2022
Pagtugon sa Hindi Magandang Resulta ng Pagsusuri
Agosto 2022


“Pagtugon sa Hindi Magandang Resulta ng Pagsusuri,” Liahona, Ago. 2022.

Pagtanda nang May Katapatan

Pagtugon sa Hindi Magandang Resulta ng Pagsusuri

Oo, nagkaroon ako ng tuluy-tuloy at hindi magamot na karamdaman. Pero hindi ibig sabihin niyan na tapos na ang buhay ko.

Larawan
Douglas at Alice Mae Lemon

Larawan nina Douglas at Alice Mae Lemon sa kagandahang-loob ng awtor

Kami ng asawa kong si Alice Mae ay naglilingkod bilang mga senior missionary sa Philadelphia, Pennsylvania, USA. Huling dalawang buwan na lang namin noon sa misyon nang lalo pang nabawasan ang motor skills ko at hindi ko na ito maipagwalang-bahala. Kasunod ng payo ng mission doctor at nars, nagpunta ako sa isang lokal na ospital.

Ako ay nagpa-EKG at CT scan. Pagkatapos ay nakipagkita sa akin ang isang neurologist. Marami pa siyang itinanong at marami pang ginawang test. Sa huli, laking gulat ko, nang sinabi niyang, “Mr. Lemon, mayroon kang Parkinson’s disease.” Hindi ko inasahan ang resultang iyon ng test, at talagang hindi iyon ang gusto kong lumitaw sa pagsusuri. Pero ano ang magagawa ko?

Apat na Yugto

Dalawang taon na nang mangyari iyon, at nagpasimula ito ng proseso na naigrupo ko sa apat na yugto. Ibinabahagi ko ang mga ito dito sa pag-asang makatutulong ang mga ito sa iba na may kinakaharap na hindi magandang resulta ng pagsusuri. Narito ang ilan sa mga bagay na natutuhan ko.

1. Alamin ang tungkol sa karamdaman o sakit.

Naghanap ako online. Bumili ako ng ilang aklat. Nakipagkita ako sa isa pang neurologist. Gusto kong malaman kung ano ang epekto ng Parkinson’s disease (PD) sa haba ng buhay ko at sa kakayahan kong gumalaw at kumilos. Habang nagtitipon ako ng impormasyon, nagdasal din ako para sa patnubay. Alam ko na tutulungan ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na makuha ang impormasyon at tulong medikal na kailangan ko. Nalaman ko na ang PD ay hindi karaniwang nakakaapekto sa itatagal ng buhay mo, ngunit may epekto ito sa magagawa mo. Iba-iba ang progreso nito sa bawat indibiduwal. Lumalala ito sa paglipas ng panahon. Hindi ito kayang gamutin.

2. Iakma at i-reset ang mga inaasahan.

Nang mawala na ang pagkabigla sa resulta ng unang pagsusuri, unti-unti kong natanto na hindi mawawala ang sakit o karamdaman. Pinag-usapan naming mag-asawa ang aming kinabukasan at kung ano ang kahulugan nito kung mababawasan na ang galaw o kilos ko. Ano ang mangyayari kung hindi na ako makapagmaneho o makalakad? Sa isang malungkot na sandali nang itanong ko ang mga iyon sa mahal kong asawa, simple at walang pag-aatubiling sumagot siya, “Kung gayon, aalagaan kita.”

Nagpapasalamat kami na hindi kami naghintay na maglingkod sa Panginoon bilang mga full-time missionary at nagawa naming maglingkod habang maganda pa ang aming kalusugan. Nagpapasalamat din kami na lumipat kami sa isang mas maliit na bahay na walang hagdan, karamihan ay matigas ang sahig sa halip na may karpet, at may mga bakal na hawakan malapit sa lahat ng mga palikuran (CR) at paliguan. Nadama namin na alam ng Panginoon na kakailanganin namin ang gayong tahanan balang-araw at naghanda ng paraan para kapag kailangan namin ito, handa na ito.

3. Tanggapin ang pagkawala at pighati.

Larawan
people sitting at a table

Nang sumunod na ilang buwan, nag-ukol ako ng maraming oras sa bahay at marami akong oras para mag-isip. Nalungkot ako dahil sa pagkawala ng taong inakala kong magiging ako sa aking pagtanda. Nalungkot ako dahil sa posibleng kinabukasan na naisip namin ng aking asawa noon. Tiniis ko ang mga araw ng panghihina ng loob. Nagdasal ako nang husto habang lumalala ang mga sintomas ko. Kinailangan kong maghanap pa ng mga positibong paraan sa pagtugon dito.

Pagkatapos ay nagbigay ang Panginoon ng di-inaasahang pinagmumulan ng suporta. Kaming mag-asawa ay tinawag na maging mga welfare at self-reliance specialist ng aming ward. Bilang bahagi ng aming tungkulin, kami ang nag-facilitate ng isang miting ng grupo tungkol sa emosyonal na katatagan. Hindi ko naisip na personal kong kailangan ang klase. Gayunman, sa pagtatapos ng unang miting, naisip ko, “Wow! Para sa akin ito!” Pinag-usapan namin ang pag-iwas sa mga negatibong kaisipan, pagiging positibo, pagkontrol sa aming damdamin. Binigyan ako nito ng ilang praktikal na mga bagay na, sa paglipas ng panahon, ay nakatulong sa akin—at sa aking asawa rin—na magkaroon ng magandang saloobin ukol sa sakit ko.

4. Matuto mula sa pagsubok na ito.

Naaalala ko na naisip ko isang araw, “Kung pipili ako ng magiging sakit ko, ito na iyon.” Dahil sa puntong ito hindi nito pinaiikli ang buhay ko, pero pinupuwersa ako nitong sundin ang kalooban ng Diyos. Wala na akong magagawa pa kundi tanggapin iyan, at iyan ay naging isang pagpapala. Mas mahinahon ako, mas payapa. Noon pa man ay masyado na akong nabubuhay sa hinaharap, nag-aalala kung ano ang kasunod na kabanata ng buhay ko. Ang Parkinson’s disease ay nakatulong sa akin na makuntento sa kasalukuyan, na gawin ang kabutihang magagawa ko ngayon. Unti-unti, natutuhan kong isuko ang sarili ko at ang kinabukasan ko sa Panginoon nang mas lubusan at walang pag-aalinlangan.

Pinag-aralan ko ang mga banal na kasulatang bumabanggit tungkol sa paglago mula sa mga pagsubok.1 Muli kong binasa ang mensahe at artikulo ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol.2 Naalala ko ang isang mensahe kung saan pinayuhan tayo ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga oras ng pagsubok na huwag itanong, “Bakit kailangan kong pagdusahan ito?” kundi sa halip ay “Ano ang matututuhan ko mula sa karanasang ito?”3

Sa buong prosesong ito, natagpuan ko ang antas ng kapayapaan, kagalakan, at kasiyahan na hindi ko nadama noon. Nakita ko na ang kamatayan at pagdaan sa tabing ay isa lamang “paglipat” sa aking paglalakbay sa landas ng tipan. Ito ay bahagi ng plano ng kaligayahan ng Diyos.

Gumawa ako ng maliit na karatula sa computer ko at inilagay ko ito sa dingding ng opisina ko sa bahay kung saan ko ito nakikita araw-araw. Sabi rito, “Maging Mabuti. Gumawa ng Mabuti. Maging Kuntento. Magrelaks at Magtiwala sa Panginoon.”

Magtiwala sa Panginoon

Ngayon, sa puntong ito ng paglala ng sakit, medyo normal lang ang buhay ko. Kaya ko pa ring magmaneho ng kotse. Kamakailan ay tinawag kami bilang mga temple worker. May mga bagay na kaya kong gawin at mga bagay na hindi ko kaya. May gamit na akong tungkod sa paglalakad kapag umaalis ako ng bahay. Nagiging emosyonal ako sa maliliit na bagay ngunit naging mas sensitibo rin ako sa mga pangangailangan ng iba. Hindi ko tiyak kung ano ang mangyayari sa akin sa hinaharap, ngunit tinitiyak ko na anuman ang mangyari, tutulungan ako ng Panginoon na matiis itong mabuti at magkaroon ng kagalakan. Magandang aral ito sa akin, at ayaw kong palampasin ito.4

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.