2022
Pag-unawa sa Aking Layunin Bilang Isang Babae sa Simbahan
Agosto 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pag-unawa sa Aking Layunin Bilang Isang Babae sa Simbahan

Ang paghahanap ng mga sagot ay tumutulong sa akin na patuloy na matuto tungkol sa aking responsibilidad bilang isang babae.

Larawan
tatlong babaeng magkakasamang nakatayo at nagtatawanan

Larawang ginamitan ng mga modelo

Ilang taon na ang nakararaan, nagtalakayan kami ng mga kaklase ko sa kolehiyo tungkol sa mga responsibilidad ng bawat kasarian sa lipunan, na agad nauwi sa pag-uusap tungkol sa mga tungkulin ng bawat kasarian sa ebanghelyo. Nalaman ko na maraming kababaihan sa ebanghelyo ang nahihirapang malaman kung ano ang mga responsibilidad ng kababaihan sa kaharian ng Diyos.

Pagkatapos ng talakayang iyon, nagsimula rin akong mag-isip: Ano ang aking tungkulin sa Simbahan? Ano ang maiaambag ko?

Madalas akong mahirapan sa mga tanong na katulad nito, at bagama’t hindi ko alam ang lahat ng sagot, sa paghahanap ng katotohanan, nakatanggap ako ng mga kabatiran na nakatulong sa akin na mas maunawaan ang aking layunin sa ebanghelyo ni Jesucristo.

1. Mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak.

Nang magsimula akong manalangin para sa paghahayag tungkol sa aking tungkulin bilang isang babae, nadismaya ako na hindi ko nadamang may natanggap akong anumang sagot. Ngunit sa isang sandaling hirap na hirap ako, may isang ideyang pumasok sa aking isipan: Ang Diyos ang pinag-uusapan dito. Sa palagay ko ba ay hindi Niya ako nauunawaan? Sa palagay ko ba ay mas mahal ng aking Ama sa Langit ang ilan sa Kanyang mga anak kaysa sa iba?

Madalas akong pinaaalalahanan na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak, lalaki at babae. At nagtitiwala ako na may bahagi akong gagampanan na kahanga-hanga at kasinghalaga ng sa sinupamang iba. Nakasaad sa Aklat ni Mormon, “[Ang Panginoon ay walang] tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya; maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; … at pantay-pantay ang lahat sa Diyos” (2 Nephi 26:33).

Ang mga katotohanang ito ay nakatulong sa akin na muling isentro ang aking pananampalataya. At nalaman ko na kung napagtanto ko na ganap ang pagmamahal ng Diyos para sa akin at na ang Kanyang buong motibo sa likod ng Kanyang plano ay pagmamahal, mas mauunawaan ko ang aking banal na layunin.

2. Ang patnubay ng propeta ay tumutulong sa atin na mas makaunawa.

Ang nakaraang ilang taon ay naghatid ng maraming pagbabago sa ilalim ng patnubay ng mga propeta at apostol na muling nagpatibay sa kahalagahan ng kababaihan sa ebanghelyo ni Jesucristo.  Nagkaroon ng mas maraming oportunidad ang kababaihan na maglingkod sa mga templo at sumaksi sa mga ordenansa, at mas lumakas ang kanilang tinig sa mga manwal, materyal, at programa ng Simbahan tulad ng bagong programang Mga Bata at Kabataan.

Marami na ring lider ng Simbahan ang nagturo tungkol sa kahalagahan ng kababaihan. Halimbawa, sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2019, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Mahal kong mga kapatid, ang kakayahan ninyo na matukoy ang katotohanan sa kamalian, na maging mga tagapangalaga ng moralidad ng lipunan, ay napakahalaga sa mga huling araw na ito. At inaasahan namin na tuturuan din ninyo ang iba na gayon din ang gawin. Hayaan ninyong pakalinawin ko ang tungkol dito: kung mawawalan ang mundo ng kabutihan ng kababaihan nito, ang mundo ay hindi kailanman mapapabuti.”1

Sa pagninilay sa mga kamakailang mensahe ng ating mga lider para sa kababaihan sa ebanghelyo, napagtanto ko kung paano natin mas mauunawaan ang ating layunin.

3. Tayo ay may ganap na access sa kapangyarihan ng priesthood sa pamamagitan ng ating pagsunod.

Nang maorden ang nakababata kong kapatid na lalaki bilang elder, sinabi sa kanya na ang kapangyarihan ng priesthood ay dumarating sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Nang marinig ko ang mga salitang iyon, may napagtanto akong napakatindi kaya naghabol ako ng hininga at napamulat ang aking mga mata: Angkop din sa akin ang alituntuning iyon, naisip ko. Bagama’t hindi ako inorden sa isang katungkulan sa priesthood, maaari akong mamuhay nang karapat-dapat sa tuwina upang matanggap ko ang kapangyarihan ng priesthood sa aking buhay.

Itinuro ni Sister Reyna I. Aburto, dating Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency:

Ang bawat babae ay tumatanggap ng kapangyarihan ng priesthood kapag nakikilahok siya sa mga ordenansa ng priesthood at tinutupad niya ang mga tipan na may kaugnayan doon. …

“Ang bawat babae ay may access sa kapangyarihan ng priesthood ayon sa kanyang mga tipan at sa kanyang personal na kabutihan.”2

Sa madaling salita, ang priesthood ay ang kapangyarihan ng Diyos at maaaring matanggap ng lahat ng tumutupad sa kanilang mga tipan at sumusunod sa mga kautusan. Kapag namumuhay tayo nang karapat-dapat, ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ang Kanyang kapangyarihang daigin ang mga paghihirap. Kapangyarihang mahiwatigan ang katotohanan. Kapangyarihang gumawa ng kabutihan. Kapangyarihang maging katulad ng ating mga magulang sa langit at makapiling Sila sa huli. Ang lahat ng pagpapalang ito ay maaaring mapasaatin kapag sinusunod natin si Jesucristo.

4. Tayo ay may natatanging impluwensya.

Itinuro ni Pangulong Nelson: “Mahal kong kababaihan, anuman ang inyong tungkulin, anuman ang inyong kalagayan, kailangan namin ang inyong mga impresyon, ideya, at inspirasyon. Kailangan namin kayong tuwiran at hayagang magsalita sa mga ward at stake council. … Taglay ninyong kababaihan ang naiibang mga kakayahan at natatanging intuwisyon na ipinagkaloob sa inyo ng Diyos.”3

Lumaki ako sa isang malaking pamilya, at noon pa man ay naniniwala na ako na ang pagiging ina ang magiging pinakadakilang ambag ko sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon. Gayunpaman, nalaman naming mag-asawa kamakailan na maliit ang tsansa naming magdagdag ng mga anak sa aming pamilya sa buhay na ito. Ang aming karanasan sa hindi pagkakaroon ng anak ay napakasakit, ngunit ang kawalang-katiyakan ng mga panggagamot at ang bigat sa damdamin ng paggawa ng mahihirap na desisyon ay lalong nakapanghihina ng loob. Kung minsa’y naiisip ko, Ano ang magiging impluwensya at tungkulin ko kung hindi ako magiging ina sa paraang ipinlano ko?

Sa karanasang ito, nagpapasalamat ako sa iba pang matatapat na kababaihan sa aking buhay na ang mga karanasan ay naiba rin sa ipinlano nila. At sa pamamagitan ng kanilang mga halimbawa, ang mensahe ng Ama sa Langit sa akin ay ito: “Huwag kang maghintay. Huwag mo nang isipin kung may maaari o dapat ka sanang ginawa o pinili na iba. Magtuon sa kinaroroonan mo ngayon. Samantalahin ang mga oportunidad na mahalin at paglingkuran ang mga nasa paligid mo.”

Nang sundin ko ang paanyaya ni Pangulong Nelson na pag-aralan kung paano naaangkop ang kapangyarihan ng priesthood sa kababaihan,4 nabasa ko ang isa pang turo mula sa kanya na madalas kong paghugutan ng aliw: “Ang pagtulong sa isang tao na maabot ang kanyang selestiyal na potensyal ay bahagi ng banal na misyon ng babae.”5

May mga anak man ako o wala sa buhay na ito, tinutupad ko ang aking banal na misyon bilang isang babae sa tuwing may tinutulungan akong sinuman sa mga anak ng Diyos na umunlad tungo sa kanilang selestiyal na potensyal. May natatangi akong impluwensya kapag tinutupad ko ang aking mga tipan na “makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati” at “aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:9). Magkakaroon—at noon pa ma’y mayroon na—ng mga oportunidad na paglingkuran at mahalin ang mga nasa paligid ko.

Ang pagkaunawa ko sa aking tungkulin bilang isang babae sa Simbahan ni Jesucristo ay patuloy na lumalago. Hindi pa ito kumpleto, ngunit dahil sa mga napagtanto ko na tungkol sa aking layunin at impluwensya, naniniwala ako na ang aking layunin ay—at magiging—kahanga-hanga, mahalaga, at may walang-hanggang kabuluhan sa mga mata ng Diyos at sa akin.