2022
Ang Itinuro sa Akin ng Pagsasapelikula ng Mga Video ng Aklat ni Mormon tungkol sa Pagmamahal ng Diyos
Agosto 2022


“Ang Itinuro sa Akin ng Pagsasapelikula ng Mga Video ng Aklat ni Mormon tungkol sa Pagmamahal ng Diyos,” Liahona, Ago. 2022.

Mga Young Adult

Ang Itinuro sa Akin ng Pagsasapelikula ng Mga Video ng Aklat ni Mormon tungkol sa Pagmamahal ng Diyos

Sa unang pagkakataon, talagang nadama ko ang langit sa lupa.

Larawan
binatilyong nakabihis bilang isang Nephita para sa video ng Aklat ni Mormon

Ang pagmimisyon sa India ay isang espesyal na karanasan para sa akin, dahil ang nanay ko ay taga-India. Bagama’t kailangan ng maraming adjustment sa misyon ko, ang pag-aakma sa kultura ay hindi isa sa mga ito—at alam ko na ang India ang lugar kung saan ako dapat maglingkod.

Ngunit kahit marami akong alam tungkol sa kultura, nakakamangha pa ring makita pareho ang pananampalataya at mga pakikibaka ng mga miyembro ng Simbahan sa India. Ang kanilang kultura ay talagang nakabatay sa mga oral na tradisyon, at sila ay mga taong napaka-visual sa kanilang komunikasyon at pag-aaral, kaya ang mga video ng Aklat ni Mormon ang naging batayan ng kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Nadarama nila ang katotohanan ng mga kuwento habang pinanonood nila ang mga ito.

Ang nakita ko sa aking misyon ay sunud-sunod na maliliit at personal na mga himala na nagpapatotoo na kilala at mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin. Ang mga video ng Aklat ni Mormon ay inspirado—isang paraan para maabot ng mensahe ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak na hindi makatatanggap nito sa ibang paraan.

Kaya nang mag-email sa akin ang kapatid kong babae habang nasa misyon pa ako at nagtanong kung gusto kong maging ekstra sa mga video kalaunan, alam ko na magandang pagkakataon ito para malaman pa ang tungkol sa proyektong nakatulong sa mga tinuruan ko na magkaroon ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon.

Mga Eksenang tungkol sa Tagapagligtas

Maraming beses kong naisip ang pagdalaw ni Cristo sa mga Nephita, kaya hindi nakakagulat na ang pagsasapelikula sa kamangha-manghang bahaging ito ng 3 Nephi ang paborito kong sandali sa set. Inilarawan ng aktor si Cristo tulad ng paglalarawan sa Kanya sa mga banal na kasulatan: tumutulong sa mga tao nang “isa-isa hanggang sa ang lahat ay makalapit” (3 Nephi 11:15). Pinasigla Niya sila; pinahid Niya ang kanilang mga luha; lumapit Siya para mayakap ang maliliit na bata—ginawa Niya ang anumang kailangan ng bawat tao sa sandaling iyon.

Ang pakikibahagi sa tagpong iyon ay nakatulong sa akin na magkaroon ng higit na pagpapahalaga sa pagmamahal ni Cristo sa mga Nephita. Bagama’t ang papel ko ay background character lamang, sinikap kong ipakita nang tumpak ang maaaring nadama noon ng isang tao sa presensya ng Tagapagligtas. Ang mga taong nababasa natin sa Aklat ni Mormon ay aktwal na mga taong may tunay na pakikibaka. Sinikap kong isipin kung ano ang pinagdaanan nila, ano ang maaaring nawala sa kanila, at kung paano ipinakita sa kanila ng mga himalang ito na talagang mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak.

Pagdama sa Pagmamahal ng Diyos

Ang paglalagay ng sarili sa katayuan ng isang Nephita ay nagpalakas sa aking patotoo at pag-unawa sa mga kuwento sa Aklat ni Mormon. Ngunit marahil kasinghalaga ng aking patotoo ang matuto mula sa iba pang mga aktor. Bilang mga tauhan na iba’t iba ang pinagmulan, nalaman namin na nagkrus ang aming mga landas sa mahimalang mga paraan at ayon sa banal na plano—na nagpapakita sa akin kung paano talaga tayo kilala at mahal ng Diyos.

Nadama ko ang Kanyang pagmamahal para sa mga Nephita nang malaman ko pa ang tungkol sa kanila at sa kanilang mga kuwento. Nadama ko ang Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga anak sa India, na alam Niyang kailangan ng paraan para malaman pa ang tungkol sa Aklat ni Mormon. At nadama ko ang Kanyang pagmamahal para sa bawat tauhan nang magsama-sama kami at ginawa namin ang lahat para ibahagi ang aming patotoo at ipamuhay ang mga katotohanang ito.

Ang makapangyarihang Espiritu at pagmamahal na damang-dama sa set ay nagbigay sa akin ng tunay na sulyap sa kung ano ang hitsura ng Sion (tingnan sa 4 Nephi 1:17). Talagang nadama ko ang langit sa lupa.

Itinuro sa akin ng panahon ko sa set na maaari tayong maglingkod sa paraang tulad ng ginawa ni Cristo—sa isang tao. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang katangian ng totoo at buhay na Simbahan ng Panginoon ay ang organisado at direktang pagsisikap na maglingkod sa bawat anak ng Diyos at sa kanilang mga pamilya.”1

Kapag ginagawa natin ang tama, batid na tayo ay mga anak ng Diyos at batid na nararapat madama ng lahat ang Kanyang pagmamahal, hindi natin ipupuwera ang mga tao dahil sa hitsura nila o dahil sa sila’y kaiba sa atin. Maibabahagi natin sa kanila ang alam natin at magiging mga kasangkapan tayo sa mga kamay ng Panginoon, na ibinabahagi ang Kanyang pagmamahal sa lahat.