2022
15 Pangako ng Kapayapaan mula sa mga Sinauna at Buhay na Propeta
Agosto 2022


Digital Lamang

15 Pangako ng Kapayapaan mula sa mga Sinauna at Buhay na Propeta

Nangako ng kapayapaan ang Panginoon sa mga sumusunod sa Kanya. Tingnan ang ilang paanyayang ibinigay upang matulungan tayong makaranas ng lubos na kapayapaan sa ating mga buhay sa pamamagitan ni Jesucristo.

Larawan
Nakaupo si Cristo sa parang kasama ang Kanyang mga disipulo

Sa magugulong huling araw na ito, ang mga titik ng himnong “Saan Naroon ang Aking Kapayapaan?” ay maaaring pumukaw sa ating mga puso. Malamang tayo rin ay nag-iisip kung saan tayo makababaling para sa kapayapaan, makasusumpong ng kapanatagan, at makadarama na napagaling ang ating mga pusong sugatan. Sinasagot ng himno ang tanong na, “[Sino ang] may pang-unawa? Tanging [ang] Diyos.”1 Ang kapayapaan ay matatagpuan kay Jesucristo.

Naipahayag na ng mga propeta at apostol kapwa sa sinauna at sa mga huling araw ang kapayapaang matatagpuan natin kay Cristo, anuman ang ating sitwasyon sa mundo. Ipinakikita ng marami sa mga pahayag na ito ang pagkilos na kailangan nating gawin (tingnan sa mga pariralang nakasulat nang makapal) upang makatanggap ng kapayapaan, at ipinaaalala ng mga ito sa atin na ang tunay na kapayapaan ay nagmumula lamang sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Habang nirerebyu mo ang mga ito, nawa’y gabayan ka ng Espiritu na malaman kung paano mo masusumpungan ang kapayapaang hinahanap mo.

  1. Pangulong John Taylor (1808–1887): “Ang kapayapaan ay kaloob ng Diyos. Nais ba ninyo ng kapayapaan? Lumapit sa Diyos. Nais ba ninyong magkaroon ng kapayapaan sa inyong pamilya? Lumapit sa Diyos. Nais ba ninyong mangibabaw ang kapayapaan sa inyong pamilya? Kung gayon, ipamuhay ang inyong relihiyon, at mapasasainyo at mananatili sa inyo ang siyang kapayapaan ng Diyos, dahil dito nanggagaling ang kapayapaan, at [hindi] saan man. … Ang dapat lamang natin gawin ay ipamuhay ang ating relihiyon, sundin ang payo ng ating Pangulo, magpakumbaba at maging matapat at hindi dakilain ang sariling lakas, humingi ng karunungan sa Diyos at tiyakin na mayroon tayong kapayapaan sa Diyos, sa ating pamilya, sa isa’t isa, upang maghari ang kapayapaan sa ating puso at sa ating komunidad. … Kanais-nais ang kapayapaan; ito ay kaloob ng Diyos, at ang pinakadakilang kaloob na maibibigay ng Diyos sa tao. May higit pa bang bagay na kanais-nais kaysa sa kapayapaan? … Pinapayapa nito ang balisang isipan, tinutuyo ang luhaang mata, at pinapalis ang mga suliranin sa puso; [at] kung daranasin ito ng buong mundo, maaalis ang kalungkutan sa daigdig, at gagawing paraiso ang mundong ito. [Ngunit ang] Diyos ang nagkakaloob ng kapayapaan.”2

  2. Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918): “Tanging iisa lamang [na] bagay ang makapaghahatid ng kapayapaan sa daigdig. Ito ay ang pagtanggap ng ebanghelyo ni Jesucristo, naunawaan nang tama, sinunod at isinagawa ng lahat ng pinuno at mga tao. … Sa mga nakaraang taon, pinaniniwalaan na ang kapayapaan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng paghahanda para sa digmaan. … Ang kapayapaan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng paghahanda para sa kapayapaan, sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga tao sa kabutihan at katarungan, at pagpili sa mga pinunong gumagalang sa makatwirang kalooban ng mga tao. … Ang diwa ng kapayapaan at pagmamahalan [na dapat umiral] ay hindi darating sa daigdig hangga’t hindi tinatanggap ng sangkatauhan sa kanilang sarili ang katotohanan ng Diyos at ang mensahe ng Diyos, at [kinikilala] ang kanyang kapangyarihan at awtoridad [na nagmu]mula sa langit, at kailanman ay hindi matatagpuan sa karunungan lamang ng tao.”3

  3. Pangulong Howard W. Hunter (1907–1995): “Ang kapayapaang pinapangarap ng mundo ay isang panahon na walang kaguluhan; ngunit hindi alam ng mga tao na ang kapayapaan ay isang kalagayan sa buhay na dumarating lamang sa tao ayon sa mga tuntunin at kundisyong itinakda ng Diyos, at hindi sa ibang paraan. … Kapag sinikap nating tulungan ang mga taong nakasakit sa ating kalooban, kapag ipinagdasal natin ang mga taong nagpahamak sa atin, gaganda ang ating buhay. Maaari tayong magkaroon ng kapayapaan kapag nakiisa tayo sa Espiritu at sa isa’t isa habang naglilingkod tayo sa Panginoon at sinusunod natin ang kanyang mga utos.”4

  4. Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Sa pagpunta natin sa templo, maaaring madagdagan ang ating espirituwalidad at makadarama tayo ng kapayapaan na higit pa sa anumang damdaming maaaring dumating sa puso ng tao. … Sa ating buhay magkakaroon tayo ng mga tukso; magkakaroon tayo ng mga pagsubok at hamon. Kapag nagpunta tayo sa templo, kapag inalala natin ang mga tipang ginawa natin doon, mas kakayanin nating daigin ang mga tuksong iyon at malalagpasan natin ang mga pagsubok. Sa templo makasusumpong tayo ng kapayapaan.”5

  5. Pangulong Russell M. Nelson: “Binabasbasan ko kayo na mapuno kayo ng kapayapaan ng Panginoong Jesucristo. Ang Kanyang kapayapaan ay higit pa sa kaya nating maintindihan. Binabasbasan ko kayo ng higit na paghangad at kakayahan na sundin ang mga batas ng Diyos. Ipinapangako ko na sa paggawa nito, makatatanggap kayo ng maraming biyaya, at ng dagdag na katapangan at personal na paghahayag, higit na pagkakaisa sa inyong mga tahanan, at kaligayahan, sa kabila ng kawalang-katiyakan.”6

  6. Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang walang hanggang kapayapaang ipinapangako ni Jesus ay isang [kapayapaan ng kalooban], na dulot ng pananampalataya, na pinatibay ng patotoo, inaruga ng pagmamahal, at ipinakikita sa patuloy na pagsunod at pagsisisi. Ito’y kapayapaan ng espiritu na nadarama ng puso at kaluluwa. … Ang kapayapaan—tunay na kapayapaan, na nakatanim sa kaibuturan ng inyong pagkatao—ay dumarating lamang sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.”7

  7. Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Taimtim tayong umaasam at nagdarasal para sa kapayapaan sa mundo, ngunit nakakamtan natin bilang mga indibiduwal at pamilya ang uri ng kapayapaan na siyang gantimpalang ipinangako sa mabubuti. Ang kapayapaang ito ang ipinangakong kaloob ng misyon at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. … Ang pagpapakumbaba sa harapan ng Diyos, pagdarasal tuwina, pagsisisi sa mga kasalanan, pagpapabinyag na may bagbag na puso at nagsisising espiritu, at pagiging tunay na mga disipulo ni Jesucristo ang napakagandang halimbawa ng kabutihan na ginagantimpalaan ng walang hanggang kapayapaan.”8

  8. Mga Awit 29:1–2, 11: “Mag-ukol kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan. Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian na nararapat sa kanyang pangalan; sambahin ninyo ang Panginoon sa banal na kagayakan. … Ang Panginoon nawa ay magbigay ng lakas sa kanyang bayan! Basbasan nawa ng Panginoon ang kanyang bayan ng kapayapaan.”

  9. Mga Awit 119:165: “May dakilang kapayapaan ang mga umiibig sa iyong kautusan, walang anumang sa kanila ay makapagpapabuwal.”

  10. Mga Kawikaan 16:3, 7: “Italaga mo sa Panginoon ang iyong mga gawa, at magiging matatag ang iyong mga panukala. … Kapag ang mga lakad ng tao sa Panginoon ay kasiya-siya, kanyang pinagkakasundo maging ang mga kaaway niya.”

  11. Isaias 32:17: “At ang gawa ng katuwiran ay kapayapaan; at ang gawa ng katuwiran ay katahimikan at pagtitiwala kailanman.”

  12. 1 Corinto 14:33: “Sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.”

  13. Filipos 4:1, 2, 4, 6–7: “Magpakatibay kayo sa Panginoon. … Magkaisa … ng pag-iisip sa Panginoon. … Magalak kayong lagi sa Panginoon; [at] muli kong sasabihin, Magalak kayo. … Sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamo na may pagpapasalamat ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos. At ang kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip, ang mag-iingat ng inyong mga puso at mga pag-iisip kay Cristo Jesus.”

  14. 1 Nephi 20:18: “O kung dininig mo ang aking mga kautusan—ang iyong kapayapaan ay matutulad sa isang ilog.”

  15. Doktrina at mga Tipan 59:23: “Matutuhan na siya na gumagawa ng mga gawa ng kabutihan ay makatatanggap ng kanyang gantimpala, maging kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.” (Tingnan ang iba pang mga talata sa Bahagi 59 para sa maraming paraan na makagagawa tayo ng “mga gawa ng kabutihan.”)

“Kapayapaan kay Cristo”9

Sa loob ng libu-libong taon, mula noong bago isilang si Cristo hanggang sa ngayon na hinihintay natin ang Kanyang ikalawang pagparito, ang bawat pangako ng kapayapaang ibinigay ng mga hinirang na propeta at apostol ng Tagapagligtas ay nagpahayag tungkol sa Kanya. Bagama’t palaging kasama sa buhay ang mga pagsubok at hamon, maaari tayong mabiyayaan ng walang-hanggang kapayapaan sa ating mga puso sa gitna ng ating mga pagsubok kapag ibinaling natin ang ating mga puso’t isipan kay Cristo at sinunod natin ang Kanyang mga kautusan sa kabutihan. Ang dakilang pangakong ito ng kapayapaan ay nagpalakas sa mga alagad ni Cristo sa buong kasaysayan, at mapalalakas din tayo nito, kung hahayaan natin ito. “Si Jesucristo ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman” (Mga Hebreo 13:8), at ang bawat pangako ng kapayapaang ibinigay Niya sa atin, noong isang taon man o isang libong taon na ang nakararaan, ay totoo pa rin ngayon.

Mga Tala

  1. Saan Naroon ang Aking Kapayapaan?,” Mga Himno, blg. 74.

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: John Taylor (2002), 181–82.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1999), 474–75.

  4. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Howard W. Hunter (2015), 57–58.

  5. Thomas S. Monson, “Mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Mayo 2015, 91, 93.

  6. Russell M. Nelson, “Isang Bagong Normal,” Liahona, Nob. 2020, 119.

  7. M. Russell Ballard, “Ang Mapayapang Bagay ng Kaharian,” Liahona, Hulyo 2002, 98, 99.

  8. Quentin L. Cook, “Kapayapaan sa Sarili: Ang Gantimpala ng Kabutihan,” Liahona, Mayo 2013, 33, 34.

  9. Nik Day, “Kapayapaan kay Cristo,” awitin para sa Mutwal na tema ng 2018, Liahona, Ene. 2018, 54–55.