Institute
Lesson 16: Doktrina at mga Tipan 42


Lesson 16

Doktrina at mga Tipan 42

Pambungad at Timeline

Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na naninirahan sa New York na lumipat sa Ohio at ipinangako na tatanggapin nila ang Kanyang batas doon (tingnan sa D at T 37:3; 38:32). Noong Pebrero 9, 1831, di nagtagal matapos makarating si Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, 12 elder ng Simbahan ang nagpulong at magkakasamang nanalangin, tulad nang iniutos sa kanila ng Panginoon (tingnan sa D at T 41:2–3). Sa pagnanais ng mga lider na ito ng Simbahan na malaman ang ipagagawa ng Panginoon hinggil sa lumalagong Simbahan, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42:1–72. (Ang mga karagdagang detalye na nakatala sa talata 73 ay idinagdag kalaunan ng Propeta sa panahong inilathala ang Doktrina at mga Tipan.) Makalipas ang dalawang linggo, noong Pebrero 23, 1831, humingi ng karagdagang tagubilin sa Panginoon ang Propeta; ang karagdagang tagubilin na natanggap niya ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42:74–93. Ang mga ito ay pinagsama, at nakilala ang mga paghahayag na ito bilang “batas ng Simbahan” (tingnan sa D at T 42, section heading). Sa paghahayag na ito, ipinabatid ng Panginoon ang mga batas na pang-esprituwal at pang-temporal na nag-uutos sa mga miyembro ng Simbahan na tulungan ang mga maralita, tustusan ang iba’t ibang gawain ng Simbahan, at tulungan ang ibang mga Banal na magsisidating sa Ohio. Ang mga batas na ito ay nagbigay rin ng tagubilin sa katatatag na Simbahan at tumulong na maihanda sila sa pagtatatag ng Sion.

Enero 2, 1831Ipinangako sa mga Banal sa New York na tatanggapin nila ang batas ng Diyos (tingnan sa D at T 38).

Mga Unang Araw ng Pebrero 1831Dumating sina Joseph at Emma Smith sa Kirtland, Ohio.

Pebrero 4, 1831Si Edward Partridge ang naging unang bishop ng ipinanumbalik na Simbahan (tingnan sa D at T 41).

Pebrero 9 at 23, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 42.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 42:1–29

Tinawag ng Panginoon ang mga elder upang ipangaral ang ebanghelyo, itinuro sa kanila ang tungkol sa pagtuturo ng ebanghelyo, at inihayag ang mga batas at kautusan para sa mga Banal

Isulat sa pisara ang mga salitang Mga Batas at Mga Kautusan.

Maikling talakayin sa klase kung bakit positibo o negatibo ang turing ng mga young adult ngayon sa mga salitang ito.

  • Ano ang nagiging reaksyon ng maraming tao sa pagkakataon na makatanggap ng mga karagdagang batas at kautusan?

Ipaalala sa mga estudyante na noong Disyembre 1830, iniutos ng Panginoon na magtipon ang mga Banal sa Ohio (tingnan sa D at T 37:3) at noong Enero 1831, ipinangako Niya na tatanggapin nila ang Kanyang batas doon (tingnan sa D at T 38:32). Sumunod ang mga Banal at ninais na matanggap ang ipinangakong batas at mga kautusan ng Panginoon. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Doktrina at mga Tipan 42 ngayon, hikayatin sila na isipin kung paano naging isang pagpapala sa kanila ang mga batas at kautusan na ibinigay sa bahaging ito sa halip na isang restriksyon o pabigat.

Ipaliwanag na noong Pebrero 4, 1831, ilang araw matapos dumating si Joseph Smith sa Kirtland, inihayag ng Panginoon na dapat magtipon ang mga elder ng Simbahan sa Kirtland at manalangin nang may pananampalataya para matanggap ang Kanyang batas (tingnan sa D at T 41:2–3). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang section heading ng Doktrina at mga Tipan 42, at ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung kailan at bakit natanggap ang paghahayag na ito.

  • Kailan natanggap ang paghahayag na ito?

  • Ayon sa talata 3, bakit natanggap ang paghahayag na ito?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 42:4–10 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon sa mga elder ng Simbahan na ituro ang ebanghelyo at itatag ang Kanyang Simbahan. Sa talata 11, ipinaliwanag ng Panginoon na ang mga yaong nagtuturo at namumuno sa Simbahan ay dapat tinawag ng Diyos at naordenan o na-set apart ng mga awtorisadong lider ng Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:12–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga responsibilidad na ibinigay ng Panginoon sa mga yaong namumuno at nagtuturo sa Simbahan, kabilang na ang mga full-time missionary.

  • Ayon sa mga talatang ito, anong mga responsibilidad ang ibinigay ng Panginoon sa mga tinawag na mamuno at magturo sa Simbahan?

Ipaalala sa mga estudyante na noong dumating si Joseph Smith sa Kirtland noong Pebrero 1831, nalaman niya na ang mga Banal “ay nagsusumikap na gawin ang kalooban ng Diyos, hanggang sa abot ng kanilang nalalaman, bagama’t may ilang kakatwang paniniwala at mga mapanlinlang na espiritu ang lumaganap sa kalipunan nila” (Manuscript History of the Church, vol. A-1, p. 93, josephsmithpapers.org).

  • Sa inyong palagay, bakit kailangang maunawaan ng mga Banal sa Kirtland na dapat ituro ng mga titser at lider ang mga alituntunin ng ebanghelyo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at ayon sa patnubay ng Espiritu? Bakit mahalaga ito sa ating panahon?

  • Anong alituntunin ang itinuturo sa talata 14 tungkol sa dapat nating gawin upang mahusay na maituro sa iba ang ebanghelyo? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang alituntunin na tulad ng sumusunod: Kung mananalangin tayo nang may pananampalataya, matatanggap natin ang Espiritu na tutulong sa atin na magturo sa iba.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang mapasaatin ang impluwensya ng Espiritu kapag nagtuturo tayo?

Ipaliwanag na matapos ilahad ng Panginoon ang mga alituntunin ng pagtuturo ng ebanghelyo, naghayag Siya ng mga batas at kautusan para sa lahat ng mga miyembro ng Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang mabilis ang Doktrina at mga Tipan 42:18–27 at alamin ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga Banal. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na hanapin at markahan ang salitang “kayo” kapag nakita ito sa mga talatang ito.

  • Ano ang sinabi ng Diyos na magiging bunga ng pagsuway sa mga kautusang ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:28–29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga dahilan na ibinigay ng Panginoon sa mga Banal para sa pagsunod sa mga kautusang ito.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kung susuwayin ng mga Banal ang Kanyang mga kautusan at hindi magsisisi?

  • Ayon sa talata 29, ano ang sinabi ng Panginoon na dapat dahilan natin sa pagsunod sa mga kautusan? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na doktrina sa pisara: Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Panginoon sa pamamagitan ng paglilingkod sa Kanya at pagsunod sa Kanyang mga kautusan.)

  • Paano naipapakita ng pagsunod natin sa mga batas at mga kautusan ng Diyos na mahal natin Siya?

  • Paano kayo mas nailalapit sa Panginoon ng inyong pagsunod sa mga kautusan?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung gaano nila lubos na nasusunod ang mga kautusan sa kasalukuyan. Hikayatin sila na pumili ng isang kautusan at mangako na ipapakita nila ang kanilang pagmamahal sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsisikap na lalo pang masunod ang kautusang iyan.

Doktrina at mga Tipan 42:30–55

Inihayag ng Panginoon ang mga alituntunin ng batas ng paglalaan at tinagubilinan ang mga Banal tungkol sa kamatayan at pagpapagaling

Ipaliwanag na noong dumating si Propetang Joseph Smith sa Kirtland ilang araw bago matanggap ang paghahayag na nasa Doktrina at mga Tipan 42:1–72, nalaman niya na marami sa mga Banal doon ang nagtangkang sundin ang sinaunang kaugalian ng mga Kristiyano na “lahat nilang pagaari ay sa kalahatan” (Mga Gawa 4:32) upang walang maging “maralita sa kanila” (Moises 7:18). Ang mga Banal na ito, na nakatira sa sakahan ni Isaac Morley, ay bumuo ng isang grupo na tinawag nilang “the Family [ang Pamilya].” Itinuro nila, higit sa lahat, na lahat ng personal na pag-aari ng isang tao ay pag-aari ng lahat sa grupo. Bagama’t mabuti ang intensyon ng mga miyembro nito, ilan sa mga ginagawa nila ay salungat sa mga alituntunin ng kalayaan, pagiging may pananagutan, at pribadong pag-aari ng isang tao kung saan nakabatay ang batas ng paglalaan ng Panginoon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga tagubilin ng Panginoon hinggil sa mga maralita.

  • Batay sa iniutos ng Panginoon sa mga Banal, ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ng bawat isa sa atin? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara: Iniutos ng Panginoon na pangalagaan natin ang mga maralita at nangangailangan.)

  • Ayon sa talatang ito, paano pangangalagaan ng mga Banal ang mga maralita at nangangailangan?

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 42 ay naglalaman ng mga alituntunin ng isang batas na tinatawag na batas ng paglalaan. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng paglalaan, ipakita ang sumusunod na paliwanag mula sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan at ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipabasa ang mga ito nang malakas sa isang estudyante.

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

“[Ang ibig sabihin ng paglalaan ay] pagtatalaga; gawing banal, o maging mabuti. Ang batas ng paglalaan ay isang banal na alituntunin kung saan kusang iniaalay ng mga kalalakihan at kababaihan ang kanilang panahon, talento, at yaman sa pagtatatag at pagtataguyod sa kaharian ng Diyos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Paglalaan, Batas ng Paglalaan,” scriptures.lds.org).

“Ang paglalaan ay pagtatalaga sa isang bagay bilang sagrado, na inilaan para sa mga banal na layunin” (D. Todd Christofferson, “Larawan ng Isang Buhay na Inilaan,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 16).

  • Gamit ang dalawang paliwanag na ito, paano ninyo ipaliliwanag ang ibig sabihin ng paglalaan sa sarili ninyong salita?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano nais ng Panginoon na simulang gawin ng mga Banal ang batas ng paglalaan, isulat ang mga sumusunod na salita sa pisara: tagapangasiwa, ari-arian, ilaan, bishop, at kamalig o storehouse. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:30–34. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at hanapin ang mga salitang ito at kung paano nauugnay ang mga ito sa pamumuhay ayon sa batas ng paglalaan. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag kung paano iniutos ng Panginoon sa mga Banal na simulang ipamuhay ang batas ng paglalaan sa mga unang araw ng Simbahan.

Kung kinakailangan, ipaliwanag na noong unang ipatupad ang batas ng paglalaan, inilaan ng mga Banal ang kanilang mga lupain at ari-arian sa Panginoon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga ito sa bishop. Ibinibigay naman ng bishop ang mga lupain at ari-ariang ito sa mga miyembro ng Simbahan, ayon sa kanilang kalagayan at mga pangangailangan. Ang mga miyembro ng Simbahan ay nagsisilbing mga tagapangasiwa para sa Panginoon sa pangangalaga ng ari-arian at pagtutustos sa kanilang sarili at kanilang pamilya. Iniutos ng Panginoon na anumang matira na mula sa pangangasiwaan ng isang miyembro ay dapat ibigay sa bishop at itago sa storehouse “para sa pagtulong sa mga maralita at nangangailangan” (D at T 42:34).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 42:35–36 at alamin kung saan gagamitin ang mga natira bukod pa sa pagtulong sa maralita at nangangailangan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 42:37–42, itinuro din ng Panginoon sa mga Banal na hindi sila dapat maging palalo, dapat ay payak o simple lamang ang kanilang mga kasuotan, upang “lahat ng bagay ay [magawa] sa kalinisan” (talata 41), at “huwag” silang “maging tamad” (talata 42).

Sabihin sa mga estudyante na ang alituntunin ng paglalaan ay magkakapareho para sa lahat ng mga pinagtipanang anak ng Diyos sa lahat ng dispensasyon, bagama’t maaaring magkakaiba ang ipagagawang paraan ng Diyos sa Kanyang mga tao sa pagpapatupad ng batas ng paglalaan sa magkakaibang panahon. Bagama’t hindi iniuutos ng Panginoon sa atin na ilaan ang lahat ng ating ari-arian ngayon, iniuutos Niya sa atin na ipamuhay ang alituntunin ng paglalaan.

  • Sa paanong paraan natin maipamumuhay ngayon ang alituntunin ng paglalaan?

Upang matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Pangulong Spencer W. Kimball

“Ang paglalaan ay pagbibigay ng isang tao ng kanyang oras, mga talento, at tulong upang pangalagaan ang mga nangangailangan—sa espirituwal o temporal man—at sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon” (“Welfare Services: The Gospel in Action,” Ensign, Nob. 1977, 78).

  • Paano ninyo nakita ang iba na ipinamumuhay ang alituntunin ng paglalaan sa ating panahon?

  • Paano napagpala ng kanilang paglalaan ang mga taong espirituwal o temporal na nangangailangan?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 42:43–52 na ipinapaliwanag na ang mga talatang ito ay naglalaman ng payo ng Panginoon hinggil sa kamatayan at pagpapagaling.

Doktrina at mga Tipan 42:56–93

Nagbigay ang Panginoon ng mga karagdagang batas sa mga Banal at itinuro sa kanila kung paano ipatutupad ang Kanyang batas

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 42:56–69 nangako ang Panginoon na maghahayag ng karagdagang banal na kasulatan at kaalaman sa mga taong humihingi nito.

Sabihin sa dalawang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 42:59–61, 66–68. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa paghahayag at mga banal na kasulatan.

  • Ayon sa mga talata 59–60, 66, ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga Banal sa mga banal na kasulatan na natanggap na nila?

  • Anong mga alituntunin hinggil sa paghahayag ang itinuro ng Panginoon sa mga talata 61 at 68? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay magtatanong, ang Panginoon ay magbibigay ng karagdagang paghahayag at kaalaman na magdudulot sa atin ng kapayapaan, kagalakan, at buhay na walang hanggan. Kung hihingi tayo ng karunungan, ibibigay ito ng Panginoon sa atin. Isulat sa pisara ang mga alituntuning ito.)

  • Sa inyong palagay, bakit iniutos ng Panginoon na hingin natin ang Kanyang patnubay?

  • Ano ang mga naranasan ninyo kaya nalaman ninyo na totoo ang mga alituntuning ito? (Anyayahan ang ilang estudyante na gustong magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase).

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 42:70–93 na ipinapaliwanag na nagbigay ng tagubilin ang Panginoon hinggil sa suportang temporal ng mga lider ng Simbahan at itinuro rin sa mga lider ng Simbahan kung ano ang gagawin sa mga miyembrong nakagawa ng mabibigat na kasalanan at itinuro sa mga Banal kong paano haharapin ang mga nagawang pagkakamali.

Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa doktrina at mga alituntunin na itinuro sa bahaging ito.