2022
Ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan Ayon sa Ating Wika at Pang-unawa
Agosto 2022


Ang artikulong ito ay nirebyu ng Temple Department.

Digital Lamang

Ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan Ayon sa Ating Wika at Pang-unawa

Sa buong kasaysayan, naghayag ang Panginoon ng mga pagbabago sa mga patakaran tungkol sa mga ordenansa at pagsamba sa ebanghelyo.

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Larawan
Nakabukas na antigong Biblia na may gothic print

Larawang kuha ni Mary Alice Grover-Bacher

Sa Aklat ni Mormon, tinapos ni Nephi ang kanyang talaan sa isang mahalagang kaisipan tungkol sa kung paano tinuturuan at tinatagubilinan ng Panginoon ang Kanyang mga tao: “Sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbibigay-liwanag sa pang-unawa; sapagkat siya ay nagsasalita sa mga tao alinsunod sa kanilang wika, sa kanilang ikauunawa” (2 Nephi 31:3; idinagdag ang pagbibigay-diin).

“Alinsunod sa Kanilang Wika”

Alam ng karamihan sa atin na nangungusap ang Diyos sa lahat ng Kanyang anak sa sarili nilang wika. Malamang nakita na natin kung paano Siya nakikipag-ugnayan sa atin sa ating wika at kung paano Siya nakikipag-ugnayan sa iba sa sarili nilang wika. Lalo itong kapansin-pansin kung nagkaroon na tayo ng oportunidad na manirahan sa ibang bansa. Una akong nagkaroon ng kamalayan sa alituntuning ito bilang isang binatang misyonero nang ituro namin ng aking unang kompanyon ang ebanghelyo ni Jesucristo sa karaniwang Italian, isang wikang hindi namin katutubong wika.

Noong magkasama kami sa Lugano, Switzerland, may nahanap at naturuan kami ng aking kompanyon na isang pamilya mula sa Sicily, Italy. Marunong kami ng Italian, ngunit ang sinasalita ng pamilya ay Sicilian, na masyadong naiiba sa karaniwang Italian kaya itinuturing na isang hiwalay na wika. Ang sinasalita naman ng mga miyembro ng lokal na branch ay ibang uri ng Italian na mas di-gaanong kilala: Swiss Italian. Subalit ginamit ng mga miyembro ng branch ang kanilang katutubong Swiss Italian upang matulungan kaming kaibiganin at turuan ang bata pang pamilyang ito.

Sa kabila ng mga pagkakaiba sa pagitan ng karaniwang Italian, Swiss Italian, at Sicilian, nangusap ang Panginoon sa at sa pamamagitan ng bawat isa sa amin sa tulong ng Espiritu Santo, ayon sa aming wika at pang-unawa. Kalaunan, ang bata pang pamilyang ito ay nabinyagan at nakumpirma bilang mga miyembro ng Simbahan.

Tulad ng ginawa Niya sa aking karanasan sa katimugang Switzerland, nangungusap ang Panginoon sa bawat isa sa atin sa ating wika. Kapag nangungusap ang Panginoon sa isang walong taong gulang na estudyante sa elementarya sa Lima, Peru, nangungusap Siya sa wikang nauunawaan ng bata. Totoo rin ito kapag nangungusap Siya sa isang propesor sa unibersidad sa Tokyo, Japan; nangungusap Siya sa wikang nauunawaan ng propesor.

Maaaring ang hindi pamilyar sa atin ay na nangungusap din ang Panginoon sa konteksto ng kultura ng buhay at panahon ng isang tao o mga tao. Nakikipag-ugnayan Siya ayon sa kanilang pang-unawa.

“Sa Kanilang Ikauunawa”

Natuklasan ko na sa iba’t ibang panahon at lugar sa buong kasaysayan, palaging nangungusap ang Panginoon sa Kanyang mga anak ayon sa kanilang wika at pang-unawa habang ibinabahagi Niya ang Kanyang mensahe, mga ordenansa, at mga katotohanan sa wika at kultura ng mga tao. Bagama’t ang mga anak ng Diyos ay limitado sa kanilang wika (walang wikang perpekto) at limitado sa kanilang pang-unawa sa kultura (ang mga kultura ay umaangkop, humihiram, at nagbabago sa paglipas ng panahon), magiliw na nagpapakababa ang Panginoon upang maiparating ang Kanyang kalooban sa kanilang wika at kultura nang sa gayon ay maturuan at matulungan Niya sila. Sa Doktrina at mga Tipan 1:24, sinabi ng Panginoon:

“Masdan, ako ang Diyos at siyang nangusap nito; ang mga kautusang ito ay mula sa akin, at ibinigay sa aking mga tagapaglingkod sa kanilang kahinaan, alinsunod sa pamamaraan ng kanilang wika, upang sila ay mangyaring makaunawa” (idinagdag ang pagbibigay-diin).

Samakatwid, kapag napakalaki ng pagbabago ng isang kultura sa paglipas ng panahon, hindi tayo dapat magulat na ang Panginoon, na siya ring ngayon tulad noong sinaunang panahon (tingnan sa Mga Hebreo 13:8), ay naghahayag ng Kanyang isipan sa isang bagong konteksto ng kultura batay sa panahon, lugar, at pang-unawa ng mga tao.

Isang Banal na Halik at Pagbati

Halimbawa, nang sumulat si Apostol Pablo sa mga Banal sa Roma, Corinto, at Tesalonica, inanyayahan niya sila na “magbatian … ng banal na halik” (Roma 16:16; tingnan din sa 1 Corinto 16:20; 2 Corinto 13:12; 1 Tesalonica 5:26). Ang tagubiling ito ay angkop sa sinaunang kulturang Mediteraneo kung saan nagbabatian ang mga lalaki ng halik.

Ang pagbati sa isang tao sa lahat ng kultura—sa sinauna at maging sa makabagong panahon—ay laging isang tanda ng pagmamahal, pagkakaibigan, pagkilala, at pagpipitagan. Gayunpaman, ang eksaktong anyo ng mga pagbating iyon ay kadalasang nakasalalay sa kung ano ang angkop o inaasahan para sa partikular na okasyon at kultura; sa ilang pagkakataon at lugar, maaaring ito ay nasa anyo ng pagyukod, pakikipagkamay, pagyakap, paghalik sa mga labi o pisngi, o pagkikiskisan ng mga ilong.

Marahil ang utos ni Pablo na magbatian ang mga Banal “ng banal na halik” ay komportable at pamilyar na tanda ng pakikisama sa kanyang sinaunang kontekstong Mediteraneo. Ngunit sa konteksto ng kultura ng Kanlurang Amerika noong 1800s, binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Joseph Smith na iangkop ang utos na ito sa Bagong Tipan na magbatian ng banal na pagbati,1 marahil bilang isang paraan upang maiangkop ang konseptong ito sa Kanyang mga tao na nabubuhay sa ibang panahon at lugar kung saan ang paghalik ay hindi itinuturing na isang komportableng paraan ng pagbati sa loob ng komunidad ng simbahan.

Habang nagbabago ang sitwasyon ng mga anak ng Diyos sa paglipas ng panahon, maaaring ang kontekstong ito ay isang paraan na nangungusap ang Panginoon sa Kanyang mga tao upang “sila ay mangyaring makaunawa.”

Mga Pagbabago sa Loob ng Konteksto ng Kultura

Marahil bahagya rin nitong naipapaliwanag kung bakit maaari tayong makakita ng ilang kuwento sa banal na kasulatan na mahirap maunawaan, kahit na ang mga talata ay naisalin na sa sarili nating wika. Ang konteksto ng ating kultura ay kadalasang lubhang naiiba sa panahon kung kailan nangyari ang kaganapan sa banal na kasulatan kaya mahirap maunawaan ang kuwento ngayon (tingnan sa 2 Nephi 25:1).

Kapag itinatatag ng Panginoon ang Kanyang mga tipan at ordenansa sa Kanyang mga tao, iyon ay nasa konteksto ng isang partikular na kultura sa isang partikular na panahon at lugar. “Lahat ng pagbabago sa mga ordenansa at mga patakaran ay hindi nagpapabago sa banal na katangian ng mga tipan na ginagawa.”2 Palaging pinangangalagaan ng Panginoon ang likas na kawalang-hanggan ng Kanyang mga pangako na matatagpuan sa Kanyang mga tipan sa Kanyang mga anak.

Napansin ng propesor sa Brigham Young University na si Mark Alan Wright, “Ang wika ay hindi limitado sa mga salitang ginagamit natin kundi nagpapahiwatig din ng mga tanda, simbolo, at galaw ng katawan na binibigyang-kahulugan ng mga kulturang bumuo sa mga ito.”3 Ang mga banal na kasulatan ay nagbibigay ng mga halimbawa kung paano ito gumagana.

Mga Halimbawa sa Lumang Tipan

Sa konteksto ng sinaunang Malapit sa Silangan sa Lumang Tipan, hindi nakakagulat na matuklasan na ang paglalagay ng kamay ng isang tao sa ilalim ng hita ng ibang tao upang sumumpa ay binanggit sa Genesis 24:9 at 47:29. Sa panahong iyon, ang gawing ito ay isang paraang angkop sa kultura upang gumawa ng pangako o sumumpa ng katapatan sa isang tao, pati na sa pagitan ng isang ama at ng isang anak na lalaki.

Ang isa pang karaniwang gawi sa sinaunang Malapit sa Silangan ay ang paghahati ng mga hayop at ibon sa gitna upang makalakad ang mga tao sa pagitan ng mga iyon habang nakikipagtipan sila—isang rituwal na ginawa ni Abraham at ng iba pa sa Lumang Tipan.4

Dagdag pa rito, kabilang sa tipang Abraham ang pagtutuli, isang tanda ng tipan (tingnan sa Genesis 12–17).

Sa mundo ng Lumang Tipan, madalas ihayag ng Panginoon ang Kanyang walang-hanggang tipan sa anyo at terminolohiyang kawangis ng mga legal na kasunduan sa nakapaligid na sinaunang Gitnang Silangan. May katuturan ito dahil nangungusap ang Panginoon sa Kanyang mga tao sa konteksto ng kanilang kultura upang “sila ay mangyaring makaunawa.”

Mga Gawi sa Sakramento

Sa panahon ng mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, inihayag Niya ang Kanyang tipan sa isang bagong paraan. Sa pagkakataong ito, kinuha ni Jesus ang mga sagisag ng Paskua at binigyan Niya ang mga ito ng bagong kahulugan at kabuluhan sa Huling Hapunan. Kabilang sa mga simbolong ito ang tinapay na walang lebadura at alak, na iniinom nila mula sa iisang kopita (tingnan sa Mateo 26:20–29).

Sa isang panahon at lugar na lubos na naiiba sa Kanyang mortal na ministeryo sa mundo ng silangang Mediteraneo noong unang siglo, inihayag ng Panginoon ang sumusunod kay Joseph Smith sa mundo ng Hilagang Amerika noong ikalabinsiyam na siglo:

“Makinig sa tinig ni Jesucristo, ang inyong Panginoon, inyong Diyos, at inyong Manunubos, na ang salita ay mabisa at makapangyarihan. Sapagkat, masdan, sinasabi ko sa inyo, na hindi mahalaga kung anuman ang inyong kainin o kung anuman ang inyong inumin kapag kayo ay tumatanggap ng sakramento, kung ito ay gagawin ninyo na ang mga mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian—inaalaala sa Ama ang aking katawan na aking inialay para sa inyo, at ang aking dugo na ibinuhos para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan” (Doktrina at mga Tipan 27:1–2).

Hindi na kailangan ang tinapay na walang lebadura at alak para sa sakramento. Gayunpaman, nagpatuloy ang paggamit ng iisang kopita. Napansin ni Justin Bray mula sa Church History Department kung paanong ang paggamit ng iisang kopita ay karaniwan sa panahong iyon: “Maging sa labas ng mga panrelihiyong tagpo, ang paggamit ng iisang kopita ay isang karaniwang gawi sa Amerika noong ika-19 na siglo. Ang mga drinking fountain sa mga pampublikong paaralan, parke, at sasakyang panriles ay kadalasang dumarating na may nakakadenang kopita o panalok kung saan idinadampi ng lahat ng iinom ang kanilang mga labi.”5

Kalaunan, binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang mga propeta at apostol na itigil ang paggamit ng iisang kopita sa pag-aalay ng sakramento noong 1912.6 Bagama’t may magandang simbolismo ng pagkakaisa at katatagan sa pag-inom mula sa iisang kopita, kung saan magkakasamang nakikibahagi ang lahat sa sakramento anuman ang kanilang mga pagkakaiba, nagbago na ang kultura. Muling nangusap ang Panginoon sa Kanyang mga tao “sa kanilang kahinaan … upang sila ay mangyaring makaunawa.”7

Mga Tungkulin ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga Alagad

Gayunpaman, binalaan ng Panginoon ang kalalakihan at kababaihan na wala silang karapatang baguhin ang pamamaraan o mga salita kung paano tayo gumagawa ng mga sagradong tipan na inihayag Niya.8

Tanging si Jesucristo lamang ang may karapatang baguhin ang mga ordenansa at pamamaraan upang matanggap natin ang Kanyang mga tipan batay sa panahon, lugar, at sitwasyon ng Kanyang mga tao. May karapatan lamang tayong tanggapin ang mga tipang iyon, hindi baguhin ang mga iyon o ang mga ordenansa. Dahil dito, tinanggap ng mga tao ng Panginoon ang Kanyang karapatang tapusin ang pagtutuli at ang lahat ng pag-aalay ng hayop. 9 Tinanggap nila ang paglilipat Niya ng Sabbath sa araw ng Linggo sa halip na Sabado bilang tanda ng tipang Kristiyano. Oportunidad din nating sundin Siya paano man Niya inihahayag sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta na isagawa ang Kanyang gawain ngayon.

Paghahayag sa mga Buhay na Propeta, Kabilang na ang Pagsamba sa Templo

Nasaksihan na natin kung paano binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang makabagong propeta, si Pangulong Russell M. Nelson, na ihayag ang Kanyang mga turo, tipan, at ordenansa sa ating “wika” ayon sa ating “pang-unawa,” kabilang na ang mga saksi para sa mga binyag10 o ang edad para sa pag-oorden sa Aaronic Priesthood.11 Totoo ito lalo na sa pagsamba sa templo.

Ang mga inspiradong pagbabagong ginawa ng Unang Panguluhan nitong mga nakaraang taon—ayon sa ating sitwasyon, lugar, at panahon—ay inihayag “upang mapaganda ang karanasan ng mga miyembro sa templo at tulungan ang lahat na magkaroon ng mas malapit na pakikipag-ugnayan sa Diyos sa loob ng mga sagradong lugar na ito.”12

Sa ating mapagpakumbabang pagtanggap ng natatanging pagpapala ng inspirasyon at paghahayag mula sa langit sa pamamagitan ng isang makabagong propeta, nawa’y maalala natin, nang may bagong pagpapahalaga, ang ikasiyam na saligan ng pananampalataya na nagsasabing, “Naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos” (idinagdag ang pagbibigay-diin).