sa labas ng bahay maaari kayong maglakad-lakad, mag-hiking bilang pamilya, o maglaro ng isport sa labas nang magkakasama. Maghanap ng isang aktibidad na magagawa ng lahat ng miyembro ng pamilya at sama-samang magkatuwaan. Iwasan ang mga pagkukumpitensya na maaaring magtaboy sa Espiritu.

Paglilingkod

Ang home evening ay napakagandang panahon para mapaglingkuran ng mga pamilya ang ibang tao. Maaari mong tulungan ang ilang mas matatandang kapitbahay, maghatid ng pagkain sa isang bahay-kalinga, sumulat sa mga missionary, o mamulot ng kalat, halimbawa. Ang JustServe.org ay mayroon ding mga ideya kung saan ka maaaring tumulong.