Institute
Lesson 42: Doktrina at mga Tipan 106–8


“Lesson 42: Doktrina at mga Tipan 106–8,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser (2017)

“Lesson 42,” Manwal ng Doktrina at mga Tipan para sa Titser

Lesson 42

Doktrina at mga Tipan 106–8

Pambungad at Timeline

Noong Nobyembre 25, 1834, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 106. Sa paghahayag na ito, tinawag ng Panginoon si Warren A. Cowdery, ang nakatatandang kapatid ni Oliver Cowdery at bagong binyag sa Simbahan, na mamuno sa lumalaking bilang ng mga Banal sa Freedom, New York, at sa karatig na lugar. Nangako rin ang Panginoon kay Warren ng mga dakilang pagpapala dahil sa kanyang tapat na paglilingkod.

Natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 107 habang naghahanda para magmisyon sa silangang Estados Unidos ang mga bagong tawag na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang paghahayag ay naitala noong 1835, ngunit ang ilang bahagi nito ay natanggap noong 1831. Ang paghahayag na ito ay naglalaman ng mga tagubilin ng Panginoon tungkol sa priesthood at sa pamamahala ng Simbahan.

Noong Disyembre 26, 1835, sinunod ni Lyman Sherman ang nadamang espirituwal na impresyon na humingi ng patnubay kay Propetang Joseph Smith tungkol sa kanyang tungkulin. Bilang tugon, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 108, kung saan pinatawad ng Panginoon si Lyman, nangako sa kanya ng mga pagpapala ayon sa kanyang katapatan, at pinayuhan siya.

Hunyo 3–6, 1831Ang mga unang indibiduwal ay inordenan sa Mataas na Pagkasaserdote o High Priesthood sa isang kumperensya ng Simbahan na ginanap sa Kirtland, Ohio.

Nobyembre 11, 1831Natanggap ang isang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 107.

Mayo–Hulyo 1834Pinamunuan ni Propetang Joseph Smith ang Kampo ng Sion sa Missouri upang tulungan ang mga inusig na Banal.

Nobyembre 25, 1834Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 106.

Pebrero 14, 1835Tinawag ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Pebrero 28, 1835Si Lyman Sherman ay tinawag na maging Pangulo ng Pitumpu.

Pebrero 28–Marso 1, 1835Mahigit limampung tao ang tinawag na maglingkod bilang Pitumpu.

Marso–mga unang araw ng Mayo 1835Naitala ang iba pang mga bahagi ng Doktrina at mga Tipan 107.

Disyembre 26, 1835Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 108.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 106:1–8

Tinawag ng Panginoon si Warren A. Cowdery bilang isang namumunong opisyal sa Simbahan at pinangakuan siya ng mga pagpapala para sa kanyang paglilingkod

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataon na nakatanggap sila ng tungkulin o gawain na sa palagay nila ay hindi sila karapat-dapat.

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Doktrina at mga Tipan 106, sabihin sa kanila na hanapin ang doktrina at mga alituntunin na tutulong sa kanila na maunawaan kung paano sila makatatanggap ng katiyakan na tutulungan sila ng Panginoon na magampanan ang kanilang mga tungkulin at gawain sa Simbahan.

Ipaliwanag na si Warren Cowdery ay nakatatandang kapatid ni Oliver Cowdery. Kahit tila narinig na ni Warren ang tungkol sa Aklat ni Mormon noong 1830, hindi siya sumapi sa Simbahan nang panahong iyon. Noong Marso, 1834, bumisita sina Propetang Joseph Smith at Parley P. Pratt sa Freedom, New York, at tumuloy sa bahay ni Warren Cowdery. Habang naroon sila, nangaral sina Joseph at Parley sa mga mamamayan ng Freedom, at kalaunan nasa pagitan ng 30 at 40 katao ang sumapi sa Simbahan. Sa pagitan ng Mayo at Setyembre ng 1834, nabinyagan si Warren Cowdery (tingnan sa The Joseph Smith Papers, Documents, Volume 4: April 1834–September 1835, inedit ni Matthew C. Godfrey at iba pa [2016], 180). Noong taglagas ng 1834, sumulat si Warren sa kanyang kapatid na si Oliver at hiniling na magpapunta muli ng lider ng Simbahan sa Freedom, New York, upang palakasin ang mga miyembro ng Simbahan doon. Dalawang buwan kalaunan, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 106. (Tingnan sa Lisa Olsen Tait, “Warren Cowdery,” sa Revelations in Context, inedit nina Mateo McBride at James Goldberg [2016], 219–20, o sa history.lds.org.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 106:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang ipinagawa ng Panginoon kay Warren Cowdery.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Warren Cowdery?

  • Sa anong paraan maaaring tila napakahirap ng tungkulin ni Warren?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 106:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung bakit nalugod ang Panginoon kay Warren Cowdery.

  • Bakit nalugod ang Panginoon kay Warren Cowdery?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 106:7–8. Sabihin sa kalahati ng klase na alamin ang ipinangako ng Panginoon kay Warren. Sabihin sa natitirang kalahati ng klase na alamin kung ano ang kailangang gawin ni Warren upang matanggap ang mga pagpapalang iyon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Anong alituntunin ang matutukoy natin sa mga talata 7–8 tungkol sa gagawin ng Panginoon para sa atin kung tayo ay mapagpakumbabang susunod sa Kanyang kalooban? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay mapagpakumbabang susunod sa kalooban ng Panginoon, Siya ay maaawa sa atin, iaangat tayo, at bibigyan ng biyaya at katiyakan.)

  • Ano kaya ang ibig sabihin ng tumanggap ng “biyaya at katiyakan” mula sa Panginoon (talata 8)?

  • Paano makatutulong sa atin ang pagtanggap sa biyaya at katiyakan ng Panginoon kapag tumanggap tayo ng tungkulin o gawain na sa palagay natin ay hindi tayo karapat-dapat?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na naranasan nila ang awa, biyaya, at pagtiyak ng Panginoon habang mapagpakumbaba nilang sinisikap na paglingkuran Siya. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga karanasan. Maaari mo ring ibahagi ang isa sa iyong sariling mga karanasan.

Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng isang mithiin tungkol sa gagawin nila upang maging mapagpakumbaba sa harapan ng Panginoon nang sa gayon ay matanggap nila nang lubos ang Kanyang awa, biyaya, at katiyakan.

Doktrina at mga Tipan 107:1–20

Itinuro ng Panginoon ang tungkol sa Melchizedek at Aaronic Priesthood

Ipaalala sa mga estudyante na ipinanumbalik ng Panginoon ang mga katotohanan ng ebanghelyo nang taludtod sa taludtod sa halip na sabay-sabay at minsanan lang. Ganito rin ang ginawa ng Panginoon nang ihayag Niya ang orden ng priesthood at ang pamamahala sa Simbahan.

Ipaliwanag na noong Pebrero 1835, halos limang taon matapos maorganisa ang Simbahan, ang Korum ng Labindalawang Apostol ay inorganisa. Isa sa mga unang tungkulin ng mga bagong tawag na Apostol ay ang magdaos ng mga pagpupulong o kumperensya ng Simbahan sa silangang Estados Unidos. Bago lisanin ng mga Apostol ang Kirtland para sa misyong ito noong Mayo 1835, binigyan sila ng Propeta ng impormasyon na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 107, na kinapapalooban ng tagubilin tungkol sa priesthood at sa pamamahala ng Simbahan.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 107:1–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa priesthood.

  • Ayon sa talata 2, bakit tinawag ang unang priesthood na Pagkasaserdoteng Melquisedec o Melchizedek Priesthood?

  • Ano ang tawag sa Melchizedek Priesthood bago ang panahon ni Melquisedec?

  • Ayon sa talata 5, ano ang iba pang “mga may kapangyarihan o tungkulin sa simbahan” na nakaakibat sa priesthood? (Ipaliwanag na ang nakaakibat ay isang bagay na nakakabit o bahagi ng isang mas malaking kabuuan.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 107:7–12, 18–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa Melchizedek Priesthood.

  • Ano ang itinuro ng mga talata 8–10 tungkol sa awtoridad ng Melchizedek Priesthood? (Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Ang Melchizedek Priesthood ang may hawak ng karapatan ng panguluhan at may kapangyarihan at karapatan sa lahat ng katungkulan sa Simbahan na mangasiwa sa mga espirituwal na bagay.)

Ipaliwanag na kabilang sa “[pangangasiwa] sa mga espirituwal na bagay” (talata 8) ang pagbibigay ng mga basbas, pangangasiwa sa mga ordenansa, at mga tipan.

  • Anong doktrina ang natutuhan natin mula sa talata 18 tungkol sa awtoridad ng Melchizedek Priesthood? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang Melchizedek Priesthood ang mayhawak ng mga susi ng lahat ng pagpapalang espirituwal ng Simbahan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang doktrinang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–1844):

“[Ang Melchizedek Priesthood ay] siyang daluyan kung saan ang lahat ng kaalaman, doktrina, plano ng kaligtasan, at bawat mahalagang bagay ay inihahayag mula sa langit” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 126).

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 107:19, anong mga espirituwal na pagpapala ang matatanggap ng mga miyembro ng Simbahan dahil sa Melchizedek Priesthood?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:13–17, 20. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa Aaronic Priesthood. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Doktrina at mga Tipan 107:21–38

Inilahad ng Panginoon ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga namumunong korum ng Simbahan

Ipaliwanag na bilang bahagi ng panunumbalik ng priesthood at pamamahala sa Simbahan, inilahad ng Panginoon kung aling mga korum ang gumagawa ng mga pagpapasiya para sa buong Simbahan at kung paano nila dapat gawin ang mga pagpapasiyang iyon.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 107:21–26, 33–35. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa mga korum na tinawag na mamuno sa buong Simbahan.

  • Ano ang itinuro ng Panginoon tungkol sa mga korum na tinawag na mamuno sa buong Simbahan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:27–31. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin kung paano dapat gumawa ng pagpapasiya ang mga korum na ito.

  • Ayon sa talata 27, paano dapat magpasiya ang mga namumunong korum ng Simbahan?

  • Ayon sa talata 31, ano ang ipinangako ng Panginoon na magaganap kapag ang mga korum na ito ay gumawa ng mga pagpapasiya nang may pagkakaisa at “ng buong kabutihan” (talata 30)? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Dahil ang mga namumunong korum ng Simbahan ay nagpapasiya nang may pagkakaisa at kabutihan, sila ay makatatanggap ng kaalaman ng Panginoon.)

  • Paano naiimpluwensyahan ang kahandaan ninyong sundin ang mga namumunong korum ng Simbahan kapag alam ninyo na nakatatanggap sila ng kaalaman ng Panginoon?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 107:39–57 na ipinaliliwanag na inihayag ng Panginoon na ang patriarchal order ng priesthood ay pinasimulan noong panahon ni Adan (tingnan sa talata 41) at “ip[in]asa-pasa mula sa ama patungo sa anak na lalaki” (talata 40). Tatlong taon bago namatay si Adan, pinulong niya ang mga maytaglay ng priesthood gayundin ang lahat ng kanyang mabuting angkan sa Adan-ondi-Ahman (tingnan sa talata 53). Binasbasan ni Adan ang kanyang matatapat na anak, at nagpakita sa kanila ang Panginoon (tingnan sa mga talata 53–54).

Ipaliwanag na nalaman natin mula sa Doktrina at mga Tipan 107:58–98 na iniutos ng Panginoon sa Labindalawang Apostol na “ordenan at isaayos ang lahat ng iba pang mga pinuno ng simbahan” (talata 58), at inilahad ang mga tungkulin ng mga bishop at quorum president (tingnan sa mga talata 60–98).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:99–100. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mensahe na gusto ng Panginoon na malaman ng mga lider ng Simbahan.

  • Batay sa iniutos ng Panginoon sa mga lider ng Simbahan, ano ang dapat nating gawin upang maging “karapat-dapat na magtagal” sa harapan ng Panginoon (talata 100)? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Upang makatayong karapat-dapat sa harapan ng Panginoon, dapat nating matutuhan ang ating tungkulin at kumilos nang buong sigasig upang magawa ito.)

  • Ano ang ilang paraan na maaari nating hangarin na malaman ang ating tungkulin at masigasig na gampanan ito?

  • Kailan kayo napagpala dahil masigasig na ginampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin?

Magpatotoo na kapag inalam natin ang ating tungkulin at masigasig na ginampanan ito, magiging karapat-dapat tayo na tumayo sa harapan ng Panginoon.

Doktrina at mga Tipan 108:1–8

Si Lyman Sherman ay pinatawad, pinagpala, at pinangakuan ng mga pagpapala ng Panginoon

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 108, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:

Noong Disyembre 26, 1835, isang lalaki na nagngangalang Lyman Sherman, na kaibigan ni Propetang Joseph Smith, ang nagpunta sa bahay ng Propeta. Sinabi sa kanya ni Lyman, “Nahikayat ako na ipaalam sa iyo ang aking nadarama at hangarin at pinangakuan ako na magkakaroon ako ng paghahayag na magpapabatid ng aking tungkulin” (“Journal, 1835–1836,” 89, josephsmithpapers.org). Bilang tugon, nagtanong ang Propeta sa Panginoon at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 108.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 108:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga pagpapalang natanggap ni Lyman Sherman dahil sinunod niya ang pahiwatig na kausapin ang Propeta.

  • Anong mga pagpapala ang tinanggap ni Lyman dahil sinunod niya ang pahiwatig na kausapin ang Propeta?

  • Ano ang ipinayo ng Panginoon kay Lyman?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 108:4–6 na ipinaliliwanag na sinabi ng Panginoon kay Lyman Sherman na “matiyagang maghintay hanggang sa ang kapita-pitagang kapulungan ay [matawag],” at kung kailan siya ioorden at aatasang ipangaral ang ebanghelyo (talata 4).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 108:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga karagdagang tagubilin na ibinigay ng Panginoon kay Lyman.

  • Sa paanong mga paraan nais ng Panginoon na “patatagin [ni Lyman] ang [kanyang] mga kapatid” (talata 7)? (Ipaliwanag na sa talatang ito, ang salitang pakikipag-usap ay tungkol sa kagandahang-asal o pag-uugali ng isang tao at ang ibig sabihin ng salitang panghihikayat ay mga turo.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa talata 7 tungkol sa inaasahan sa atin ng Panginoon? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Inaasahan ng Panginoon na palalakasin natin ang iba sa lahat ng ating pag-uugali, panalangin, itinuturo, at ginagawa.)

Ipaliwanag na kasama sa ating pag-uugali at pagkilos ang paraan ng pakikipag-ugnayan o pakikipag-usap natin sa iba, kabilang na ang ating mga komunikasyon na nakasulat at ipinahahatid sa pamamagitan ng internet.

  • Paano ninyo mapalalakas ang mga nakapaligid sa inyo sa lahat ng inyong pag-uugali, sinasabi, at ginagawa?

  • Kailan kayo napalakas ng pag-uugali, sinasabi, o ginagawa ng ibang tao? (Maaari mo ring ibahagi ang isa sa iyong sariling mga karanasan.)

Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng isang mithiin tungkol sa kung paano nila palalakasin ang iba sa lahat ng kanilang pag-uugali, sinasabi, at ginagawa.