Institute
Lesson 29: Doktrina at mga Tipan 77–80


“Lesson 29: Doktrina at mga Tipan 77–80,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)

“Lesson 29,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser

Lesson 29

Doktrina at mga Tipan 77–80

Pambungad at Timeline

Noong Marso 1832, ipinagpatuloy ni Joseph Smith ang kanyang pagsasalin ng Bagong Tipan. Habang pinag-aaralan ng Propeta ang aklat ng Apocalipsis, inihayag ng Panginoon ang ibig sabihin ng ilan sa mga simbolo at kaganapang inilarawan ni Apostol Juan. Ang paghahayag na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 77.

Noong Marso 1, 1832, sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 78, inutusan ng Panginoon ang Propeta na mag-organisa ng isang kumpanya (na makikilala kalaunan bilang United Firm) upang pamahalaan ang mga storehouse o kamalig ng Simbahan at mga pagsisikap sa paglalathala. Inilarawan din ng Panginoon ang mga pagpapalang matatanggap ng mga Banal kung susundin nila ang utos na iorganisa ang kumpanyang ito. Kalaunan sa buwan ng Marso, tinanggap ng Propeta ang mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 79–80, kung saan tinawag ng Panginoon sina Jared Carter, Stephen Burnett, at Eden Smith na ipangaral ang ebanghelyo.

Pebrero–Marso, 1832Nagpatuloy sina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa inspiradong rebisyon ng Bagong Tipan.

Marso 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 77.

Marso 1, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 78.

Marso 7, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 80.

Marso 8, 1832Tinawag ni Joseph Smith sina Jesse Gause at Sidney Rigdon bilang kanyang mga tagapayo sa Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote.

Marso 12, 1832Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 79.

Marso 24–25, 1832Sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay binugbog at binuhusan ng alkitran at balahibo ng mga mandurumog sa Hiram, Ohio.

Marso 29, 1832Namatay si Joseph Murdock Smith, ampon na anak nina Joseph at Emma Smith.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 77

Inihayag ng Panginoon ang mga sagot sa mga katanungan tungkol sa aklat ng Apocalipsis

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na mga pangungusap:

Hindi na kailangang magsalita ng Diyos sa ating panahon, dahil sapat na ang Kanyang mga salita na natanggap natin.

Wala nang awtorisadong banal na kasulatan bukod sa Biblia.

Sa pagsisimula ng klase, ipaliwanag na may ilang taong nagsasabi ng ganito at iba pang kaparehong pahayag. Tanungin ang mga estudyante kung paano sila tutugon sa ganitong mga pahayag.

Sabihin sa dalawang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng talata 1 at 3 ng pambungad sa Doktrina at mga Tipan. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano tumutulong ang Doktrina at mga Tipan sa pagtugon sa ganitong mga pahayag.

  • Anong mga salita o parirala ang nakita ninyo na nagpapakita ng kamalian ng mga pahayag na ito sa pisara?

  • Ayon sa mga talata 1 at 3, bakit mahalaga para sa atin na pag-aralan ang mga paghahayag sa mga huling araw na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang pangungusap sa talata 6 ng pambungad sa Doktrina at mga Tipan. Sabihin sa klase na alamin ang mga sitwasyon na madalas na nagbigay-daan sa mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan.

  • Ano ang madalas na nagbigay-daan sa mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder M. Russell Ballard

“May isang aral na matututuhan mula sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan. Ang mga paghahayag ay karaniwang mga sagot sa mga tanong. Ang Panginoon ay hindi pumarito at tinapik sa balikat si Joseph at nagsabing, ‘May paghahayag ako para sa iyo.’ Sa halip, si Joseph ang lumapit sa Panginoon at humingi ng kasagutan. Paulit-ulit na sinasabi sa atin ni Joseph kung paano siya nagtatanong at kung paano, bilang tugon, dumarating ang paghahayag. Pinalawak ni Elder Russell Nelson kamakailan lamang ang mahalagang alituntuning ito. Sabi niya, ‘Tanging ang isipang nagtatanong ang matuturuan ng Panginoon’” (M. Russell Ballard, “What Came from Kirtland” [Brigham Young University fireside, Nob. 6, 1994], 8, speeches.byu.edu).

  • Sa palagay ninyo, bakit kailangan ng isang tao ang isipang nagtatanong para makatanggap ng katotohanan at paghahayag mula sa Panginoon?

Ipaliwanag na tatalakayin sa kursong ito ang Doktrina at mga Tipan 77–138 at ang mga Opisyal na Pahayag 1 at 2. Hikayatin ang mga estudyante na magtakda ng mithiin na pag-aralan ang teksto ng banal na kasulatan para sa kursong ito. Sabihin sa kanila na maghanap sa mga banal na kasulatang pinag-aaralan nila ng mga halimbawa ng pagbibigay ng Panginoon ng paghahayag bilang sagot sa matatapat na tanong, at hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga katotohanan sa mga paghahayag na iyon na makatutulong na masagot ang sarili nilang mga tanong.

Ipaliwanag na noong Marso 1832, ang Propeta ay nakatira sa tahanan nina John at Alice (Elsa) Johnson sa Hiram, Ohio, mga 30 milya sa timog ng Kirtland. Sa panahong ito, nakatira ang karamihan ng mga Banal sa Ohio at sa Jackson County, Missouri, kung saan, ayon sa ipinahayag ng Panginoon, ang lunsod ng Sion ay itatayo. Noong Pebrero at Marso 1832, nagpatuloy ang propeta sa kanyang inspiradong pagsasalin ng King James Version ng Biblia, na kilala ngayon bilang Joseph Smith Translation. Habang ginagawa ni Joseph Smith ang kanyang inspiradong pagsasalin sa Apocalipsis ni San Juan na Banal (karaniwang kilala bilang ang Aklat ng Apocalipsis), ipinahayag ng Panginoon ang ibig sabihin ng ilan sa mga simbolo at kaganapan na inilarawan ni Apostol Juan. Ang paghahayag na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 77.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture passage, at bigyan ang bawat magkapartner ng isa sa mga sumusunod na reading assignment:

  1. Apocalipsis 4:2–8; Doktrina at mga Tipan 77:1–5

  2. Apocalipsis 5:1; 7:1–4; Doktrina at mga Tipan 77:6–11

  3. Apocalipsis 8:2; 9, chapter heading; 10:10; 11:3; Doktrina at mga Tipan 77:12–15

Sabihin sa mga estudyante na una nilang basahing magkapartner ang mga talatang naka-assign sa kanila sa aklat ng Apocalipsis, na inaalam ang mga simbolo o kaganapang inilarawan ni Juan. Pagkatapos ay ipabasa sa mga magkakapartner ang mga talatang naka-assign sa kanila mula sa Doktrina at mga Tipan 77, na inaalam kung paano nakatutulong ang mga paliwanag ng Panginoon na bigyang-linaw ang kahulugan ng mga simbolo at kaganapang inilarawan sa aklat ng Apocalipsis. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga nalaman nila.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 77 tungkol sa ginagampanan ng propeta sa pagtulong sa atin na maunawaan ang ibig sabihin ng banal na kasulatan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang doktrina na tulad ng sumusunod: Ipinahahayag ng Panginoon ang interpretasyon ng banal na kasulatan sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.)

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalagang maunawaan natin na ipinahahayag ng Panginoon ang interpretasyon ng mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag?

  • Paano natin ihahalintulad ang ginawa ni Joseph Smith para maunawaan ang mga banal na kasulatan sa ating sariling pag-aaral nito? (Bagama’t maaaring gumamit ang mga estudyante ng iba’t ibang salita, dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag nagtanong tayo sa Diyos, tutulungan Niya tayong maunawaan ang mga banal na kasulatan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, idispley ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“Ang kaibahan natin sa karamihan ng iba pang mga Kristiyano sa paraan ng pagbasa at paggamit natin ng Biblia at iba pang mga banal na kasulatan ay ang ating paniniwala sa patuloy na paghahayag. Para sa atin, hindi ang mga banal na kasulatan ang pinakapinagkukunan natin ng kaalaman, kundi yaong nauuna bago ang pinakapinagkukunan. Ang pinakamahalagang kaalaman ay natatanggap sa pamamagitan ng paghahayag. …

“Ang salita ng Panginoon sa mga banal na kasulatan ay tulad ng isang ilaw na gagabay sa ating mga paa (tingnan sa Mga Awit 119:105), at ang paghahayag ay katulad ng isang malakas na puwersang maraming ulit na nagbibigay ng liwanag sa ilawan. Hinihikayat natin ang lahat na masusing pag-aralan ang mga banal na kasulatan at ang mga turo ng mga propeta hinggil sa mga ito at mapanalanging maghangad ng personal na paghahayag upang malaman ang kahulugan nito para sa kanilang sarili” (Dallin H. Oaks, “Scripture Reading and Revelation,” Ensign, Ene. 1995, 7).

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga na masusing pag-aralan ang mga banal na kasulatan kasama ng “mga turo ng mga propeta hinggil sa mga ito” sa inyong mapanalanging paghahangad ng personal na pag-unawa? (Ipaliwanag na ang Manwal ng Estudyante para sa Doktrina at mga Tipan [Church Educational System manual, 2017] ay naglalaman ng maraming turo ng mga propeta sa mga huling araw na makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga katotohanang itinuro sa Doktrina at mga Tipan.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon kung kailan tinulungan sila ng Diyos na mas maunawaan ang mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng mga turo ng propeta o ng personal na paghahayag na natanggap nila matapos magdasal. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan kung komportable silang gawin ito. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.

Hikayatin ang mga estudyante na araw-araw magbasa mula sa Doktrina at mga Tipan at humingi ng higit na pang-unawa sa doktrina at mga alituntuning napapaloob dito sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga turo ng propeta at pagsamo sa Diyos sa panalangin.

Doktrina at mga Tipan 78

Tinagubilinan ng Panginoon si Joseph Smith na itatag ang United Firm at nangako ng mga pagpapala sa mga taong susunod sa Kanyang mga kautusan

Ipaliwanag na bukod pa sa pagtanggap ng paghahayag tungkol sa kahulugan ng mga banal na kasulatan, nakatanggap din si Propetang Joseph Smith ng paghahayag tungkol sa temporal na kapakanan ng Simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 78. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Panginoon sa Propeta na itatag niya para makatulong sa pangangasiwa ng pondo ng Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na ang pangangalakal na pinagsisikapang pangasiwaan ng United Firm ay tumutukoy sa kamalig o storehouse ng Panginoon sa Kirtland, Ohio, na pinatatakbo ni Newel K. at sa kamalig ng Panginoon sa Independence, Missouri, na pinatatakbo ni Sidney Gilbert. Ang mga kamalig na ito ang nagbibigay sa mga Banal ng mga kinakailangang panustos, at kumikita rin para makabili ng lupain at magkaroon ng panggastos sa pagpapalathala ng mga paghahayag ng Panginoon kay Joseph Smith.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 78:3–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung ano pa ang naitulong ng kumpanyang ito na magawa ng mga Banal.

  • Ayon sa mga talata 3–4, paano matutulungan at mapagpapala ng United Firm ang mga Banal?

  • Ayon sa mga talata 5–6, bakit iniutos ng Panginoon sa mga Banal na tulungan ang mga maralita?

  • Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng pariralang “kung kayo ay hindi pantay sa mga bagay sa lupa hindi kayo magiging pantay sa pagkamit ng mga bagay na makalangit” sa talata 6?

Ipaliwanag na sa isang naunang paghahayag ng Panginoon ay tinukoy ang pagkakapantay-pantay bilang pagkakaroon ng sapat na kakayahan ng mga pamilya na tugunan ang kanilang mga pangangailangan at naisin nang ayon sa kani-kanilang kalagayan (tingnan sa D at T 51:3). Ibig sabihin, ang pagkakapantay-pantay sa mga bagay na pag-aari sa lupa ay hindi nangangahulugan na pare-pareho ang halaga ng yaman ng bawat isa.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 78:7. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga Banal kung magiging masunurin sila sa Kanyang kautusan na magkapantay-pantay sa mga bagay na pag-aari sa lupa. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Batay sa itinuro ng Panginoon sa talata 7, para saan tayo inihahanda ng pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Inihahanda tayo ng pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon para sa isang lugar sa kahariang selestiyal.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang ilan sa mga kautusan ng Panginoon. Sabihin sa kanila na ipaliwanag kung paano makatutulong ang mga kautusang ito, kabilang na ang pagtulong sa mga maralita, na ihanda tayo para sa kahariang selestiyal (tingnan sa D at T 105:3–5).

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 78:8–16 na ipinaliliwanag na hinirang ng Panginoon sina Joseph Smith, Newel K. Whitney, at Sidney Rigdon na itatag sa United Firm (tingnan sa D at T 82). Ibubuklod ng mga miyembro ng kumpanya ang kanilang sarili sa pamamagitan ng tipan para pamahalaan ang pangangalakal ng Simbahan at mga pagsisikap sa paglalathala. Sa pagsunod sa mga tagubilin ng Panginoon, ang Simbahan ay makatatayong malaya sa lahat ng organisasyon sa lupa.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 78:17–20, na inaalam ang payong ibinigay ng Panginoon sa mga lider ng Simbahan.

  • Paano maaaring kapwa nakapagpapakumbaba at nakapapanatag ang mensahe ng Panginoon sa mga talata 17–18 sa mga lider na ito ng Simbahan?

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang mga pagpapala ng kaharian ng Panginoon at ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan na natanggap nila. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung paano nito pinagpala ang kanilang buhay.

  • Ano ang payo ng Panginoon sa mga lider ng Simbahan na gawin nila sa talata 19?

  • Batay sa talata 19, ano ang mangyayari sa atin kung tatanggapin natin ang lahat ng bagay nang may pasasalamat? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kung tatanggapin natin ang lahat ng bagay nang may pasasalamat, tayo ay luluwalhatiin, at pararamihin ng Panginoon ang ating mga pagpapala. Ipaliwanag na ang katagang “luluwalhatiin” ay tumutukoy sa pagtanggap ng kadakilaan sa huli.)

  • Ano ang ibig sabihin para sa inyo ng tanggapin ang lahat ng bagay nang may pasasalamat?

  • Sa palagay ninyo, bakit ang lahat ng bagay na natatanggap natin mula sa Diyos, lalo na ang Kanyang mga kautusan, ay dapat nating tanggapin nang may pasasalamat?

Bigyan ng isang minuto ang mga estudyante para gumawa ng isang listahan ng mga bagay na ipinagpapasalamat nila. Sabihin sa mga estudyante na planuhin kung ano ang gagawin nila para higit na matanggap ang lahat ng bagay na galing sa Diyos nang may pasasalamat.

Doktrina at mga Tipan 79–80

Tinawag ng Panginoon sina Jared Carter, Stephen Burnett, at Eden Smith na magmisyon

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 79–80 na ipinaliliwanag na tinawag ng Panginoon sina Jared Carter, Stephen Burnett, at Eden Smith na magmisyon. Nangako ang Panginoon kay Jared Carter na ituturo sa kanya ng Mang-aaliw ang katotohanan at gagabayan siya kung saan pupunta (tingnan sa D at T 79:2). Sinabi ng Panginoon kina Stephen Burnett at Eden Smith na ipahayag ang mga bagay na kanilang narinig, pinaniniwalaan, at nalalaman na totoo (tingnan sa D at T 80:4).

Magtapos sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito.