2022
Mga Bato ng Paghahanda, Pagpaplano, at Pagtitiyaga
Agosto 2022


“Mga Bato ng Paghahanda, Pagpaplano, at Pagtitiyaga,” Liahona, Ago. 2022.

Mga Bato ng Paghahanda, Pagpaplano, at Pagtitiyaga

Sa paghahanda ninyo para sa inyong hinaharap, itayo ang inyong saligan sa pinakamahalagang bato—ang Tagapagligtas na si Jesucristo.

Larawan
tirador at mga bato

Paghahanda

Siguro ay alam na ninyo ang kuwento tungkol kina David at Goliat. Si Goliat ay isang malaking mandirigma na kumakatawan sa mga Filisteo. Si David ay isang bata pang pastol na nanindigan para sa Israel. Alam ni David na nasa panig niya ang Diyos. Hindi siya natakot na kalabanin si Goliat, dahil hinamon ni Goliat ang mga hukbo ng buhay na Diyos.

Para makapaghanda sa mangyayaring digmaan, pumili si David ng limang makikinis na bato mula sa isang batis at inilagay ang mga ito sa kanyang supot ng pastol. Pagkatapos ay hinarap niya si Goliat sa digmaan. Hindi iyon matagal na digmaan. Napatay ni David si Goliat gamit ang isang bato lamang. (Tingnan sa 1 Samuel 17:40–50.)

Kung alam ni David na nasa kanyang panig ang Diyos at na isang bato lang ang kailangan niya, bakit pa siya nagpakahirap sa pagpili ng limang bato? Ayon sa salaysay sa banal na kasulatan, tiwala si David. Sinabi niya kay Goliat, “Ang labanang ito ay sa Panginoon, at ibibigay niya kayo sa aming mga kamay” (1 Samuel 17:47). Sinayang ba ni David ang kanyang oras sa paghahanap ng limang bato? Wala ba siyang sapat na pananampalataya?

Ang aral na natutuhan ko mula sa kuwentong ito ay dapat tayong maghandang mabuti para sa ating hinaharap. Maaaring hindi natin makakayang baguhin ang mangyayari sa hinaharap, ngunit mapipili natin kung paano maghanda para sa mangyayari. Habang inihahanda mo ang iyong sarili para sa walang-katiyakang propesyon sa hinaharap, mga hindi inaasahang hamon, at sa buhay mo sa hinaharap, maaaring isang bato lamang ang magagamit mo, o maaaring kailanganin mo ang limang bato. Magtiwala sa Panginoon at maghandang mabuti sa makakaharap mo balang-araw.

Pagpaplano

Sa aklat ni Eter, nalaman natin ang tungkol sa paglalakbay ng kapatid ni Jared at ng kanyang pamilya at mga kaibigan habang papunta sila sa lupang pangako. Pagkatapos nilang makarating sa dalampasigan, nanirahan sila sa mga tolda sa loob ng apat na taon.

“At sa pagtatapos ng apat na taon … ay muling dumalaw ang Panginoon sa kapatid ni Jared, at tumayo sa ulap at nakipag-usap sa kanya. At sa loob ng tatlong oras nakipag-usap ang Panginoon sa kapatid ni Jared, at siya ay pinagsabihan dahil sa hindi niya naalaalang manawagan sa pangalan ng Panginoon” (Eter 2:14).

Pinagsisihan ng kapatid ni Jared ang kasamaang nagawa niya, at pinatawad siya ng Diyos at pinayuhan siya na huwag nang magkasala. Nangako rin ang Diyos na dadalhin Niya ang mga tao sa “isang lupaing pinili sa lahat ng ibang lupain” para sa kanilang mana (Eter 2:15).

Pagkatapos ay inutusan ng Panginoon ang kapatid ni Jared na gumawa ng mga gabara. Nang matapos ang kapatid ni Jared, humingi siya ng tulong sa Panginoon. Gusto niyang malaman kung paano makakahinga ang kanyang mga tao sa loob ng mga gabara (tingnan sa Eter 2:19).

At sinabi ng Panginoon sa kapatid ni Jared, “Masdan, gagawa ka ng butas sa ibabaw, at gayon din sa ilalim; at kapag nangangailangan kayo ng hangin ay aalisin ninyo ang takip ng butas at makatatanggap ng hangin. At kung sakaling makapasok ang tubig sa inyo, masdan, tatakpan ninyo ang butas, upang hindi kayo mamatay sa baha” (Eter 2:20).

Hindi iyon masyadong kumplikado.

Pagkatapos ay itinanong ng kapatid ni Jared, “Masdan, O Panginoon, pahihintulutan ba ninyong tawirin namin ang malawak na tubig na ito sa kadiliman?” (Eter 2:22).

Sa pagkakataong ito ay tinulungan ng Panginoon ang kapatid ni Jared na makahanap siya mismo ng solusyon. “Ano ang nais mong gawin ko upang magkaroon ng liwanag sa inyong mga sasakyang-dagat? Sapagkat masdan, hindi kayo maaaring maglagay ng mga bintana, sapagkat ang mga ito ay madudurog nang pira-piraso; ni hindi kayo maaaring magpaningas ng apoy” (Eter 2:23; tingnan din sa mga talata 24–25).

Sa pag-unawa sa sitwasyon, ang kapatid ni Jared ay naghanap ng pinakamainam na solusyon sa kakaharapin ng kanyang mga tao habang tinatawid ang “malawak na kailaliman” (Eter 2:25).

Nagpasiya ang kapatid ni Jared na “tumunaw mula sa isang malaking bato ng labing-anim na maliliit na bato; at ang mga ito ay mapuputi at malilinaw, maging tulad ng nanganganinag na salamin; at dinala niya ang mga ito sa kanyang mga kamay sa itaas ng bundok, at muling nagsumamo sa Panginoon” (Eter 3:1).

Larawan
nakita ng kapatid ni Jared ang daliri ng Panginoon

Brother of Jared Seeing the Finger of the Lord [Nakita ng Kapatid ni Jared ang Daliri ng Panginoon], ni Arnold Friberg

Hiniling Niya sa Diyos na hipuin ng Kanyang daliri ang mga bato at ihanda sila upang sila ay “kuminang sa kadiliman.” Ginawa ng Diyos ang hiniling ng kapatid ni Jared, at inilagay ni Jared ang labing-anim na bato sa walong gabara, isa sa bawat dulo, at “ang mga ito ay nagbigay-liwanag sa mga sasakyang-dagat.” (Tingnan sa Eter 3:4–6; 6:2.)

Ikumpara ang karanasang ito sa pagpaplano para sa iyong hinaharap. Bawat araw ikaw ay natututo at nagpaplano ng tatahakin mo sa hinaharap. Ito man ay ukol sa pag-aaral, desisyon ukol sa propesyon, o plano ng pamilya, maaari kang patnubayan ng Panginoon. Ang pag-aasawa para sa kawalang-hanggan at pagsisimula ng pamilya ay bahagi ng landas tungo sa lupang pangako ng kadakilaan. Ang Panginoon ay lalong interesado sa landas na tinatahak mo para makarating doon.

Tulad ng pagtulong ng Panginoon sa mga Jaredita sa pamamagitan ng paghawak sa mga bato, mabibigyan Niya kayo ng liwanag para tulungan kayong makakita sa panahon ng desisyon, kadiliman, at pag-aalinlangan. Ang pagtanggap ng patnubay ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu ay katulad ng paghawak ng daliri ng Diyos at pagtanggap ng kapangyarihan at espirituwal na liwanag na gagabay sa inyong pamilya tungo sa lupang pangako.

Pagtitiyaga

Ang huling mahalagang batong nais kong banggitin ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 50:44: “Samakatwid, ako ay nasa inyong gitna, at ako ang mabuting pastol, at ang bato ng Israel. Siya na nakatayo sa ibabaw ng batong ito ay hindi kailanman babagsak.”

Itinuro ni Jesucristo sa kanyang mga disipulo ang tungkol sa isang matalinong lalaki at isang hangal na lalaki, gaya ng nakatala sa Mateo 7. Gusto ng bawat lalaki na bigyan ang kanyang pamilya ng ligtas at komportableng tahanan, at naharap ang bawat isa sa kanila sa iisang hamon: “Bumuhos ang ulan, at dumating ang mga baha.”1

Gayunman, ang pagkakaiba ay itinayo ng taong matalino ang kanyang bahay sa bato at ito ay nanatiling nakatayo, samantalang itinayo naman ng taong hangal ang kanyang bahay sa buhanginan at ito ay inanod ng baha. Sa huli at sa kawalang-hanggan, mahalaga ang ating pundasyon. Umaasa ako at dumadalangin na tayong lahat ay matagpuan at manatili sa tunay na saligan habang itinatatag natin ang ating buhay sa hinaharap.

Ipinapaalala sa atin sa Helaman 5:12: “At ngayon, mga anak ko, tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak.”

Iyan ay pangako mula sa Diyos! Kung itatayo natin ang ating saligan kay Jesucristo, hindi tayo babagsak!

Sa patuloy mong pagtahak sa iyong hinaharap, isaisip ang 22 batong ito: limang bato ng paghahanda, tulad ng ipinakita ni David; labing-anim na bato ng pagpaplano, tulad ng inilarawan ng kapatid ni Jared; at ang pinakamahalagang bato—ang ating saligang bato, ang ating bato—ang Tagapagligtas na si Jesucristo.

Ang ating buong buhay ay dapat mapuspos ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi lamang bahagi ng ating buhay; sa halip, ang ating buhay ay bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo. Pag-isipan ninyo ito. Ang ating mortal na buhay ay bahagi ng buong plano ng kaligtasan at kadakilaan.

Ang Diyos ang ating Ama sa Langit. Mahal Niya tayong lahat. Mas alam Niya ang ating potensyal kaysa pagkakilala natin sa ating sarili. “Alam Niya hindi lamang ang mga detalye ng ating buhay. Alam ng Diyos ang detalye ng kaliit-liitang detalye ng ating buhay.”2

Pinapatotohanan ko na si Jesucristo ay paparitong muli, ngunit sa pagkakataong ito Siya ay paparito sa dakilang kaluwalhatian at karingalan. Umaasa ako na magiging handa tayong tanggapin Siya.

Hanggang sa sandaling iyon, nawa “sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala; at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa. Sa lahat ng iyong mga lakad siya’y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin” (Mga Kawikaan 3:5–6).

Mula sa isang mensahe sa debosyonal, “22 Stones,” na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho, noong Abril 27, 2021.