Institute
Lesson 1: Pambungad sa Doktrina at mga Tipan; Doktrina at mga Tipan 2


Lesson 1

Pambungad sa Doktrina at mga Tipan; Doktrina at mga Tipan 2

Pambungad at Timeline

“Ang Doktrina at mga Tipan ay katipunan ng mga banal na paghahayag at makapukaw na pagpapahayag na ibinigay ukol sa pagtatatag at pamamalakad ng kaharian ng Diyos dito sa mundo sa mga huling araw” (pambungad sa Doktrina at mga Tipan, talata 1). Ang mga paghahayag na ito ay natanggap sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at ng ilan sa kanyang mga kahalili at “naglalaman ng isang paanyaya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na makinig sa tinig ng Panginoong Jesucristo, na nangungusap para sa kanilang temporal na kabutihan at kanilang walang hanggang kaligtasan” (pambungad sa Doktrina at mga Tipan, talata 1).

Ang bahagi ng Doktrina at mga Tipan na may pinakamaagang petsa ay naglalaman ng mga sinabi kay Joseph Smith ng anghel na si Moroni noong 1823, sa panahong nakatira pa ang pamilya Smith malapit sa Palmyra, New York. Sa pagdalaw na iyon, ibinahagi ni Moroni ang maraming mahalagang propesiya mula sa Luma at Bagong Tipan, kabilang na ang isa na mula kay Malakias tungkol sa ipinangakong misyon ng propetang si Elijah sa mga huling araw. Ang propesiyang iyon, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 2, ay napakahalaga sa ating pagkaunawa sa plano ng Ama sa Langit na tubusin ang Kanyang mga anak.

Mga huling buwan ng 1816Lumipat ang pamilya Smith sa Palmyra, New York mula sa Vermont.

Tagsibol 1820Nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith.

Setyembre 21–22, 1823Dinalaw ng anghel na si Moroni si Joseph Smith (Doktrina at mga Tipan 2).

Nobyembre 19, 1823Namatay ang nakatatandang kapatid ni Joseph Smith na si Alvin.

Enero 18, 1827Ikinasal sina Joseph Smith at Emma Hale.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Pambungad sa Doktrina at mga Tipan

Ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng mga paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith at sa sumunod na mga propeta

Bago magsimula ang klase, ilista sa pisara ang tungkol sa mahihirap na sitwasyon, pangyayari, o desisyong kinakaharap ng mga young adult. (Maaari mong isama ang ilan sa mga sumusunod: sino ang pakakasalan, oportunidad sa edukasyon, pagpili ng trabaho, social pressure, at tukso.)

  • Bukod pa sa nakasulat sa pisara, ano pa ang ibang mahihirap na sitwasyon, kalagayan, o desisyong kinakaharap ng mga young adult?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga hamong kinakaharap nila o inaasahang makakaharap. Sabihin sa kanila na alamin ang mga katotohanan habang pinag-aaralan nila ang mga pambungad sa Doktrina at mga Tipan sa lesson na ito na makatutulong sa kanila na malaman kung paano tatanggap ng banal na patnubay at kapanatagan na tutulong sa kanila sa mga ganitong kalagayan.

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng pambungad na maikling nagsasalaysay ng mga pangyayari ng Panunumbalik, naglalarawan kung paano nagkaroon ng Doktrina at mga Tipan, at nagpapaliwanag kung paano mapagpapala ng sagradong aklat ng banal na kasulatan na ito ang buhay ng lahat ng anak ng Ama sa Langit.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng mga talata 1–3 ng pambungad sa Doktrina at mga Tipan. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga parirala na nagpapaliwanag kung ano ang Doktrina at mga Tipan at kung bakit dapat nating pag-aralan ito.

  • Anong mga salita o parirala ang tumutukoy sa Doktrina at mga Tipan?

  • Anong mga dahilan ang nakita ninyo para pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan na mahalaga sa inyo?

Sa pisara, ilista ang mga dahilan sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan na matutukoy ng mga estudyante. Habang ibinabahagi na ng mga estudyante ang kanilang mga ideya, tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin na matatagpuan sa mga talata 1 at 3: Sa pag-aaral natin ng Doktrina at mga Tipan, maririnig natin ang tinig ng Tagapagligtas na nangungusap sa atin sa ating panahon.

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang alituntuning ito, sabihin sa kanila na basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:34–36, at alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga salita ng paghahayag na ito.

  • Ano ang nakikita ninyong mahalaga sa paliwanag ng Panginoon tungkol sa mga salita ng paghahayag na ito?

  • Ano ang mga naranasan ninyo sa pakikinig at pagkilala ng tinig ng Panginoon sa inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

Hikayatin ang mga estudyante na hangaring marinig ang tinig ng Panginoon na nangungusap sa kanila sa pamamagitan ng pagtatakda ng mithiin na basahin ang Doktrina at mga Tipan araw-araw.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang talata 6 ng pambungad, at sabihin sa klase na alamin ang mga sitwasyon na kadalasang humahantong sa mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan.

  • Anong mga parirala sa talatang ito ang naglalarawan ng mga sitwasyon kung saan natanggap ang mga paghahayag na ito?

  • Batay sa ginawa ni Joseph Smith at ng iba upang matanggap ang mga paghahayag na ito, anong alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa pagtanggap ng patnubay mula sa Panginoon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay hihingi ng tulong at mananalangin sa oras ng pangangailangan, ibibigay ng Panginoon ang patnubay na kailangan natin.)

  • Sa inyong palagay, paano nakapagpapalakas ng pananampalataya natin na gagabayan tayo ng Panginoon ang pag-aaral ng mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan?

Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo sa alituntuning ito.

Doktrina at mga Tipan 2

Isang anghel ang nagpakita kay Joseph Smith bilang sagot sa kanyang panalangin

Ipaliwanag na ang pinakaunang bahagi ng Doktrina at mga Tipan ay natanggap dahil sa pagdarasal at paghingi ng tulong ni Propetang Joseph Smith sa Panginoon sa oras ng pangangailangan. Ibuod nang maikli ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:29–39 na ipinapaliwanag na tatlong taon matapos ang Unang Pangitain, nanalangin Joseph Smith upang malaman ang kanyang katayuan sa harapan ng Panginoon. Bilang sagot, dinalaw siya ng sugo ng langit na si Moroni. Sinabi ng anghel sa batang si Joseph na ang Diyos ay may gawaing ipagagawa sa kanya, kabilang na ang pagsasalin ng sinaunang tala na nakasulat sa mga laminang ginto. Pagkatapos ay binanggit ni Moroni ang maraming talata mula sa Biblia, kabilang na ang mga inspiradong adaptasyon ng propesiya na nasa Malakias 4:5–6 na nagsasaad ng misyon ng propetang si Elijah. Ang propesiyang ito, na ibinigay ng anghel na si Moroni kay Joseph, ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 2.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 2:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas na Kanyang gagawin bago ang Ikalawang Pagparito.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na gagawin Niya bago ang Ikalawang Pagparito?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang misyon ni Elijah sa mga huling araw na binanggit sa paghahayag na ito, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Hikayatin ang mga miyembro ng klase na pakinggan kung ano ang ibig sabihin ng priesthood na inihayag ni Elijah.

Larawan
Elder David A. Bednar

“Si Elias [Elijah] ay propeta sa Lumang Tipan na pinagawa ng malalaking himala. …

“Nalaman natin mula sa makabagong paghahayag na tinaglay ni [Elijah] ang kapangyarihang magbuklod ng Melchizedek Priesthood at siya ang huling propeta na gumawa nito bago ang pagsilang ni Jesucristo” (Bible Dictionary, “Elijah”). …

Nagpakita si [Elijah] kay Moises sa Bundok ng Pagbabagong-anyo (tingnan sa Mateo 17:3) at iginawad ang awtoridad na ito kina Pedro, Santiago, at Juan. Nagpakitang muli si [Elijah] kay Moises at sa iba pa noong Abril 3, 1836, sa Kirtland Temple at iginawad ang mga susi ring iyon kina Joseph Smith at Oliver Cowdery” (David A. Bednar, “Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 24).

  • Bakit napakahalaga ng kapangyarihang magbuklod ng priesthood sa gawain ng kaligtasan sa mga huling araw para sa mga anak ng Diyos?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang kahalagahan ng kapangyarihang magbuklod ng priesthood na inihayag sa pamamagitan ni Elijah, ipakita ang sumusunod na paliwanag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante.

Larawan
Elder Bruce R. McConkie

Ang kapangyarihang magbuklod ng priesthood ay “kapangyarihang magtali at magbuklod sa lupa … at pagtibayin ito sa Langit. …

“… Kapag isinasagawa ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan ng o sa pamamahala ng mga mayhawak ng mga susi ng [priesthood], ang ganitong mga ordenansa at seremonya ay may lubos na puwersa at bisa sa buhay na ito at sa buhay na darating” (Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary [1965], 1:389, 424).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 2:2 habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase, na inaalam kung ano ang impluwensya sa mga pamilya ng pagparito ni Elijah. Sabihin sa isang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Upang matulungan ang mga estudyante na suriin ang kahulugan ng talata 2, ipakita ang sumusunod na dalawang pahayag, at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang pahayag at ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang pangalawa. Sabihin sa klase na alamin ang katangian ng mga ama at mga anak na binanggit sa talata 2.

Larawan
Elder Bruce R. McConkie

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie na sa propesiya na “itatanim [ni Elijah] sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama,” ang mga katagang “mga ama” (idinagdag ang pagbibigay-diin) ay tumutukoy kina “Abraham, Isaac, at Jacob, na binigyan ng mga pangakong ito. Ano ang mga pangako? Ito ang mga pangako na magpapatuloy ang pamilya sa kawalang-hanggan” (The Millennial Messiah [1982], 267).

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith na sa mga propesiya na “ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama” (D at T 2:2), ang mga katagang “kanilang mga ama” (idinagdag ang pagbibigay-diin) ay tumutukoy sa “ating mga ninunong namatay na hindi nagkaroon ng pribilehiyong tanggapin ang Ebanghelyo, ngunit natanggap ang pangako na darating ang panahon na ipagkakaloob sa kanila ang pribilehiyong ito. Ang mga anak ay ang mga taong nabubuhay ngayon na naghahanda ng kanilang genealogy at nagsasagawa ng mga ordenansa sa mga Templo para sa mga patay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith [2013], 252).

  • Sino ang “mga ama” na binanggit sa propesiyang ito, at ano ang mga pangako na dapat maitanim sa puso ng mga anak?

  • Ano ang ilang paraan na ibabaling ng mga anak ang kanilang mga puso sa “kanilang mga ama,” o mga ninuno?

  • Paano nauugnay sa atin ang propesiya na ang mga puso ng mga anak ay ibabaling sa kanilang mga ama? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang ating mga puso ay bumabaling sa ating mga ninuno kapag nagsasagawa tayo ng mga ordenansa para sa kanila sa mga templo.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 2:3. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang mangyayari kung ang kapangyarihan na nagbubuklod sa mga pamilya para sa kawalang-hanggan ay hindi ipinanumbalik sa lupa.

  • Ayon sa propesiyang ito, ano ang mangyayari kung hindi ipinanumbalik sa mundo ang kapangyarihang magbuklod ng mga pamilya? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat aa pisara ang sumusunod na doktrina: Kung wala ang kapangyarihan na nagbubuklod sa mga pamilya para sa kawalang-hanggan, ang mundo ay lubusang mawawasak sa Ikalawang Pagparito ni Cristo.)

  • Sa inyong palagay, bakit “lubusang mawawasak” (D at T 2:3) ang mundo sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo kung hindi naipanumbalik ang kapangyarihang magbuklod?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano “lubusang mawawasak” ang mundo kung hindi nagpakita si Elijah noong 1836 at hindi naipanumbalik ang kanyang mga susi, ipakita ang sumusunod na paliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante.

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Kung wala ang [kapangyarihang magbuklod] walang ugnayan ng pamilya ang iiral sa kawalang-hanggan, at sa katunayan maiiwan sa kawalang-hanggan ang pamilya ng tao nang ‘wala kahit ugat [mga ninuno] ni sanga [mga inapo] man.’ Yamang ang pinakalayunin ng mortalidad ay isang pamilya ng Diyos na ibinuklod, pinag-isa, at nagtamo ng selestiyal na kaluwalhatian, anumang pagkabigo rito ay totoong isang sumpa, at dahil dito ang buong plano ng kaligtasan ay ‘lubusang mawawasak’” (Jeffrey R. Holland, Christ and the New Covenant [1997], 297–98).

  • Paano kayo mapagpapala at ang inyong pamilya dahil naipanumbalik ang kapangyarihang magbuklod?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung kailan nila nadama na naibaling ang kanilang puso sa kanilang mga ama. Ipaliwanag na ang prosesong ito ay madalas kapalooban ng pagnanais na malaman pa ang tungkol sa mga magulang, lolo’t lola, at mga ninuno at magsagawa ng mga ordenansa sa templo para sa kanila. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase.

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga alituntunin sa lesson na ito.