2022
Paggaling mula sa Trauma na Hatid ng Relasyon
Agosto 2022


“Paggaling mula sa Trauma na Hatid ng Relasyon,” Liahona, Ago. 2022.

Paggaling mula sa Trauma na Hatid ng Relasyon

Kung tayo ay nasugatan sa mga relasyon, makasusumpong tayo ng lakas na hayaang manaig ang Diyos.

Larawan
babaeng may hawak na imahe ng puso

Larawang-guhit ni Elise Whele

“Ang espiritu sa bawat isa sa atin ay likas na nagnanais na tumagal ang pagmamahalan ng pamilya magpakailanman,” pagtuturo ni Pangulong Russell M. Nelson.1 Ang hangarin para sa walang-hanggang koneksyon na ito sa iba ay nakabaon sa ating espiritu, ngunit kung minsan dahil sa mga trauma na hatid ng relasyon ay hindi natin tiyak kung magkakaroon nga tayo ng walang-hanggang mga ugnayan, kabilang na dito ang selestiyal na kasal. Sa mabubuting ugnayan, maaari tayong maging bukas at mahina. Gayunman, nabubuhay tayo sa mundong puno ng kasamaan, at hindi palaging maganda ang takbo ng mga ugnayan o relasyon. Ang mga taong nakatanggap ng malalim na emosyonal at espirituwal na mga sugat sa relasyon o pakikipag-ugnayan, kahit matagal na itong nangyari, ay madalas mag-isip kung maaari ba silang maging mahina at bukas sa pagbabahaging muli ang kanilang pagmamahal sa ibang tao.

Naranasan ito ni Cassie matapos makipagdeyt kay Brian sa loob ng isang taon. Sa kasamaang-palad, si Brian ay mapang-abuso. Hindi natanto ni Cassie kung gaano ito nakaapekto sa kanya hanggang sa kumalas na siya sa relasyon. Mula noon, nalungkot na si Cassie, hindi na nagtitiwala sa sarili niyang mga iniisip at hindi kayang magtiwala sa iba na susuportahan siya. Madalas siyang gumamit ng mga defense mechanism para maiwasang muling masaktan at mapaglabanan ang damdaming tulad ng tila galit sa kanya ang iba o iiwanan siya. Kung minsan hindi niya alam na itinutulak niya palayo ang iba o nagiging demanding na siya sa mga pakikipagrelasyon niya. Dahil sa mga pagdepensang ito nahihirapan siyang mapalapit o madamang malapit siya sa iba. Matapos kausapin ang mga mahal sa buhay at ang isang counselor, natanto ni Cassie ang kanyang trauma at na kailangan siyang gumaling—at ang paggaling ay posible sa paglipas ng panahon.

Nakaranas man kayo ng pakikipagrelasyon na tulad ng kay Cassie o iba pang uri ng trauma sa relasyon, may pag-asa. Maaari kang gumaling at magkaroon ng kagalakang nagmumula sa pagbuo ng relasyong may tiwala sa isa’t isa habang tinutuklas ninyo ang ilang hakbang. Una, kilalanin ang trauma na hatid sa iyong buhay ng pakikipagrelasyon. Pangalawa, bumaling sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para sa paggaling. Pangatlo, matutong magkaroon ng mabubuting relasyon sa iyong sarili at sa iba, at magtakda ng angkop na mga hangganan.

1. Kilalanin ang Trauma na Hatid ng Pakikipagrelasyon

Kapag lubha tayong nasugatan at hindi tayo naniniwala na maaari tayong magtiwala sa ating sarili at sa iba, nakikita natin na mapanganib ang mga pakikipagrelasyon sa halip na isang lugar ito para matuto, umunlad, at abutin ang ating buong potensyal. Ang malalalim na sugat ay maaaring magmula sa pang-aabuso at pagtataksil.

Ang pang-aabuso ay pagmamalupit o kapabayaan ng iba. Itinuturo ng Simbahan na “hindi maaaring pahintulutan ang anumang uri ng pang-aabuso.”2 Ang isang taong inabuso ay madalas makadama ng pangamba, pagmanipula, o takot, at maaaring madama niya na wala siyang kontrol. Maaaring kabilang sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso ang:

  • Emosyonal: pagmamanipula ng damdamin o pagmamaliit sa pagpapahalaga sa sarili.

  • Pinansiyal: pagpigil o pagkontrol sa pera.

  • Pisikal: paggamit ng pisikal na puwersa o pagbabanta ukol dito.

  • Seksuwal: pagpuwersa na makipagtalik.

  • Espirituwal: pagkontrol o pamamahala sa espirituwal o paniniwala ng isang tao ukol sa relihiyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:36–37).

Ang pagtataksil ay isang gawain o pattern ng pag-uugali na lumalabag sa pagtitiwala at nagiging dahilan para mawala ang tiwala natin sa iba, sa ating sarili, at maging sa Diyos. Maaaring dahil dito ay madama natin na tayo ay nabawasan, walang layunin sa buhay, malungkot, nawawalan ng pag-asa, “hindi sapat,” o nasira. Maaaring kasama rito ang:

  • Pagpapabaya: emosyonal o pisikal na pagtanggi.

  • Mga nasirang pangako: pattern ng hindi natupad na mga pangako, kabilang na ang mga tipan.

  • Kawalan ng katapatan: palaging pagmamaliit sa partner sa pribado o sa publiko.

  • Diborsyo: pagwawakas ng tipan ng kasal, na madalas na nagbubunga ng mga hindi natupad na pangarap at krisis sa identidad, lalo na kapag walang lakas o walang magawa ang isang kapartner.

  • Pagtataksil: di-angkop na emosyonal o pisikal na koneksyon sa isa pang kapartner.

  • Pagsisinungaling: palaging nanlilinlang sa iba, kaya hindi na nila alam kung ano ang paniniwalaan at hindi paniniwalaan mula sa iyo.

2. Lumapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para sa Paggaling

Sa pamamagitan ng plano ng Ama sa Langit, si Jesucristo ay may kapangyarihang pagalingin ang lahat ng sugat, gaano man ito kalalim. Ang proseso ng paggaling o paghilom ay mahirap at maaaring tumagal. Dahil nasasaktan tayo, maaari pa tayong magalit sa Ama sa Langit. Bagama’t parang ayaw nating lumapit sa Kanya, isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ang Dalubhasang Manggagamot. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, tayo ay maaaring gumaling sa paglipas ng panahon.

Kung minsan maaaring naniniwala tayo na kailangan natin kaagad ng ginhawa, ngunit ang paggaling ay isang proseso. Ibinahagi ni Elaine S. Marshall, PhD: “Ang paggaling ay masakit. … Ang paggaling ay talagang magsisimula lamang kapag hinarap natin nang buong puwersa ang sakit at pagkatapos ay lalago tayo taglay ang buong lakas ng ating kaluluwa. Sa bawat gantimpala ng pagkatuto at pag-unlad, laging may kabayaran ang antas ng pasakit.”3

Kapag gumagaling tayo sa pamamagitan ni Jesucristo, lumalago tayo, bumubuo ng mabubuting ugnayan, at humihingi ng suporta mula sa iba, kabilang na ang propesyonal na tulong.

Sa paghahangad nating gumaling, kailangan natin ang ating Ama sa Langit. Itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pinakatuwiran at kadalasan ang pinakamabisang paraan [para matanggap ang tulong ng Tagapagligtas] ay sa pamamagitan ng mapagpakumbaba at mapagtiwalang mga panalangin sa inyong Ama sa Langit, na sinasagot sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa inyong espiritu.”4

Sa pagdarasal, maaari nating ipahayag nang tapat at mapagpakumbaba ang lahat ng ating pasakit at ang epekto nito sa ating isipan, damdamin, at pag-uugali. Habang nagdarasal ka, abangan ang nakapapanatag at nakapagliliwanag na kapangyarihan na ipinadadala ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Maaaring hindi mawala ang sakit, ngunit maaari kayong makadama ng kapanatagan at lakas.

3. Magkaroon ng Mabubuting Ugnayan

Bagama’t maaaring limitahan ng trauma ang ating hangarin para sa isang relasyon, “kadalasan ay natatagpuan natin ang ating daan pabalik sa Diyos [kasama ang iba],” pagtuturo ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipinaalala rin niya sa atin na “tinutulungan natin ang ating sarili kapag tinutulungan natin sa isa’t isa.”5 Bukod pa rito, itinuro ni Pangulong Nelson na “ang selestiyal na kasal ay nagdudulot ng mas malalaking posibilidad na lumigaya kaysa sa iba pang relasyon.”6 Habang hinahangad mong magkaroon ng mahahalagang ugnayan, makatutulong ang tatlong ideyang ito:

Magsimula sa Iyong Sarili

Magsimula sa pamamagitan ng pag-alam pa tungkol sa iyong sarili. Mag-ukol ng oras na pagnilayan at matutong magtiwala sa sarili mong mga iniisip at nadarama. Kapag lalo kang nakatitiyak sa iyong sarili, makikilala mo ang iba na maaari mong pagsabihan ng saloobin mo. Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano natin makikita nang mas malinaw ang ating sarili: “Matutuhang tingnan ang sarili tulad ng pagtingin sa inyo ng Ama sa Langit—bilang Kanyang mahal na anak na babae o lalaki na may dakilang potensyal.”7

Magsimula sa mga Mapagkakatiwalaan

Matututo tayong gumaling sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tiwala sa ating mga ugnayan sa pangkalahatan. Kapag natagpuan natin ang mga taong makakayanan ang ating kahinaan at magsasaalang-alang sa ating damdamin, maaari tayong matutong bumuo ng mabubuting ugnayan nang paunti-unti. Kapag nadarama nating sinasaktan tayo ng isang tao, maaari tayong magtakda ng mga angkop na hangganan, kabilang na ang pagdistansya sa kanila kung kailangan at, kapag ligtas gawin, sabihin sa kanila na ang pag-uugali nila ay hindi angkop at nakasasakit sa atin.

Habang sinisikap nating bumuo ng mabubuting ugnayan nang paunti-unti, magagamit natin ang konsepto ng target na hangganan para tulungan tayong makilala at maitakda ang angkop na mga hangganan. Sa labas ng target, maaari nating ilagay ang mga taong pisikal at emosyonal nating dinidistansyahan. Maaaring kabilang dito ang mga estranghero o mga taong nakasakit sa atin. Sa pag-usog natin papunta sa gitna ng bilog, maaari nating pagtiwalaan ang iba sa ilang hindi madaling matuklasang impormasyon, tulad ng mga pangunahing katotohanan. Sa mga pinakaloob ng bilog, maaari nating piliing magbahagi ng mas maraming impormasyon at madaragdagan ang kahinaan.

Habang hinahangad nating bumuo ng pagtitiwala, maaaring sadya nating madama kung sino ang taong madaling maging target ng kahinaan sa isang partikular na panahon at kung gaano ang ibabahagi sa kanila. Kung may nakasakit sa atin, maaari natin siyang ilayo. Habang natututuhan nating magtiwala sa isang tao, maaari natin siyang ilipat sa malapit. Ang sadyang pagsisikap na pahintulutan ang mas maraming tao na mapagkatiwalaan sa paglipas ng panahon ay makatutulong sa atin na umunlad at gumaling.

Ikonsidera ang Karagdagang Resources

Tandaan na ang paggaling mula sa matinding trauma ay maaaring mangailangan ng propesyonal na tulong mula sa mga taong katulad ng sa iyo ang mga pinahahalagahan. “Maingat na piliin ang mga pagkakatiwalaang professional counselor na may angkop na lisensya. Dapat iginagalang ng mga counselor ang kalayaan, mga pinahahalagahan, at mga paniniwala ng mga humihingi ng tulong. Ang pagsasaalang-alang ng mga pinahahalagahang ito ay etikal na naaangkop sa professional counseling.”8 Maaari ka ring makakita ng karagdagang impormasyon sa resources na ito: